Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangarap ni Adryana

Ang Pangarap ni Adryana

Ang Pangarap ni Adryana

MAY pangarap si Adryana, isang anim na taóng gulang na batang babae sa Tulsa, Oklahoma, E.U.A. Katulad ito ng hinihiling ng salmistang si David, na umawit: “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova​—ito ang hahanapin ko, na ako ay makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kaigayahan ni Jehova at tumingin nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.”​—Awit 27:4.

Noong anim na buwan pa lamang si Adryana, natuklasan na mayroon siyang neuroblastoma, isang malubhang tumor na tumutubo sa mga bahagi ng sistema ng nerbiyo. Ang nakamamatay na sakit na ito ang dahilan kung kaya naparalisa ang kaniyang dalawang binti. Ilang beses na siyang inoperahan at isang taon siyang pinag-chemotherapy.

Kinausap ng ama ni Adryana, hindi kapananampalataya ni Adryana at ng kaniyang ina, ang isang nagkakawanggawang organisasyon upang hilingin na ipasyal ang kaniyang anak sa isang kilaláng amusement park. Bago ipagkaloob ang kahilingan, kinausap muna ng organisasyon si Adryana. Nagpasalamat siya sa pagkakataong ibinigay sa kaniya pero sinabi niyang mas gusto niyang pumasyal sa Bethel, ang sentro ng pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova na nasa New York. Nang malaman niya ang kahilingang ito ng kaniyang ama, idinalangin ni Adryana kay Jehova na bigyan sana siya ng pagkakataong makarating sa Bethel. Bagaman noong una’y nag-alala ang organisasyon na baka hindi pambata ang Bethel, ipinagkaloob na rin nito ang kahilingan ni Adryana nang hindi tumutol ang kaniyang ama.

Kasama ang kaniyang ina, ate, at isang kaibigan, nagbiyahe si Adryana patungong New York upang pasyalan ang Bethel sa kauna-unahang pagkakataon. “Sinagot ni Jehova ang kahilingan ko,” ang sabi ni Adryana. “Alam kong malugod niya kaming tatanggapin sa Bethel. Nakita ko kung paano ginagawa ang mga aklat, magasin, at mga Bibliya. Mas maganda ito kaysa sa amusement park.”

‘Namasdan nga ni Adryana ang kaigayahan ni Jehova’ at nagpahalaga sa nagaganap sa sentro ng gawain ng bayan ni Jehova sa ngayon. Malugod ka ring inaanyayahang pumasyal sa Bethel. Bukod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, may mga tanggapang pansangay rin sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.