Isang Bukid na ‘Maputi Na Para sa Pag-aani’
Isang Bukid na ‘Maputi Na Para sa Pag-aani’
Ang Peninsula ng Guajira ay nasa hilagang dulo ng Timog Amerika. Ito ay nasa hilaga ng Colombia at hilagang-kanluran ng Venezuela. Nakapapasong sikat ng araw at kakaunting ulan ang problema sa halos disyertong lugar na ito, kung saan umaabot hanggang 43 digri Celsius ang temperatura. Sa kabila ng klimang ito, ang mga tagarito ay abala at masisipag na magbubukid. Dahil sa walang-tigil na simoy ng hangin mula sa dagat at hanging amihan, nakakaraos ang mga tagarito at nawiwili rin ang mga turista sa kanilang pagmamasid sa napakagagandang tanawin at mga dalampasigan.
MALUGOD kang tinatanggap sa lupain ng mga Wayuu Indian. May mga 305,000 Wayuu, at 135,000 sa kanila ang naninirahan sa Colombia. Ang tribong ito ay napakatagal nang naninirahan dito bago pa man masakop ng mga Kastila ang kanilang lugar.
Ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga Wayuu ay ang paghahayupan at pagsasaka. Nangingisda rin sila at nakikipagkalakalan sa karatig na mga bansa. Napakahuhusay ng mga kababaihan sa paghahabi ng matitingkad na kulay, at gustung-gusto naman ng mga turista ang kanilang mga produkto.
Kilala ang mga Wayuu sa kanilang pagiging tapat at mapagpatuloy. Gayunman, nabubuhay rin sila sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kahirapan ang isa sa kanilang pangunahing problema kung kaya hindi sila natutong bumasa’t sumulat, ang kanilang mga sanggol ay kulang sa nutrisyon, wala silang pampagamot at, sa ilang lugar, marami ang delingkuwente.
Sa loob ng maraming taon, ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay nagpadala ng mga misyonero upang makipanirahan sa mga Wayuu. Dahil dito, nakontrol ng simbahan ang karamihan sa mga paaralan para sa mga guro at ang mga boarding school. Tinanggap ng maraming Wayuu ang diumano’y mga kostumbreng Kristiyano, gaya ng pagsamba sa imahen at pagbibinyag ng mga sanggol, ngunit hindi nila iniiwan ang mga paniniwala at ritwal mula sa kanilang mga tradisyon, alamat, at pamahiin.
Sa pangkalahatan, ang mga Wayuu ay may takot sa Diyos at nagugustuhan nila ang mga katotohanan sa Bibliya na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Sa pagsisimula ng dekada ng 1980, pipito lamang ang Saksing Wayuu sa Guajira, at tatlo sa kanila ang nakatira sa Ríohacha, ang kabisera. Bukod sa mga Saksing taal na tagaroon, 20 iba pang mamamahayag ang nangangaral doon ng mabuting balita ng Kaharian sa wikang Kastila.
Mensahe sa Kanilang Sariling Wika
Bukod pa sa kanilang sariling wika na Wayuunaiki, karamihan sa mga Wayuu na nakatira sa Ríohacha ay nakapagsasalita rin naman ng kaunting Kastila. Noong una, hindi pa gaanong mabunga ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Waring umiiwas ang mga katutubo sa mga arijunas, na tawag nila sa mga di-Wayuu. Kapag pumupunta ang mga Saksi sa kanilang bahay, karamihan sa mga Wayuu ay sumasagot sa kanilang sariling wika, hindi sa Kastila. Kaya lumilipat na lamang ang mga Saksi sa susunod na bahay.
Pero sa pagtatapos ng 1994, inatasan ng tanggapang
pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang isang grupo ng mga special pioneer, o pambuong-panahong mángangarál, upang maglingkod sa Kongregasyon ng Ríohacha. Nakisuyo ang mga payunir sa isang Saksing Wayuu na turuan sila ng wikang Wayuunaiki. Pagkasaulo nila ng ilang simpleng presentasyon, pumunta na ang mga ministrong ito sa teritoryo at napansin agad nila ang malaking pagbabago sa pakikitungo ng mga tao. Bagaman putul-putol magsalita ng Wayuunaiki ang mga special pioneer na ito, natutuwa at nakikinig sa kanila ang mga may-bahay, at kung minsan pa nga ay nauuwi ito sa masayang pag-uusap gamit ang kanilang limitadong Kastila!‘Maputi Na Para sa Pag-aani’
Itinulad ni apostol Pablo ang paggawa ng alagad ng mga Kristiyano sa pagsasaka, isang paghahambing na madaling maunawaan ng mga Wayuu na marunong sa agrikultura. (1 Corinto 3:5-9) Sa makasagisag na diwa, ang bukid ng Wayuu ay talagang ‘maputi na para sa pag-aani.’—Juan 4:35.
