Determinado Kaming Ganapin ang Aming Ministeryo
Determinado Kaming Ganapin ang Aming Ministeryo
Ayon sa salaysay ni Lena Davison
“Nanlalabo ang paningin ko. Wala akong makita,” ang sabi ng aming nanghihinang piloto. Di-nagtagal, nabitiwan niya ang kontrol ng maliit na eroplanong sinasakyan namin, at nawalan siya ng malay sa kaniyang kinauupuan. Pilit siyang ginigising ng asawa ko na walang kaalam-alam sa pagpapalipad ng eroplano. Bago ko ikuwento kung paano kami nakaligtas sa bingit ng kamatayan, hayaan mong ipaliwanag ko kung bakit kami nasa eroplanong iyon na patungong Papua New Guinea, isa sa pinakamalayong lugar para sa karamihan ng mga tao.
ISINILANG ako sa Australia noong 1929 at lumaki ako sa Sydney, ang kabisera ng New South Wales. Ang aking ama, si Bill Muscat, ay isang Komunista na nakapagtatakang naniniwala sa Diyos. Noong 1938, lumagda pa nga siya sa isang pambansang petisyon na humihiling na payagan si Joseph F. Rutherford, mula sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na mangaral sa Sydney Town Hall.
“Tiyak na may mahalaga siyang sasabihin,” ang sabi sa amin ni Itay noong panahong iyon. Pagkalipas ng walong taon, natutuhan namin ang mahahalagang punto ng mensaheng iyon. Inanyayahan ni Itay sa aming bahay si Norman Belloti, isang buong-panahong ministrong payunir ng mga Saksi ni Jehova, upang pag-usapan ang Bibliya. Agad na tinanggap ng aming pamilya ang katotohanan ng Bibliya at di-nagtagal ay naging napakaaktibo namin sa ministeryong Kristiyano.
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1940, huminto ako sa pag-aaral upang tulungan ang aking ina na may pabalik-balik na sakit. Nanahi rin ako para kumita. Kapag Sabado ng gabi, sumasama kami ni Ate Rose sa grupo ng mga payunir na nangangaral sa lansangan sa labas ng Sydney Town Hall. Noong 1952, nagtapos ang kuya kong si John sa paaralan para sa pagmimisyonero sa Gilead sa Estados Unidos at ipinadala siya sa Pakistan. Mahal ko rin ang ministeryo at nais kong sundan ang kaniyang halimbawa. Kaya nang sumunod na taon, naging regular pioneer ako.
Pag-aasawa at Pagmimisyonero
Nang maglaon, nakilala ko si John Davison, na nagtatrabaho sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Humanga ako sa kaniyang kapakumbabaan, walang-paimbabaw na determinasyon, at mabuting pagkatao. Noong Digmaang Pandaigdig II, tatlong beses siyang nabilanggo dahil sa kaniyang pagiging neutral bilang Kristiyano. Nagpasiya kaming gawing pangunahin sa aming buhay ang ministeryong Kristiyano.
Kami ni John ay nagpakasal noong Hunyo 1955. Bumili kami ng isang bus na balak naming gawing tirahan. Plano naming dalhin ito sa pangangaral sa liblib na mga lugar ng Australia. Nang sumunod na taon, nagkaroon ng panawagan para sa mga Saksi na lumipat sa New Guinea, ang hilagang-silangang bahagi ng malaking isla sa hilaga ng Australia. * Hindi pa naipangangaral ang mensahe ng Kaharian sa bahaging ito ng daigdig. Kaagad kaming nagboluntaryo.
Noong panahong iyon, ang tanging paraan para makapasok sa New Guinea ay ang kumuha ng buong-panahong kontrata sa trabaho, kaya naghanap ng trabaho si John. Nakakuha agad siya ng kontrata sa trabaho sa isang lagarian sa New Britain, isang mas maliit na isla na bahagi ng New Guinea. Pagkalipas ng ilang linggo, naghanda na kami para sa aming bagong atas. Dumating kami sa Rabaul, New Britain, noong Hulyo 1956 at naghintay kami roon ng anim na araw para sa barko na magdadala sa amin sa Waterfall Bay.
Ang Aming Ministeryo sa Waterfall Bay
Pagkaraan ng ilang araw na maalong paglalayag, dumaong kami sa Waterfall Bay, isang malaking ilug-ilugan na mga 240 kilometro sa timog ng Rabaul. May napakalaking lagarian sa hinawang kagubatan dito. Noong gabing iyon, nang nakaupo na ang lahat ng manggagawa sa hapag kainan, sinabi ng manedyer, “Siyanga pala, Mr. at Mrs. Davison, patakaran sa kompanyang ito na sabihin ng lahat ng empleado ang kanilang relihiyon.”
