Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Dapat bang iwasan ng isang Kristiyano ang mga inumin at pagkaing may caffeine?

Hindi pinagbabawalan ng Bibliya ang isang Kristiyano na uminom ng kape, tsa, tsokolate, maté, at mga soft drink na may caffeine. Pero ang Kasulatan ay nagbibigay ng mga simulaing makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya. Tingnan muna natin kung bakit iniiwasan ng ilang tao ang mga inumin at pagkaing may caffeine.

Ang isang pangunahing dahilan ay na maaaring mabago ng caffeine ang emosyon ng isang tao dahil naaapektuhan nito ang pag-iisip. Nakakaadik din ito. Ganito ang sinabi ng isang reperensiyang ginagamit ng mga parmasiyutiko: “Kapag maraming caffeine ang naipasok sa katawan sa loob ng mahabang panahon, maaari itong mahirati at maadik sa caffeine. Kapag biglang itinigil ang pag-inom o pagkain ng may caffeine, maaaring maranasan ang pagsakit ng ulo, pagiging mainisin, pagiging nerbiyoso, pagkabalisa, at pagkahilo.” Pinag-iisipang ilakip sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders ang mga epekto ng biglang pagtigil sa pag-inom o pagkain ng may caffeine, kasama ng iba pang mga epekto ng biglang pagtigil sa paggamit ng droga. Kaya makatuwiran lamang na mabahala ang ilang Kristiyano sa caffeine dahil ayaw nilang maadik dito at nais nilang magkaroon ng pagpipigil sa sarili.​—Galacia 5:23.

Naniniwala ang ilan na may epekto ang caffeine sa kalusugan ng isang tao o ng isang sanggol na nasa sinapupunan. Dapat ibigin ng mga Kristiyano ang Diyos ‘nang kanilang buong kaluluwa,’ kaya iniiwasan nila ang anumang bagay na magpapaikli sa kanilang buhay. At yamang inuutusan din silang ibigin ang kanilang kapuwa, iniiwasan nila ang mga bagay na maaaring makapinsala sa sanggol na nasa sinapupunan.​—Lucas 10:25-27.

Makatuwiran ba ang gayong mga pagkabahala? Pinagtatalunan pa kung talaga nga bang nagdudulot ng iba’t ibang sakit ang caffeine. May ilang mananaliksik pa ngang nag-uulat na nakabubuti sa kalusugan ang kape. Noong 2006, iniulat ng magasing Time: “Ipinahihiwatig ng mga unang pag-aaral na [ang caffeine] ay maaaring magdulot ng kanser sa pantog, mataas na presyon ng dugo at iba pang mga karamdaman. Hindi lamang pinasinungalingan ng mas bagong pagsasaliksik ang karamihan sa mga pag-aangking ito kundi natuklasan din na kapaki-pakinabang [ang caffeine]. Lumilitaw na sa paanuman, ang caffeine ay panlaban sa pinsala sa atay, Parkinson’s disease, diyabetis, Alzheimer’s disease, bato sa apdo, depresyon at marahil ay ilang uri pa nga ng kanser.” Ganito ang iniulat ng isang magasing pambalita hinggil sa caffeine: “Ang mahalaga​—maging katamtaman.”

Ang bawat Kristiyano ang dapat gumawa ng sariling pagpapasiya salig sa kaniyang pagkaunawa sa kasalukuyang impormasyon hinggil sa caffeine at sa waring nauugnay na mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, maaaring ipasiya ng isang Kristiyanong nagdadalang-tao na iwasan ang caffeine sa panahon ng kaniyang pagbubuntis kung sa palagay niya ay may epekto ito sa sanggol na nasa kaniyang sinapupunan. Kung matuklasan ng isang Kristiyano na nagiging mainisin siya o parang sumásamâ ang kaniyang pakiramdam kapag hindi siya regular na nakaiinom o nakakakain ng may caffeine, baka payuhan siya na umiwas muna sa caffeine. (2 Pedro 1:5, 6) Dapat igalang ng ibang mga Kristiyano ang gayong pasiya at huwag igiit ang kanilang opinyon.

Anuman ang iyong pasiya hinggil sa mga inumin at pagkaing may caffeine, laging isaisip ang payo ni Pablo: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.