Mga May-edad Na—Pagpapala sa mga Nakababata
Mga May-edad Na—Pagpapala sa mga Nakababata
“Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa kanilang lahat na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”—AWIT 71:18.
1, 2. Ano ang dapat malaman ng mga may-edad nang lingkod ng Diyos, at ano ang tatalakayin natin ngayon?
ISANG Kristiyanong elder sa Kanlurang Aprika ang dumalaw sa isang kapatid na pinahiran at tinanong siya, “Kumusta na po kayo?” Sumagot ang pinahiran, “Kaya kong tumakbo, lumukso, tumalon, at lumundag,” habang iniaarte ang kaniyang sinasabi. “Pero,” ang dagdag niya, “hindi ko kayang lumipad.” Maliwanag ang ibig niyang sabihin. ‘Iyong kaya ko, ginagawa ko, iyong hindi ko kaya, hindi ko ginagawa.’ Ang dumalaw na elder ay mahigit 80 anyos na ngayon, pero tandang-tanda pa rin niya ang mapagpatawang kapatid na iyon at ang katapatan nito.
2 Hindi nalilimutan ng mga tao ang makadiyos na katangiang ipinakikita ng isang may-edad na. Siyempre pa, hindi tayo awtomatikong nagkakaroon ng karunungan at mga katangiang gaya ng kay Kristo habang nagkakaedad tayo. (Eclesiastes 4:13) Sinasabi ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Kung ikaw ay may-edad na, alam mo ba kung gaano kapaki-pakinabang sa iba ang iyong sinasabi at ginagawa? Isaalang-alang ang ilang halimbawa sa Bibliya na nagpapakita kung gaano kalaking pagpapala ang mga may-edad na sa mga nakababata.
Pananampalataya na May Napakalaking Impluwensiya
3. Ano ang naging epekto ng katapatan ni Noe sa lahat ng taong nabubuhay ngayon?
3 Ang resulta ng pananampalataya at katatagan ni Noe ay pinakikinabangan natin hanggang sa ngayon. Halos 600 taóng gulang na si Noe nang Genesis 7:6; 2 Pedro 2:5) Dahil sa kaniyang makadiyos na pagkatakot, si Noe, kasama ng kaniyang pamilya, ay nakaligtas sa malaking Baha at naging ninuno ng lahat ng taong nabubuhay sa lupa ngayon. Totoo, mahaba ang buhay ng mga tao noong panahon ni Noe. Ngunit kahit napakatanda na niya, nanatili siyang tapat, at nagbunga ito ng malalaking pagpapala. Paano?
itayo niya ang arka, tipunin ang mga hayop, at mangaral sa iba. (4. Paano nakikinabang ang mga lingkod ng Diyos ngayon sa katatagan ni Noe?
4 Halos 800 taóng gulang na si Noe nang simulan ni Nimrod ang pagtatayo ng Tore ng Babel, na isang pagsuway sa utos ni Jehova na “punuin . . . ang lupa.” (Genesis 9:1; 11:1-9) Pero hindi nakisangkot si Noe sa rebelyon ni Nimrod. Kaya posibleng hindi naiba ang wika ni Noe nang guluhin ng Diyos ang wika ng mga rebelde. Talagang karapat-dapat tularan ng mga lingkod ng Diyos, bata man o matanda, ang pananampalataya at katatagan ni Noe, na ipinakita niya hindi lamang noong may-edad na siya kundi sa buong buhay niya.—Hebreo 11:7.
Impluwensiya sa Pamilya
5, 6. (a) Noong 75 taóng gulang si Abraham, ano ang ipinagawa sa kaniya ni Jehova? (b) Paano tumugon si Abraham sa utos ng Diyos?
5 Makikita sa mga patriyarkang nabuhay pagkamatay ni Noe kung gaano kaimpluwensiya ang mga may-edad na sa pananampalataya ng kanilang pamilya. Si Abraham ay mga 75 taóng gulang na nang sabihin sa kaniya ng Diyos: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita.”—Genesis 12:1, 2.
6 Ano kaya ang magiging reaksiyon mo kapag sinabihan kang iwan ang iyong tahanan, mga kaibigan, lupang-tinubuan, at mga kamag-anak para pumunta sa isang lupain na hindi mo alam? Iyan mismo ang ipinagawa kay Abraham. “Humayo [siya] gaya ng sinalita ni Jehova sa kaniya,” at mula noon, tumira siya sa mga tolda bilang dayuhan at nagpalipat-lipat sila sa lupain ng Canaan. (Genesis 12:4; Hebreo 11:8, 9) Bagaman sinabi ni Jehova na magiging “isang dakilang bansa” si Abraham, matagal na siyang patay bago pa man dumami ang kaniyang supling. Iisa lamang ang anak ni Abraham kay Sara, si Isaac, at 25 taon na silang nakikipamayan sa lupang pangako bago ipanganak ito. (Genesis 21:2, 5) Subalit hindi nanghimagod si Abraham ni bumalik man siya sa pinanggalingan niyang lunsod. Isa nga siyang napakainam na halimbawa ng pananampalataya at pagbabata!
