Pagtutuli—Tanda ng Pagkalalaki?
Pagtutuli—Tanda ng Pagkalalaki?
SA MARAMING bahagi ng daigdig, tinutuli ang mga sanggol na lalaki para sa kanilang kalusugan. Sa ibang bahagi naman ng daigdig, hindi tinutuli ang mga kalalakihan. Para sa ilan, tulad ng mga Judio at Muslim, hindi lamang para sa kalusugan ang pagtutuli; may kaugnayan ito sa kanilang relihiyon.
Pero sa ilang bansa, may ginagawang ritwal sa pagtutuli kapag nagbinata na ang isa. Karaniwan nang ipinadadala ang bata sa isang paaralang nagtuturo ng tradisyonal na kaugalian ng tribo at doon siya tinutuli at nananatiling hiwalay sa komunidad nang ilang linggo hanggang sa gumaling ang kaniyang sugat. Sa panahong ito, may ilang ritwal na ipagagawa sa batang lalaki at tuturuan siya kung paano maging ganap na lalaki. Kailangan ba ang ganitong uri ng pagtutuli para mapatunayan ng isa ang kaniyang pagkalalaki? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananaw ng Diyos sa bagay na ito.—Kawikaan 3:5, 6.
Ang Pananaw ng Diyos Hinggil sa Pagtutuli
Ang pagtutuli, o pagtanggal ng dulong-balat ng ari ng lalaki, ay kaugalian sa ilang bansa noong sinaunang panahon, tulad ng Ehipto. Pero hindi iyan ang kinalakhan ni Abraham. Sa katunayan, hindi tuli si Abraham sa halos buong buhay niya. Sa kabila nito, magiting na lalaki si Abraham. Kasama ang maliit na pangkat ng kalalakihan, tinugis at nilupig niya ang mga hukbo ng apat na hari na bumihag sa kaniyang pamangkin na si Lot. (Genesis 14:8-16) Pagkaraan ng mga 14 na taon, inutusan ng Diyos si Abraham na magpatuli, pati ang kaniyang buong sambahayan. Bakit?
Tiyak na hindi ito tanda ng pagbibinata ni Abraham. Aba, 99 na taóng gulang na siya noon! (Genesis 17:1, 26, 27) Sinabi ng Diyos kung bakit niya iniutos ito: “Kayo ay dapat magpatuli ng laman ng inyong mga dulong-balat, at ito ay magsisilbing tanda ng tipan sa pagitan ko at ninyo.” (Genesis 17:11) Kasama sa Abrahamikong tipan na iyon ang pangako ng Diyos na sa pamamagitan ni Abraham, maraming pagpapala ang tatanggapin ng “lahat ng pamilya sa lupa” sa hinaharap. (Genesis 12:2, 3) Kaya sa pananaw ng Diyos, walang kinalaman ang pagtutuli sa pagbibinata. Ginagawa ito para ipakitang ang isa ay Israelitang inapo ni Abraham na may pribilehiyong ‘pagkatiwalaan ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos.’—Roma 3:1, 2.
Nang maglaon, napatunayang hindi na karapat-dapat sa pagtitiwalang ito ang bansang Israel, nang itakwil nila ang tunay na Binhi ni Abraham, si Jesu-Kristo. Kaya itinakwil din sila ng Diyos at wala nang kabuluhan sa mata ng Diyos ang kanilang pagpapatuli. Pero iginigiit ng ilang Kristiyano noong unang siglo C.E. na kahilingan pa rin ng Diyos ang pagtutuli. (Gawa 11:2, 3; 15:5) Dahil dito, ipinadala ni apostol Pablo si Tito para “maituwid . . . ang mga bagay na may depekto” sa maraming kongregasyon. Sumulat si Pablo kay Tito tungkol sa isang depekto: “Maraming taong di-masupil, mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan, at mga manlilinlang ng isipan, lalo na yaong mga taong nanghahawakan sa pagtutuli. Kinakailangang itikom ang mga bibig ng mga ito, yamang patuloy na iginugupo ng mismong mga taong ito ang buu-buong mga sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro alang-alang sa di-tapat na pakinabang.”—Tito 1:5, 10, 11.
