Matapat kay Kristo at sa Kaniyang Tapat na Alipin
Matapat kay Kristo at sa Kaniyang Tapat na Alipin
“Aatasan . . . siya [ng kaniyang panginoon] sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”—MATEO 24:45-47.
1, 2. (a) Ayon sa Bibliya, sino ang ating Lider? (b) Ano ang katibayan na ginagabayan ni Kristo ang kongregasyong Kristiyano?
“HUWAG kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” (Mateo 23:10) Sa pagsasabi nito, nilinaw ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na walang sinumang tao sa lupa ang magiging lider nila. Ang nag-iisa nilang Lider ay makalangit—si Jesu-Kristo mismo. Ang Diyos ang nagtalaga kay Jesus sa posisyong ito. ‘Ibinangon siya ni Jehova mula sa mga patay at ginawa siyang ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon, na siyang katawan niya.’—Efeso 1:20-23.
2 Yamang si Kristo ay “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay” may kinalaman sa kongregasyong Kristiyano, may awtoridad siya sa lahat ng nagaganap sa kongregasyon. Nakikita niya ang lahat ng nangyayari sa kongregasyon. Inoobserbahan niyang mabuti ang espirituwal na kalagayan ng bawat grupo ng mga Kristiyano, o kongregasyon. Nilinaw ito sa pagsisiwalat na ibinigay kay apostol Juan noong magtatapos ang unang siglo C.E. Sa pitong kongregasyon, limang ulit binanggit ni Jesus na alam niya ang kanilang mga gawa, mabubuting katangian, at mga kahinaan, at nagbigay siya ng naaangkop na payo at pampatibay-loob. (Apocalipsis 2:2, 9, 13, 19; 3:1, 8, 15) Ganap tayong makapagtitiwala na alam din ni Kristo ang espirituwal na kalagayan ng iba pang kongregasyon sa Asia Minor, Palestina, Sirya, Babilonia, Gresya, Italya, at iba pang lugar. (Gawa 1:8) Kumusta naman sa ngayon?
Tapat na Alipin
3. Bakit angkop na ihambing si Kristo sa ulo at ang kaniyang kongregasyon naman sa katawan?
3 Matapos buhaying muli si Jesus at nang malapit na siyang umakyat sa kaniyang Ama sa langit, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” Sinabi pa niya: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:18-20) Patuloy niya silang aalalayan at gagabayan bilang kanilang Ulo. Sa kaniyang mga liham sa mga Kristiyano sa Efeso at Colosas, inihambing ni apostol Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa “katawan,” na si Kristo ang Ulo. (Efeso 1:22, 23; Colosas 1:18) Sinabi ng The Cambridge Bible for Schools and Colleges na ang metaporang ito ay “nagpapahiwatig hindi lamang ng kahalagahan ng pagiging kaisa ng Ulo, kundi nagpapahiwatig din na ang Ulo ang kumokontrol sa mga miyembro. Sila ay Kaniyang mga instrumento.” Anong grupo ang ginamit ni Kristo bilang kaniyang instrumento mula nang ipagkaloob sa kaniya ang kapangyarihan sa Kaharian noong 1914?—Daniel 7:13, 14.
4. Gaya ng inihula ni Malakias, ano ang nasumpungan ni Jehova at ni Kristo Jesus nang dumating sila para siyasatin ang espirituwal na templo?
4 Inihula ni Malakias na si Jehova, “ang tunay na Panginoon,” kasama ang kaniyang “mensahero ng tipan,” ang kaniyang Anak na si Kristo Jesus na kaluluklok pa lamang sa trono, ay darating upang hatulan at siyasatin ang Kaniyang “templo,” o espirituwal na bahay ng pagsamba. “Ang takdang panahon” sa pagsisimula ng ‘paghatol sa bahay ng Diyos’ ay maliwanag na dumating noong 1918. * (Malakias 3:1; 1 Pedro 4:17) Ang mga nag-aangking sumasamba sa Diyos sa tamang paraan dito sa lupa ay maingat na siniyasat. Ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, na nagturo ng mga doktrinang nakasisirang-puri sa Diyos sa loob ng maraming siglo at nasangkot nang husto sa pagdanak ng dugo noong Digmaang Pandaigdig I, ay itinakwil. Isang tapat na nalabi ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ang sinubok, waring dinalisay sa apoy, at sinang-ayunan, anupat kay Jehova ay naging “bayan [sila] na nagdadala ng isang handog na kaloob sa katuwiran.”—Malakias 3:3.
