Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nanghahawakan sa Di-Nagbabagong Pamantayan

Nanghahawakan sa Di-Nagbabagong Pamantayan

Nanghahawakan sa Di-Nagbabagong Pamantayan

ANG buong lipunan ng tao ay may sinusunod na tuntunin sa moral. Hindi ba’t sasang-ayon ka na ang mga katangiang gaya ng katapatan, kabaitan, pagkamahabagin, at pagkabukas-palad ay pinahahalagahan sa buong daigdig at gustung-gusto ng marami?

Kaninong Pamantayan?

Noong unang siglo C.E., isang edukadong lalaking nagngangalang Saul ang nabuhay sa gitna ng tatlong maimpluwensiyang kultura​—Judio, Griego, at Romano. Bukod sa masasalimuot na kostumbre at kautusang ipinatutupad ng mga kulturang iyon, naunawaan ni Saul na ang mga tao sa pangkalahatan ay ginagabayan ng likas na kabatiran sa kung ano ang tama at mali. Ito ang ating budhi. Matapos maging Kristiyanong apostol Pablo si Saul, sumulat siya: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila.”​—Roma 2:14, 15.

Gayunman, sapat na bang basta magabayan ng “likas” na damdamin kapag nagsisikap tayong magpasiya kung ano ang tama at mali? Gaya ng makikita mo, ang kasaysayan ay punung-puno ng kabiguan ng mga indibiduwal at mga grupo. Dahil dito, marami ang nakumbinsi na kailangan natin ang patnubay ng isang nakatataas upang makagawa ng pinakamagagandang pamantayang dapat sundin. Marami ang kumikilala na ang Maylalang sa tao ang tanging makapagbibigay ng gayong di-nagbabagong pamantayan. Sa kaniyang aklat na The Undiscovered Self, sinabi ni Dr. Carl Jung: “Ang isang indibiduwal na hindi nanghahawakan sa Diyos ay walang kakayahang lumaban sa matitinding pisikal at moral na tukso sa daigdig.”

Ang konklusyong ito ay kaayon ng isinulat ng isang sinaunang propeta: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sinasabi ng ating Maylalang: “Ako . . . ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”​—Isaias 48:17.

Pinagmumulan ng Mapananaligang Pamantayan

Ang mga salitang kasisipi lamang ay mababasa sa isang aklat na may pinakamalawak na sirkulasyon at mapagkukunan ng mga pamantayang moral​—ang Banal na Kasulatan. Milyun-milyon katao sa buong daigdig, maging mga di-Kristiyano at mga indibiduwal na walang relihiyon, ay bumabaling sa Kasulatan para sa kaunawaan at karunungan. Ang makatang Aleman na si Johann Wolfgang von Goethe ay sumulat: “Para sa akin, mahal ko at iginagalang [ang Bibliya], dahil utang ko rito ang halos kabuuan ng aking pagkatao at moralidad.” Ganito naman ang sinabi ng Hindung lider na si Mohandas Gandhi: “Bulay-bulayin ang mga turong ibinigay sa iyo sa Sermon sa Bundok [bahagi ng mga turo ni Jesu-Kristo na mababasa sa Bibliya] . . . Sapagkat ang turo ng Sermon ay para sa bawat isa sa atin.”

Itinampok ni apostol Pablo, sinipi kanina, ang mahalagang papel na ginagampanan ng Banal na Kasulatan sa pagbibigay ng mapananaligang pamantayan: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” (2 Timoteo 3:16) Totoo nga ba ito?

Bakit hindi mo ito suriin? Tingnan ang mga simulaing nakatala sa susunod na pahina. Pansinin ang magagandang pamantayang itinataguyod nito. Bulay-bulayin kung paanong ang mga ideyang nakapaloob sa mga turong ito ay may kapangyarihang magpasulong sa kalidad ng iyong buhay at sa iyong kaugnayan sa iba.

Makikinabang Ka Kaya?

Ang mga simulaing nakatala ay mga halimbawa lamang ng praktikal na mga payong mababasa sa Banal na Kasulatan. Bukod dito, naglalaman din ang Salita ng Diyos ng maraming babala laban sa mga kaisipan, pananalita, at paggawing nakasasamâ sa ating buhay.​—Kawikaan 6:16-19.

