Mapagpakumbabang Nagpapasakop sa Maibiging mga Pastol
Mapagpakumbabang Nagpapasakop sa Maibiging mga Pastol
“Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.”—HEBREO 13:17.
1, 2. Anong mga teksto ang nagpapakitang si Jehova at si Jesus ay maibiging mga Pastol?
ANG Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ay maibiging mga Pastol. Inihula ni Isaias: “Narito! Ang Soberanong Panginoong Jehova ay darating na gaya nga ng isa na malakas, at ang kaniyang bisig ay mamamahala sa ganang kaniya. . . . Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Yaong mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.”—Isaias 40:10, 11.
2 Nagkaroon ng unang katuparan ang hulang ito hinggil sa pagsasauli nang magbalik sa Juda ang mga Judiong nalabi noong 537 B.C.E. (2 Cronica 36:22, 23) Muli itong natupad noong 1919 nang palayain ng Lalong Dakilang Ciro, si Jesu-Kristo, ang mga pinahirang nalabi mula sa “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2; Isaias 44:28) Siya ang “bisig” na ginagamit ni Jehova sa pamamahala, pagtitipon, pagpapastol, at magiliw na pangangalaga sa mga tupa. Sinabi mismo ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang aking mga tupa at kilala ako ng aking mga tupa.”—Juan 10:14.
3. Paano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang maibiging pagkabahala sa paraan ng pakikitungo sa kaniyang mga tupa?
3 Idiniriin ng hula sa Isaias 40:10, 11 ang magiliw na pagpapastol ni Jehova sa kaniyang bayan. (Awit 23:1-6) Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nagpakita rin siya ng maibiging pagkabahala sa kaniyang mga alagad at sa mga tao sa pangkalahatan. (Mateo 11:28-30; Marcos 6:34) Kinapootan ni Jehova at ni Jesus ang kawalang-habag ng mga pastol, o mga lider, ng Israel, na tahasang nagpabaya at nagsamantala sa kanilang kawan. (Ezekiel 34:2-10; Mateo 23:3, 4, 15) Nangako si Jehova: “Ililigtas ko ang aking mga tupa, at hindi na sila magiging bagay na masasamsam; at hahatol ako sa pagitan ng tupa at tupa. At magbabangon ako sa kanila ng isang pastol, at pakakainin niya sila, ang aking lingkod nga na si David. Siya mismo ang magpapakain sa kanila, at siya mismo ang magiging kanilang pastol.” (Ezekiel 34:22, 23) Sa panahong ito ng kawakasan, si Jesu-Kristo na Lalong Dakilang David ang “isang pastol” na inatasan ni Jehova na manguna sa Kaniyang mga lingkod sa lupa, kapuwa sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano at sa “ibang mga tupa.”—Juan 10:16.
Mga Kaloob ni Jehova sa Kongregasyon
4, 5. (a) Anong mahalagang kaloob ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan sa lupa? (b) Anong kaloob ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang kongregasyon?
4 Nagbigay si Jehova ng mahalagang kaloob sa kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng pagbabangon ng “isang pastol”—si Jesu-Kristo—na mangunguna sa Kaniyang mga lingkod dito sa lupa. Ang kaloob na ito na isang makalangit na Lider ay inihula sa Isaias 55:4: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” Ang mga pinahirang Kristiyano at ang mga kabilang sa “malaking pulutong” ay pawang tinitipon mula sa lahat ng liping pambansa, tribo, bayan, at wika. (Apocalipsis 5:9, 10; 7:9) Sila ang bumubuo sa internasyonal na kongregasyon, “isang kawan,” na pinamumunuan ng “isang pastol,” si Kristo Jesus.
5 Nagbigay rin si Jesus ng mahalagang kaloob sa kaniyang kongregasyon sa lupa. Naglaan siya ng tapat na mga katulong na pastol, na gaya ni Jehova at ni Jesus ay magiliw ring nagpapastol at nangangalaga sa kawan. Tinukoy ni apostol Pablo ang maibiging kaloob na ito sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso. Isinulat niya: “‘Nang umakyat siya sa kaitaasan ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.’ . . . Ibinigay niya ang ilan bilang mga apostol, ang ilan bilang mga propeta, ang ilan bilang mga ebanghelisador, ang ilan bilang mga pastol at mga guro, upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.”—Efeso 4:8, 11, 12.