Sigurado kaming walang gayong patakaran, pero dahil hindi kami naninigarilyo, malamang na naghinala sila. Gayunpaman, sumagot si John, “Saksi ni Jehova kami.” Pagkatapos ay nasundan ito ng nakaaasiwang katahimikan. Mga beterano ng Digmaang Pandaigdig II ang mga lalaki at ayaw nila sa mga Saksi dahil sa kanilang neutral na paninindigan noong panahon ng digmaan. Mula noon, ginawa ng mga lalaking iyon ang lahat ng magagawa nila para mahirapan kami.
Una, hindi kami binigyan ng manedyer ng repridyeretor at kalan, bagaman may karapatan kaming
magkaroon nito. Napapanisan kami ng pagkain, at napilitan kaming magluto sa sirang kalan na napulot namin sa gubat. Pagkatapos, pinagbawalan pa nila ang mga taganayon na magbenta sa amin ng sariwang gulay at prutas, kaya nagtiyaga na lamang kami sa anumang gulay na makikita namin. Binansagan din kaming mga espiya at minanmanan kami kung mayroon ba kaming tinuturuan ng Bibliya. Pagkatapos, nagkasakit ako ng malarya.Gayunpaman, determinado kaming ganapin ang aming ministeryo. Kaya hiniling namin sa dalawang kabataang katutubo na nagtatrabaho sa lagarian at nagsasalita ng Ingles na turuan kami ng wikang Melanesian Pidgin, ang pambansang wika roon. Tuturuan naman namin sila tungkol sa Bibliya. Kapag Sabado’t Linggo, kung saan-saan kami nakakarating sa “pamamasyal.” Maingat kaming nangangaral sa sinumang taganayon na makikita namin; ang mga estudyante namin sa Bibliya ang aming mga tagapagsaling-wika. Tumawid kami ng mga ilog na may malalakas na agos at pagkalalaking buwaya na nagbibilad sa araw sa kahabaan ng pampang. Minsan lamang kami nagmuntik-muntikan sa nakatatakot na mga maninilang iyon.
Paggawa ng mga Pantulong sa Pagtuturo
Nang lumawak ang aming ministeryo, nagpasiya kaming imakinilya ang simpleng mga mensahe ng Bibliya upang ipamahagi sa mga interesado. Tinulungan kami ng aming mga estudyante sa Bibliya sa lagarian na isalin ang una sa mga ito. Maraming gabi kaming nagmakinilya ng daan-daang tract at ipinamahagi namin ito sa mga taganayon at sa mga tripulante ng nagdaraang barko.
Noong 1957, dinalaw kami at pinatibay ni John Cutforth, isang makaranasang naglalakbay na tagapangasiwa. * Iminungkahi niya ang paggamit ng mga larawan bilang mabisang paraan upang ituro ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga taong hindi marunong bumasa. Sila ng asawa ko ay gumawa ng simpleng mga drowing upang ipaliwanag ang pangunahing mga turo ng Bibliya. Nang maglaon, gumugol kami ng maraming oras upang kopyahin ang mga drowing na ito sa mga notbuk. Binibigyan namin ng tig-iisang kopya ang bawat estudyante sa Bibliya, na ginagamit naman niya sa pangangaral sa iba. Nang dakong huli, ang paraang ito ng pagtuturo ang ginamit sa buong bansa.
Pagkaraan ng dalawa at kalahating taon sa Waterfall Bay, natapos na namin ang aming kontrata sa trabaho at naaprubahan na kaming manatili sa bansa. Kaya tinanggap namin ang paanyaya na maglingkod bilang special pioneer.
Balik sa Rabaul
Naglayag kami pahilaga tungo sa Rabaul at dumaong ang aming barko sa Wide Bay para magpalipas ng isang gabi sa isang taniman ng kakaw at niyog na ginagawang kopra. Isang may-edad nang
mag-asawa na may-ari nito ang gusto nang magretiro at bumalik sa Australia, kaya inalok nila si John na maging manedyer ng taniman. Napakaganda ng alok, ngunit nang pag-usapan namin ang bagay na ito noong gabing iyon, nagkaisa kami na hindi kami pumunta sa New Guinea para magpayaman. Determinado kaming ganapin ang aming ministeryo bilang mga payunir. Kaya kinabukasan, sinabi namin sa mag-asawa ang aming desisyon at muling sumakay sa barko.Pagdating sa Rabaul, sumama kami sa isang maliit na grupo ng mga Saksi mula sa ibang bansa na lumipat doon. Talagang interesado ang mga tagaroon sa mensahe ng Kaharian, at nakapagpasimula kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Samantala, nagdaraos kami ng mga pulong Kristiyano sa isang bulwagan doon na inaarkila namin, at mga 150 katao ang dumadalo. Tinanggap ng marami sa kanila ang katotohanan at tumulong sila sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa ibang bahagi ng bansa.—Mateo 24:14.