1 Pedro 4:15) Isa pa, pinatnubayan si apostol Pablo ng banal na espiritu ng Diyos nang isulat niya ang tungkol sa pagtutuli ayon sa Kautusang Mosaiko: “Ang sinumang tao ba ay tinawag nang tuli? Huwag siyang maging di-tuli. Ang sinumang tao ba ay tinawag na nasa di-pagtutuli? Huwag siyang magpatuli. Ang pagtutuli ay walang anumang halaga, at ang di-pagtutuli ay walang anumang halaga, kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. Sa anumang kalagayan tinawag ang bawat isa, manatili siya roon.”—1 Corinto 7:18-20.
Kapit pa rin sa ngayon ang payo ni Pablo. Talaga namang hindi maka-Kasulatan na igiit ng isang tunay na Kristiyano sa iba na ipatuli nito ang kanilang anak. Sa halip na ‘makialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao,’ hahayaan ng isang Kristiyano ang mga magulang na magpasiya. (Paano Naman ang mga “Paaralan Para sa mga Tinutuli”?
Halimbawa, paano kung ipasiya ng Kristiyanong mga magulang na ipatuli ang kanilang anak na lalaki? Maka-Kasulatan ba na ipadala ang kanilang anak sa mga “paaralan para sa mga tinutuli” na binanggit kanina? Hindi lamang pagtanggal ng dulong-balat ang ginagawa sa mga paaralang iyon. Sa loob ng maraming linggo, ang isang ipinadadala roon ay makikihalubilo sa mga batang lalaki at mga guro na hindi sumasamba kay Jehova. Marami sa itinuturo sa mga paaralang ito ay salungat sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya. Nagbababala ang Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Lumalaki rin ang panganib na mapinsala ang katawan ng mga pumapasok sa paaralang ito. Noong 2003, nagbabala ang South African Medical Journal: “Nakapangingilabot na naman ang mga nangyari kaugnay ng pagtutuli sa taóng ito nang iulat ng malalaking ahensiya sa pagbabalita na sa buong daigdig ay may namatay at napinsala dahil dito. . . . Sa maikli, marami sa mga tinatawag na mga ‘paaralan para sa mga tinutuli’ sa ngayon ay peke, at nakamamatay.”
Bukod pa sa posibleng pisikal na pinsala, nariyan ang mas malaking panganib sa espirituwalidad ng isang kabataan sa mga paaralang ito. Nauugnay sa espiritismo at pagsamba sa namatay na mga ninuno ang mga turo at mga ritwal dito. Halimbawa, sa halip na amining ang pinsala sa mga bata ay dahil sa walang-ingat na mga siruhano at maruruming kagamitan, marami ang naniniwala na pangkukulam o galit ng mga namatay na ninuno ang sanhi ng mga trahedyang ito. May kinalaman sa huwad na relihiyon, nag-uutos ang Bibliya: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’” (2 Corinto 6:14-17) Salig sa payong ito, walang mabuting maidudulot ang pagpapadala ng mga Kristiyanong magulang sa kanilang mga anak na lalaki sa mga paaralan para sa mga tinutuli.
Ano ang Sukatan ng Tunay na Pagkalalaki Para sa mga Kristiyano?
Ang pagiging tuli o hindi ng isang Kristiyano ay walang kinalaman sa kaniyang pagkalalaki. Ang pinakamahalaga sa tunay na mga Kristiyano ay ang maging kalugud-lugod sa mata ng Diyos, hindi ang “magpakita ng kalugud-lugod na kaanyuan sa laman.”—Galacia 6:12.
Para maging kalugud-lugod sa Diyos, kailangan muna ng isang Kristiyano na ‘tuliin ang kaniyang puso.’ (Deuteronomio 10:16; 30:6; Mateo 5:8) Ginagawa ito hindi sa pamamagitan ng paghiwa ng kutsilyo, kundi sa pamamagitan ng pagwawaksi sa maling mga pagnanasa at mapagmataas na kaisipan, gaya ng paniniwala na magiging mas nakatataas ang isa kapag nagpatuli siya sa laman. Sa pamamagitan ng pagbabata ng mga pagsubok at pagiging “matatag sa pananampalataya,” mapatutunayan ng isang tunay na Kristiyano na siya ay isang tunay na lalaki, tuli man siya o hindi.—1 Corinto 16:13; Santiago 1:12.