Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakasumpong Kami ng Nagtatagal na Kayamanan

Nakasumpong Kami ng Nagtatagal na Kayamanan

Nakasumpong Kami ng Nagtatagal na Kayamanan

Ayon sa Salaysay nina Dorothea Smith at Dora Ward

Anong kayamanan ito? Dalawa kaming kabataang babae na may masidhing hangarin na tuparin ang utos ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Hayaan mong ipaliwanag namin kung paano kami nakasumpong ng nagtatagal na kayamanan.

DOROTHEA: Noong 1915, di-nagtagal pagkatapos magsimula ang Digmaang Pandaigdig I, isinilang ako na bunso sa tatlong magkakapatid. Nakatira kami malapit sa Howell, Michigan, sa Estados Unidos. Walang hilig sa relihiyon ang tatay ko, pero may takot sa Diyos ang nanay ko. Sinikap niyang ituro sa amin ang pagsunod sa Sampung Utos, pero nag-alala siya na ang aking kuya, si Willis; ang aking ate, si Viola; at ako ay hindi miyembro ng anumang simbahan.

Noong 12 taóng gulang ako, nagpasiya si Inay na pabinyagan ako sa Simbahang Presbiteryano. Tandang-tanda ko pa nang ako’y mabinyagan. Kasabay kong nabinyagan ang dalawang sanggol, habang kalong ng kani-kaniyang nanay. Hiyang-hiya akong mabinyagang kasabay ng dalawang sanggol. Winisikan ng tubig ng ministro ang aking ulo habang ibinubulong ang ilang pananalitang hindi ko naiintindihan. Ang totoo, kapareho ko lang ang dalawang sanggol na walang kamuwang-muwang sa kahulugan ng bautismo namin!

Isang araw noong 1932, may kotseng pumarada sa may bakuran namin, at binuksan ni Inay ang pinto. Dalawang lalaki ang nag-aalok ng mga aklat tungkol sa relihiyon. Isa sa kanila ang nagpakilalang siya si Albert Schroeder. Ipinakita niya kay Inay ang ilang literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tinanggap ni Inay ang mga aklat. Nakatulong sa kaniya ang mga publikasyong iyon na tanggapin ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos.

Nagsimula ang Paghahanap ng Kayamanan

Nang maglaon, lumipat ako sa Detroit upang makitira kay Ate. Doon ko nakilala ang isang may-edad nang babae na dumadalaw kay Ate upang magturo ng Bibliya. Sa kanilang mga pag-uusap, naalaala ko ang lingguhang programa sa radyo na pinakikinggan ko noong nasa amin pa ako kasama ni Inay. Kasama sa programang iyon ang isang 15-minutong pahayag hinggil sa isang paksa sa Bibliya na binigkas ni J. F. Rutherford, na siyang nangunguna sa gawain ng mga Saksi ni Jehova noong panahong iyon. Noong 1937, nakisama na kami sa unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Detroit. Binautismuhan ako nang sumunod na taon.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1940, ipinatalastas na ang mga Saksi ni Jehova ay magbubukas ng isang paaralan na tinatawag na Gilead sa South Lansing, New York, upang magsanay ng mga misyonero. Nang malaman kong aanyayahang maglingkod sa ibang bansa ang ilan sa mga magtatapos sa paaralang ito, naisip ko, ‘Gusto ko ‘yon!’ Ginawa kong tunguhin ang makapag-aral sa Gilead. Kaylaking pribilehiyo ang maghanap sa ibang lupain ng “kayamanan”​—samakatuwid nga, ng mga taong naghahangad na maging mga alagad ni Kristo Jesus!​—Hagai 2:6, 7.

Unti-unting Naaabot ang Aking Tunguhin

Noong Abril 1942, nagbitiw ako sa aking trabaho at naglingkod ako bilang payunir, o buong-panahong ebanghelisador, sa Findlay, Ohio, kasama ng isang grupo ng limang babaing Saksi. Walang kongregasyon doon na nagdaraos ng regular na mga pagpupulong, pero pinasigla namin ang isa’t isa sa pamamagitan ng sama-sama naming pagbabasa ng mga artikulo mula sa ating Kristiyanong mga publikasyon. Noong unang buwan ng aking pagpapayunir, nakapagpasakamay ako ng 95 aklat sa interesadong mga tao! Pagkalipas ng mga isang taon at kalahati, inatasan akong maglingkod bilang special pioneer sa Chambersburg, Pennsylvania. Doon ay sumama ako sa isang grupo ng limang payunir, kasama si Dora Ward, isang kapatid na Kristiyano mula sa Iowa. Nagkasama kami ni Dora sa pagpapayunir. Iisa ang taon ng aming bautismo, at pareho kaming nagnanais mag-aral sa Paaralang Gilead at maglingkod sa ibang bansa bilang mga misyonera.