Si Neil, isang Wayuu Indian na nakatira sa Manaure, ay ipinanganak na may depekto. Palibhasa’y sinisisi niya ang Diyos, sobrang sama ng loob ni Neil kung kaya gusto na niyang magpakamatay. Isang Saksi, na nagsikap mangaral sa bahay-bahay habang pumupunta sa iba’t ibang bayan dahil sa kaniyang sekular na trabaho, ang nakipag-usap kay Neil tungkol sa Kaharian ni Jehova. Labing-apat na taóng gulang lamang noon si Neil. Nang mahalatang interesado si Neil, pinasimulan ng Saksi ang pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Natuwa si Neil nang malaman niya ang maibiging personalidad ni Jehova, kung kaya natiyak niyang hindi ang Diyos ang dahilan ng kaniyang pagdurusa. Lubhang naantig ang kaniyang puso nang mabasa niya ang pangako ng Diyos tungkol sa isang paraisong lupa, kung saan wala nang sakit!—Isaias 33:24; Mateo 6:9, 10.
Noong panahong iyon, may kaaway na ibang pamilya ang pamilya nila Neil. Upang matiyak ang kanilang kaligtasan, nagsagawa ang mga kamag-anak ni Neil ng ilang ritwal ng tribo. Nagugunita pa ni Neil: “Noong una, natatakot akong ipakipag-usap sa aming pamilya ang tungkol sa aking bagong pananampalataya, lalo na sa pinuno ng pamilya, na lubha naming iginagalang.” Nagalit ang mga magulang ni Neil nang malamang hindi siya makikisali sa mga paniniwalang labag sa Kasulatan at mga kaugaliang may kinalaman sa espiritismo. Lumipat si Neil sa Ríohacha at nakiugnay sa kongregasyon doon. Nabautismuhan siya nang maglaon. Noong 1993, inatasan siya bilang ministeryal na lingkod, at naging regular pioneer pagkalipas ng tatlong taon. Noong 1997 naman, naatasan siya bilang elder sa kongregasyon. Noong taóng 2000, pinalawak niya ang kaniyang ministeryo bilang special pioneer.
Tingnan din natin ang karanasan ni Teresa, isang katutubong Wayuu na nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Tinutuya siya ni Daniel na kinakasama niya, at sinasaktan siya at ang kanilang tatlong anak. Bagaman nang maglaon ay pumayag na rin itong makipag-aral ng Bibliya kasabay ni Teresa, madalas pa rin itong nakikipaglasingan sa kaniyang mga kabarkada, kung minsan sa loob ng apat o limang araw. Naghirap tuloy ang kaniyang pamilya. Patuloy pa rin si Teresa sa regular na pag-aaral at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Nakatulong ito upang makita ni Daniel ang kahalagahan ng pag-aaral ng Bibliya. Pagkaraan, isa sa kanilang mga anak ang aksidenteng
napalublob sa kumukulong tubig at namatay dahil sa tinamong paso sa katawan. Bukod sa matinding dalamhati sa pagkamatay ng isang anak, kinailangan ding harapin ni Teresa ang panggigipit ng kanilang mga kaibigan at kapitbahay na magsagawa ng mga kaugalian sa paglilibing na labag sa Kasulatan.Sa mahirap na panahong iyon, pinatibay, tinulungan, at inaliw ng mga kapatid sa kalapit na mga kongregasyon ang mag-asawang ito. Kahit tapos na ang libing, dinadalaw pa rin sila ng mga kapatid mula sa kongregasyong Wayuu ang wika upang aliwin sila. Nang makita ni Daniel ang ganitong pag-ibig Kristiyano, naudyukan siyang sumulong sa espirituwal. Tinigilan na niya ang paglalasing at pagmamaltrato kay Teresa. Nagpakasal sila ni Teresa at nagtrabaho siya nang husto para masuportahan ang kaniyang pamilya. Sumulong sila sa espirituwal at nabautismuhan noong 2003. Pareho silang nagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa napakagandang patotoo ni Teresa sa kaniyang mga kamag-anak, nakikinig na sila ngayon sa mga Saksi kapag dumadalaw ang mga ito. Ang isa sa mga pamangking lalaki ni Daniel ay isa nang di-bautisadong mamamahayag, at dalawa sa kaniyang mga pamangking babae naman ang nag-aaral na ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong ng kongregasyon. Ang hipag ni Teresa na namatayan din ng anak dahil sa aksidente, at ang sambahayan nito, ay nagpakita na ng interes sa pag-aaral ng Bibliya.
