Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagliligtas-Buhay ang Pananampalataya sa Hula ng Bibliya

Nagliligtas-Buhay ang Pananampalataya sa Hula ng Bibliya

Nagliligtas-Buhay ang Pananampalataya sa Hula ng Bibliya

HULING pagdalaw noon ni Jesus sa templo sa Jerusalem. Paalis na siya sa templo nang sabihin ng isa sa kaniyang mga alagad: “Guro, tingnan mo! pagkaiinam na mga bato at pagkaiinam na mga gusali!” Taas-noong ipinagmamalaki ng mga Judio ang templo. Gayunman, sumagot si Jesus: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.”​—Marcos 13:1, 2.

Parang hindi ito kapani-paniwala! Napakalalaki ng ilang bato ng templo. Bukod diyan, ang sinabi ni Jesus hinggil sa templo ay nagpapahiwatig na mawawasak ang Jerusalem at marahil ang bansang Judio pa nga, na kinaroroonan ng templo na siyang sentro ng pagsamba. Kaya lalo pang nag-usisa ang mga alagad ni Jesus: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan?”​—Marcos 13:3, 4.

“Hindi pa ang wakas,” ang sabi ni Jesus. Makakabalita muna ang mga alagad ng mga digmaan, lindol, taggutom, at mga salot sa iba’t ibang dako. Saka ito susundan ng nakakatakot na mga pangyayaring hahantong sa kakila-kilabot na kapahamakan ng bansang Judio, oo, isang “malaking kapighatian.” Gayunman, mamamagitan ang Diyos at ililigtas ang “mga pinili,” samakatuwid nga, ang tapat na mga Kristiyano. Paano?​—Marcos 13:7; Mateo 24:7, 21, 22; Lucas 21:10, 11.

Pag-aalsa Laban sa Roma

Lumipas ang dalawampu’t walong taon, at hinihintay pa rin ng mga Kristiyano sa Jerusalem ang kawakasan. Dumaranas ng matitinding digmaan, lindol, taggutom, at salot ang Imperyo ng Roma. (Tingnan ang kahon sa pahina 9.) Kabi-kabila ang sibil at etnikong alitan sa Judea. Pero dahil napapaderan ang Jerusalem, mas payapa sa paanuman ang mga kalagayan doon. Ang mga tao ay kumakain, nagtatrabaho, nag-aasawa, at nag-aanak, gaya ng karaniwan nilang ginagawa. Dahil mayroon silang malaking templo, inakala ng mga tao na matatag at hindi mawawasak ang kanilang lunsod.

Mga 61 C.E. noon nang makatanggap ng liham mula kay apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Jerusalem. Pinuri niya sila sa kanilang pagbabata, pero nababahala siya dahil may ilan sa kongregasyon na waring hindi nakadarama ng pagkaapurahan. May ilan na lumalayo sa tunay na pagsamba o hindi sumusulong sa Kristiyanong pagkamaygulang. (Hebreo 2:1; 5:11, 12) Hinimok sila ni Pablo: “Samakatuwid, huwag ninyong iwaksi ang inyong kalayaan sa pagsasalita . . . Sapagkat ‘kaunting-kaunting panahon’ na lamang, at ‘siya na pumaparito ay darating at hindi magluluwat.’ ‘Ngunit ang aking matuwid ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung uurong siya, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’” (Hebreo 10:35-38) Talagang napapanahon ang payong ito! Subalit mananampalataya kaya ang mga Kristiyano at mananatiling mapagbantay sa katuparan ng hula ni Jesus? Talaga nga kayang malapit na ang wakas ng Jerusalem?

Sumamâ nang sumamâ ang mga kalagayan sa Jerusalem nang sumunod na limang taon. Bandang huli, noong 66 C.E., sinamsam ng tiwaling gobernador ng Roma na si Florus ang 17 talento sa kabang-yaman ng sagradong templo na pambayad sana ng “atraso sa buwis.” Nagalit at nag-alsa ang mga Judio. Sumugod sa Jerusalem ang mga rebeldeng Judio, o mga Zealot, at pinatay ang mga sundalong Romano roon. Saka buong-tapang nilang idineklara na malaya na ang Judea sa awtoridad ng Roma. Sumiklab na ang digmaan ng Judea at Roma!

