Sundan si Pablo sa Berea
Sundan si Pablo sa Berea
Isang malaking tagumpay ang gawain ng dalawang misyonero, at napakarami ng naging mananampalataya. Ngunit nag-alsa laban sa kanila ang mga mang-uumog. Kaya nagkaroon ng pagpapasiya. Alang-alang sa bagong-tatag na kongregasyon at sa kaligtasan ng mga misyonero, kailangang umalis agad ang dalawa kinagabihan. Kaya tumakas sina Pablo at Silas sa daungan ng Macedonia sa Tesalonica noong mga 50 C.E. Naglakbay sila patungo sa susunod nilang destinasyon—ang Berea.
MULA sa malayo, makikita ng turista sa ngayon, gaya ng manlalakbay noon, ang Berea (Véroia) sa silangang bahagi ng paanan ng luntiang Bundok Bermios. Ang Berea ay mga 65 kilometro sa timog-kanluran ng Tesalonica at mga 40 kilometro mula sa baybayin ng Dagat Aegean. Ang Bundok Olympus ay nasa gawing timog, at tahanan ng pangunahing mga diyos ng sinaunang mga Griego ayon sa alamat.
Ang mga estudyante ng Bibliya ay interesado sa Berea dahil ito ang lugar kung saan marami ang napangaralan at nakumberte ni Pablo tungo sa Kristiyanismo. (Gawa 17:10-15) Balikan natin ang paglalakbay ni Pablo at suriin ang kasaysayan ng lunsod.
Sinaunang Kasaysayan
Walang nakatitiyak kung kailan talaga naitatag ang Berea. Ang mga unang naninirahan dito, malamang na mga tribo mula sa Frigia, ay itinaboy ng mga taga-Macedonia noong mga ikapitong siglo B.C.E. Makalipas ang tatlong siglo, umasenso ang Macedonia matapos ang mga tagumpay ni Alejandrong Dakila. Itinayo ang naglalakihang gusali at pader at mga santuwaryo nina Zeus, Artemis, Apolo, Athena, at iba pang mga diyos ng mga Griego.
Isang aklat sa kasaysayan ang nagsabi na sa nakalipas na mga siglo, ang Berea ay “gumanap ng mahalagang papel sa rehiyon at sa iba pang hilagang bahagi ng Gresya.” Lalong nakilala ang lunsod noong panahon ng paghahari ng huling dinastiya ng Macedonia, ang mga Antigonido (306-168 B.C.E.), na nang dakong huli ay nilupig ng Roma.
Nang matalo ng mga Romano si Haring Philip V noong 197 B.C.E., “nagkaroon ng pagbabago sa pamamahala at ang Roma na ang naging makapangyarihan sa silangang Mediteraneo,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Noong 168 B.C.E., sa Pydna, ilang kilometro sa timog ng Berea, nagkaroon ng malaking epekto ang pagkapanalo ng isang Romanong heneral laban sa Daniel 7:6, 7, 23) Pagkatapos ng labanan, ang Berea ang isa sa unang mga lunsod sa Macedonia na sumuko sa Roma.
huling tagapamahala ng Macedonia na si Perseus. Gaya ng inihula sa Bibliya, pumalit ang Roma sa kapangyarihang pandaigdig ng Gresya. (Noong unang siglo B.C.E., ang Macedonia ang naging lugar ng labanan nina Pompey at Julio Cesar. Sa katunayan, inilagay ni Pompey ang kaniyang punong-himpilan at hukbo sa Berea.
Pag-asenso sa Ilalim ng mga Romano
Noong Pax Romana, o Kapayapaang Romano, nakita ng mga turista sa Berea ang mga kalyeng nilatagan ng mga bato at may nakahilerang mga poste. Ang lunsod ay may mga pampublikong paliguan, sinehan, aklatan, at mga pasilidad para sa paligsahan ng mga gladyador. Ang tubig na maiinom ay dumadaloy sa mga tubo, at ang mga kanal ng lunsod ay nasa ilalim ng lupa. Nakilala ang Berea bilang sentro ng komersiyo at nagpupuntahan doon ang mga negosyante, mga dalubsining, at mga atleta, samantalang ang iba naman ay nagpupunta roon para manood ng mga palaro at iba pang panoorin. May mga lugar ng pagsamba para sa mga dayuhan kung gusto nilang gumawa ng mga ritwal ng kanilang sariling relihiyon. Oo, sa lunsod na ito nagtitipon at nagsasama-sama ang mga kulto ng mga Romano.
