“Panginoon, Bakit Ka Nanahimik?”
“Panginoon, Bakit Ka Nanahimik?”
ITO ang sinabi ni Pope Benedict XVI nang dumalaw siya sa dating kampong piitan sa Auschwitz, Poland, noong Mayo 28, 2006. Sa lugar kung saan daan-daan libong Judio at iba pa ang pinatay ng mga Nazi, sinabi pa niya: “Napakaraming tanong sa lugar na ito! Ang laging itinatanong ay: Nasaan ang Diyos noong panahong iyon? Bakit siya nanahimik? Bakit niya pinayagan ang walang-katapusang pamamaslang na ito, ang pagtatagumpay na ito ng kasamaan? . . . Dapat na walang-tigil tayong magsumamo sa Diyos: Kumilos po kayo! Huwag po ninyong kalimutan ang sangkatauhan, ang inyong nilalang!”
Matindi ang naging reaksiyon sa talumpati ng papa. Nahalata ng ilan na sadyang iniwasan ng papa ang ilang paksa, halimbawa ang pagkapoot sa mga Judio na isa sa mga dahilan ng kalupitang naganap sa Auschwitz. Ang pakahulugan naman ng iba sa kaniyang pananalita ay na gusto niyang pagaanin ang paghingi ng tawad ni Pope John Paul II sa mga kasalanan ng simbahan. Isang peryodistang Katoliko, si Filippo Gentiloni, ang nagsabi: “Ngunit makatuwiran naman na kapag tinatanong ang maraming komentarista ng mahirap na tanong kung nasaan ang Diyos—isang tanong na walang kasagutan—hinihiling na lamang nilang sagutin ang mas madaling tanong: Nasaan si Pius XII?” Tinutukoy ng mga komentarista ang pananahimik ni Pope Pius XII noong panahon ng Holocaust.
Ang nangyaring Holocaust at ang iba pang paglipol sa partikular na grupo ng mga tao sa buong kasaysayan ay katibayan na “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Karagdagan pa, ang Maylalang ng tao ay hindi nananahimik sa harap ng kagimbal-gimbal na mga pangyayari. Sa mga pahina ng Bibliya, isinisiwalat niya kung bakit niya pinahihintulutan ang labis na kasamaan. Tinitiyak din sa atin ng Diyos na hindi niya kinalilimutan ang sangkatauhan. Sa katunayan, malapit nang magwakas ang yugto ng panahon na ipinahintulot ng Diyos ang pamamahala ng tao sa kaniyang sarili. (Jeremias 10:23) Gusto mo bang malaman ang higit pa tungkol sa layunin ng Diyos para sa atin? Ang mga Saksi ni Jehova ay matutuwang tumulong sa iyo na makita ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na hindi masagot ni Pope Benedict XVI.
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Oświęcim Museum