Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nasiyahan ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapilit na lalaking may bisita? (Lucas 11:5-10)
Ipinakikita sa ilustrasyong ito ang dapat na maging saloobin natin kapag nananalangin. Dapat tayong magmatiyaga, o patuloy na humingi, lalo na ng banal na espiritu ng Diyos. (Lucas 11:11-13)—12/15, pahina 20-2.
• Anong aral ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa balo at hukom? (Lucas 18:1-8)
Idiniriin nito na kailangan nating manalangin. Di-gaya ng hukom, si Jehova ay matuwid at gusto niya tayong tulungan. Isa pa, dapat tayong magkaroon ng pananampalatayang gaya ng pananampalataya ng balo sa ilustrasyon.—12/15, pahina 26-8.
• Bakit sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto na “magpalawak”? (2 Corinto 6:11-13)
Waring hindi gaanong pinahahalagahan ng ilan sa Corinto ang kanilang mga kapananampalataya dahil makitid ang kanilang isip at maramot ang kanilang puso. Dapat tayong magsikap na magkaroon ng tunay na pagpapahalaga sa ating mga kapananampalataya, at magpalawak pa nga para magkaroon ng mga bagong kaibigan.—1/1, pahina 9-11.
• Anong pagtatatak ang tinutukoy sa Apocalipsis 7:3?
Nang pahiran ng Diyos ang mga Kristiyano ng banal na espiritu, sila ay tumanggap ng unang pagtatatak. Pero ang Apocalipsis 7:3 ay tumutukoy sa pangwakas na pagtatatak, kapag ganap nang napatunayan ng mga pinahirang iyon ang kanilang katapatan.—1/1, pahina 30-1.
• Ano ang matututuhan ng mga magulang sa ulat ng Bibliya tungkol kay Samuel?
Una sa lahat, dapat nilang ituro sa kanilang mga anak ang salita ng Diyos, gaya ng tiyak na ginawa ng mga magulang ni Samuel sa kaniya. Bukod diyan, dapat nilang himukin ang kanilang mga anak na gawin nilang karera ang paglilingkod kay Jehova.—1/15, pahina 16.
• Paano natin maipakikitang maligaya tayong naghihintay kay Jehova?
‘Hinihintay natin ang araw ni Jehova,’ at umaasam ng ginhawa kapag pinuksa na niya ang lahat ng mga taong di-makadiyos. (2 Pedro 3:7, 12) Bagaman gustung-gusto na ni Jehova na wakasan ang lahat ng kasamaan, nagpipigil pa rin siya upang iligtas ang mga Kristiyano sa paraang luluwalhati sa kaniyang pangalan. Dapat tayong magtiwala na alam ni Jehova ang tamang panahon para kumilos. Samantala, dapat tayong maging masigasig sa pagpuri sa kaniya. (Awit 71:14, 15)—3/1, pahina 17-18.
• Ilan ang ipinasok ni Noe sa arka—pito sa bawat uri ng malinis na hayop o pitong pares ng bawat uri?
Sinabihan si Noe na ‘kumuha siya para sa kaniya ng tigpipito’ ng bawat uri ng malinis na hayop. (Genesis 7:1, 2) Sa wikang Hebreo, ang pananalitang “tigpipito” ay literal na mababasang “pito pito.” Ang pananalitang ito ay hindi nangangahulugang pitong pares, gaya ng ipinahihiwatig ng ibang teksto sa Bibliya. Lumilitaw na kumuha si Noe ng pito sa bawat uri, tatlong pares at isa pa bilang ikapito na gagamitin niya sa paghahain. (Genesis 8:20)—3/15, pahina 31.
• Bakit dapat “dili-dilihin” ng mga Kristiyano ang kinalabasan ng pananampalataya ng mga elder na nangunguna?
Inaanyayahan tayo ni apostol Pablo na “dili-dilihin” o pag-isipang mabuti, ang kinalabasan ng tapat na paggawi ng mga elder at tularan ang kanilang pananampalataya. (Hebreo 13:7) Ginagawa natin ito dahil iniutos ito sa atin ng Salita ng Diyos. Gayundin, kumbinsido tayo na kapakanan natin at ng Kaharian ang iniisip nila.—4/1, pahina 28.