Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagmumulan ng Kasamaan Ibinunyag!

Pinagmumulan ng Kasamaan Ibinunyag!

Pinagmumulan ng Kasamaan Ibinunyag!

HINIHINTAY ng maraming Judio noong unang siglo ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas. (Juan 6:14) Nang dumating na si Jesus, nagdulot siya ng kaaliwan sa mga tao at tinulungan niya silang higit na maunawaan ang Salita ng Diyos. Nagpagaling siya ng maysakit, nagpakain ng nagugutom, nagpahupa ng bagyo, at bumuhay pa nga ng patay. (Mateo 8:26; 14:14-21; 15:30, 31; Marcos 5:38-43) Ipinahayag din niya ang mga pananalita ni Jehova at ang pangakong buhay na walang hanggan. (Juan 3:34) Sa salita at gawa, lubusang ipinakita ni Jesus na siya ang Mesiyas na magpapalaya sa sangkatauhan sa kasalanan at sa lahat ng masasamang resulta nito.

Ang mga Judiong lider ng relihiyon sana ang unang dapat na matuwa sa pagdating ni Jesus, makinig sa kaniya, at malugod na tumanggap sa kaniyang patnubay. Pero hindi gayon ang naging tugon nila. Sa halip, kinapootan nila si Jesus, pinag-usig siya, at nagsabuwatan pa nga para patayin siya!​—Marcos 14:1; 15:1-3, 10-15.

Tama lamang na hatulan ni Jesus ang napakasamang mga lalaking ito. (Mateo 23:33-35) Pero alam niyang may iba pang dapat sisihin sa kasamaang nasa puso nila. Sinabi niya sa kanila: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Bagaman kinilala ni Jesus na kaya ng mga tao na gumawa ng masama, tinukoy niya ang mismong pinagmumulan ng kasamaan​—si Satanas na Diyablo.

Nang sabihin ni Jesus na si Satanas ay “hindi . . . nanindigan sa katotohanan,” isiniwalat ni Jesus na dating tapat na lingkod ng Diyos ang espiritung personang ito pero lumihis siya sa tamang landas. Bakit nagrebelde si Satanas kay Jehova? Dahil naging napakataas ng tingin niya sa kaniyang sarili at hinangad niya pati ang pagsamba na para lamang sa Diyos. *​—Mateo 4:8, 9.

Kitang-kita ang pagrerebelde ni Satanas sa hardin ng Eden nang dayain niya si Eva para kainin ang ipinagbabawal na bunga. Nang sambitin niya ang kauna-unahang kasinungalingan at siraang-puri si Jehova, ginawa ni Satanas ang kaniyang sarili na “ama ng kasinungalingan.” Karagdagan pa, nang hikayatin niyang sumuway sina Adan at Eva, napaalipin niya sila sa kasalanan, na sa kalaunan ay humantong sa kamatayan nila at ng sumunod na mga henerasyon. Kaya si Satanas ay naging “mamamatay-tao” rin​—ang pinakakahindik-hindik na mamamatay-tao kailanman!​—Genesis 3:1-6; Roma 5:12.

Nagkalat ng masamang impluwensiya si Satanas hanggang sa dako ng mga espiritu kung saan sinulsulan niya ang iba pang mga anghel na magrebelde kasama niya. (2 Pedro 2:4) Katulad ni Satanas, ang masasamang espiritung ito ay nagkaroon ng maling pagnanasa sa mga tao. Pero iyon ay di-likas na seksuwal na pagnanasa na humantong sa kapaha-pahamak at napakasamang resulta.

Napuno ng Kasamaan ang Lupa

Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Nang magpasimulang dumami ang mga tao . . . at maipanganak sa kanila ang mga anak na babae, nang magkagayon ay napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.” (Genesis 6:1, 2) Sino itong “mga anak ng tunay na Diyos”? Sila ay mga espiritung nilalang, hindi mga tao. (Job 1:6; 2:1) Paano natin nalaman? Una sa lahat, ang pag-aasawa sa pagitan ng mga tao ay mga 1,500 taon nang nangyayari, at normal ito kaya hindi na kailangang iulat pa. Kaya nang itawag-pansin ang pakikipagtalik ng nagkatawang-taong “mga anak ng tunay na Diyos” sa “mga anak na babae ng mga tao” na kinuha nila, ang ulat ay maliwanag na tumutukoy sa isang bagay na di-normal at hindi pa kailanman nangyayari.

Napatunayang di-normal ang relasyong ito nang isilang ang kanilang mga anak. Sila ay pinaghalong anghel at tao na tinatawag na Nefilim, at lumaki silang higante. Mababangis at mapang-api rin sila. Sa katunayan, ang “Nefilim” ay nangangahulugang “Mga Tagapagbuwal” o “yaong mga nagpapabagsak sa iba.” Inilalarawan ang malulupit na lalaking ito bilang “mga makapangyarihan noong sinauna, ang mga lalaking bantog.”​—Genesis 6:4.

Walang kasinsama ang mga Nefilim at ang kanilang mga ama. “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at . . . napuno ng karahasan,” ang sabi sa Genesis 6:11. Oo, ang mga tao ay nahawa sa karahasan at kasamaan ng kakaibang mga indibiduwal na ito sa gitna nila.