7. Ano ang naging epekto ng pagbabata ni Abraham sa kaniyang anak na si Isaac, at ano naman ang naging resulta nito sa sangkatauhan?
7 Malaki ang naging epekto ng pagbabata ni Abraham sa kaniyang anak na si Isaac, na nanirahan bilang dayuhan sa lupain ng Canaan sa kaniyang buong buhay—sa loob ng 180 taon. Ang pagbabata ni Isaac ay nakasalig sa pananampalataya niya sa pangako ng Diyos, pananampalatayang ikinintal sa kaniya ng may-edad nang mga magulang niya at pinatibay nang maglaon ng sinabi mismo sa kaniya ni Jehova. (Genesis 26:2-5) Malaki ang naging papel ng katatagan ni Isaac sa katuparan ng pangako ni Jehova na may darating na “binhi” na magmumula sa angkan ni Abraham at magdudulot ng pagpapala sa buong sangkatauhan. Pagkalipas ng daan-daang taon, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang pangunahing bahagi ng ‘binhing’ iyon, nabuksan ang daan upang ang lahat ng nananampalataya sa kaniya ay maipagkasundo sa Diyos at magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Galacia 3:16; Juan 3:16.
8. Paano nagpakita ng matibay na pananampalataya si Jacob, at ano ang naging epekto nito?
8 Tinulungan naman ni Isaac ang kaniyang anak na si Jacob upang makapaglinang ng matibay na pananampalataya na umalalay sa kaniya sa pagtanda niya. Si Jacob ay 97 taóng gulang na nang magdamag siyang makipagbuno sa isang anghel para makakuha ng pagpapala. (Genesis 32:24-28) Bago siya mamatay sa edad na 147, si Jacob ay nag-ipon ng lakas para pagpalain ang bawat isa sa kaniyang 12 anak. (Genesis 47:28) Ang mga inihula niya, na nakaulat ngayon sa Genesis 49:1-28, ay natupad na at patuloy pa ring natutupad.
9. Ano ang masasabi tungkol sa impluwensiya sa kanilang pamilya ng mga may-edad nang may matibay na pananampalataya?
Kawikaan 22:6) Hindi dapat maliitin kailanman ng mga may-edad na ang mabuting impluwensiya nila sa kanilang pamilya.
9 Maliwanag na ang tapat at may-edad nang mga lingkod ng Diyos ay may mabuting impluwensiya sa kanilang pamilya. Malaki ang maitutulong ng pagtuturo mula sa Kasulatan, matalinong payo, at halimbawa ng pagbabata upang ang isang kabataan ay magkaroon ng matatag na pananampalataya. (Impluwensiya sa Kapananampalataya
10. Ano ang “utos [ni Jose] may kinalaman sa kaniyang mga buto,” at ano ang naging epekto nito?
10 Mabuting impluwensiya rin ang mga may-edad na sa kanilang mga kapananampalataya. Noong matanda na si Jose na anak ni Jacob, may ginawa siya na nagpakita ng kaniyang pananampalataya at nagkaroon ng malaking epekto sa milyun-milyong mananamba ng tunay na Diyos na nabuhay pagkamatay niya. Siya ay 110 taóng gulang noong ‘magbigay siya ng utos may kinalaman sa kaniyang mga buto,’ na kapag umalis na ang mga Israelita sa Ehipto, dadalhin nila ang kaniyang mga buto. (Hebreo 11:22; Genesis 50:25) Ang utos na ito ay nagbigay sa Israel ng isang dahilan para umasa na tiyak na mapalalaya sila sa napakatagal na pang-aalipin pagkamatay ni Jose.
11. Ano ang malamang na naging impluwensiya kay Josue ng may-edad nang si Moises?
11 Si Moises ay napatibay rin sa pananampalatayang ipinakita ni Jose. Noong 80 anyos si Moises, nagkapribilehiyo siyang dalhin ang mga buto ni Jose palabas ng Ehipto. (Exodo 13:19) Nang panahong iyon, nakilala niya si Josue na mas bata sa kaniya. Sa sumunod na 40 taon, naging tagapaglingkod ni Moises si Josue. (Bilang 11:28) Sinamahan niya si Moises paakyat sa Bundok Sinai at naghintay siya hanggang bumaba ito mula sa bundok na dala ang mga tapyas ng Patotoo. (Exodo 24:12-18; 32:15-17) Tiyak na natuto si Josue mula sa napakaraming matalinong payo at karunungan ng may-edad nang si Moises!
