Ang Kapangyarihan ng Dila
Ang Kapangyarihan ng Dila
ANG dila ng giraffe ay may habang 45 sentimetro, madaling igalaw, at kayang-kaya nitong pumitas ng mga dahon sa sanga ng punungkahoy. Ang dila naman ng blue whale ay kasimbigat ng elepante. Isipin na lamang ang puwersang kailangan para maigalaw ito!
Kung ihahambing sa laki, bigat, at lakas ng mga ito, walang sinabi ang dila ng tao. Pero ito ang mas makapangyarihan. “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila,” ang sabi ng Bibliya tungkol sa maliit na bahaging ito ng katawan ng tao. (Kawikaan 18:21) Oo, hindi ba’t maraming beses na nating nababalitaan na ginagamit ang nakamamatay na kapangyarihan ng dila ng tao para mag-imbento ng kasinungalingan at di-totoong testimonyo na sumisira, o pumapatay pa nga, sa inosenteng mga biktima?
Sa katulad na paraan, nagkakasira ang matatagal nang magkakaibigan dahil sa masasakit na salita. Nasasaktan ang mga damdamin dahil sa matatalim na pangungusap. “Hanggang kailan ninyo patuloy na iinisin ang aking kaluluwa at patuloy na sisiilin ako ng mga salita?” ang daing ni Job, na lubhang siniraan ng kaniyang mga kaibigan. (Job 19:2) Maliwanag na inilarawan ng alagad na si Santiago ang mapangwasak na kapangyarihan ng dila na walang kontrol: “Ang dila ay isang maliit na sangkap gayunma’y gumagawa ng malalaking pagyayabang. Narito! Kay liit na apoy ang kailangan upang silaban ang isang napakalaking kakahuyan! Buweno, ang dila ay isang apoy.”—Santiago 3:5, 6.
Sa kabilang banda, ang dila ay may kapangyarihan ding magbigay-buhay. Ang ilang indibiduwal ay nasasagip ng madamayin at banayad na mga salita mula sa depresyon at pagpapakamatay. Maraming pusakal na kriminal at mga taong nalulong sa droga ang naililigtas sa maagang kamatayan kapag sinusunod nila ang matalinong payo. Oo, ang bunga ng dila ng matuwid ay “punungkahoy ng buhay,” at “gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon.”—Kawikaan 15:4; 25:11.
Subalit ang pinakamainam na gamit ng dila ay sa pagpuri sa Diyos na Jehova, paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at pagtuturo sa iba ng mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3; Mateo 24:14; 28:19, 20.