Paano naging gayon kaimpluwensiya ang kasamaan ng mga Nefilim at ng kanilang mga ama? Pinukaw nila ang makasalanang hilig at pagnanasa ng mga tao. Ang resulta? “Sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.” Sa wakas, pinuksa ni Jehova ang sanlibutang iyon sa pamamagitan ng isang pangglobong Delubyo, ngunit iniligtas niya ang matuwid na si Noe at ang kaniyang pamilya. (Genesis 6:5, 12-22) Pero ang mga anghel na nagkatawang-tao ay bumalik sa langit sa kabila ng kahihiyan. Patuloy na lumaban sa Diyos at sa kaniyang matuwid na pamilya ng tapat na mga anghel ang nagpakasamang mga demonyong ito. Lumilitaw na mula noon, hindi na pinahintulutan ng Diyos na magkatawang-tao ang masasamang espiritung ito. (Judas 6) Gayunman, malaki pa rin ang impluwensiya nila sa mga tao.

Lubusang Ibinunyag ang Isa na Masama!

Isinisiwalat ng 1 Juan 5:19 kung gaano kalawak ang impluwensiya ni Satanas nang sabihin nito: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot [o, masama].” Minamaniobra ng Diyablo ang sangkatauhan sa patindi nang patinding kaguluhan at kapighatian. Sa katunayan, mas pursigido siya ngayon na gumawa ng masama. Bakit? Dahil matapos itatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914, siya at ang kaniyang mga demonyo ay pinalayas mula sa langit. Tungkol sa pagpapalayas na ito, inihula ng Bibliya: “Sa aba ng lupa . . . , sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:7-12) Kung gayon, paano iniimpluwensiyahan ni Satanas ang sangkatauhan sa ngayon?

Pangunahin nang ginagawa iyon ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng espiritu na nagdidikta sa pag-iisip at pagkilos ng mga tao. Kaya naman, tinatawag ang Diyablo sa Efeso 2:2 na “tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu [o, laganap na saloobin] na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Sa halip na itaguyod ang makadiyos na pagkatakot at kabutihan, ang makademonyong “hangin” na ito ay nagsusulsol ng paghihimagsik sa Diyos at sa kaniyang mga pamantayan. Sa ganitong paraan, pinalalaganap at pinatitindi ni Satanas ang kasamaan ng mga tao.

“Ingatan Mo ang Iyong Puso”

Isa sa mga epekto ng “hangin” na ito ay ang salot ng pornograpya, na pumupukaw ng maling seksuwal na pagnanasa at pinalalabas na kaakit-akit ang di-normal na paggawi. (1 Tesalonica 4:3-5) Ang panggagahasa, sadismo, panghahalay ng isang gang, bestiyalidad, at seksuwal na pang-aabuso sa mga bata ay ilan lamang sa ginagawang kawili-wili ng pornograpya. Maging ang pornograpikong mga materyal na di-gaanong bulgar ay nakakaadik at nakapipinsala sa mga nanonood o nagbabasa nito hanggang sa maging bisyo na nila ito. * Masamang bagay ito na sumisira sa kaugnayan ng isa sa kaniyang kapuwa at sa Diyos. Masasalamin sa pornograpya ang napakasamang kaisipan ng mga demonyo na nagpapalaganap nito​—mga rebelde na ang di-normal na seksuwal na pagnanasa ay mula pa noong panahon ni Noe bago ang Baha.

May mabuting dahilan ang matalinong si Solomon nang magpayo siya ng ganito: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Sa ibang salita, para maingatan ang iyong puso mula sa silo ng pornograpya, baka kailangan mong ilipat sa ibang istasyon ang TV o patayin ang computer kapag may lumitaw na mahalay na panoorin, at huwag magdadalawang-isip kundi kumilos kaagad! Isipin mo na para kang isang sundalo na umiiwas sa baril na nakaumang sa iyong puso. Pinupuntirya ni Satanas ang iyong makasagisag na puso​—kung saan nabubuo ang iyong motibo at pagnanasa—​at gusto niya itong pasamain.

Kailangan mo ring ingatan ang iyong puso mula sa pag-ibig sa karahasan, dahil alam ng Diyablo na ang “sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga [ni Jehova].” (Awit 11:5) Hindi naman kailangan ni Satanas na itulak kang gumawa ng kasamaan para maging kaaway ka ng Diyos; kailangan lamang niyang itanim sa iyong puso ang pag-ibig sa karahasan. Kaya hindi kataka-takang madalas na laman ng media ang karahasan na may kasamang okultismo. Matagal nang patay ang mga Nefilim, pero buháy na buháy pa rin ang kanilang mga asal at kilos sa ngayon! Nilalabanan mo ba ang mga pakana ni Satanas kapag pumipili ka ng mga libangan at panoorin?​—2 Corinto 2:11.