12. Paano naging mabuting impluwensiya si Josue sa bansang Israel hanggang sa huling mga taon ng kaniyang buhay?
12 Si Josue naman ang nagpatibay sa bansang Israel hanggang sa huling mga taon ng kaniyang buhay. Sinasabi sa atin ng Hukom 2:7: “Ang bayan ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue at sa lahat ng mga araw ng matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue at nakakita ng lahat ng dakilang gawa ni Jehova na ginawa niya para sa Israel.” Ngunit pagkamatay ni Josue at ng iba pang matatandang lalaki, nagsimula ang 300-taóng pagsasalawahan sa tunay at huwad na pagsamba na umabot hanggang sa panahon ng propetang si Samuel.
“Nagpangyari ng Katuwiran” si Samuel
13. Ano ang ginawa ni Samuel upang ‘magpangyari ng katuwiran’?
13 Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilang taóng gulang na si Samuel noong mamatay siya, pero ang mga pangyayari sa aklat ng Unang Samuel ay umaabot ng mga 102 taon, at nasaksihan ni Samuel ang halos lahat ng ito. Mababasa natin sa Hebreo 11:32, 33 na “nagpangyari ng katuwiran” ang matuwid na mga hukom at propeta. Oo, tinulungan ni Samuel ang ilan sa kaniyang mga kapanahon na umiwas o tumalikod sa paggawa ng masama. (1 Samuel 7:2-4) Paano? Nanatili siyang tapat kay Jehova sa buong buhay niya. (1 Samuel 12:2-5) Hindi siya natakot magbigay ng matinding payo kahit pa sa hari. (1 Samuel 15:16-29) Bukod dito, si Samuel, na “matanda na at ubanin,” ay isang huwaran sa pananalangin alang-alang sa iba. Sinabi niya na “malayong mangyari . . . na magkasala laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagtigil sa pananalangin” alang-alang sa kaniyang mga kapuwa Israelita.—1 Samuel 12:2, 23.
14, 15. Paano matutularan ng mga may-edad na sa ngayon si Samuel sa pananalangin?
14 Itinatampok ng lahat ng ito ang isang mahalagang paraan upang maging mabuting impluwensiya ang mga may-edad na sa kapuwa nilang mga lingkod ni Jehova. Sa kabila ng mahinang kalusugan o iba pang kalagayan, maaaring ipanalangin ng mga may-edad na ang iba. Kung kayo ay may-edad na, alam ba ninyo na kapaki-pakinabang sa kongregasyon ang inyong mga panalangin? Dahil sa inyong pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo, kayo ay may mabuting katayuan sa harap ni Jehova, at dahil sa inyong rekord ng pagbabata, napatunayan ang ‘subok na katangian’ ng inyong pananampalataya. (Santiago 1:3; 1 Pedro 1:7) Laging tandaan: “Ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa.”—Santiago 5:16.
15 Kailangan ang inyong mga panalangin para sa gawaing pang-Kaharian ni Jehova. Nakabilanggo ang ilang kapatid natin dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Ang iba naman ay nasalanta ng kalamidad at naapektuhan ng mga digmaan at alitang sibil. Sa atin mismong mga kongregasyon, may mga napapaharap sa tukso o pagsalansang. (Mateo 10:35, 36) Kailangan din ang inyong regular na pananalangin alang-alang sa mga nangunguna sa pangangaral at nangangasiwa sa mga kongregasyon. (Efeso 6:18, 19; Colosas 4:2, 3) Nakatutuwa kapag binabanggit ninyo ang inyong mga kapananampalataya sa inyong mga panalangin, tulad ng ginawa ni Epafras!—Colosas 4:12.
Pagtuturo sa Darating na Salinlahi
16, 17. Ano ang inihula sa Awit 71:18, at paano ito natutupad?
16 Ang pakikisama sa tapat na mga miyembro ng “munting kawan,” na may makalangit na pag-asa, ay nagsisilbing mabuting pagsasanay sa “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. (Lucas 12:32; Juan 10:16) Inihula ito sa Awit 71:18, na nagsasabi: “Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa kanilang lahat na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.” Bago luwalhatiin kasama ni Jesu-Kristo ang mga pinahiran at bago nila iwan ang ibang mga tupa, malugod nilang sinasanay ang kanilang mga kasamahan na ibang mga tupa para humawak ng karagdagang mga pananagutan.
