Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailan matatapos ang pagpili sa mga Kristiyanong pagkakalooban ng makalangit na pag-asa?
Walang tiyak na sagot ang Bibliya sa tanong na iyan. Ang alam natin ay kung kailan nagsimula ang pagpapahid sa mga alagad ni Jesus ukol sa makalangit na mana, at iyon nga ay noong 33 C.E. (Gawa 2:1-4) Alam din natin na pagkamatay ng mga apostol, ang mga tunay na pinahirang Kristiyano na “trigo” ay ‘lumaking kasama’ ng huwad na mga Kristiyano, ang mga “panirang-damo.” (Mateo 13:24-30) Pagkatapos, noong mga huling taon ng ika-19 na siglo, muli na namang naging aktibo sa gawain ang mga pinahirang Kristiyano. Noong 1919, nagsimula ang paggapas sa mga “aanihin sa lupa” at sa mga huling kabilang sa mga pinahiran.—Apocalipsis 14:15, 16.
Mula noong huling mga taon ng ika-19 na siglo hanggang 1931, ang pangunahing layunin ng pangangaral ay para tipunin ang natitirang miyembro ng katawan ni Kristo. Noong 1931, ikinapit ng mga Estudyante ng Bibliya ang salig-Bibliyang pangalan na mga Saksi ni Jehova, at sa isyu ng The Watchtower noong Nobyembre 15, 1933, binanggit ang ideya na ang natatanging pangalang ito ang “denario” na tinukoy sa talinghaga ni Jesus na nakaulat sa Mateo 20:1-16. Ang 12 oras na binanggit sa talinghaga ay sinasabing tumutukoy sa 12 taon mula 1919 hanggang 1931. Sa loob ng maraming taon pagkatapos ilathala ang magasing iyon, inaakalang natapos na noong 1931 ang pagpili sa mga mamamahala sa makalangit na Kaharian at na ang mga piniling maging kasamang tagapagmana ni Kristo noong 1930 at 1931 ang mga “huli” na pinili. (Mateo 20:6-8) Pero noong 1966, nagkaroon ng pagbabago sa pagkaunawa sa talinghagang iyon, at naging malinaw na wala itong kinalaman sa pagtatapos ng pagpili sa mga pinahiran.
Noong 1935, naunawaan na ang “malaking pulutong” sa Apocalipsis 7:9-15 ay binubuo ng “ibang mga tupa,” mga Kristiyanong may makalupang pag-asa, na titipunin sa “mga huling araw” at makaliligtas sa Armagedon bilang isang grupo. (Juan 10:16; 2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 21:3, 4) Pagkalipas ng taóng ito, ibinaling naman sa pagtitipon sa malaking pulutong ang gawaing pangangaral. Kaya naman lalo na pagkalipas ng 1966, inakalang natapos na ang makalangit na pagtawag noong 1935. Waring napatunayan ito nang ang halos lahat ng binautismuhan pagkatapos ng 1935 ay maniwalang sa lupa ang kanilang pag-asa. Mula noong taóng iyon, ang lahat ng pinagkalooban ng makalangit na pag-asa ay pinaniniwalaang mga kapalit na ng mga pinahirang Kristiyano na napatunayang hindi tapat.
Walang-alinlangang pinapalitan ni Jehova ang sinumang pinahirang lumihis sa katotohanan at hindi nagsisi. (Roma 11:17-22) Gayunman, malamang na iilan lamang ang tunay na mga pinahirang hindi naging tapat. Sa kabilang dako naman, sa paglipas ng panahon, ang ilang Kristiyanong nabautismuhan pagkalipas ng 1935 ay tumanggap ng patotoo mula sa banal na espiritu na ang pag-asa nila ay sa langit. (Roma 8:16, 17) Kaya lumilitaw na hindi tayo makapagtatakda ng eksaktong petsa kung kailan talaga natapos ang pagpili sa mga Kristiyanong pagkakalooban ng makalangit na pag-asa.
Ano ang dapat na maging tingin natin sa isang taong nagpasiya na siya ay pinahiran at nagsimula nang makibahagi sa mga emblema sa Memoryal? Hindi siya dapat husgahan. Ang bagay na ito ay pananagutan niya kay Jehova. (Roma 14:12) Gayunman, hindi humihingi ng pantanging atensiyon ang tunay na mga pinahirang Kristiyano. Hindi nila iniisip na ang pagiging kabilang sa mga pinahiran ay nagbibigay sa kanila ng pantanging “kaunawaan,” na ipinahihiwatig na mas marami silang alam kaysa sa malaking pulutong kahit pa sa mas makaranasang mga miyembro nito. Hindi nila iniisip na mas nakalalamang sila sa tinatanggap nilang banal na espiritu kaysa sa mga kasamahan nilang ibang mga tupa; ni umaasang paglilingkuran sila ng iba o nagsasabing nakatataas sila sa hinirang na matatanda sa kongregasyon dahil nakikibahagi sila sa mga emblema. Mapagpakumbaba nilang tinatandaan na may ilang pinahiran noong unang siglo na hindi kuwalipikadong maglingkod bilang elder o ministeryal na lingkod. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9; Santiago 3:1) May ilang pinahirang Kristiyano pa nga na mahina sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:14) At ang mga sister, bagaman pinahiran, ay hindi nagtuturo sa kongregasyon.—1 Timoteo 2:11, 12.
Kaya ang mga pinahirang Kristiyano pati na ang kanilang mga kasamahang ibang tupa ay nagsisikap na manatiling malakas sa espirituwal, anupat nililinang ang mga bunga ng espiritu at itinataguyod ang kapayapaan sa kongregasyon. Ang lahat ng Kristiyano, pinahiran man o kabilang sa ibang mga tupa, ay masipag sa pangangaral ng mabuting balita at paggawa ng mga alagad sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala. Nasisiyahan ang mga pinahirang Kristiyano sa paggawa nito hangga’t kalooban ng Diyos na manatili sila sa lupa bilang mga lingkod ni Jehova.