Natatangay ng Pabagu-Bagong Pamantayan sa Buhay
Natatangay ng Pabagu-Bagong Pamantayan sa Buhay
AYON sa isang popular na alamat, siya ay naglakad sa kasikatan ng araw bitbit ang isang lampara upang humanap ng isang mabuting tao ngunit wala siyang nakita. Ang pangalan niya ay Diogenes, isang pilosopo na nakatira sa Atenas noong ikaapat na siglo B.C.E.
Walang nakatitiyak kung nakasalig nga ito sa tunay na pangyayari. Gayunman, kung buháy pa ngayon si Diogenes, siguradong mas mahihirapan siyang makakita ng mga taong may mabubuting pamantayan sa buhay. Marami ang tila hindi na naniniwalang dapat na may sinusunod na nakatakdang pamantayang moral ang mga tao. Madalas nating nababalitaan ang mga iskandalo—sa personal na buhay, pamahalaan, propesyon, isport, negosyo, at sa iba pang larangan. Hindi na iginagalang ngayon ang karamihan sa mga pamantayang pinahahalagahan noon. Kinukuwestiyon at madalas na inaayawan ang dati nang mga pamantayan. Ang ibang pamantayan ay iginagalang nga ngunit hindi naman sinusunod.
“Naglaho na ang mga pamantayang tinatanggap noon,” ang sabi ng sosyologong eksperto sa relihiyon na si Alan Wolfe. Sinabi rin niya: “Ngayon lamang naiisip ng karamihan na hindi na nila maaasahan ang tradisyon at institusyon bilang gabay nila sa moral.” Hinggil sa nakalipas na 100 taon, nagkomento ang Los Angeles Times sa obserbasyon ng pilosopong si Jonathan Glover na diumano’y lumaganap ang karahasan sa daigdig pangunahin nang dahil sa paghina ng impluwensiya ng relihiyon at ng mga batas sa moral na para sa lahat.
Gayunman, ang kalituhang ito sa kung ano ang katanggap-tanggap na pamantayan ay hindi naman nakahadlang sa ilang tao na humanap ng mapananaligang tuntunin sa moral. Sa nakalipas na ilang taon, sinabi ni Federico Mayor, dating director general ng UNESCO, na “higit kailanman, ang etika ay naging isang napakalaking isyu sa daigdig.” Pero kung hindi man sinunod ng daigdig ang magagandang pamantayan, hindi ito nangangahulugang wala nang mabubuting pamantayan na maaari at dapat sundin.
Magkakasundo kaya ang lahat ng tao sa kung anong pamantayan ang dapat sundin? Hindi
nga. At kung walang mapagkasunduang pamantayan ng tama at mali, paano masasabing tama o mali ang isang bagay? Usung-uso ngayon ang pagkakaniya-kaniya pagdating sa pamantayang moral. Pero nakikita mong hindi napabuti ng saloobing ito ang moralidad sa pangkalahatan.Ang Britanong istoryador na si Paul Johnson ay matatag na naniniwalang ang ideya ng pagkakaniya-kaniya ang naging dahilan upang ang isang tao ay ‘hindi na makadama ng personal na pananagutan, at ng tungkuling sumunod sa makatuwiran at tunay na tuntunin sa moral’ na waring umiral bago magsimula ang ika-20 siglo.
Kung gayon, posible bang makasumpong ng “makatuwiran at tunay na tuntunin sa moral” o makapamuhay ayon sa “mga batas sa moral na para sa lahat”? Mayroon bang awtoridad na makapagbibigay ng di-nagbabagong pamantayan na magpapatatag sa ating buhay at magbibigay sa atin ng pag-asa sa hinaharap? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.