5. Kasuwato ng hula ni Jesus hinggil sa kaniyang “pagkanaririto,” sino ang napatunayang tapat na “alipin”?
5 Kasuwato ng hula ni Malakias, binanggit ni Jesus na makikilala ang isang kalipunang “alipin.” Bahagi ito ng tanda na sinabi niya sa kaniyang mga alagad na magaganap sa panahon ng kaniyang “pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi ni Jesus: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:3, 45-47) ‘Nang dumating’ si Kristo upang siyasatin ang “alipin” noong 1918, nasumpungan niya ang pinahiran-ng-espiritung nalabi ng tapat na mga alagad na noon pa mang 1879 ay naglalathala na ng babasahing ito at ng iba pang publikasyong salig sa Bibliya upang maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” Kinilala niya ang grupong ito bilang kaniyang instrumento, o “alipin,” at ipinagkatiwala niya sa kanila noong 1919 ang pangangasiwa sa lahat ng kaniyang mga pag-aari sa lupa.
Pangangasiwa sa mga Pag-aari ni Kristo sa Lupa
6, 7. (a) Ano pang termino ang ginamit ni Jesus para sa kaniyang tapat na “alipin”? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng paggamit ni Jesus ng salitang “katiwala”?
6 Ilang buwan bago ihula ni Jesus ang tanda ng kaniyang pagkanaririto, pati na ang paglitaw ng “alipin” na kakatawan sa kaniya sa lupa, inilarawan niya ang “alipin” na ito sa medyo naiibang termino na nagsisiwalat sa mga pananagutan ng alipin. Sinabi ni Jesus: “Sino ba talaga ang tapat na katiwala, yaong maingat, na aatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod upang patuloy na magbigay sa kanila ng kanilang takdang pagkain sa tamang panahon? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”—Lucas 12:42, 44.
7 Sa tekstong ito, tinawag ang alipin na isang katiwala, isang salin mula sa terminong Griego na nangangahulugang “tagapamahala ng sambahayan o ari-arian.” Ang grupo na nagsisilbing katiwala ay hindi lamang pangkat ng mga iskolar na nagpapaliwanag sa kawili-wiling mga punto mula sa Bibliya. Bukod sa paglalaan ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain “sa tamang panahon,” “ang tapat na katiwala” ay aatasan sa lupon ng mga tagapaglingkod ni Kristo upang mangasiwa sa Kaniyang kongregasyon at sa mga gawain nito sa lupa, sa “lahat ng kaniyang mga pag-aari.” Anu-ano ang mga pag-aaring ito?
8, 9. Anong “mga pag-aari” ang iniatas na pangasiwaan ng alipin?
8 Kasama sa pananagutan ng alipin ang pangangasiwa sa mga pasilidad na ginagamit ng mga tagasunod ni Kristo upang isakatuparan ang kanilang mga gawain, gaya ng pandaigdig na punong tanggapan at mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, pati na ang kanilang mga dako ng pagsamba—mga Kingdom Hall at Assembly Hall—sa buong daigdig. Higit na mahalaga, pinangangasiwaan din ng alipin ang nakapagpapatibay-pananampalatayang mga programa ng pag-aaral sa Bibliya sa lingguhang mga pulong at pana-panahong asamblea at mga kombensiyon. Sa mga pagtitipong ito, isinisiwalat ang katuparan ng mga hula sa Bibliya, at ibinibigay ang napapanahong tagubilin kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa pang-araw-araw na buhay.
9 Kasali rin sa pananagutan ng katiwala ang pangangasiwa sa napakahalagang gawaing pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” at paggawa ng “mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Nasasangkot dito ang pagtuturo sa mga tao na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Kristo, ang Ulo ng kongregasyon, na dapat gawin sa panahong ito ng kawakasan. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Apocalipsis 12:17) Dahil sa pangangaral at pagtuturo, natipon ang “isang malaking pulutong” ng tapat na mga kasamahan ng pinahirang nalabi. Ang “mga kanais-nais na bagay [na ito] ng lahat ng mga bansa” ay walang-alinlangang kasama sa mahahalagang “pag-aari” ni Kristo na pinangangasiwaan ng tapat na alipin.—Apocalipsis 7:9; Hagai 2:7.
Lupong Tagapamahala na Kumakatawan sa Uring Alipin
10. Anong grupo ang inatasang gumawa ng mga pagpapasiya noong unang siglo, at ano ang naging epekto nito sa mga kongregasyon?
