Kinatatakutan Mo ba ang Hinaharap?
Kinatatakutan Mo ba ang Hinaharap?
MARAMING ikinatatakot ang mga tao. Halimbawa, natatakot ang ilan sa kahihinatnan ng lupa. “Mula sa matinding init, bagyo, baha, sunog, at pagkalalaking glacier na natutunaw, mapapansin na talagang sirang-sira na ang klima sa buong daigdig,” ang sabi ng magasing Time ng Abril 3, 2006.
Noong Mayo 2002, naglabas ang United Nations Environment Programme ng ulat na pinamagatang “Ang Kinabukasan ng Kapaligiran sa Buong Daigdig-3.” Inihanda ito sa pakikipagtulungan ng mahigit 1,000 katao. Ayon sa isang balita, sinabi ng ulat na ito: “Nasa kritikal na yugto ang planeta sapagkat magkakaroon ng malaking epekto ang anumang desisyong gagawin ngayon may kinalaman sa mga kagubatan, karagatan, ilog, kabundukan, buhay-iláng at iba pang sistemang tumutustos sa buhay kung saan nakadepende ang mga henerasyon sa ngayon at sa hinaharap.”
Ang kasalukuyang kalagayan ng kapaligiran sa buong mundo ay isa lamang sa ikinatatakot ng mga indibiduwal. Natatakot din ang mga tao sa buong daigdig sa pagsalakay ng mga terorista. Ganito ang sinabi ng pangalawang direktor sa operasyon ng pangunahing ahensiya ng Canada sa paniniktik: “Hindi kami makatulog sa gabi dahil sa pag-aalala sa mga bantang wala kaming kaalam-alam.” Aba, ang panonood pa nga lamang ng balita sa telebisyon ay nakababalisa na!
Maraming masisipag na tao ang natatakot mawalan ng trabaho. Dahil sa pagbabawas ng mga empleado, pagsasara ng mga pabrika, kompetisyon sa trabaho, at sobrang higpit na mga amo, marami ang natatakot masesante. Takot ang mga tin-edyer na maipuwera ng kanilang mga kabarkada. Nangangamba ang mga bata na baka hindi sila talaga mahal ng kanilang mga magulang. At ano naman ang nadarama nila sa daigdig sa palibot nila? “Para sa mga kabataan at walang-muwang, nakakatakot na lugar
kung minsan ang daigdig sa labas ng kanilang tahanan,” ang sabi ng isang nag-aalalang ina. At maraming magulang ang nangangamba na ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na ang kani-kanilang mga anak, ay maimpluwensiyahan ng mababang moral sa daigdig.Ang mga may-edad na ay karaniwan nang natatakot mahulog sa hagdan o mabiktima sa lansangan. Oo, “natatakot sila dahil lamang sa kataasan, at may mga kakilabutan sa daan.” (Eclesiastes 12:5) Natatakot tayong magkaroon ng malubhang sakit. Dahil nababalitaan natin ang tungkol sa nakamamatay na mga virus ng trangkaso, kanser, at nakahahawang mga sakit, natatakot tayong mahawahan ng bago at di-pangkaraniwang sakit na maaaring puminsala o pumatay sa atin o sa ating pamilya. Kaya kapag nakikita nating nagkakasakit at humihina ang malulusog at masisiglang indibiduwal, hindi natin maiwasang mag-alala na baka mangyari din ito sa atin o sa ating mga mahal sa buhay. At napakalungkot ngang mabanaag sa mga mata ng mga maysakit ang kanilang kawalan ng pag-asa!
Yamang marami tayong ikinatatakot, mayroon pa bang dahilan para umasa na magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan? Ano ang makatutulong sa atin para manatiling positibo? Sasagutin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
© Jeroen Oerlemans/Panos Pictures