6. Sa Apocalipsis 1:16, 20, paano inilarawan ang pinahirang mga tagapangasiwa na kabilang sa mga lupon ng matatanda, at ano naman ang masasabi hinggil sa inatasang mga elder na nagmula sa ibang mga tupa?
6 Ang “kaloob na mga tao” na ito ay mga tagapangasiwa, o mga elder, na inatasan ni Jehova at ng kaniyang Anak sa pamamagitan ng banal na espiritu, upang magiliw na magpastol sa mga tupa. (Gawa 20:28, 29) Sa pasimula, pawang pinahirang mga lalaking Kristiyano ang mga tagapangasiwang ito. Sa Apocalipsis 1:16, 20, ang mga kabilang sa mga lupon ng matatanda na miyembro ng pinahirang kongregasyon ay inilalarawan bilang mga “bituin” o mga “anghel” sa kanang kamay ni Kristo, samakatuwid nga, nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Gayunman, sa panahong ito ng kawakasan, yamang umuunti na ang pinahirang mga tagapangasiwa na naririto pa sa lupa, ang karamihan sa Kristiyanong mga elder sa mga kongregasyon ay nagmula sa ibang mga tupa. Yamang ang mga ito ay inatasan ng mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, masasabi ring nasa kanang kamay sila (o, nasa ilalim ng pangangasiwa) ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Isaias 61:5, 6) Yamang ang mga elder sa ating kongregasyon ay nagpapasakop kay Kristo, ang Ulo ng kongregasyon, nararapat lamang na lubusan tayong makipagtulungan sa kanila.—Colosas 1:18.
Pagsunod at Pagpapasakop
7. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo hinggil sa dapat nating maging saloobin sa mga tagapangasiwang Kristiyano?
7 Umaasa ang ating makalangit na mga Pastol, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, na susunod tayo at magpapasakop sa katulong na mga pastol na binigyan nila ng mga responsibilidad sa kongregasyon. (1 Pedro 5:5) Kinasihan si apostol Pablo na isulat: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”—Hebreo 13:7, 17.
8. Ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating ‘dili-dilihin,’ at ano ang dapat nating maging saloobin kung “masunurin” tayo?
8 Pansinin na pinasisigla tayo ni Pablo na ‘dili-dilihin,’ o pag-isipang mabuti, ang kinalalabasan ng tapat na paggawi ng mga elder at tularan ang kanilang pananampalataya. Pinapayuhan din niya tayo na maging masunurin at mapagpasakop sa pangunguna ng mga lalaking ito na inatasan. Ipinaliliwanag ng iskolar ng Bibliya na si R. T. France na sa orihinal na Griego, ang salita rito na isinaling “maging masunurin” ay hindi “ang karaniwang termino na ginagamit para sa pagkamasunurin, kundi literal na nangangahulugang ‘makumbinsi,’ na nagpapahiwatig ng kusang-loob na pagtanggap sa kanilang pangunguna.” Sinusunod natin ang mga elder hindi lamang dahil iniuutos ito ng Salita ng Diyos kundi dahil kumbinsido tayo na kapakanan natin at ng Kaharian ang iniisip nila. Tiyak na magiging maligaya tayo kung kusang-loob nating tatanggapin ang kanilang pangunguna.
9. Bakit mahalaga na “maging mapagpasakop” tayo bukod sa pagiging masunurin?
9 Subalit paano kung sa isang partikular na kalagayan ay hindi tayo kumbinsido na ang tagubilin ng mga elder ang siyang pinakamahusay na paraan para gawin ang isang bagay? Diyan ngayon papasok ang pagpapasakop. Madaling sumunod kung maliwanag at sinasang-ayunan natin ang mga bagay-bagay, pero maipakikita natin na talagang mapagpasakop tayo kung sumusunod tayo kahit hindi natin alam ang dahilan ng ibinigay na tagubilin. Nagpakita ng ganitong pagpapasakop si Pedro, na naging apostol nang maglaon.—Lucas 5:4, 5.
Apat na Dahilan Para Kusang-Loob na Magpasakop
10, 11. Sa anong paraan ‘sinasalita ng mga tagapangasiwa ang salita ng Diyos’ sa kanilang mga kapuwa Kristiyano noong unang siglo at sa ngayon?