Dumalaw rin kami sa Vunabal, isang nayon na mga 50 kilometro ang layo mula sa Rabaul, kung saan isang grupo ng mga tao ang nagpakita ng malaking interes sa katotohanan ng Bibliya. Di-nagtagal, napansin sila ng isang maimpluwensiyang Katoliko roon. Kasama ang kaniyang mga kaibigan sa simbahan, pinahinto niya ang aming lingguhang pag-aaral sa Bibliya at ipinagtabuyan kami. Nang malaman namin na mas magiging magulo pa sa susunod na linggo, hiniling namin sa pulisya na samahan kami.
Nang araw na iyon, ang daan ay punô ng nangungutyang mga Katoliko. Gusto pa nga kaming batuhin ng karamihan. Samantala, tinipon ng isang pari ang daan-daang katutubo sa nayon. Tiniyak sa amin ng mga pulis na may karapatan kaming magpulong, kaya hinawi ng mga pulis ang mga tao para makaraan kami. Pero nang magsimula na ang aming pulong, sinulsulan ng pari ang mga mang-uumog na manggulo. Hindi maawat ng mga pulis ang pulutong; kaya sinabihan kami ng hepe ng pulis na umalis na at dali-dali niya kaming sinamahan sa aming kotse.
Pinalibutan kami ng mga mang-uumog na nagmumura, nandudura, at nakaamba ang mga kamao, habang nakatayo’t nakahalukipkip naman ang nakangiting pari. Nang makatakas na kami, sinabi ng hepe ng pulis na ito ang pinakagrabeng situwasyong kailanma’y nakita niya. Bagaman natakot ang karamihan ng mga tao sa Vunabal dahil sa mararahas na mang-uumog, isang estudyante sa Bibliya ang lakas-loob na nanindigan sa katotohanan tungkol sa Kaharian. Mula noon, daan-daang iba pa sa buong New Britain ang nanindigan.
Nabuksan ang Gawain sa New Guinea
Noong Nobyembre 1960, naatasan naman kami sa Madang, isang malaking bayan sa hilagang baybayin ng New Guinea, ang malaking isla. Dito, kabi-kabila ang alok sa amin ni John na magtrabaho nang buong panahon. Hinikayat ako ng isang kompanya na pangasiwaan ang kanilang tindahan ng damit. Gusto naman ng isa na maging taga-repair ako ng mga damit. Inalok pa nga ako ng ilang babaing nandayuhan doon na ipagtatayo nila ako ng sarili kong patahian. Dahil nakatuon ang isip namin sa aming tunguhin, magalang naming tinanggihan ang mga ito at ang iba pang mga alok.—2 Timoteo 2:4.
Mabunga ang teritoryo sa Madang, at di-nagtagal ay nagkaroon na ng masulong na kongregasyon. Naglalakad kami at nagmomotor sa kalapit na mga nayon sa aming pangangaral na tumatagal ng mga ilang araw. Natutulog kami sa nadaraanan naming abandonadong mga kubo, na nilalatagan namin ng patung-patong na damong tinabás mula sa iláng. Mga de-lata, biskuwit, at kulambo lamang ang dala-dala namin.
Sa isa sa aming paglalakbay, dinalaw namin ang isang grupo ng mga interesado sa Talidig,
isang nayon na mga 50 kilometro sa hilaga ng Madang. Habang sumusulong sa katotohanan ang grupo, pinagbawalan sila ng prinsipal sa paaralan doon na mag-aral ng Bibliya sa pampublikong lupa. Nang maglaon, sinulsulan niya ang pulisya na sirain ang mga bahay ng mga ito at ipagtabuyan sila sa iláng. Gayunman, pumayag ang pinuno sa kalapit na nayon na tumira ang grupo sa kaniyang lupa. Nang maglaon, tinanggap ng mabait na pinunong ito ang katotohanan ng Bibliya, at isang makabagong Kingdom Hall ang itinayo sa lugar na iyon.Pagsasaling-Wika at Gawain Bilang Naglalakbay na Tagapangasiwa
Pagkaraan lamang ng dalawang taon mula nang dumating kami sa New Britain noong 1956, kami ni John ay inanyayahang magsalin ng iba’t ibang publikasyon sa Bibliya sa wikang Melanesian Pidgin. Nagpatuloy ang gawaing ito sa loob ng maraming taon. Pagkatapos noong 1970, inanyayahan kami sa tanggapang pansangay sa Port Moresby, ang kabisera ng Papua New Guinea, upang maglingkod bilang buong-panahong mga tagapagsaling-wika. Nagturo rin kami doon ng mga klase sa pag-aaral ng wikang Melanesian Pidgin.