Oo, ang mga turo ng Bibliya ay naglalaan ng isang bagay na talagang hindi masusumpungan sa lipunan ng tao sa pangkalahatan​—mga payong tutulong sa mga tao na magkaroon ng pinakamagagandang pamantayang moral. Lahat ng tumatanggap at nagkakapit ng mga turong ito ay nakagagawa ng malaking pagbabago. Nagkakaroon sila ng mas mabuting pag-iisip. (Efeso 4:23, 24) Nagkakaroon din sila ng mabubuting motibo. Matapos matutuhan ang mga pamantayan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya, marami ang natulungang alisin sa kanilang puso ang pagtatangi, at poot. (Hebreo 4:12) Dahil sa mga pamantayang itinataguyod ng Kasulatan, naudyukan ang mga tao na talikuran ang karahasan at kasamaan at maging mas mabubuting tao.

Oo, milyun-milyon na ang natulungan ng Bibliya na madaig ang mga paggawi at ugaling mahirap alisin na sumisira sa buhay ng iba. (1 Corinto 6:9-11) Binabago ng mga turo sa Bibliya ang gayong mga indibiduwal​—hindi lamang ang kanilang ugali kundi pati na ang kanilang puso, pag-asa, at pamilya. Gaano man kasamâ ang daigdig, may mga tao pa rin sa mundo na nagiging mabubuting tao. At magpapatuloy ito. “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Isaias 40:8.

Gayunman, makikinabang ka kaya sa “salita ng ating Diyos”? Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo kung paano ikakapit ang mga pamantayan sa Bibliya para sa iyong kapakinabangan. Ang pamumuhay ayon sa mga pamantayang ito ay mangangahulugan ng pagsang-ayon ng Diyos ngayon at aakay tungo sa namamalaging buhay na ginagabayan ng di-nagbabagong mga simulain.

[Kahon/​Mga larawan sa pahina 6, 7]

DI-NAGBABAGONG MGA SIMULAIN

Gintong Aral. “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.”​—Mateo 7:12.

Ibigin ang iyong kapuwa. “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; kaya nga ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.”​—Roma 13:10.

Igalang ang iba. “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”​—Roma 12:10.

Itaguyod ang kapayapaan. “Panatilihin ang kapayapaan sa isa’t isa.” (Marcos 9:50) “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.”​—Roma 14:19.

Maging mapagpatawad. “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mateo 6:12) “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.”​—Efeso 4:32.

Maging tapat. “Maging tapat sa iyong asawa at siya lamang ang iyong iibigin. . . . Magsaya ka sa piling ng iyong asawa at magpakaligaya sa babaing pinakasalan mo . . . Hayaan mong pasayahin ka ng kaniyang alindog; hayaan mong busugin ka ng kaniyang pagmamahal. . . . Bakit ka pa iibig sa ibang babae? Bakit mo pa nanasain ang alindog ng asawa ng ibang lalaki?” (Kawikaan 5:15-20, Today’s English Version) “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) “Ang hinahanap sa mga katiwala ay ang masumpungang tapat ang isang tao.” (1 Corinto 4:2) “Maaari ba akong maging malinis sa moral taglay ang balakyot na timbangan at taglay ang supot ng mga batong panimbang na may daya?” (Mikas 6:11) “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”​—Hebreo 13:18.

Magsabi ng totoo, maging makatarungan. “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan, at ang katarungan ay bigyan ninyo ng dako sa pintuang-daan.” (Amos 5:15) “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa. Humatol kayo sa inyong mga pintuang-daan taglay ang katotohanan at ang kahatulan ng kapayapaan.” (Zacarias 8:16) “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.”​—Efeso 4:25.

Maging masipag, masikap. “Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Sa harap ng mga hari siya tatayo.” (Kawikaan 22:29) “Huwag magmakupad sa inyong gawain.” (Roma 12:11) “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”​—Colosas 3:23.

Maging mahinahon, mahabagin, mabait. “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”​—Colosas 3:12.

Daigin ng mabuti ang masama. “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:21.

Ibigay sa Diyos ang iyong buong makakaya. “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.”​—Mateo 22:37, 38.

[Mga larawan]

Ang pagkakapit ng mga pamantayan sa Bibliya ay makatutulong sa atin na magkaroon ng matagumpay na pag-aasawa, maligayang ugnayang pampamilya, at masayang pagkakaibigan