10 Sa Hebreo 13:7, 17 na sinipi sa itaas, nagbigay si apostol Pablo ng apat na dahilan kung bakit kailangan tayong maging masunurin at mapagpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano. Una, ‘sinasalita nila ang salita ng Diyos’ sa atin. Tandaan na ibinigay ni Jesus sa kongregasyon ang mga “kaloob na mga tao” para “maibalik sa ayos ang mga banal.” (Efeso 4:11, 12) Ibinalik niya sa ayos ang pag-iisip at paggawi ng unang-siglong mga Kristiyano sa pamamagitan ng tapat na mga katulong na pastol, na ilan sa mga ito ay kinasihan upang lumiham sa mga kongregasyon. Ginamit niya ang gayong mga tagapangasiwa na inatasan ng espiritu upang patnubayan at patibayin ang unang mga Kristiyano.—1 Corinto 16:15-18; 2 Timoteo 2:2; Tito 1:5.
11 Sa ngayon, pinapatnubayan tayo ni Jesus sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” na kinakatawanan ng Lupong Tagapamahala nito at ng inatasang mga elder. (Mateo 24:45) Bilang paggalang sa “punong pastol,” si Jesu-Kristo, sinusunod natin ang payo ni Pablo: “Isaalang-alang yaong mga nagpapagal sa gitna ninyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalaala sa inyo.”—1 Pedro 5:4; 1 Tesalonica 5:12; 1 Timoteo 5:17.
12. Paano ‘patuloy na nagbabantay sa ating mga kaluluwa’ ang mga tagapangasiwa?
12 Ang ikalawang dahilan kung bakit kailangan tayong magpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano ay sapagkat “patuloy silang nagbabantay sa [ating] mga kaluluwa.” Kapag nakita nilang nanganganib ang ating espirituwalidad Galacia 6:1) Ang salitang Griego na isinaling ‘patuloy na nagbabantay’ ay literal na nangangahulugang ‘hindi natutulog.’ Ayon sa isang iskolar ng Bibliya, ito ay “nagpapahiwatig ng pagiging laging alisto gaya ng isang pastol.” Bukod sa pagiging laging alisto sa espirituwal, baka hindi pa nga makatulog ang mga elder dahil sa pag-aalala sa ating espirituwal na kapakanan. Hindi ba’t dapat tayong kusang-loob na makipagtulungan sa gayong maibiging katulong na mga pastol, na gumagawa ng kanilang buong makakaya upang tularan ang magiliw na pangangalaga ni Jesu-Kristo, “ang dakilang pastol ng mga tupa”?—Hebreo 13:20.
dahil sa ating saloobin o paggawi, kaagad silang nagbibigay ng kinakailangang payo upang maibalik tayo sa ayos. (13. Kanino at paano magsusulit ang mga tagapangasiwa at ang lahat ng mga Kristiyano?
13 Ang ikatlong dahilan kung bakit kailangang kusang-loob tayong makipagtulungan sa mga tagapangasiwa ay sapagkat nagbabantay sila sa atin “na gaya niyaong mga magsusulit.” Tinatandaan ng mga tagapangasiwa na sila’y mga katulong na pastol na naglilingkod sa makalangit na mga Pastol, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. (Ezekiel 34:22-24) Si Jehova ang May-ari ng mga tupa, na “binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak,” at sa Kaniya magsusulit ang inatasang mga tagapangasiwa sa paraan ng kanilang pakikitungo sa Kaniyang kawan, na dapat ay sa “magiliw” na paraan. (Gawa 20:28, 29) Kaya lahat tayo ay magsusulit kay Jehova anuman ang ating pagtugon sa kaniyang tagubilin. (Roma 14:10-12) Ang pagsunod natin sa inatasang mga elder ay patunay din na nagpapasakop tayo kay Kristo, ang Ulo ng kongregasyon.—Colosas 2:19.
14. Ano ang posibleng maging dahilan ng “pagbubuntunghininga” ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa kanilang paglilingkod, at ano ang magiging resulta nito?
14 Ibinigay ni Pablo ang ikaapat na dahilan kung bakit dapat tayong mapagpakumbabang magpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano. Isinulat niya: “Upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Mabigat ang pasan ng Kristiyanong mga elder. Nariyan ang seryosong pananagutan na magturo, magpastol, manguna sa pangangaral, mangalaga sa kanilang pamilya, at mag-asikaso ng mga problema sa kongregasyon. (2 Corinto 11:28, 29) Kaya kung hindi tayo makikipagtulungan sa kanila, lalo lamang natin silang mapabibigatan, at ‘magbubuntunghininga’ sila. Hindi malulugod si Jehova kung hindi tayo makikipagtulungan at makapipinsala ito sa atin. Pero kung tayo’y magpapakita ng nararapat na paggalang at makikipagtulungan, magagampanan ng mga elder ang kanilang mga tungkulin nang may kagalakan, at lalong magkakaisa at magagalak ang kongregasyon sa pangangaral hinggil sa Kaharian.—Roma 15:5, 6.
