Mahalaga kay Jehova ang Iyong Pagsunod
Mahalaga kay Jehova ang Iyong Pagsunod
“Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.”—KAWIKAAN 27:11.
1. Anong espiritu ang nangingibabaw sa lipunan sa ngayon?
ANG espiritu ng pagsasarili at pagsuway ay nangingibabaw sa daigdig sa ngayon. Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Efeso, ipinaliwanag ni apostol Pablo kung bakit: ‘Lumakad kayo noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.’ (Efeso 2:1, 2) Oo, ang buong sanlibutan ay hinawahan, wika nga, ni Satanas na Diyablo, na siyang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” ng espiritu ng pagsuway. Ginawa niya ito noong unang siglo, at lalo pa niyang ginagawa ito mula nang ihagis siya sa lupa noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I.—Apocalipsis 12:9.
2, 3. Anu-ano ang dahilan kung bakit dapat tayong sumunod kay Jehova?
2 Subalit bilang mga Kristiyano, alam nating nararapat ang Diyos na Jehova sa ating taos-pusong pagsunod dahil siya ang ating Maylalang, Tagatustos ng ating buhay, maibiging Soberano, at ang ating Manunubos. (Awit 148:5, 6; Gawa 4:24; Colosas 1:13; Apocalipsis 4:11) Alam ng mga Israelita noong panahon ni Moises na si Jehova ang kanilang Tagapagbigay-Buhay at Tagapagligtas. Kaya sinabi sa kanila ni Moises: “Ingatan ninyong gawin ang iniutos sa inyo ni Jehova na inyong Diyos.” (Deuteronomio 5:32) Oo, nararapat lamang na sundin nila si Jehova. Pero madali silang naging masuwayin sa kanilang Soberano.
3 Gaano kahalaga ang ating pagsunod sa Maylalang ng uniberso? Minsan ay sinabi ng Diyos kay Haring Saul sa pamamagitan ni propeta Samuel: “Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain.” (1 Samuel 15:22, 23) Bakit kaya?
Kung Paanong ang Pagsunod ay “Mas Mabuti Kaysa sa Hain”
4. Bakit masasabing mayroon tayong maibibigay kay Jehova?
4 Bilang Maylalang, ang lahat ng bagay na taglay natin ay pag-aari ni Jehova. Dahil dito, may maibibigay ba tayo sa Diyos na wala sa kaniya? Oo, may isang napakahalagang bagay tayong maibibigay sa kaniya. Ano iyon? Mababasa natin ang sagot sa payong ito: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Maibibigay natin sa Diyos ang ating pagsunod. Bagaman iba-iba ang ating kalagayan at pinagmulan, sa pamamagitan ng pagiging masunurin, ang bawat isa sa atin ay makapagbibigay ng sagot sa napakasamang bintang ni Satanas na Diyablo na ang mga tao ay hindi mananatiling tapat sa Diyos sa harap ng pagsubok. Isa ngang malaking karangalan iyan!
5. Paano naaapektuhan ng ating pagsuway ang ating Maylalang? Ilarawan.
5 Interesado ang Diyos sa mga desisyon natin. May epekto sa kaniya ang ating pagsuway. Paano? Nasasaktan siya kapag may sinuman na tumahak sa gayong di-matalinong landasin. (Awit 78:40, 41) Ipagpalagay nang hindi sinunod ng isang may diyabetis ang iniutos sa kaniya ng doktor na kainin para sa kaniyang ikabubuti at sa halip, patuloy pa rin siyang kumakain ng mga bawal sa kaniya. Ano kaya ang madarama ng kaniyang nagmamalasakit na doktor? Makatitiyak tayo na nasasaktan si Jehova kapag sinusuway siya ng mga tao, yamang alam niya ang kahihinatnan ng pagwawalang-bahala sa kaniyang iniuutos.
6. Ano ang makatutulong sa atin na maging masunurin sa Diyos?
6 Ano ang makatutulong sa atin na maging masunurin bilang indibiduwal? Angkop lamang para sa bawat isa sa atin na humiling sa Diyos ng “isang masunuring puso,” gaya ni Haring Solomon. Humiling siya na magkaroon ng gayong puso upang “makilala [niya] ang kaibahan ng mabuti sa masama” at sa gayo’y makapagbigay ng matuwid na hatol sa mga kapuwa Israelita. (1 Hari 3:9) Kailangan natin ng “isang masunuring puso” upang malaman natin ang kaibahan ng mabuti at masama sa isang daigdig na lipos ng espiritu ng pagsuway. Inilaan sa atin ng Diyos ang kaniyang Salita, mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, mga Kristiyanong pagpupulong, at mapagmalasakit na matatanda sa kongregasyon upang malinang natin ang “isang masunuring puso.” Sinasamantala ba natin ang gayong maibiging mga paglalaan?
