Bakit Dapat Dumalo sa mga Pulong?
Bakit Dapat Dumalo sa mga Pulong?
BIGLA na lamang iniwan si Christine ng kaniyang asawa—pagkatapos ng 20 taóng pagsasama. Mag-isa na lamang si Christine ngayon sa pagpapalaki sa kaniyang pitong anak na lalaki at isang anak na babae. Ang mga edad nila ay mula 7 hanggang 18. “Ako na lamang ngayon ang gumagawa ng lahat ng mahahalagang desisyon,” ang sabi niya. “Ang bigat ng pasan kong pananagutan at kailangan ko ng tulong at patnubay.” Saan niya nasumpungan ang kinakailangang tulong?
“Naisalba kaming mag-iina ng mga pulong Kristiyano,” ang sabi ni Christine. “Napatibay kami ng aming mga kaibigan at ng patnubay mula sa Salita ng Diyos sa mga pulong. Natulungan kami ng regular na pagdalo sa mga pulong sa lahat ng mahalagang bahagi ng aming buhay pampamilya.”
Sa ‘mga panahong ito na mapanganib at mahirap pakitunguhan,’ lahat tayo ay dumaranas ng iba’t ibang pagsubok. (2 Timoteo 3:1) Tulad ni Christine, ang mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay maaaring itinuturing mo ring napakahalaga sa iyong pananampalataya at sa iyong pagsamba kay Jehova. Malamang na ang nakaiskedyul na limang pulong ng kongregasyon sa isang linggo ay nagpapasidhi sa iyong pag-ibig sa Diyos, nagpapatibay sa iyong pag-asa sa hinaharap, at nagbibigay sa iyo ng patnubay na salig sa Bibliya kung paano mo haharapin ang mga pagsubok.
Gayunman, may mga nahihirapang dumalo nang regular sa mga pulong. Pagod na pagod na sila sa maghapon, anupat parang hindi na nila kayang magbihis pa para sa pulong at magbiyahe patungo sa Kingdom Hall. Para sa ilan, laging humahadlang sa kanilang pagdalo sa mga pulong ang kanilang iskedyul sa trabaho. Kung dadaluhan nila ang lahat ng pulong, mababawasan ang kita nila o baka masesante pa nga sila. Hindi naman nakadadalo ang ilan sa mga pulong dahil inaakala nilang mas nakagiginhawa ang paglilibang kaysa sa pakikisama sa kongregasyon.
Kaya anu-anong mahahalagang dahilan ang mag-uudyok sa iyo na dumalo sa mga pulong Kristiyano? Paano magiging nakagiginhawa sa iyo ang mga ito? Upang masagot ang mga tanong na ito, isaalang-alang natin ang magiliw na paanyaya ni Jesus na nakaulat sa Mateo 11:28-30. Sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”
“Pumarito Kayo sa Akin”
Sinabi ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin.” Ang isang paraan upang tumugon sa Mateo 18:20.
paanyayang iyan ay ang regular na pagdalo sa mga pulong. May mabuting dahilan tayo upang dumalo, sapagkat minsan ay sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlo na nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa gitna nila.”—Noong unang siglo, personal na inanyayahan ni Jesus ang iba’t ibang tao na sumunod sa kaniya. Kaya binigyan niya sila ng pagkakataon na maging malapít sa kaniya. Kaagad na tinanggap ng ilan ang paanyaya. (Mateo 4:18-22) Naging hadlang naman sa iba ang paghahangad ng materyal na mga bagay. (Marcos 10:21, 22; Lucas 9:57-62) Ganito ang katiyakang ibinigay ni Jesus sa mga sumunod sa kaniya: “Hindi ninyo ako pinili, ngunit pinili ko kayo.”—Juan 15:16.
Nang mamatay si Kristo at buhaying-muli, hindi na siya literal na nakasama ng kaniyang mga alagad. Subalit sumasakanila siya sa diwa na pinapatnubayan niya ang kanilang gawain at minamasdan ang kanilang tugon sa payo niya. Halimbawa, mga 70 taon matapos siyang buhaying muli, si Jesus ay nagbigay ng payo at pampatibay-loob sa pitong kongregasyon sa Asia Minor. Ipinakikita ng kaniyang mga komento na alam na alam niya ang mabubuting katangian at mga kahinaan ng mga indibiduwal sa mga kongregasyong iyon.—Apocalipsis 2:1–3:22.
