Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang kahulugan ng sinabi ni Pablo na kailangang “asawa ng isang lalaki” ang isang babaing balo para maging kuwalipikado siyang tumanggap ng tulong mula sa kongregasyong Kristiyano?—1 Timoteo 5:9.
Yamang tungkol sa babaing balo ang binabanggit ni apostol Pablo, ang pananalitang “asawa ng isang lalaki” ay malinaw na tumutukoy sa kaniyang kalagayan bago siya mabalo. Nangangahulugan ba ito na kailangang isa lamang ang naging asawa ng babaing balo? O baka naman may iba pang kahulugan ang sinabi ni Pablo? *
Sinasabi ng ilan na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga babaing balo na isa lamang ang naging asawa. Totoo na sa maraming kultura at lipunan, ang isang babaing balo na hindi na muling nag-asawa ay itinuturing na lubhang kapuri-puri. Gayunman, salungat ang pananaw na ito sa sinabi ni Pablo sa iba pa niyang liham. Halimbawa, nilinaw niya sa mga Kristiyano sa Corinto na bagaman iniisip niyang mas magiging maligaya ang isang babaing balo kung mananatili itong walang asawa, “siya ay malaya nang mag-asawa sa kaninumang ibig niya, tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39, 40; Roma 7:2, 3) Bukod diyan, sinabi ni Pablo sa kaniyang liham kay Timoteo: “Nais kong ang mga nakababatang babaing balo ay mag-asawa.” (1 Timoteo 5:14) Kaya hindi mapupulaan ang isang babaing balo kung muli siyang mag-aasawa.
Kung gayon, ano ba talaga ang kahulugan ng sinabi ni Pablo kay Timoteo? Sa tekstong ito lamang ginamit ang pananalitang “asawa ng isang lalaki.” Sa wikang Griego, literal itong nangangahulugan na “babaing pag-aari ng isang lalaki.” Kapansin-pansin, ang pananalitang ito ay katulad niyaong ilang ulit na ginamit ni Pablo sa kaniyang mga liham, samakatuwid nga, “asawa ng isang babae,” o “lalaking pag-aari ng isang babae” sa wikang Griego. (1 Timoteo 3:2, 12; Tito 1:6) Ginamit ni Pablo ang pananalitang “asawa ng isang babae” nang itala niya ang mga kuwalipikasyon para sa Kristiyanong mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. Sa konteksto nito, ang pananalitang “asawa ng isang babae” ay nangangahulugan na para maging kuwalipikado sa pananagutan sa kongregasyong Kristiyano, ang isang lalaking may asawa ay dapat na tapat sa kaniyang kabiyak at malinis sa moral. * Kaya lumilitaw na gayundin ang punto ng pananalitang ginamit sa 1 Timoteo 5:9: Para maging kuwalipikadong tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon ang isang babaing balo, kailangang isa siyang maibiging kabiyak na tapat sa kaniyang asawa noong nabubuhay pa ito at may malinis na reputasyon. Ang karagdagang mga kahilingan na itinala ni Pablo ay pawang tumutukoy sa gayong indibiduwal.—1 Timoteo 5:10.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang polyandry, ang kaugalian na maaaring magkaroon ang isang babae ng higit sa isang asawa sa isang takdang panahon, ay hindi tinatanggap sa lipunan ng mga Romano at Griego noong panahon ni apostol Pablo. Kaya sa liham ni Pablo kay Timoteo, malamang na hindi ito ang tinutukoy niya ni sinasaway man niya ang sinumang nagsasagawa nito.
^ par. 5 Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1996, pahina 17, at “Questions From Readers” sa The Watchtower ng Setyembre 15, 1980, pahina 31, kung saan tinalakay ang paksang ito.