7. Bakit mas mahalaga kay Jehova ang pagsunod kaysa sa hain?
7 May kaugnayan dito, alalahanin na noong nakalipas, isiniwalat ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan na ang pagsunod ay mas mahalaga pa kaysa sa mga haing hayop. (Kawikaan 21:3, 27; Oseas 6:6; Mateo 12:7) Bakit nagkagayon, yamang si Jehova mismo ang nag-utos sa kaniyang bayan na maghandog ng gayong mga hain? Buweno, ano ba ang motibo ng isa kapag naghahandog siya ng hain? Ginagawa ba niya ito para paluguran ang Diyos? O sinusunod lamang niya ang isang ritwal? Kung nais talaga ng isang mananamba na paluguran ang Diyos, titiyakin niyang nasusunod niya ang lahat ng utos ng Diyos. Hindi kailangan ng Diyos ang mga haing hayop, pero ang pagsunod natin ay isang mahalagang bagay na maibibigay natin sa kaniya.
Isang Babalang Halimbawa
8. Bakit naiwala ni Saul ang pagsang-ayon ng Diyos?
8 Idiniriin ng ulat ng Bibliya hinggil kay Haring Saul ang kahalagahan ng pagsunod. Nagsimula si Saul bilang isang mapagpakumbabang tagapamahala, anupat ‘maliit siya sa kaniyang sariling paningin.’ Subalit nang maglaon, nagsimulang makaapekto sa kaniyang mga pasiya ang pagmamapuri at maling pangangatuwiran. (1 Samuel 10:21, 22; 15:17) Minsan, naghahanda si Saul sa kaniyang pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. Sinabi ni Samuel sa hari na hintayin siya para maghandog ng mga hain kay Jehova at magbigay ng karagdagang tagubilin. Subalit hindi dumating si Samuel sa panahong inaasahan, at nagsimulang mangalat ang bayan. Nang makita ito ni Saul, “inihandog niya ang haing sinusunog.” Hindi nalugod dito si Jehova. Nang sa wakas ay dumating si Samuel, ipinagmatuwid ng hari ang ginawa niyang pagsuway, na sinasabing dahil huli si Samuel, ‘napilitan siyang’ maghandog ng haing sinusunog upang matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Para kay Haring Saul, ang paghahandog ng haing iyon ay mas mahalaga kaysa sa pagsunod sa tagubilin sa kaniya na hintayin si Samuel para isagawa ang paghahandog na iyon. Sinabi sa kaniya ni Samuel: “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan. Hindi mo tinupad ang utos ni Jehova na iyong Diyos na iniutos niya sa iyo.” Dahil sa pagsuway ni Saul kay Jehova, naiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos bilang hari.—1 Samuel 10:8; 13:5-13.
9. Paano nakita kay Saul na talagang masuwayin siya sa Diyos?
9 Natuto ba ang hari sa karanasang ito? Hindi! Nang maglaon, inutusan ni Jehova si Saul na lipulin ang bansang Amalek, na bago nito ay sumalakay sa Israel nang walang dahilan. Dapat patayin ni Saul maging ang mga alagang hayop ng bayang ito. Sinunod naman niya ang utos na ito nang ‘pabagsakin niya ang Amalek mula sa Havila hanggang sa Sur.’ Nang salubungin siya ni Samuel, tuwang-tuwa ang hari sa tagumpay na ito at sinabi: “Pinagpala ka ni Jehova. Tinupad ko ang salita ni Jehova.” Pero kabaligtaran sa malinaw na tagubiling tinanggap nila, hindi pinatay ni Saul at ng bayan si Haring Agag at ang “pinakamainam ng kawan at ng bakahan at ng mga pinataba at [ang] mga barakong tupa at . . . lahat niyaong mabuti.” Ipinagmatuwid ni Haring Saul ang kaniyang pagsuway sa pagsasabing: “Ang bayan ay nahabag sa pinakamainam ng kawan at ng bakahan, sa layuning maghain kay Jehova na iyong Diyos.”—10. Anong aral ang hindi natutuhan ni Saul?
10 Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Samuel kay Saul: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.” (1 Samuel 15:22) Yamang ipinasiya ni Jehova na lipulin ang mga hayop na iyon, hindi katanggap-tanggap ang mga ito na ihandog bilang hain.