17 Sa diwa, ang binabanggit sa Awit 71:18 na pagtuturo “sa kanilang lahat na darating” ay maaari ring gawin ng ibang mga tupa na tumanggap ng tagubilin mula sa mga pinahiran ng Diyos. Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga may-edad na ang pribilehiyong magpatotoo tungkol sa kaniya sa mga taong yumayakap sa tunay na pagsamba sa ngayon. (Joel 1:2, 3) Nadarama ng ibang mga tupa na pinagpala sila dahil sa kanilang mga natututuhan mula sa mga pinahiran at nauudyukan silang ibahagi ang kanilang napag-aralan mula sa Kasulatan sa iba na nagnanais maglingkod kay Jehova.—Apocalipsis 7:9, 10.
18, 19. (a) Anu-anong mahahalagang impormasyon ang mailalahad ng mga may-edad nang lingkod ni Jehova? (b) Sa ano makatitiyak ang mga may-edad nang Kristiyano?
18 Maraming mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ang matututuhan mula sa mga may-edad nang lingkod ni Jehova, kabilang man sa pinahiran o sa ibang mga tupa. Buháy pa ang ilan sa nakapanood ng “Photo-Drama of Creation” noong una itong ipalabas. Kilala mismo ng ilan ang mga kapatid na nangunguna sa gawain at nabilanggo noong 1918. Ang iba ay kasama sa mga nagsahimpapawid ng mga programa sa istasyon ng radyo ng Watchtower, ang WBBR. Marami ang makapagkukuwento tungkol sa mga kasong isinampa ng mga Saksi ni Jehova sa mga korte suprema may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon. Ang iba naman ay nanindigang matatag para sa tunay na pagsamba sa ilalim ng mga rehimeng diktadura. Oo, mailalahad ng mga may-edad na kung paano unti-unting isinisiwalat ang liwanag ng katotohanan. Hinihimok tayo ng Bibliya na makinabang sa napakarami nilang karanasan.—19 Pinasisigla ang mga may-edad nang Kristiyano na maging mabuting halimbawa sa mga nakababata. (Tito 2:2-4) Baka hindi pa ninyo nakikita ngayon ang epekto sa iba ng inyong pagbabata, panalangin, at payo. Malamang na hindi rin alam nina Noe, Abraham, Jose, Moises, at iba pa kung gaano kalaki ang naging epekto ng kanilang katapatan sa mga darating na henerasyon. Pero nagkaroon ng malaking epekto ang kanilang rekord ng pananampalataya at katapatan; gayundin ang maaaring maging epekto ng inyong halimbawa sa mga nakababata.
20. Anu-anong pagpapala ang naghihintay sa mga nananatiling may matatag na pag-asa hanggang sa wakas?
20 Ikaw man ay makatawid nang buháy sa “malaking kapighatian” o buhaying-muli, napakalaking kagalakan nga na makamit ang “tunay na buhay”! (Mateo 24:21; 1 Timoteo 6:19) Isipin na lamang ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo kapag pinawi na ni Jehova ang epekto ng pagtanda. Sa halip na maramdamang unti-unting humihina ang ating katawan, magigising tayo araw-araw na pabuti nang pabuti ang ating kalusugan—mas malakas na pangangatawan, mas malinaw na paningin, mas matalas na pandinig, at mas magandang hitsura! (Job 33:25; Isaias 35:5, 6) Mananatiling bata ang mga pinagpalang mamuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos sa kabila ng walang-hanggang pagtakbo ng panahon. (Isaias 65:22) Kung gayon, panatilihin nawa nating lahat na matatag ang ating pag-asa hanggang sa wakas at patuloy na maglingkod nang buong kaluluwa kay Jehova. Makaaasa tayong tutuparin ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako at tiyak na higit pa sa inaasahan natin ang gagawin niya.—Awit 37:4; 145:16.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano nagdulot ng mga pagpapala sa buong sangkatauhan ang katatagan ng may-edad nang si Noe?
• Ano ang naging epekto ng pananampalataya ng mga patriyarka sa kanilang mga inapo?
• Paano pinatibay ng may-edad nang sina Jose, Moises, Josue, at Samuel ang kanilang mga kapuwa mananamba?
• Ano ang maipamamana ng mga may edad na?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Malaki ang naging epekto kay Isaac ng pagbabata ni Abraham
[Larawan sa pahina 28]
Napasigla si Josue ng matalinong payo ni Moises
[Larawan sa pahina 29]
Malaki ang nagagawa ng inyong mga panalangin alang-alang sa iba
[Larawan sa pahina 30]
Nakikinabang ang mga kabataang nakikinig sa mga tapat na may-edad na