Noong unang bahagi ng 1944, dumating din ang kapana-panabik na araw! Pareho kaming nakatanggap ng paanyaya na mag-aral sa ikaapat na klase ng Gilead. Nagpatala kami noong Agosto nang taóng iyon. Pero bago ako magpatuloy, ipakuwento muna natin kay Dora kung paano kami nagkasama nang matagal sa paghahanap ng kayamanan.

Sabik na Magpatotoo Nang Buong Panahon

DORA: Nananalangin na noon si Inay na maunawaan sana niya ang Salita ng Diyos. Isang araw ng Linggo, kasama niya ako nang marinig namin sa radyo ang isang pahayag ni J. F. Rutherford. Nang matapos ang pahayag, bumulalas si Inay, “Ito na ang katotohanan!” Di-nagtagal pagkatapos nito, pinag-aaralan na namin ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1935, nang ako’y 12 taóng gulang, dinaluhan ko ang isang pahayag sa bautismo na iniharap ng isa sa mga Saksi ni Jehova, at nagkaroon ako ng taos-pusong hangarin na ialay ang aking buhay kay Jehova. Pagkalipas ng tatlong taon, binautismuhan ako. Natulungan ako ng aking pag-aalay at bautismo na manatiling nakatutok ang pansin sa aking mga tunguhin noong huling mga taon ko sa pag-aaral sa eskuwela. Gustung-gusto ko nang makatapos sa pag-aaral upang makapagpayunir na ako.

Noong panahong iyon, ang grupo ng mga Saksing kinauugnayan namin ay nagpupulong bilang kongregasyon sa Fort Dodge, Iowa. Kailangan ng malaking pagsisikap upang makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Noon, ang mga artikulo para sa pag-aaral sa Bantayan ay walang mga tanong para sa talakayan ng kongregasyon. Hinihilingan kaming magbigay ng inihandang mga tanong sa brother na mangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan. Tuwing Lunes ng gabi, kami ni Inay ay naghahanda ng isang tanong para sa bawat parapo, at ibinibigay namin ang mga ito sa mangangasiwa para makapili siya ng mga tanong na gagamitin niya.

Sa pana-panahon, dinadalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa ang aming kongregasyon. Ang isa sa mga tagapangasiwang iyon, si John Booth, ang tumulong sa akin na makapagpasimula sa ministeryong pagbabahay-bahay noong ako’y 12 anyos. Noong 17 anyos na ako, tinanong ko siya kung paano pupunan ang aplikasyon para sa pagpapayunir, at tinulungan naman niya ako. Hindi ko akalain na balang araw ay magtatagpo uli ang aming landas at na siya ay magiging kaibigan ko habang-buhay!

Bilang payunir, madalas kong kasama si Sister Dorothy Aronson, isang buong-panahong ebanghelisador na 15 taon ang tanda sa akin. Magkasama kaming nagpapayunir hanggang sa anyayahan siyang mag-aral sa unang klase ng Gilead noong 1943. Pagkatapos noon, nagpatuloy akong magpayunir nang nag-iisa.

Hindi Kami Napahinto ng Pagsalansang

Noong dekada ng 1940, nahirapan kaming maglingkod sa larangan dahil matindi ang nasyonalismong bunga ng Digmaang Pandaigdig II. Kapag nangangaral kami sa bahay-bahay, madalas na pinagbababato kami ng mga bulok na itlog, hinog na kamatis, at kung minsa’y mga bato pa mismo! Ang mas matinding pagsubok na naranasan namin ay nang nangangaral kami sa isang kanto ng lansangan dala ang magasing Bantayan at Consolation (ngayo’y Gumising!). Palibhasa’y inudyukan ng mga relihiyosong mananalansang, nilapitan kami ng mga pulis at nagbantang aarestuhin nila kami kapag muli kaming nakitang nangangaral sa publiko.