Maging Masunurin sa Lahat ng Bagay
11, 12. (a) Ano ang pananaw ni Jehova sa ating pagsisikap na paluguran siya sa ating pagsamba? (b) Paano maaaring dayain ng isa ang kaniyang sarili sa pag-iisip na ginagawa niya ang kalooban ng Diyos pero ang totoo, sinusuway niya ito?
11 Tunay ngang nalulugod si Jehova na makita ang kaniyang tapat na mga lingkod na nananatiling matatag sa kabila ng pag-uusig, naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa kabila ng kawalan ng interes ng mga tao, at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong bagaman kailangang-kailangan nilang maghanapbuhay! Ang pagsunod natin sa gayong mahahalagang pitak ng ating espirituwalidad ay nagpapagalak sa kaniyang puso! Ang ating pagsisikap na sambahin si Jehova ay mahalaga sa kaniya kung ginagawa natin ito udyok ng pag-ibig. Maaaring hindi mapansin ng mga tao ang ating pagpapagal, pero nakikita ng Diyos ang ating taos-pusong mga handog at natatandaan niya ang mga ito.—Mateo 6:4.
12 Pero upang lubusan nating mapaluguran ang Diyos, dapat tayong maging masunurin sa lahat ng pitak ng ating buhay. Hinding-hindi natin dapat dayain ang ating sarili sa pag-iisip na maaari tayong sumuway sa ilang kahilingan ng Diyos yamang sinusunod naman natin siya sa ibang pitak ng ating buhay. Halimbawa, maaaring dayain ng isang indibiduwal ang kaniyang sarili sa pag-iisip Galacia 6:7, 8.
na kung gagampanan niya ang ilang pitak ng pagsamba, palalampasin na ng Diyos ang ginagawa niyang imoralidad at iba pang malubhang pagkakamali. Maling-mali nga ang pangangatuwirang iyan!—13. Paano maaaring masubok ang ating pagsunod kay Jehova kapag walang ibang nakakakita sa atin?
13 Alinsunod dito, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Sinusunod ko ba si Jehova sa aking pang-araw-araw na mga gawin, maging sa waring pribadong mga bagay?’ Sinabi ni Jesus: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) ‘Lumalakad ba tayo sa katapatan ng ating puso’ maging sa ‘loob ng ating bahay,’ kung saan walang ibang nakakakita sa atin? (Awit 101:2) Oo, kapag nasa bahay tayo, baka masubok ang ating katapatan. Sa maraming lupain kung saan halos lahat ng pamilya ay may computer, napakadaling makakita ng mahahalay na larawan. Noon ay kailangan pang sadyain ang mga lugar na nagtataguyod ng imoral na libangan para makakita ng gayong mga bagay. Makikinig ba tayo sa sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso”? Oo, tatanggi ba tayo kahit ang tumingin man lamang sa imoral na mga larawan? (Mateo 5:28; Job 31:1, 9, 10; Awit 119:37; Kawikaan 6:24, 25; Efeso 5:3-5) Kumusta naman ang mga programa sa telebisyon na may karahasan? Ang atin bang pag-iisip ay kaayon ng sa Diyos na ‘napopoot sa sinumang umiibig sa karahasan’? (Awit 11:5) O kumusta naman ang labis na pag-inom ng alak nang walang ibang nakakakita? Hinahatulan ng Bibliya ang paglalasing, pero nagbabala rin ito sa mga Kristiyano na huwag ugaliing uminom ng “maraming alak.”—Tito 2:3; Lucas 21:34, 35; 1 Timoteo 3:3.
14. Anu-ano ang ilang paraan na maipakikita natin ang ating pagsunod sa Diyos kung tungkol sa pera?
14 Ang isa pang pitak na dapat nating bantayan ay ang tungkol sa pera. Halimbawa, makikisangkot ba tayo sa mga pakanang biglang-yaman na may bahid ng pandaraya? Natutukso ba tayong gumawa ng ilegal na mga bagay para makaiwas sa pagbabayad ng buwis? O sa halip, maingat ba nating sinusunod ang utos na “ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis”?—Roma 13:7.