Noong 1975, bumalik kami sa New Britain at sinamahan ko ang aking asawa sa paglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa sumunod na 13 taon, kami ay sumakay ng eroplano, barko, nagmaneho, o naglakad sa halos buong bansa. Marami kaming nakakatakot na mga karanasan sa daan, pati na ang insidenteng binanggit sa simula ng artikulong ito. Nang pagkakataong iyon, hinimatay ang aming piloto dahil sa matinding pananakit ng sikmura samantalang papalapit na kami sa paliparan ng Kandrian sa New Britain. Dahil ang eroplano ay nasa autopilot, umikut-ikot kami sa ibabaw ng kagubatan habang pilit na ginigising ni John ang walang-malay na piloto. Sa wakas, nagkamalay siya, at medyo luminaw ang kaniyang paningin kaya napalapag niya ang eroplano. Pagkatapos ay hinimatay na naman siya.
Nabuksan ang Isa Pang Pinto ng Gawain
Noong 1988 bumalik kami sa Port Moresby upang asikasuhin ang lumalaking pangangailangan ng sangay sa pagsasaling-wika. Mga 50 kaming nakatira at nagtatrabaho bilang isang pamilya sa sangay, kung saan sinasanay rin namin ang bagong mga tagapagsaling-wika. Maliliit lamang ang kuwarto namin. Iniiwan namin ni John na bukás ang aming pinto upang malayang makadalaw sa amin ang mga miyembro ng pamilyang Bethel at mga bisita. Kaya naging malapít kami sa pamilya at naipakita namin ang aming pag-ibig at suporta sa isa’t isa.
Pagkatapos, noong 1993, inatake sa puso si John at namatay. Para bang namatay rin ang isang bahagi ko. Tatlumpu’t walong taon na kaming kasal at magkasama kami sa lahat ng panahong iyan sa ministeryo. Determinado pa rin akong magpatuloy, sa tulong ni Jehova. (2 Corinto 4:7) Iniiwan ko pa ring bukás ang pinto ng aming kuwarto, at lagi pa ring dumadalaw ang mga kabataan. Ang gayong kawili-wiling pakikipagsamahan ay tumutulong sa akin na manatiling positibo.
Noong 2003 dahil sa aking humihinang kalusugan, ibinalik ako sa tanggapang pansangay sa Sydney, Australia. Ngayon, sa edad na 77, buong-panahon pa rin akong naglilingkod sa Departamento ng Pagsasaling-Wika, at abala rin ako sa pangangaral. Nagdudulot sa akin ng kagalakan ang aking mga kaibigan at espirituwal na mga anak at mga apo.
Bukás pa rin ang pinto sa kuwarto ko sa Bethel, at madalas pa rin akong may mga bisita. Sa katunayan, kapag nakasara ang aking pinto, kadalasang kumakatok sila upang alamin kung may nangyari ba sa akin. Habang may buhay ako, mananatili akong determinadong ganapin ang aking ministeryo at paglingkuran ang aking Diyos, si Jehova.—2 Timoteo 4:5.
[Mga talababa]
^ par. 10 Noong panahong iyon, ang silangang bahagi ng isla ay nahahati sa Papua sa timog at New Guinea sa hilaga. Sa ngayon, ang kanlurang bahagi ng islang ito ay tinatawag na Papua, isang bahagi ng Indonesia, at ang silangang bahagi naman ay Papua New Guinea.
^ par. 19 Tingnan ang The Watchtower ng Hunyo 1, 1958, pahina 333-6, para sa talambuhay ni John Cutforth.
[Mga mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NEW GUINEA
AUSTRALIA
Sydney
INDONESIA
PAPUA NEW GUINEA
Talidig
Madang
PORT MORESBY
NEW BRITAIN
Rabaul
Vunabal
Wide Bay
Waterfall Bay
[Credit Line]
Map and globe: Based on NASA/Visible Earth imagery
[Larawan sa pahina 17]
Kasama si John sa isang kombensiyon sa Lae, New Guinea noong 1973
[Larawan sa pahina 20]
Sa sangay sa Papua New Guinea noong 2002