Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Balumbon na Naging Codex—Kung Paano Naging Aklat ang Bibliya

Balumbon na Naging Codex—Kung Paano Naging Aklat ang Bibliya

Balumbon na Naging Codex​—Kung Paano Naging Aklat ang Bibliya

SA BUONG kasaysayan, iniingatan ng mga tao ang impormasyon sa maraming paraan. Noong sinaunang panahon, itinala ng mga manunulat ang kanilang mga salita sa mga monumento, tapyas ng bato o kahoy, pilyegong pergamino, at iba pang materyales. Pagsapit ng unang siglo, karaniwan nang balumbon ang ginagamit sa Gitnang Silangan. Nang maglaon, ang balumbon ay hinalinhan ng codex na unti-unting naging karaniwang sinusulatan ng impormasyon na nais nilang ingatan. Malaki rin ang naitulong nito sa pamamahagi ng Bibliya. Ano ba ang codex, at paano nagsimula ang paggamit nito?

Ang codex ang pinakaunang anyo ng modernong aklat. Binubuo ito ng mga pilyegong itinupi, pinagsama-sama, at tinahi. Nasusulatan ang magkabilang panig nito at may pabalat para hindi agad masira. Malayo ang hitsura ng sinaunang codex sa hitsura ng mga aklat sa ngayon, pero gaya ng iba pang imbensiyon, ito ay binago at ibinagay sa pangangailangan at kagustuhan ng mga gumagamit nito.

Kahoy, Pagkit, at Pergamino

Sa pasimula, ang mga codex ay kadalasang yari sa maninipis na tapyas ng kahoy na pinahiran ng pagkit. Sa Herculaneum, isang bayang nawasak kasama ng Pompeii nang pumutok ang Bundok Vesuvius noong 79 C.E., may natagpuang mga polyptych, o mga tapyas na pinahiran ng pagkit, sinulatan, at pinagkabit-kabit sa tagiliran nito. Nang maglaon, pinalitan ng natutuping mga pilyego ang matitigas na tapyas. Sa wikang Latin, ang mga codex na ito, o mga aklat, ay tinatawag na membranae, o mga pergamino, dahil karaniwan nang yari ang mga ito sa katad.

Ang ilang mga codex na buo pa rin hanggang sa ngayon ay yari sa papiro. Ang pinakamatatandang codex ng mga Kristiyano, na hindi nasira dahil sa tuyong klima sa ilang lugar sa Ehipto, ay yari sa papiro. *

Balumbon o Codex?

Lumilitaw na mas ginagamit ng mga Kristiyano ang rolyo, o balumbon, hanggang noong mga dulo ng unang siglo C.E. Noong mga panahong ito hanggang ikatlong siglo C.E., ang mga gumagamit ng codex at ng balumbon ay nagtatalo kung alin sa dalawa ang mas mabuting gamitin. Hindi maiwan-iwan ng mga konserbatibo, na nasanay nang gumamit ng balumbon, ang kanilang mga tradisyon at nakagawian. Gayunman, tingnan kung ano ang kailangang gawin para mabasa ang isang balumbon. Ang isang balumbon ay may karaniwang dami ng mga pilyego ng papiro o pergamino na pinagdurugtung-dugtong para humaba at saka inirorolyo. Kolum-kolum ang mga nakasulat sa harap na bahagi ng balumbon. Para mabasa ito, binubuksan ang balumbon upang hanapin ang bahaging nais basahin. Saka ito irorolyo ulit pagkatapos. (Lucas 4:16-20) Madalas na hindi lamang isang balumbon ang kailangan para sa isang akda, kaya lalong mahirap itong gamitin. Bagaman lumilitaw na mas gusto ng mga Kristiyano mula noong ikalawang siglo C.E. na kopyahin at isulat sa codex ang Kasulatan, ginamit pa rin nila ang balumbon sa loob ng ilang siglo. Gayunman, naniniwala ang mga eksperto na dahil madalas gamitin ng mga Kristiyano ang codex, naging mas pangkaraniwan ang paggamit nito.

Kitang-kita ang kahigitan ng codex​—marami itong mailalaman, kumbinyenteng gamitin, at madaling bitbitin. Bagaman napansin ng ilan noon ang mga kapakinabangang ito, mas gusto pa rin nilang gumamit ng balumbon. Pero sa loob ng maraming siglo, unti-unting lumaganap ang paggamit ng codex dahil sa iba’t ibang dahilan.

Kung ihahambing sa balumbon, menos gastos ang codex. Puwede itong sulatan sa harap at likod, at maaaring pagsama-samahin sa iisang tomo ang maraming aklat. Ayon sa ilan, gamít na gamít ito ng mga Kristiyano at ng mga propesyonal tulad ng mga abogado dahil madaling hanapin sa codex ang gusto nilang basahin. Para sa mga Kristiyano, malaking tulong sa pag-eebanghelyo ang maliliit na codex​—o nabibitbit na listahan ng mga siniping teksto sa Bibliya. Bukod dito, may pabalat ang codex, na kadalasang yari sa kahoy, kaya mas matibay ito kaysa sa balumbon.

Praktikal din ang codex sa pagbabasa. Sa dulo ng ikatlong siglo, ginamit ng nag-aangking mga Kristiyano ang mga Ebanghelyo na nakasulat sa maliliit na pergamino. Mula noon, nakagawa ng bilyun-bilyong kopya ng kumpletong Bibliya o mga bahagi nito sa anyong codex.

Sa ngayon, marami nang mabilis at madaling paraan para kumuha ng banal na karunungan sa Bibliya. Puwedeng gumamit ng computer, audio recording, at nakaimprentang mga pahina. Alinman dito ang mas gusto mong gamitin, sikapin mong lumago ang iyong pag-ibig sa Salita ng Diyos at araw-araw mong pag-isipan ang nilalaman nito.​—Awit 119:97, 167.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang artikulong “The Early Christian Codex,” sa Agosto 15, 1962, isyu ng The Watchtower, pahina 501-5.

[Mga larawan sa pahina 15]

Malaki ang naitulong ng “codex” sa pamamahagi ng Bibliya