Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malupit na Daigdig sa Ngayon

Malupit na Daigdig sa Ngayon

Malupit na Daigdig sa Ngayon

SI María ay 64 na taóng gulang at nagsosolo sa buhay. Bangkay na siya nang matagpuan sa kaniyang bahay, binugbog at sinakal sa pamamagitan ng kable.

Tatlong pulis ang binugbog ng galít na mga mang-uumog dahil sa bintang na pagkidnap ng mga ito sa dalawang bata. Dalawa sa mga pulis ang binuhusan ng gasolina at sinindihan. Natupok ang mga ito, samantalang nakatakas naman ang isa.

Dahil sa isang tawag sa telepono ng di-nagpakilalang tao, natuklasan ang isang malagim na krimen. Nahukay sa isang hardin ang mga labí ng apat na bakasyonistang lalaki. Nakapiring ang mga ito, at nakagapos ang mga kamay. Ipinakita ng awtopsiya na inilibing sila nang buháy.

Ang mga brutal na krimeng ito ay hindi mga eksena sa malulupit at mararahas na pelikulang nakatatakot. Ang mga ito’y tunay na pangyayaring naging ulo ng mga balita sa isang bansa sa Latin Amerika. Pero hindi lamang sa bansang ito nagaganap ang gayong mga balita sa ngayon.

Laganap na ang kalupitan. Ang pambobomba, pag-atake ng mga terorista, pamamaslang, pananalakay, pamamaril, at panghahalay ay ilan lamang sa mga ito. Paulit-ulit na ibinabalita ng media ang detalyadong ulat ng brutal na mga krimen, at marami ang hindi na nagugulat na mapanood o mapakinggan ang gayong kalupitan.

Maitatanong mo marahil: ‘Ano na ba ang nangyayari sa daigdig sa ngayon? Nawala na ba ang konsiderasyon sa damdamin ng iba at paggalang sa buhay?’ Bakit kailangang mabuhay tayo sa ganitong kalagayan?

Tingnan naman natin si Harry, edad 69 at may kanser. Ang asawa niya ay may multiple sclerosis, ngunit tinutulungan sila ng kanilang mga kapitbahay at mga kaibigan. “Ewan ko kung ano na ang nangyari sa amin kung wala ang mga taong ito na tumutulong sa amin,” ang sabi ni Harry. Sa Canada, kung saan siya nakatira, ipinakita ng isang pag-aaral na mahigit 50 porsiyento ng tagapag-alaga ng mga may-edad ang tumutulong sa mga hindi naman nila kaanu-ano. Tiyak na may kilala ka ring ordinaryong tao na sa araw-araw ay nagpapakita ng kabaitan at pakikipagkapuwa-tao. Oo, maaaring maging maawain at mabait ang mga tao sa halip na maging malupit.

Pero bakit ba umiiral ang kalupitan? Bakit nagiging malupit ang mga tao? Maaari pa bang magbago ang mga taong ito? Magwawakas pa kaya ang kalupitan? Kung oo, paano, at kailan?

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Tren: CORDON PRESS