Lubha pa ring interesado si Jesus sa bawat isa sa kaniyang mga alagad. Nangako siya: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Nabubuhay na tayo ngayon sa panahon ng kawakasan, kaya kailangan nating tugunin ang paanyaya ni Jesus na sumunod sa kaniya. Kasama na rito ang regular nating pagdalo sa mga pulong. Gusto ni Jesus na makinig tayo sa kaniya at ‘maturuan sa pamamagitan niya’ mula sa mga pag-aaral at mga pahayag na salig sa Bibliya na regular na bahagi ng mga pulong. (Efeso 4:20, 21) Tumutugon ka ba sa paanyaya ni Jesus na: “Pumarito kayo sa akin”?
“Kayo na Nagpapagal at Nabibigatan”
Ang isang napakahalagang dahilan para dumalo sa mga pulong Kristiyano ay upang tumanggap ng pampatibay-loob. (Hebreo 10:24, 25) Tiyak na marami sa atin ang “nagpapagal at nabibigatan” sa iba’t ibang paraan. Baka marami kang ikinababahala, gaya ng problema sa kalusugan. Sa mga pulong Kristiyano, mapasisigla ka ng pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12) Halimbawa, makaririnig ka ng nakapagpapatibay-pananampalatayang mga komento, maipaaalaala sa iyo ang iyong pag-asa na salig sa Bibliya, at makikita mo ang pananampalataya ng iba na nagbabata ng mga pagsubok. Ang lahat ng ito ay makatutulong sa iyo na magbata at maging timbang sa pagharap sa iyong mga problema.
Isaalang-alang ang komento ng isang babaing Saksi ni Jehova na pinahihirapan ng isang pabalik-balik na sakit. “Madalas akong maospital dahil sa aking sakit,” ang sabi niya. “Medyo mahirap para sa akin na dumalo sa mga pulong pagkatapos kong maospital, pero iyon ang pinakamabuting lugar para sa akin. Muli akong sumasaya dahil sa kasiglahan at pag-ibig ng mga kapatid, at nagiging makabuluhan ang aking buhay dahil sa turo at patnubay ni Jehova at ni Jesus.”
“Ang Aking Pamatok ay May-Kabaitan at ang Aking Pasan ay Magaan”
Pansinin na sa tekstong isinasaalang-alang natin, sinabi ni Jesus: “Matuto kayo mula sa akin.” Kung matututo tayo mula kay Jesus, magiging alagad niya tayo, at papasanin natin ang kaniyang pamatok kapag nag-alay tayo sa Diyos at nagpabautismo. (Mateo 28:19, 20) Napakahalaga ng regular na pakikibahagi sa mga pulong kung gusto nating manatiling alagad ni Jesus. Bakit? Sapagkat sa mga pulong Kristiyano, tayo ay tinuturuan tungkol kay Jesus, sa kaniyang mga turo, at mga pamamaraan.
Ano ang ipinapapasan sa atin ni Kristo? Ito rin ang pasan na pinasan niya mismo—ang pribilehiyo na gawin ang kalooban ng Diyos. (Juan 4:34; 15:8) Kailangan ang pagsisikap upang sundin ang mga utos ng Diyos, subalit hindi napakabigat ng pasan na ito. Waring mabigat ito kung papasanin natin ito nang mag-isa. Pero kung hihilingin natin sa panalangin ang espiritu ng Diyos at kukuha tayo ng impormasyong salig sa Bibliya na inihaharap sa mga pulong, tatanggap tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” na bigay ng Diyos. (2 Corinto 4:7) Kung maghahanda tayo para sa mga pulong at makikibahagi sa mga ito, lalong sisidhi ang pag-ibig natin kay Jehova. At kapag tayo ay inuudyukan ng pag-ibig, ‘hindi magiging pabigat’ ang mga utos ng Diyos.—1 Juan 5:3.