Sa loob ng tatlong buwan, nagmartsa patimog ang Romanong gobernador ng Sirya na si Cestio Gallo kasama ang kaniyang 30,000 sundalo upang pahintuin ang pag-aalsa ng mga Judio. Dumating ang kaniyang hukbo sa Jerusalem noong Kapistahan ng mga Kubol at mabilis na nilusob ang mga karatig-pook. Dahil kakaunti lamang ang mga Zealot, nagtago sila sa loob ng tanggulan ng templo. Sinira ng mga sundalong Romano ang pader ng templo. Nagulantang ang mga Judio. Aba, nilalapastangan na ng mga paganong sundalo ang pinakabanal na dako ng Judaismo! Gayunman, natatandaan ng mga Kristiyano sa lunsod ang sinabi ni Jesus: ‘Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal, kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.’ (Mateo 24:15, 16) Mananampalataya kaya sila sa hula ni Jesus at mapakikilos na tumalima? Gaya ng makikita sa sumunod na mga pangyayari, nakasalalay sa paggawa nito ang kanilang buhay. Subalit paano sila makatatakas?

Walang anu-ano, umurong si Cestio Gallo at ang kaniyang mga sundalo patungo sa baybayin at tinugis naman sila ng mga Zealot. Bagaman hindi kapani-paniwala, napaikli ang kapighatian sa lunsod! Ipinakita ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa makahulang babala ni Jesus at tumakas sila mula sa Jerusalem patungong Pela, isang neutral na lunsod na nasa kabundukan sa kabilang panig ng Ilog Jordan. Mabuti na lamang at agad silang tumakas. Bumalik agad ang mga Zealot sa Jerusalem at pinilit ang mga naiwan sa lunsod na sumama sa kanilang pag-aalsa. * Samantala, ligtas na ang mga Kristiyano sa Pela, at naghihintay ng susunod na mangyayari.

Nauwi sa Kaguluhan

Makalipas ang ilang buwan, isang bagong hukbong Romano ang lumusob patungong Jerusalem. Noong 67 C.E., bumuo si Heneral Vespasian at ang anak nitong si Tito ng isang malakas na puwersang binubuo ng 60,000 sundalo. Nang sumunod na dalawang taon, nagmartsa patungong Jerusalem ang mapangwasak na puwersang militar na ito at pinuksa ang lahat ng makita nilang kalaban. Samantala, sa Jerusalem mismo, nagkaroon ng madugong labanan ang magkakatunggaling pangkat ng mga Judio. Nasira ang imbakan ng butil sa lunsod, nawasak ang lugar sa palibot ng templo, at mahigit 20,000 Judio ang nasawi. Hindi agad pinasok ni Vespasian ang Jerusalem, na sinasabi: ‘Parang Romanong heneral ang aking diyos at mas mahusay pa siya kaysa sa akin; nagpapatayan na sa isa’t isa ang ating mga kaaway.’

Nang mamatay si Emperador Nero ng Roma, nagtungo sa Roma si Vespasian para kunin ang trono, at naiwan naman si Tito para tapusin ang kampanya laban sa Judea. Dumating si Tito sa Jerusalem nang malapit na ang Paskuwa noong 70 C.E., kaya nasukol ang mga residente at ang mga peregrino sa loob ng lunsod. Pinagpuputol ng kaniyang mga sundalo ang mga punungkahoy sa mga karatig-lupain ng Judea para magtayo ng pitong-kilometrong pader na gawa sa matutulis na tulos sa palibot ng kinukubkob na kabisera. Ganiyan mismo ang inihula ni Jesus: “Ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis at palilibutan ka at pipighatiin ka sa bawat panig.”​—Lucas 19:43.

