Kasamaan—Hindi Na ba Ito Makontrol?
Kasamaan—Hindi Na ba Ito Makontrol?
Isang mausyosong bata ang may napulot sa lupa—nakabaong bomba—na ikinabulag at ikinapinsala niya habambuhay. Inabandona ng isang ina ang kaniyang bagong-silang na sanggol matapos itong ilagay sa nakatambak na basura sa tabi ng kalye. Isang nasesanteng trabahador ang bumalik sa pinapasukan niya, pinagbabaril ang sinumang makita niya, at saka nagpakamatay. Isang respetadong lalaki ang seksuwal na nang-aabuso sa walang kalaban-labang mga bata.
NAKALULUNGKOT nga, pangkaraniwan na lamang ang ganitong masasamang balita sa ngayon. Ngunit ang mas malungkot pa rito, madalas na natatabunan ito ng mga balita tungkol sa terorismo at paglipol ng partikular na lahi ng tao. “Kung titingnan ang pinakamasahol na mga pangyayari sa siglong ito, masasabing ito na ang siglo ni Satanas,” ang sabi sa isang editoryal na inilathala noong 1995. “Ngayon lamang nagpakita ang mga tao ng ganito katinding kakayahan at kaluguran sa pagpatay ng milyun-milyong tao dahil sa lahi, relihiyon, o katayuan sa lipunan.”
Kasabay nito, nilalason ng tao ang hangin, dinurumhan ang lupa, sinasaid ang likas-yaman, at pinapatay ang napakaraming uri ng hayop hanggang sa malipol. Masusugpo pa kaya ng sangkatauhan ang lahat ng kasamaang ito at kaya ba nilang gawing ligtas ang daigdig? O ang pagtatangka bang gawin ito ay gaya ng pagsalunga sa malaking alon? Ganito ang sabi ng isang propesor na marami nang naisulat tungkol sa kasamaan: “Gustung-gusto kong baguhin ang daigdig. Pero sadyang walang makitang pagbabago rito.” Ganito rin marahil ang nadarama mo.
Ang kahihinatnan ng daigdig ay maihahambing sa isang barkong naglalayag sa karagatan na nagiging mas maunos at mapanganib bawat araw. Anumang pagsisikap na umiwas sa direksiyong iyon ay nauuwi lamang sa wala. Tuluy-tuloy ito sa kapaha-pahamak na unos at hindi na mapigil pa.
Ang isang dahilan kung bakit palala nang palala ang ating kalagayan ay ang di-kasakdalan ng tao. (Roma 3:23) Magkagayunman, ang tindi, lawak, at walang-katapusang pag-iral ng kasamaan ay waring higit pa sa kayang gawin ng tao lamang. Posible kaya na ang sangkatauhan ay kinokontrol ng isang di-nakikita pero makapangyarihan at masamang puwersa? Kung oo, ano ito, at paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula rito? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
© Heldur Netocny/Panos Pictures