Siyempre, hindi kami huminto sa pagpapatotoo, at dinala nga kami sa istasyon ng pulis para pagtatanungin. Nang palayain nila kami, muli kaming bumalik sa kanto ring iyon ng lansangan at nag-alok uli ng mga magasin. Sinunod namin ang payo ng mga nangangasiwang kapatid na gamitin ang Isaias 61:1, 2 upang ipagtanggol ang aming paninindigan. Minsan, nang lapitan ako ng isang pulis, kabadung-kabado ako habang binibigkas ko ang tekstong ito sa kaniya. Nakagugulat na bigla na lamang siyang umalis! Parang pinoprotektahan kami ng mga anghel.

Isang Di-malilimutang Araw

Noong 1941, tuwang-tuwa ako nang makadalo ako sa limang-araw na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Louis, Missouri. Sa kombensiyong iyon, hinilingan ni Brother Rutherford na magtipon sa pangunahing seksiyon ng istadyum ang lahat ng batang may edad 5 hanggang 18. Libu-libong bata ang nagtipon doon. Ikinaway ni Brother Rutherford ang kaniyang panyo bilang pagbati sa amin. Kumaway din kami. Pagkatapos magbigay ng isang oras na pahayag, sinabi niya: “Lahat ng batang sumasang-ayon na gawin ang kalooban ng Diyos at naninindigan sa panig ng kaniyang teokratikong pamahalaan sa pamamagitan ni Kristo Jesus at sa gayo’y sumasang-ayon na sundin ang Diyos at ang kaniyang Hari, pakisuyong tumayo kayo.” Sabay-sabay na tumayo ang 15,000 bata​—isa ako sa kanila! Sinabi pa ng tagapagsalita: “Lahat kayo na gagawa ng inyong buong makakaya upang sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kasama nitong mga pagpapala, pakisuyong sumagot ng Oo.” Sumagot kami ng oo, at sinundan ito ng masigabong palakpakan.

Pagkatapos ay inilabas ang aklat na Children, * at nagkaroon ng mahabang pila ng mga kabataan sa may plataporma, kung saan binigyan kami ni Brother Rutherford ng tig-iisang kopya ng bagong aklat. Talagang kapana-panabik iyon! Sa ngayon, marami sa mga nakatanggap ng aklat sa asambleang iyon ay masigasig pa ring naglilingkod kay Jehova sa iba’t ibang panig ng daigdig, anupat ipinakikipag-usap sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran.​—Awit 148:12, 13.

Pagkatapos magpayunir sa loob ng tatlong taon, tuwang-tuwa ako nang atasan akong maglingkod bilang special pioneer sa Chambersburg! Doon ko nakilala si Dorothea, at di-nagtagal, naging matalik kaming magkaibigan. Bilang mga kabataan, napakasigla at napakasigasig namin. Sabik kaming palawakin ang aming bahagi sa gawaing pangangaral. Magkasama naming pinasimulan ang aming paghahanap ng kayamanan na tumagal nang habang-buhay.​—Awit 110:3.

Nang ilang buwan na kaming naglilingkod bilang mga special pioneer, nakilala namin ang isang nagtapos sa unang klase ng Gilead, si Albert Mann. Paalis na siya noon patungo sa kaniyang atas sa ibang bansa. Pinasigla niya kami na tanggapin ang anumang atas na ibigay sa amin sa ibang bansa.

Magkaeskuwela

DORA AT DOROTHEA: Tuwang-tuwa kami nang magsimula ang pagsasanay sa amin bilang mga misyonera! Noong unang araw ng aming pag-aaral, si Albert Schroeder, ang kapatid na nakapag-iwan ng Studies in the Scriptures sa nanay ni Dorothea 12 taon na ang nakalilipas, ang siyang nagrehistro sa amin sa paaralan. Naroroon din si John Booth. Siya ang nangangasiwa noon sa Kingdom Farm, na kinaroroonan ng paaralan. Nang maglaon, ang dalawang lalaking ito ay naglingkod bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Sa Paaralang Gilead, pinag-aralan namin ang malalalim na katotohanan ng Bibliya. Napakahusay na pagsasanay nito. May 104 na estudyante sa aming klase, kasama na ang kauna-unahang estudyanteng di-Amerikano mula sa Mexico. Sinisikap niyang paghusayin ang kaniyang Ingles samantalang pinagsisikapan naman naming pag-aralan ang Kastila. Napakasaya namin noong araw na ipamahagi ni Brother Nathan H. Knorr ang mga atas naming mga estudyante sa ibang bansa! Ang karamihan ay inatasan sa Sentral at Timog Amerika; inatasan kami sa Chile.

Paghahanap ng Kayamanan sa Chile

Upang makapasok kami sa Chile, kinailangan naming kumuha ng visa, na gumugol ng mahaba-haba ring panahon. Kaya nang makapagtapos kami noong Enero 1945, naglingkod muna kami bilang mga payunir sa Washington, D.C., sa loob ng isa’t kalahating taon. Nang matanggap namin ang aming mga visa, nakasama namin ang pitong iba pang misyonerong magbibiyahe rin patungong Chile. Ang pitong misyonerong ito ay nagtapos sa naunang mga klase ng Gilead.

Ilang Kristiyanong kapatid ang sumalubong sa amin nang dumating kami sa Santiago, ang kabisera. Ang isa sa kanila ay si Albert Mann, ang nagtapos sa Gilead na nagpatibay sa amin mga ilang taon na ang nakalilipas. Nauna siya nang isang taon sa amin sa pagpunta sa Chile, kasama si Joseph Ferrari mula sa ikalawang klase ng Gilead. Wala pang 100 mamamahayag sa buong Chile nang dumating kami. Sabik na kaming makahanap ng higit pang kayamanan​—tapat-pusong mga tao—​sa aming bagong atas.

Inatasan kaming maglingkod sa isang tahanan ng mga misyonero sa Santiago. Ngayon pa lamang namin mararanasang manirahang kasama ng maraming misyonero. Bukod sa paggugol ng kahilingang oras sa pangangaral, ang lahat ng misyonero ay kailangang magluto minsan sa isang linggo para sa lahat. Nagkaroon din kami ng nakakahiyang mga karanasan. Minsan, nagluto kami ng mga tinapay para sa almusal ng aming kapuwa mga misyonerong gutom na, pero nang hanguin namin ang mga tinapay mula sa oven, ang samâ ng amoy nito. Maling sangkap pala ang nailagay namin! Mali kasi ang nailagay na etiketa sa lalagyan.

Pero mas nakakahiya ang mga pagkakamali namin sa aming pag-aaral ng Kastila. Isang pamilyang nakikipag-aral sa amin ng Bibliya ang muntik nang huminto sa kanilang pag-aaral dahil hindi nila maintindihan ang sinasabi namin. Subalit sa kanilang pagtingin sa mga kasulatan mula sa kanila mismong mga Bibliya, natutuhan pa rin naman nila ang katotohanan, at lima sa kanila ang naging Saksi. Noon ay walang kurso ng wika para sa mga bagong misyonero. Basta nangaral na agad kami at nagsikap na matutuhan ang wika mula sa mga taong pinangangaralan namin.

Nagdaos kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya, at mabilis namang sumulong ang ilang estudyante namin. Pero kailangan naming magtiyaga sa ibang estudyante. Si Teresa Tello, isang kabataang babae, ang nakinig sa mensahe ng katotohanan at nagsabi, “Sana bumalik kayo at turuan n’yo pa ako.” Labindalawang beses kaming bumalik pero hindi namin siya natagpuan. Tatlong taon ang lumipas. Dumalo kami noon sa isang asambleang ginanap sa isang teatro sa Santiago. Nang papaalis na kami sa asamblea noong Linggo, may sumigaw, “Señorita Dora, Señorita Dora!” Lumingon kami, at nakita namin si Teresa. Dinalaw pala niya ang kaniyang ate sa tapat ng asamblea at nagpunta siya sa teatro upang tingnan kung ano ang okasyon. Tuwang-tuwa kaming makita siyang muli! Isinaayos namin na mag-aral kami ng Bibliya, at di-nagtagal ay nabautismuhan siya. Nang maglaon ay naging special pioneer siya. Sa ngayon, pagkalipas ng mga 45 taon, si Teresa ay nasa pantanging buong-panahong paglilingkod pa rin.​—Eclesiastes 11:1.

Pagtuklas ng mga Kayamanan sa “Buhanginan”

Noong 1959, inatasan kami sa Punta Arenas​—na nangangahulugang “Buhanginan”—​sa pinakatimugang bahagi ng 4,300-kilometrong dalampasigan ng Chile. Kakaibang teritoryo ang Punta Arenas. Kapag mga buwan ng tag-araw, mahahaba ang araw​—umaabot ito nang hanggang 11:30 n.g. Maraming araw kaming nakapangangaral pero hindi ito madali dahil malalakas ang hangin dito mula sa Antartiko kapag tag-araw. Malamig ang mga buwan ng tagyelo, at maiikli ang araw.

Sa kabila ng mga hamong ito, kahali-halina naman ang Punta Arenas. Kapag tag-araw, makikita ang mga ulap na nadadala ng hangin sa kalangitan sa kanluran. Paminsan-minsan, bigla na lamang bubuhos ang ulan, pero matutuyo ka rin naman dahil sa hangin na kasunod nito. Habang sumisilip ang araw, lumilitaw ang magandang bahaghari. Kung minsan, tumatagal ang mga bahagharing ito nang maraming oras, lumilitaw at nawawala habang sumisinag ang araw mula sa mga ulap.​—Job 37:14.

Iilan lamang ang mamamahayag noon sa Punta Arenas. Kaming mga babae ang nagdaraos ng mga pulong sa maliit na kongregasyon. Pinagpala naman ni Jehova ang aming pagsisikap. Pagkalipas ng tatlumpu’t pitong taon, bumalik kami sa lugar na ito para dumalaw. Ano ang nakita namin? Anim na sumusulong na kongregasyon at tatlong magagandang Kingdom Hall. Napakasaya namin na pinahintulutan kami ni Jehova na makatuklas ng espirituwal na mga kayamanan sa mga buhanginang iyon sa timog!​—Zacarias 4:10.

Marami Pang Kayamanan sa “Malawak na Dalampasigan”

Pagkatapos maglingkod sa loob ng tatlo at kalahating taon sa Punta Arenas, inatasan naman kaming maglingkod sa daungang lunsod ng Valparaiso. Ang lunsod na ito ay may 41 burol na pumapalibot sa isang baybayin sa may Karagatang Pasipiko. Itinuon namin ang aming pangangaral sa isa sa mga burol na ito, ang Playa Ancha, na nangangahulugang “Malawak na Dalampasigan.” Sa loob ng 16 na taóng pamamalagi namin dito, nakita naming sumulong ang isang grupo ng mga Kristiyanong kapatid na lalaki hanggang sa punto na sila’y naglilingkod na ngayon bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa at Kristiyanong matatanda sa mga kongregasyon sa buong Chile.

Ang sumunod na atas sa amin bilang mga misyonera ay sa Viña del Mar. Naglingkod kami roon sa loob ng tatlo at kalahating taon hanggang sa masira ang tahanan ng mga misyonero dahil sa lindol. Bumalik kami sa Santiago, kung saan naglingkod kami bilang mga misyonera 40 taon na ang nakalilipas. Nagbago na ang mga bagay-bagay. Itinayo ang bagong mga pasilidad ng sangay, at ang dating gusali ng sangay ay naging tahanan ng lahat ng misyonerong nananatili sa bansa. Nang maglaon, ang tahanang iyon ay ginamit para sa Ministerial Training School. Noong panahong iyon, muling ipinakita sa amin ni Jehova ang kaniyang maibiging-kabaitan. Lima kaming may-edad nang misyonero na inanyayahang manirahan sa Bethel. Nang maglingkod kami bilang mga misyonera sa Chile, nagkaroon kami ng 15 iba’t ibang atas. Nakita naming sumulong ang gawain mula sa wala pang 100 mamamahayag tungo sa mga 70,000! Napakalaki ngang kagalakan ang paghahanap ng kayamanan sa Chile sa loob ng 57 taon!

Talagang pinagpala kami ni Jehova yamang pinahintulutan niyang masumpungan namin ang napakaraming tao​—tunay na mga kayamanan—​na patuloy na ginagamit ni Jehova sa kaniyang organisasyon. Sa loob ng mahigit 60 taon naming paglilingkod kay Jehova nang magkasama, taos-puso kaming nakikiisa sa damdaming ipinahayag ni Haring David, na sumulat: “Kay sagana ng iyong kabutihan, na pinakaingatan mo para sa mga may takot sa iyo!”​—Awit 31:19.

[Talababa]

^ par. 24 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Mga larawan sa pahina 9]

Si Dorothea noong 2002 at noong 1943 sa gawaing pangangaral

[Larawan sa pahina 10]

Nagpapatotoo sa lansangan sa Fort Dodge, Iowa, noong 1942

[Larawan sa pahina 10]

Si Dora noong 2002

[Larawan sa pahina 12]

Sina Dorothea at Dora sa labas ng kanilang kauna-unahang tahanan ng mga misyonero sa Chile noong 1946