Di-hamak na Mas Mahalaga Kaysa sa Lagay ng Panahon
Di-hamak na Mas Mahalaga Kaysa sa Lagay ng Panahon
HALOS lahat ng bansa ay may kasabihan tungkol sa lagay ng panahon: Mapulang langit sa gabi, sa magdaragat ay kawili-wili; mapulang langit sa umaga, sa magdaragat ay nakababahala. Ang mga meteorologo sa ngayon ay nagbibigay ng teknikal na mga dahilan kung bakit ang lagay ng panahon ay nagiging gaya ng inilalarawan sa kasabihan sa itaas.
Noong panahon ni Jesus, nakagawian na rin ng mga tao na pag-aralan ang kalangitan at bigyang-kahulugan ang hitsura nito. Ganito ang sabi ni Jesus sa ilang Judio: “Kapag sumasapit ang gabi ay nakagawian na ninyong sabihin, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat ang kalangitan ay mapulang gaya ng apoy’; at sa umaga, ‘Magiging malamig at maulan ang panahon ngayon, sapagkat ang kalangitan ay mapulang gaya ng apoy, ngunit makulimlim.’ Alam ninyo kung paano bibigyang-kahulugan ang kaanyuan ng kalangitan, ngunit . . . ” Ngunit ano? Nagpatuloy si Jesus upang bigkasin ang isang kapansin-pansing pangungusap: “Ang mga tanda ng mga panahon ay hindi ninyo mabigyang-kahulugan.”—Mateo 16:2, 3.
Ano ba itong “mga tanda ng mga panahon”? Ito ang maraming malilinaw na pahiwatig na si Jesus ang tunay na Mesiyas na isinugo ng Diyos. Gaya ng mapulang langit, kitang-kita ang mga ito sa kaniyang mga gawa. Gayunman, ipinagwalang-bahala ng karamihan sa mga Judio ang mga tanda na nagpapakitang dumating na ang Mesiyas—isang pangyayari na talagang mas mahalaga kaysa sa lagay ng panahon.
Sa ngayon, may isa ring tanda na di-hamak na mas mahalagang maunawaan kaysa sa kulay ng literal na kalangitan. Inihula ni Jesus na wawakasan na ang napakasamang sanlibutang ito upang mapalitan ng isang mas magandang sanlibutan. Binanggit niya ang maraming pangyayaring sabay-sabay na magaganap bilang pahiwatig na malapit na ang pagbabagong ito. Kabilang dito ang pangglobong mga digmaan at taggutom. Sinabi ni Jesus na kapag nakikita na ang mga bagay na ito, malapit nang dumating ang panahon ng pagkilos ng Diyos.—Mateo 24:3-21.
Nakikita mo ba ang “mga tanda ng mga panahon”?