Paghahandog ng mga Haing Nakalulugod sa Diyos
Paghahandog ng mga Haing Nakalulugod sa Diyos
“SA KAMATAYAN nagmula ang buhay—iyan ang paniniwala ng mga Aztec, na naghahain ng mga tao, at ang bilang ng mga naihain nila ay wala pang katulad sa buong kasaysayan ng Mesoamerica,” ang sabi ng aklat na The Mighty Aztecs. “Habang lumalaki ang imperyo,” ang dagdag pa ng aklat, “mas marami pang tao ang inihain para patibayin ang tiwala sa imperyo.” Ayon sa isa pang reperensiya, umaabot nang 20,000 katao taun-taon ang inihahain ng mga Aztec.
Udyok ng takot at pangamba o ng pagkabagabag ng budhi at pagsisisi, ang mga tao noon hanggang ngayon ay naghahandog ng iba’t ibang uri ng mga hain sa kani-kanilang mga diyos. Sa kabilang dako, ipinakikita ng Bibliya na ang ilang paghahain ay utos ng Diyos—ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Kaya angkop lamang na itanong: Anu-anong uri ng hain ang nakalulugod sa Diyos? At kailangan ba ang mga handog at hain sa ating pagsamba sa ngayon?
Mga Handog at Hain sa Tunay na Pagsamba
Nang itatag ang bansang Israel, nagbigay si Jehova ng detalyadong mga tagubilin hinggil sa paraan ng pagsamba na nais niyang gawin ng mga Israelita, at kasama rito ang mga handog at mga hain. (Bilang, kabanata 28 at 29) Ang ilang handog ay mga pananim; ang iba naman ay mga haing hayop tulad ng mga toro, tupa, kambing, kalapati, at batu-bato. (Levitico 1:3, 5, 10, 14; 23:10-18; Bilang 15:1-7; 28:7) Mayroong mga buong handog na sinusunog na kailangang tupukin sa apoy. (Exodo 29:38-42) Mayroon ding mga haing pansalu-salo, kung saan ang mga naghahandog ay makikisalo sa pagkain ng handog na inihain sa Diyos.—Levitico 19:5-8.
Ang lahat ng handog at haing inialay sa Diyos sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ay paraan ng pagsamba sa Diyos at pagkilala sa kaniya bilang Soberano ng buong uniberso. Sa pamamagitan ng gayong hain, naipahahayag ng mga Israelita ang kanilang pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang kabutihan at proteksiyon, at napapatawad din sila sa kanilang mga kasalanan. Hangga’t tapat silang sumusunod sa mga kahilingan ni Jehova sa pagsamba, lubusan silang pagpapalain.—Kawikaan 3:9, 10.
Para kay Jehova, pinakamahalaga ang saloobin ng mga naghahandog ng hain. Sa pamamagitan ni propeta Oseas, sinabi ni Jehova: “Sa maibiging-kabaitan ako nalulugod, at hindi sa hain; at sa kaalaman sa Diyos sa halip na sa mga buong handog na sinusunog.” (Oseas 6:6) Kaya kapag ang bayan ay tumalikod sa tunay na pagsamba at namihasa sa paggawa ng kahalayan at nagbubo ng dugong walang-sala, ang mga inihahain nila sa altar ni Jehova ay walang-saysay. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jehova sa bansang Israel sa pamamagitan ni Isaias: “Ano ang pakinabang ko sa karamihan ng inyong mga hain? . . . Tama na sa akin ang mga buong handog na sinusunog na mga barakong tupa at ang taba ng mga patabaing hayop; at sa dugo ng mga guyang toro at mga lalaking kordero at mga kambing na lalaki ay hindi ako nalulugod.”—Isaias 1:11.
“Isang Bagay na Hindi Ko Iniutos”
Ibang-iba sa mga Israelita, inihahandog ng mga Canaanita ang kanilang mga anak bilang hain sa kanilang mga diyos, pati na sa diyos ng mga Ammonita na si Molec. (1 Hari 11:5, 7, 33; Gawa 7:43) Sinasabi ng Halley’s Bible Handbook: “Bahagi ng ritwal ng mga Canaanita sa kanilang pagsamba ang pagpapakasasa sa sekso sa harap ng kanilang mga diyos; at pagkatapos ay papatayin nila ang kanilang panganay na mga anak bilang hain sa mga diyos ding iyon.”
Nalugod ba ang Diyos na Jehova sa gayong gawain? Hinding-hindi. Nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa lupain ng Canaan, ibinigay sa kanila ni Jehova ang utos na nakaulat sa Levitico 20:2, 3: “Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ang sinumang tao sa mga anak ni Israel, at sinumang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan sa Israel, na magbigay kay Molec ng sinuman sa kaniyang supling, ay papatayin nang walang pagsala. Pupukulin siya ng mga bato ng mga tao sa lupain hanggang sa mamatay. At kung tungkol sa akin, itatalaga ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at lilipulin ko siya mula sa kaniyang bayan, sapagkat ibinigay niya kay Molec ang ilan sa kaniyang supling sa layuning dungisan ang aking dakong banal at upang lapastanganin ang aking banal na pangalan.’”
Bagaman hindi kapani-paniwala, ginawa rin ng ilang Israelitang humiwalay sa tunay na pagsamba ang makademonyong paghahaing ito ng kanilang mga anak sa huwad na mga diyos. Ganito ang sinasabi ng Awit 106:35-38 hinggil dito: “Nakisama sila sa mga bansa at natuto ng kanilang mga gawa. At naglingkod sila sa kanilang mga idolo, at ang mga ito ay naging silo sa kanila. At inihain nila ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae sa mga demonyo. Kaya nagbubo sila ng dugong walang-sala, ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at ng kanilang mga anak na babae, na inihain nila sa mga idolo ng Canaan; at ang lupa ay narumhan ng pagbububo ng dugo.”