Pagsunod Udyok ng Pag-ibig
15. Bakit mo sinusunod ang mga utos ni Jehova?
15 Ang pagsunod sa mga panuntunan ng Diyos ay nagdudulot ng mga pagpapala. Halimbawa, kapag umiiwas tayo sa paggamit ng tabako, namumuhay nang malinis sa moral, at iginagalang natin ang kabanalan ng dugo, naiiwasan natin ang ilang sakit. Bukod diyan, kapag ikinakapit natin ang katotohanan ng Bibliya sa iba pang pitak ng ating buhay, nakikinabang tayo sa materyal na paraan at nagiging maganda ang ating kaugnayan sa iba at sa ating pamilya. (Isaias 48:17) Ang gayong nakikitang mga kapakinabangan ay wastong maituturing na mga pagpapalang nagpapatunay ng pagiging praktikal ng mga utos ng Diyos. Gayunpaman, ang pangunahing dahilan kung bakit natin sinusunod si Jehova ay sapagkat iniibig natin siya. Hindi natin pinaglilingkuran ang Diyos dahil sa mapag-imbot na mga hangarin. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya kung sino ang nais nating sundin. Ipinasiya nating sundin si Jehova dahil nais natin siyang paluguran at dahil gusto nating gawin kung ano ang tama.—Roma 6:16, 17; 1 Juan 5:3.
16, 17. (a) Paano ipinakita ni Jesus ang pagsunod sa Diyos udyok ng taos-pusong pag-ibig sa Kaniya? (b) Paano natin matutularan si Jesus?
16 Naglaan si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagsunod kay Jehova udyok ng taos-pusong pag-ibig sa Kaniya. (Juan 8:28, 29) Habang nasa lupa, “natuto [si Jesus] ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.” (Hebreo 5:8, 9) Paano? “Nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:7, 8) Bagaman masunurin na si Jesus noong nasa langit siya, ang kaniyang pagkamasunurin ay higit pang nasubok dito sa lupa. Makatitiyak tayo na talagang kuwalipikado si Jesus na maglingkod bilang Mataas na Saserdote para sa kaniyang espirituwal na mga kapatid gayundin sa iba pang sumasampalataya.—Hebreo 4:15; 1 Juan 2:1, 2.
17 Kumusta naman tayo? Matutularan natin si Jesus kung uunahin natin sa ating buhay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. (1 Pedro 2:21) Tayo mismo ay masisiyahan kapag napakikilos tayo ng ating pag-ibig sa Diyos na gawin kung ano ang iniuutos sa atin ni Jehova, maging sa panahong ginigipit tayo o tinutuksong sumuway. (Roma 7:18-20) Kasama na rito ang kusang-loob na pagsunod sa mga tagubilin ng mga nangunguna sa tunay na pagsamba, bagaman hindi sila sakdal. (Hebreo 13:17) Ang ating pagsunod sa mga utos ng Diyos sa ating pribadong buhay ay mahalaga sa paningin ni Jehova.
18, 19. Ano ang resulta ng ating taos-pusong pagsunod sa Diyos?
18 Sa ngayon, ang ating pagsunod kay Jehova ay maaaring mangahulugan ng pagbabata sa pag-uusig upang mapanatili natin ang ating katapatan. (Gawa 5:29) Gayundin, ang ating pagsunod sa utos ni Jehova na mangaral at magturo ay humihiling na magbata tayo hanggang sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:13, 14; 28:19, 20) Kailangan tayong magbata para patuloy na magtipon kasama ng ating mga kapatid, bagaman ginigipit tayo ng sanlibutang ito. Alam na alam ng maibigin nating Diyos ang ating pagsisikap na maging masunurin sa mga pitak na iyan. Subalit upang lubos na maging masunurin, dapat nating paglabanan ang ating makasalanang laman at talikuran ang masama habang nililinang ang pag-ibig sa kung ano ang tama.—Roma 12:9.
19 Kapag pinaglilingkuran natin si Jehova udyok ng pag-ibig at mapagpahalagang puso, “siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala [sa atin na] may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kailangan din naman ang wastong mga hain at kaayaaya ito, pero ang lubusang pagsunod kay Jehova udyok ng pag-ibig ang talagang nakalulugod sa kaniya.—Kawikaan 3:1, 2.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin masasabi na mayroon tayong maibibigay kay Jehova?
• Anong mga pagkakamali ang ginawa ni Saul?
• Paano mo maipakikitang naniniwala kang ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain?
• Ano ang nag-uudyok sa iyo na sumunod kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ano kaya ang madarama ng isang nagmamalasakit na doktor sa kaniyang pasyente na nagwawalang-bahala sa kaniyang iniuutos?
[Larawan sa pahina 28]
Bakit hindi nalugod si Jehova kay Haring Saul?
[Mga larawan sa pahina 30]
Sinusunod mo ba ang mga utos ng Diyos sa iyong tahanan kahit walang ibang nakakakita?