Espirituwal na Pagkain sa Wayuunaiki
Noong 1998, ang buklet na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! * ay inilabas sa wikang Wayuunaiki. Naging malaking tulong ito sa pagsulong sa Wayuu at sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Gumawa ng mga kaayusan noong 2003 na sanayin ang ilang kapatid na lalaki na magsalin ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Wayuunaiki. Dahil sa sipag ng isang grupo ng mga tagapagsalin sa Ríohacha, nadagdagan pa ang mga brosyur na makukuha sa wikang ito, na nakatulong sa espirituwal na pagsulong ng mga alagad na nagsasalita ng Wayuunaiki.
Mula noong 2001, isinasalin na sa Wayuunaiki ang ilang bahagi ng programa sa pandistritong kombensiyon. Sumisigla ang mga nakikipag-aral ng Bibliya kapag napapakinggan nila ang programa sa kanilang sariling wika. Umaasam sila na balang araw ay mapapanood na nila ang mga drama sa Bibliya sa wikang Wayuunaiki.
Isang Mabungang Bukid
Ang Uribia ay isang bayan na mga 100 kilometro sa hilagang-silangan ng Ríohacha. Ang kongregasyon ng mga Wayuu sa Uribia ay may 16 na mamamahayag ng Kaharian, na karamihan ay nagsisikap makapangaral sa mga Indian na nakatira sa mga liblib na lugar. Ganito ang sabi ng isang elder ng kongregasyon tungkol sa isang biyahe nila roon para magpatotoo: “Pumunta kami sa isang maliit na pamayanan sa bukid na binubuo ng mga isang dosenang bahay na may mababang mga bubong at maliliit na bintana. Sa harap ng bawat bahay ay may patag na bubong na gawa sa yotojolo, ang matigas na bahagi ng tangkay ng kaktus. Doon, ang pamilya at ang mga bisita ay protektado mula sa nakapapasong sikat ng araw. Natuwa kami nang makita naming marami ang lubhang interesado, kaya nagsaayos kaming bumalik at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Pagbalik namin, napansin naming marami palang hindi marunong bumasa’t sumulat. Nabanggit nila sa amin ang isang paaralang hindi na ginagamit dahil sa kakulangan ng pondo. Buong-kabaitan namang ipinagamit sa amin ng nangangasiwa roon ang isa sa mga silid-aralan para pagdausan ng mga klase sa pagbasa’t pagsulat at mga pag-aaral sa Bibliya. Anim na Wayuu ang natutong bumasa’t sumulat at sumusulong sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Naantig ang aming puso sa ipinakita nilang pagpapahalaga, kaya isinaayos naming magdaos ng mga pulong sa pamayanang iyon.”
Natuto rin ng Wayuunaiki ang ilang Saksing hindi Wayuu, at lubos na pinahahalagahan ang kanilang tulong. Sa Peninsula ng Guajira, mayroon nang walong kongregasyon at dalawang grupo na gumagamit ng wikang ito.
Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap na ito. Walang-alinlangang marami pa ang magagawa ng pangangaral ng mabuting balita sa mga Wayuu. Malaki ang potensiyal sa kanilang lugar yamang nagiging mga alagad na Kristiyano ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan. Magpadala pa sana si Jehova ng dagdag na mga ministro para magsaka sa bukid na ito, na ‘maputi na para sa pag-aani.’—Mateo 9:37, 38.
[Talababa]
^ par. 18 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
VENEZUELA
COLOMBIA
LA GUAJIRA
Manaure
Ríohacha
Uribia
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Kampo ng Wayuu sa ibaba: Victor Englebert