Kung Paano Lalabanan ang Masamang Impluwensiya ni Satanas

Parang napakahirap labanan ang mga puwersa ng kasamaan. Binabanggit ng Bibliya na yaong nagsisikap na palugdan ang Diyos ay “may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu,” bukod pa sa pakikipagbaka sa kanilang sariling di-sakdal na laman. Para magtagumpay sa labanang ito at mapalugdan ang Diyos, kailangan nating samantalahin ang maraming paglalaan ng Diyos.​—Efeso 6:12; Roma 7:21-25.

Kasama sa mga paglalaang ito ang banal na espiritu ng Diyos, ang pinakamalakas na puwersa sa buong uniberso. Sumulat si apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.” (1 Corinto 2:12) Ang mga pinapatnubayan ng espiritu ng Diyos ay natututong umibig sa mga bagay na iniibig ng Diyos at mapoot sa mga bagay na kinapopootan niya. (Amos 5:15) Paano makatatanggap ang isa ng banal na espiritu? Pangunahin na sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aaral ng Bibliya​—na isinulat sa pamamagitan ng banal na espiritu—​at kapaki-pakinabang na pakikihalubilo sa mga tunay na umiibig sa Diyos.​—Lucas 11:13; 2 Timoteo 3:16; Hebreo 10:24, 25.

Kung sasamantalahin mo ang mga paglalaang ito mula sa Diyos, sinisimulan mo nang isuot ang “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos,” ang tanging subok na proteksiyon laban sa “mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11-18) Ngayon natin kailangang-kailangan ang mga paglalaang ito. Bakit?

Biláng Na ang Araw ng Kasamaan!

“Kapag sumisibol ang mga balakyot na gaya ng pananim at namumukadkad ang lahat ng nagsasagawa ng bagay na nakasasakit, iyon ay upang malipol sila magpakailanman,” ang sabi ng salmista. (Awit 92:7) Gaya noong panahon ni Noe, ang paglaganap ng kasamaan ngayon ay katibayan na napakalapit na ng paghatol ng Diyos, hindi lamang laban sa masasamang tao kundi laban din kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo, na ihahagis sa kalaliman kung saan wala na silang puwedeng magawa pa bago sila tuluyang puksain. (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 20:1-3, 7-10) Sino ang maglalapat ng hatol na ito? Walang iba kundi si Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya ay mababasa natin: “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos, samakatuwid nga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.”​—1 Juan 3:8.

Gustung-gusto mo na bang magwakas ang kasamaan? Kung oo, maaaliw ka sa mga pangako ng Bibliya. Wala nang iba pang aklat na nagbubunyag sa mismong pinagmumulan ng kasamaan, si Satanas, at wala nang iba pang aklat na nagsasabi kung paano siya pupuksain at kung paano wawakasan ang lahat ng kaniyang kasamaan. Hinihimok ka naming kumuha ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya para maprotektahan mo ang iyong sarili laban sa masasamang impluwensiya ni Satanas ngayon at magkaroon ka ng pag-asang mabuhay sa isang daigdig na wala nang kasamaan.​—Awit 37:9, 10.

[Mga talababa]

^ par. 5 Hindi natin alam kung ano ang orihinal na pangalan ng anghel na naging Satanas. Ang mga terminong “Satanas” at “Diyablo” ay nangangahulugang “Mananalansang” at “Maninirang-puri.” May ilang pagkakapareho sa ikinilos ni Satanas at ng hari ng Tiro noong sinauna. (Ezekiel 28:12-19) Pareho silang walang kapintasan sa kanilang pagkilos noong una pero nadala sila ng kanilang pagmamataas.

^ par. 17 Tingnan ang serye na “Pornograpya​—Nakapipinsala ba o Hindi?” sa Hulyo 22, 2003, isyu ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/​Larawan sa pahina 6]

Mga Alamat na May Bahagyang Katotohanan

May mga kuwento ng malabathalang tao, mga higante, at isang kapaha-pahamak na delubyo sa sinaunang mga alamat sa buong daigdig. Halimbawa, binabanggit sa Akkadianong Epiko ni Gilgamesh ang isang baha, barko, at mga nakaligtas. Inilalarawan si Gilgamesh mismo bilang isang mahalay at marahas na malabathalang tao. Binabanggit naman sa alamat ng mga Aztec ang isang sinaunang daigdig na pinaninirahan ng mga higante at ang pagsapit ng malaking delubyo. Ang alamat ng mga Norwego ay may binabanggit na lahi ng mga higante at isang matalinong lalaki na nagngangalang Bergelmir na nagtayo ng malaking barko at iniligtas ang kaniyang sarili at ang kaniyang asawa. Kinukumpirma lamang ng ganitong mga alamat na totoo ang ulat ng Bibliya na lahat ng tao ay nagmula sa mga nakaligtas sa isang delubyo na lumipol sa isang sinaunang masamang daigdig.

[Larawan]

Nakaukit sa tapyas ang Epiko ni Gilgamesh

[Credit Line]

The University Museum, University of Pennsylvania (neg. # 22065)

[Larawan sa pahina 5]

Kitang-kita ang asal ng mga Nefilim sa mga tao sa ngayon

[Larawan sa pahina 7]

Pinalalakas tayo ng tumpak na kaalaman laban sa masasamang impluwensiya