Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ginagarantiyahan ba ng Kawikaan 22:6 na hindi na lilihis mula sa daan ni Jehova ang Kristiyanong mga anak na sinanay nang tama?
Ganito ang sinasabi sa talatang iyon: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” Gaya ng puno na sumusunod ayon sa paghutok dito, ang mga anak na sinanay nang tama ay mas malamang na magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova paglaki nila. Alam ng bawat magulang na kailangan ang malaking panahon at pagsisikap para sanayin ang mga anak. Upang maging Kristiyanong alagad ang mga anak, kailangan ng mga magulang na maingat silang turuan, payuhan, pasiglahin, disiplinahin, at magsilbing mabuting halimbawa sa kanila. Dapat na patuluyan at maibigin nilang gawin ito sa loob ng maraming taon.
Pero paano kapag huminto na sa paglilingkod kay Jehova ang isang anak, nangangahulugan ba ito na nagkulang ang mga magulang sa pagpapalaki sa kaniya? May mga pagkakataon na maaaring nagkulang nga ang ilang magulang sa kanilang pagsisikap na palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova. (Efeso 6:4) Sa kabilang banda, ang kawikaang ito ay hindi garantiya na magiging tapat sa Diyos ang mga anak dahil sa mabuting pagsasanay. Hindi basta mapasusunod ng mga magulang ang kanilang mga anak sa anumang gusto nila. May kalayaang magpasiya ang mga anak, tulad ng mga adulto, at sa kalaunan, sila ang pipili ng gusto nilang buhay. (Deuteronomio 30:15, 16, 19) Sa kabila ng pinakamabuting pagsisikap ng mga magulang, nagiging di-tapat pa rin ang ilang anak, gaya ni Solomon, na mismong sumulat ng talatang tinatalakay natin. Maging si Jehova ay nagkaroon ng mga anak na hindi nanatiling tapat.
Kaya ang tekstong ito ay hindi nangangahulugan na sa lahat ng pagkakataon, ang isang anak ay ‘hindi na lilihis,’ kundi sa pangkalahatan ay ito ang magiging resulta. Kaylaki ngang pampatibay-loob nito sa mga magulang! Mapasisigla ang mga magulang na malamang ang kanilang marubdob na pagsisikap na sanayin ang kanilang mga anak sa daan ni Jehova ay magkakaroon ng mabubuting resulta. Yamang mahalaga ang papel at malaki ang impluwensiya ng mga magulang, hinihimok sila na seryosohin ang kanilang papel.—Deuteronomio 6:6, 7.
Kahit huminto na ang mga anak sa paglilingkod kay Jehova, ang mga magulang na matiyagang nagsanay sa kanilang mga anak ay makaaasa na matatauhan din ang mga ito. Makapangyarihan ang katotohanan mula sa Bibliya, at hindi basta-basta nalilimutan ang pagsasanay ng mga magulang.—Awit 19:7.