Dumanas ng matinding gutom ang mga tao sa lunsod. Sinamsaman ng mga armadong mang-uumog ang bahay ng mga patay at mga nag-aagaw-buhay. Dahil sa napakatinding gutom, pinatay at kinain ng isang babae ang sarili niyang sanggol, sa gayo’y natupad ang hula: “Kakainin mo ang bunga ng iyong tiyan, ang laman ng iyong mga anak na lalaki at ng iyong mga anak na babae, . . . dahil sa kahigpitan at kaigtingan na ipanggigipit sa iyo ng iyong kaaway.”​—Deuteronomio 28:53-57.

Matapos ang limang-buwang pagkubkob, bumagsak ang Jerusalem. Ang lunsod at ang dakilang templo nito ay sinamsaman, sinunog, at lubusang winasak. (Daniel 9:26) Mga 1,100,000 ang kabuuang bilang ng namatay; 97,000 naman ang ipinagbili sa pagkaalipin. * (Deuteronomio 28:68) Halos walang naiwang Judio sa Judea. Ang nangyari sa bansang ito ay talagang walang-katulad na kasakunaan, na bumago sa pulitika, relihiyon, at kultura ng mga Judio. *

Samantala, laking pasasalamat ng mga Kristiyano sa Pela dahil iniligtas sila ng Diyos. Naligtas ang kanilang buhay dahil sa pananampalataya sa hula ng Bibliya!

Bulay-bulayin natin ang mga pangyayaring iyon at tanungin ang ating sarili: ‘Taglay ko ba ang pananampalatayang magliligtas sa akin sa papalapit na malaking kapighatian? Ako ba ang “uri [ng tao] na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa”?’​—Hebreo 10:39; Apocalipsis 7:14.

[Mga talababa]

^ par. 10 Ayon sa ulat ng Judiong istoryador na si Josephus, pitong araw na tinugis ng mga Zealot ang mga Romano bago magbalik sa Jerusalem.

^ par. 15 Ayon sa isang pagtaya, mahigit sangkapito ng lahat ng mga Judio sa Imperyo ng Roma ang nasawi.

^ par. 15 Ganito ang isinulat ng Judiong iskolar sa Bibliya na si Alfred Edersheim: “Ang kapighatian[g ito] ang pinakamalala sa lahat ng kapahamakang nangyari sa Israel, at maging ang mga sumunod na madugong trahedya ay hindi naging kasintindi nito.”

[Chart sa pahina 9]

Mga Bahagi ng Tanda na Natupad Noong Unang Siglo

DIGMAAN:

Gaul (39-40 C.E.)

Hilagang Aprika (41 C.E.)

Britanya (43, 60 C.E.)

Armenia (58-62 C.E.)

Sibil at etnikong mga labanan sa Judea (50-66 C.E.)

LINDOL:

Roma (54 C.E.)

Pompeii (62 C.E.)

Asia Minor (53, 62 C.E.)

Creta (62 C.E.)

TAGGUTOM:

Roma, Gresya, Ehipto (mga 42 C.E.)

Judea (mga 46 C.E.)

SALOT:

Babilonia (40 C.E.)

Roma (60, 65 C.E.)

BULAANG PROPETA:

Judea (mga 56 C.E.)

[Mapa/​Larawan sa pahina 10]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kampanya ng mga Romano Laban sa Palestina, 67-70 C.E.

Tolemaida

Dagat ng Galilea

Pela

PEREA

SAMARIA

Jerusalem

Dagat Asin

JUDEA

Cesarea

[Credit Line]

Map only: Based on maps copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel

[Larawan sa pahina 11]

‘Nagpapatayan na sa isa’t isa ang ating mga kaaway.’​—Vespasian

[Mga larawan sa pahina 11]

Winasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong 70 C.E.

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Relief: Soprintendenza Archeologica di Roma; Vespasian: Bildarchiv Preussischer Kulturbesitz/​Art Resource, NY