Pagpapasakop
15. Paano natin maipakikita ang ating pagkamasunurin at pagpapasakop?
15 Maraming praktikal na paraan para maipakita natin na nakikipagtulungan tayo sa inatasang mga tagapangasiwa. Dahil sa nagbabagong mga kalagayan sa teritoryo, nagsaayos ba ang mga elder ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan sa mga araw at oras na makaaapekto sa iyong iskedyul? Sikapin nating suportahan ang bagong mga kaayusan. Posibleng makatanggap tayo ng di-inaasahang mga pagpapala. Dadalaw ba ang tagapangasiwa sa paglilingkod sa ating Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Hangga’t maaari, lubusan tayong makibahagi sa pangangaral sa linggong iyon. Nabigyan ba tayo ng atas sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? Sikapin nating dumalo at gampanan ang ating atas. Ipinatalastas ba ng tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na ang ating grupo ang nakaiskedyul na maglinis ng Kingdom Hall? Lubusan natin siyang suportahan, kung kaya naman natin at wala tayong sakit. Sa lahat ng ito at sa maraming iba pang paraan, ipinakikita natin ang ating pagpapasakop sa mga lalaking inatasan ni Jehova at ng kaniyang Anak na mangalaga sa kawan.
16. Kung hindi sumusunod sa tagubilin ang isang elder, bakit hindi ito dahilan para maghimagsik tayo?
16 Kung minsan, baka hindi sinusunod ng isang elder ang tagubilin ng tapat at maingat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito. Kung hindi siya magbabago, mananagot siya kay Jehova, ang “pastol at tagapangasiwa ng [ating] mga kaluluwa.” (1 Pedro 2:25) Subalit kung nagkulang man o nagkamali ang ilang elder, hindi pa rin ito dahilan para hindi tayo maging mapagpasakop. Hindi pinagpapala ni Jehova ang mga masuwayin at mapaghimagsik.—Bilang 12:1, 2, 9-11.
Pinagpapala ni Jehova ang mga Kusang-Loob na Nakikipagtulungan
17. Ano ang dapat nating maging saloobin sa ating mga tagapangasiwa?
17 Alam ng Diyos na Jehova na hindi sakdal ang mga lalaking inatasan niya bilang mga tagapangasiwa. Pero ginagamit niya sila, at pinapastulan niya ang kaniyang bayan sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Totoo ito may kinalaman sa mga elder—at sa ating lahat—na “ang lakas na higit sa karaniwan ay . . . sa Diyos at hindi mula sa [ating] sarili.” (2 Corinto 4:7) Kaya dapat nating pasalamatan si Jehova sa naisasakatuparan niya sa pamamagitan ng ating tapat na mga tagapangasiwa, at dapat na kusang-loob tayong makipagtulungan sa kanila.
18. Ano ang naipakikita natin kung nagpapasakop tayo sa ating mga tagapangasiwa?
18 Buong-sikap na tinutularan ng mga tagapangasiwa ang paglalarawan ni Jehova sa mga pastol na inatasan niyang manguna sa kaniyang kawan sa mga huling araw, gaya ng mababasa sa Jeremias 3:15: “Bibigyan ko kayo ng mga pastol na kaayon ng aking puso, at tiyak na pakakainin nila kayo ng kaalaman at kaunawaan.” Talaga namang kapuri-puri ang pagtuturo at pangangalaga ng mga elder sa mga tupa ni Jehova. Patuloy nawa nating pahalagahan ang kanilang pagpapagal sa pamamagitan ng kusang-loob na pakikipagtulungan, pagsunod, at pagpapasakop. Sa paggawa nito, maipakikita natin na pinahahalagahan natin ang ating makalangit na mga Pastol, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.
Bilang Repaso
• Paano pinatunayan ni Jehova at ni Jesu-Kristo na sila’y maibiging mga Pastol?
• Bukod sa pagkamasunurin, bakit kailangan din nating maging mapagpasakop?
• Sa anong praktikal na paraan natin maipakikita na mapagpasakop tayo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 27]
Nagpapasakop ang Kristiyanong mga elder sa pangunguna ni Kristo
[Mga larawan sa pahina 29]
Maraming paraan para maipakita natin na nagpapasakop tayo sa mga pastol na inatasan ni Jehova