Para ipakitang kinapopootan niya ang gawaing ito, ganito ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Jeremias hinggil sa mga anak ni Juda: “Inilagay nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na bagay sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan iyon. At itinayo nila ang matataas na dako ng Topet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae, isang bagay na hindi ko iniutos ni pumasok man sa aking puso.”—Jeremias 7:30, 31.
Dahil sa paggawa ng gayong mga kasuklam-suklam na bagay, Jeremias 7:32-34) Maliwanag na hindi ipinag-utos ng tunay na Diyos na maghandog ng tao at hindi ito bahagi ng dalisay na pagsamba. Anumang uri ng paghahandog ng tao bilang hain ay makademonyo, at itinatakwil ng tunay na mga mananamba ng Diyos ang anumang may kaugnayan sa gayong paghahain.
naiwala ng bansang Israel ang pagsang-ayon ng Diyos nang dakong huli, at winasak ang kabiserang lunsod nito, ang Jerusalem, at ang bayan ay dinalang bihag sa Babilonya. (Ang Haing Pantubos ni Kristo Jesus
Subalit maaaring itanong ng ilan, ‘Bakit, kung gayon, hiniling noon sa Kautusan ni Jehova sa mga Israelita ang paghahandog ng mga haing hayop?’ Itinanong din ni apostol Pablo ang mismong bagay na ito at ganito ang ibinigay niyang sagot: “Bakit, kung gayon, ang Kautusan? Ito ay idinagdag upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan . . . Dahil dito ang Kautusan ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo.” (Galacia 3:19-24) Ang mga haing hayop sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ay lumalarawan sa lalong dakilang hain na inilaan ng Diyos na Jehova alang-alang sa sangkatauhan—ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Tinukoy ni Jesus ang maibiging paglalaang ito nang sabihin niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa sangkatauhan, kusang inihandog ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa mga supling ni Adan. (Roma 5:12, 15) Sinabi ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ipinagbili ni Adan ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan at walang sinumang tao ang makatutubos sa kanila mula sa pagkaaliping ito. (Awit 49:7, 8) Kaya naman ipinaliwanag ni Pablo na si Jesus ay “pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.” (Hebreo 9:12) Nang tanggapin ng Diyos ang haing dugo ni Jesus, “pinawi [Niya] ang sulat-kamay na dokumento na laban sa atin.” Nangangahulugan ito na pinawalang-bisa ni Jehova ang tipang Kautusan, pati na ang mga handog at hain, sa gayo’y ibinigay niya ang ‘kaloob na buhay na walang hanggan.’—Colosas 2:14; Roma 6:23.
Makasagisag na mga Hain at Handog
Yamang hindi na hinihiling sa tunay na pagsamba ang mga haing hayop at mga handog, mayroon bang ibang uri ng mga hain na hinihiling sa atin sa ngayon? Oo, mayroon. Maraming sakripisyong ginawa si Jesu-Kristo sa kaniyang paglilingkod sa Diyos at nang dakong huli ay inihandog niya ang kaniyang sarili alang-alang sa sangkatauhan. Kaya nga sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) Nangangahulugan ito na sinumang nagnanais na maging tagasunod ni Jesus ay kailangang gumawa ng ilang sakripisyo. Anu-ano ang mga ito?
Una sa lahat, ang tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi na nabubuhay para sa kaniyang sarili kundi nabubuhay para gawin ang kalooban ng Diyos. Isinasaisantabi niya ang kaniyang personal na mga kagustuhan para gawin ang kagustuhan ng Diyos. Ganito ang pagkakasabi ni apostol Pablo hinggil dito: “Namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng habag ng Diyos, mga kapatid, Roma 12:1, 2.
na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Karagdagan pa, ipinakikita sa Bibliya na ang ating kapahayagan ng papuri ay maituturing na sakripisyo o haing inihahandog kay Jehova. Ginamit ni propeta Oseas ang pariralang “mga guyang toro ng aming mga labi,” anupat ipinakikita na itinuturing ng Diyos na isa sa pinakamainam na hain ang papuri ng ating mga labi. (Oseas 14:2) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo: “Maghandog [tayo] sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay palaging abala sa pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng mga bansa. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Naghahandog sila ng mga hain ng papuri sa Diyos araw at gabi sa buong daigdig.—Apocalipsis 7:15.
Bukod sa pangangaral, kasama sa mga haing nakalulugod sa Diyos ang paggawa ng mabuti sa iba. “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba,” ang payo ni Pablo, “sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:16) Sa katunayan, para maging kalugud-lugod sa Diyos ang mga hain ng papuri, kailangang may mabuting paggawi ang mga naghahandog nito. Nagpayo si Pablo: “Gumawi kayo sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.”—Filipos 1:27; Isaias 52:11.
Tulad noon, ang lahat ng mga haing inihahandog natin bilang suporta sa tunay na pagsamba ay magdudulot ng masidhing kagalakan at mga pagpapala mula kay Jehova. Kaya gawin natin ang ating buong makakaya na maghandog ng mga hain na talagang nakalulugod sa Diyos!
[Larawan sa pahina 18]
‘Inihain nila sa mga idolo ng Canaan ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae’
[Mga larawan sa pahina 20]
Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at pagiging matulungin sa iba pang mga paraan, ang tunay na mga Kristiyano ay naghahandog ng mga haing nakalulugod sa Diyos