10 Mabigat ang pananagutan ng tapat na alipin kaya kailangan silang gumawa ng maraming pagpapasiya. Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang mga apostol at matatanda sa Jerusalem ang kumakatawan sa uring alipin, anupat nagpapasiya para sa lahat ng kongregasyong Kristiyano. (Gawa 15:1, 2) Ang mga pasiya ng lupong tagapamahala noong unang siglo ay ipinaaalam sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng mga liham at naglalakbay na mga kinatawan. Maligayang tinatanggap ng unang mga Kristiyano ang malinaw na mga tagubiling ito, at ang buong-puso nilang pakikipagtulungan sa lupong tagapamahala ay nagbunga ng higit na kapayapaan at pagkakaisa.—Gawa 15:22-31; 16:4, 5; Filipos 2:2.
11. Sino ang ginagamit ngayon ni Kristo upang patnubayan ang kaniyang kongregasyon, at ano ang dapat nating maging saloobin hinggil sa grupong ito ng mga pinahirang Kristiyano?
Apocalipsis 1:16, 20) Sa kaniyang talambuhay, ganito ang isinulat ni Albert Schroeder, miyembro ng Lupong Tagapamahala sa loob ng mahabang panahon at kamakailan ay nakatapos na ng kaniyang makalupang landasin: “Ang Lupong Tagapamahala ay nagpupulong tuwing Miyerkules, pinasisimulan ang pulong sa pamamagitan ng panalangin at humihingi ng patnubay ng espiritu ni Jehova. Gumagawa ng tunay na pagsisikap upang ang bawat bagay na pinakikitunguhan at ang bawat desisyon na ginagawa ay kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.” * Makapagtitiwala tayo sa gayong tapat na mga pinahirang Kristiyano. Partikular na may kaugnayan sa kanila, dapat nating sundin ang iniutos ni apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa.”—Hebreo 13:17.
11 Gaya noong panahon ng unang mga Kristiyano, isang maliit na grupo ng mga tagapangasiwang pinahiran ng espiritu ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala ng mga tagasunod ni Kristo sa lupa ngayon. Sa pamamagitan ng kaniyang “kanang kamay” na kumakatawan sa kaniyang aktibong kapangyarihan, pinapatnubayan ni Kristo na Ulo ng kongregasyon, ang tapat na mga lalaking ito habang pinangangasiwaan nila ang gawaing pang-Kaharian. (Magpakita ng Nararapat na Paggalang sa Tapat na Alipin
12, 13. Anu-ano ang maka-Kasulatang dahilan para igalang ang uring alipin?
12 Ang isang napakahalagang dahilan para magpakita ng nararapat na paggalang sa uring tapat na alipin ay sapagkat katumbas na rin ito ng paggalang sa Panginoon, si Jesu-Kristo. Isinulat ni Pablo hinggil sa mga pinahiran: “Siya na tinawag habang isang taong laya ay alipin ni Kristo. Binili kayo sa isang halaga.” (1 Corinto 7:22, 23; Efeso 6:6) Kaya kapag matapat tayong nagpapasakop sa patnubay ng tapat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito, tayo ay nagpapasakop kay Kristo, ang Panginoon ng alipin. Kapag nagpapakita tayo ng nararapat na paggalang sa instrumentong ginagamit ni Kristo para mangasiwa sa kaniyang mga pag-aari sa lupa, ‘hayagan nating kinikilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.’—Filipos 2:11.
13 Ang isa pang maka-Kasulatang dahilan para igalang ang tapat na alipin ay sapagkat makasagisag na tinutukoy ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa bilang “templo” na tinatahanan ni Jehova “sa espiritu.” Kaya mga “banal” sila. (1 Corinto 3:16, 17; Efeso 2:19-22) Sa grupong ito, na inilalarawan bilang banal na templo, ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang mga pag-aari sa lupa. Nangangahulugan ito na may ilang pribilehiyo at responsibilidad sa loob ng kongregasyong Kristiyano na para lamang sa kalipunang aliping ito. Kaya itinuturing ng buong kongregasyon na sagradong tungkulin nila na sundin at suportahan ang tagubiling nagmumula sa tapat na alipin at sa Lupong Tagapamahala nito. Oo, para sa “ibang mga tupa,” napakalaking pribilehiyo na tulungan ang uring alipin sa pangangalaga sa mga pag-aari ng Panginoon.—Juan 10:16.
Matapat na Pagsuporta
14. Gaya ng inihula ni Isaias, paano lumalakad sa likuran ng pinahirang uring alipin at naglilingkod bilang “mga di-binabayarang trabahador” ang ibang mga tupa?