Ang namatay nang mga emperador ng Roma ay dinidiyos at sinasamba sa Berea. Maaaring hindi na naninibago rito ang mga taga-Berea dahil bago nito ay sinasamba na nila si Alejandrong
Dakila, na itinuturing din nilang diyos. Ganito ang sabi ng isang akda hinggil sa Gresya: “Palibhasa’y nasanay nang dinidiyos ang isang hari habang nabubuhay ito, ang mga Helene [mga Griego] ng silangang Imperyo ay masaya ring sumasamba sa mga emperador ng Roma . . . Nasa kanilang mga barya ang larawan ng emperador bilang diyos na may maringal na korona. Pinupuri siya na parang diyos sa pamamagitan ng mga dasal, himno at mga awit.” Nagtayo sila ng mga altar at templo, at nag-alay sa kaniya ng mga hain. Maging ang mga emperador ay pumupunta sa mga kapistahan ng mga kulto sa imperyo, na kinabibilangan ng mga paligsahan sa mga palaro, sining, at panitikan.Bakit kaya naging sentro ng paganong pagsamba ang Berea? Dahil narito ang Koinon ng Macedonia. Ito ang pagtitipon ng mga delegado mula sa mga lunsod ng Macedonia. Regular na nagsasama-sama ang mga delegadong ito sa Berea upang pag-usapan ang mga bagay-bagay may kinalaman sa lunsod at lalawigan at asikasuhin ito sa ilalim ng pangangasiwa ng Roma. Ang isa sa pangunahing tungkulin ng Koinon ay pangasiwaan ang mga kapistahan ng mga kulto sa imperyo.
Kaya ito ang kalagayan ng lunsod na pinuntahan nina Pablo at Silas matapos silang tumakas sa Tesalonica. Nang panahong iyon, ang Berea ay dalawang siglo nang nasa ilalim ng Roma.
Nakarating ang Mabuting Balita sa Berea
Pinasimulan ni Pablo ang kaniyang pangangaral sa Berea sa sinagoga ng lunsod. Paano siya tinanggap? Ayon sa kinasihang ulat, ang mga Judio roon ay “higit na mararangal ang pag-iisip . . . kaysa roon sa mga nasa Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:10, 11) Palibhasa’y “mararangal ang pag-iisip,” hindi nila iginiit ang kanilang mga tradisyon. Bagaman bago sa kanila ang kanilang naririnig, hindi sila naghinala o nayamot. Sa halip na tanggihan ang mensahe ni Pablo, sila ay atentibo, bukás ang isip at walang pagtatangi.
Paano narinig ng mga Judiong iyon ang taginting ng katotohanan sa mga turo ni Pablo? Sinuri nila ang kanilang narinig sa pamamagitan ng paggamit ng pinakamapagkakatiwalaang pamantayan. Buong-ingat at pagtitiyaga nilang sinuri ang Kasulatan. Ganito ang konklusyon ng iskolar ng Bibliya na si Matthew Henry: “Yamang nangangatuwiran si Pablo mula sa mga kasulatan, at tinutukoy sa kanila ang Lumang Tipan bilang patotoo sa kaniyang sinabi, sinangguni nila ang kani-kanilang Bibliya, binuklat ang mga tekstong tinukoy niya, binasa ang konteksto,
tiningnan ang saklaw at kahulugan ng mga ito, inihambing ang mga ito sa iba pang teksto, sinuri kung ang pagkaunawa ni Pablo sa mga ito ay makatuwiran at tapat at kung ang mga argumento niya ay nakakakumbinsi, at nagpasiya sila ayon dito.”Hindi ito minsanang pag-aaral lamang. Ang mga taga-Berea ay nagmatiyaga, nagpatuloy sa araw-araw na pag-aaral kahit hindi Sabbath.
At isip-isipin na lamang ang naging resulta. Maraming Judio sa Berea ang tumanggap ng mensahe at naging mananampalataya. May ilang Griego, pati na marahil ilang proselitang Judio, na naniwala rin. At napabalita ito. Nang makarating ang balita sa mga Judio mula sa Tesalonica, agad silang pumunta sa Berea “upang sulsulan at ligaligin ang mga karamihan.”—Gawa 17:4, 12, 13.
Napilitan si Pablo na umalis sa Berea, pero nagpatuloy pa rin siya sa pangangaral sa ibang lugar. Sumakay naman siya ngayon ng barko patungong Atenas. (Gawa 17:14, 15) Gayunpaman, masaya na rin siya sa naging resulta ng kaniyang gawain sa Berea, dahil naitanim doon ang Kristiyanismo. At namumunga ito ngayon.
Oo, may mga taga-Berea (Véroia) pa rin sa ngayon na maingat na nagsusuri sa Kasulatan upang ‘tiyakin ang lahat ng bagay’ at ‘manghawakang mahigpit’ sa kung ano ang totoo at may matibay na saligan. (1 Tesalonica 5:21) Dalawang lumalagong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod na ito ang nagsasagawa ng pangangaral, gaya ni Pablo, na ibinabahagi sa iba ang mensahe ng Bibliya. Hinahanap nila ang tapat-pusong mga tao at nangangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan, na hinahayaan ang Bibliya na siyang magpakilos sa lahat ng nagnanais makakilala kay Jehova, ang tunay na Diyos.—Hebreo 4:12.
[Mapa sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Bahagi ng ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero
MISIA
Troas
Neapolis
Filipos
MACEDONIA
Amfipolis
Tesalonica
Berea
GRESYA
Atenas
Corinto
ACAYA
ASIA
Efeso
RODAS
[Larawan sa pahina 13]
Pilak na baryang may larawan ni Alejandrong Dakila bilang diyos ng mga Griego
[Credit Line]
Barya: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 14]
Daang papasók sa pamayanan ng mga Judio sa Berea (Véroia)
[Larawan sa pahina 15]
Lumang sinagoga sa Berea (Véroia) ngayon