Napapaharap ang mga tao sa pangkalahatan sa mga problemang gaya ng paghahanap ng ikabubuhay, lunas sa mga karamdaman, at solusyon sa personal na mga problema. Subalit upang mapagtagumpayan ang mga ito, hindi tayo umaasa sa karunungan lamang ng tao. Tinutulungan tayo ng mga pulong sa kongregasyon na “huwag mabalisa,” sapagkat ilalaan ni Jehova ang ating mga pangangailangan at tutulungan niya tayong harapin ang mga problema. (Mateo 6:25-33) Oo, isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa atin ang mga pulong Kristiyano.
“Ako ay Mahinahong-Loob at Mababa ang Puso”
Nakaugalian na ni Jesus na dumalaw sa sinagoga, kung saan tinatalakay ang Salita ng Diyos. Noong minsang nasa sinagoga siya, kinuha ni Jesus ang balumbon ni Isaias at binasa ito: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag, upang payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya, upang ipangaral ang kaayaayang taon ni Jehova.” (Lucas 4:16, 18, 19) Talagang nakatutuwang marinig na ikinapit ni Jesus ang mga salitang ito sa pagsasabing: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo”!—Lucas 4:21.
Ang mahinahong-loob na “punong pastol” na si Jesus ang siya pa ring nangangasiwa sa pagpapastol sa kaniyang mga tagasunod. (1 Pedro 5:1-4) Sa ilalim ng kaniyang patnubay, nag-atas ang “tapat at maingat na alipin” ng mga lalaki bilang mga pastol sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Mateo 24:45-47; Tito 1:5-9) Ang mga lalaking ito ay ‘nagpapastol sa kongregasyon ng Diyos’ nang may kahinahunan at nagpapakita sila ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga pulong. Maipakikita mo ang iyong pagpapahalaga sa mga “kaloob na mga tao” na ito sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong, kung saan mapatitibay mo ang iba sa iyong pagkanaroroon at sa iyong pakikibahagi.—Gawa 15:30-33; 20:28; Efeso 4:8, 11, 12.
“Masusumpungan Ninyo ang Kaginhawahan ng Inyong mga Kaluluwa”
Kapag dumadalo sa mga pulong Kristiyano, ano ang magagawa mo upang maging tunay na nakagiginhawa ang mga pulong na ito? Ang isang paraan ay ikapit ang payo ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Ang mga taong sabik na matuto ay lubusang nagbigay-pansin kay Jesus. Hiniling nila na ipaliwanag niya ang kaniyang mga ilustrasyon at, bunga nito, ginantimpalaan sila ng mas malalim na pagkaunawa.—Mateo 13:10-16.
Matutularan mo ang mga alagad na iyon na nauuhaw sa espirituwal sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa mga pahayag sa ating mga pulong. (Mateo 5:3, 6) Upang makapagtuon tayo ng pansin sa mga pulong, sikaping sundan ang mga pangangatuwiran ng tagapagsalita. Tanungin ang iyong sarili: ‘Paano ko maikakapit ang impormasyong ito sa aking buhay? Paano ko ito magagamit upang tulungan ang iba? Paano ko maipaliliwanag ang puntong ito?’ Karagdagan pa, subaybayan ang mga tekstong ginamit ng tagapagsalita upang suportahan ang kaniyang pangunahing mga punto. Kung magbibigay ka ng higit na pansin sa iyong pakikinig, magiging mas nakagiginhawa ang mga pulong.
Pagkatapos ng pulong, ipakipag-usap sa iba ang programa. Magtuon ng pansin sa materyal at kung paano ito maikakapit. Nagiging lubhang nakagiginhawa ang mga pulong dahil sa nakapagpapatibay na mga usapan.
Tiyak na may mabubuting dahilan tayo para dumalo sa mga pulong. Pagkatapos repasuhin ang mga kapakinabangang tinalakay natin, bakit hindi tanungin ang iyong sarili, ‘Paano ba ako tumutugon sa paanyaya ni Jesus na: “Pumarito kayo sa akin”?’
[Mga larawan sa pahina 11]
Nakahahadlang ba sa iyong pagdalo sa mga pulong ang ibang gawain?