14 Inihula ni Isaias ang mapagpakumbabang pagpapasakop ng ibang mga tupa sa mga pinahirang miyembro ng espirituwal na Israel: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ang mga di-binabayarang trabahador ng Ehipto at ang mga mangangalakal ng Etiopia at ang mga Sabeano, matatangkad na lalaki, ay paririyan nga sa iyo, at sila ay magiging iyo. Sa likuran mo ay lalakad sila; paririyan silang may mga pangaw, at sa iyo ay yuyukod sila. Sa iyo ay mananalangin sila, na sinasabi, “Tunay nga na ang Diyos ay kaisa mo, at wala nang iba pa; wala nang iba pang Diyos.”’” (Isaias 45:14) Ang ibang mga tupa sa ngayon ay makasagisag na lumalakad sa likuran ng pinahirang uring alipin at ng Lupong Tagapamahala nito, anupat sumusunod sa kanilang pangunguna. Bilang “mga di-binabayarang trabahador,” kusang-loob na ginagamit ng ibang mga tupa ang kanilang lakas at mga tinatangkilik upang suportahan ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral na iniatas ni Kristo sa kaniyang mga pinahirang tagasunod sa lupa.—Gawa 1:8; Apocalipsis 12:17.
15. Paano inihula sa Isaias 61:5, 6 ang ugnayan ng ibang mga tupa at ng espirituwal na Israel?
15 Maligaya at nagpapasalamat ang ibang mga tupa na nakapaglilingkod sila kay Jehova sa ilalim ng pangangasiwa ng uring alipin at ng Lupong Tagapamahala nito. Kinikilala nila na ang mga pinahiran ay miyembro ng “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Bilang makasagisag na “mga taga-ibang bayan” at “mga banyaga” na kasama ng espirituwal na Israel, maligaya silang naglilingkod bilang “mga magsasaka” at “mga tagapag-alaga ng ubasan” sa ilalim ng pangangasiwa ng mga pinahiran, ang “mga saserdote ni Jehova” at ‘mga lingkod ng Diyos.’ (Isaias 61:5, 6) Masigasig silang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian at sa paggawa ng alagad sa mga tao ng lahat ng bansa. Buong-puso silang sumusuporta sa uring alipin sa pagpapastol at pangangalaga sa natatagpuang tulad-tupang mga tao.
16. Ano ang nag-uudyok sa ibang mga tupa na matapat na suportahan ang tapat at maingat na alipin?
16 Kinikilala ng ibang mga tupa na napakalaking tulong ang pagsisikap ng tapat na alipin na paglaanan sila ng napapanahong espirituwal na pagkain. Mapagpakumbaba rin nilang kinikilala na kung hindi dahil sa tapat at maingat na alipin, kaunti lamang ang alam nila o baka hindi pa nga nila malalaman ang mahahalagang katotohanan sa Bibliya, gaya ng soberanya ni Jehova, pagpapabanal sa kaniyang pangalan, Kaharian, mga bagong langit at bagong lupa, kaluluwa, kalagayan ng mga patay, kung sino talaga si Jehova at ang kaniyang Anak, at kung ano talaga ang banal na espiritu. Dahil sa lubos na pasasalamat at pagkamatapat, maibiging sinusuportahan ng ibang mga tupa ang pinahirang “mga kapatid” ni Kristo sa lupa sa panahong ito ng kawakasan.—Mateo 25:40.
17. Ano ang nakita ng Lupong Tagapamahala na kailangang gawin, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Yamang umuunti na ang mga pinahirang nasa lupa, imposibleng magkaroon ng pinahiran sa lahat ng kongregasyon para tiyaking napangangasiwaan ang mga pag-aari ni Kristo. Kaya naman ang Lupong Tagapamahala ay nag-aatas ng mga lalaki mula sa ibang mga tupa para mangasiwa sa mga tanggapang pansangay, distrito, sirkito, at mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang saloobin ba natin sa mga katulong na pastol na ito ay may koneksiyon sa pagkamatapat natin kay Kristo at sa kaniyang tapat na alipin? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 4 Tingnan Ang Bantayan, Marso 1, 2004, pahina 13-18, at Disyembre 1, 1992, pahina 13, kung saan detalyadong tinalakay ang paksang ito.
^ par. 11 Inilathala sa Marso 1, 1988 na isyu ng magasing ito, pahina 10-17.
Bilang Repaso
• Sino ang ating Lider, at ano ang katibayan na alam niya ang kalagayan ng mga kongregasyon?
• Nang siyasatin ang “templo,” sino ang napatunayang tapat na alipin, at anong mga pag-aari ang ipinagkatiwala sa kanila?
• Anu-ano ang maka-Kasulatang dahilan para matapat na suportahan ang tapat na alipin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 23]
Kasama sa “mga pag-aari” na pinangangasiwaan ng “katiwala” ang materyal na mga ari-arian, mga programang nakapagpapatibay ng pananampalataya, at gawaing pangangaral
[Larawan sa pahina 25]
Sinusuportahan ng mga kabilang sa ibang mga tupa ang uring tapat na alipin sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral