Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ni Jehova ay Buháy mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—I

Ang Salita ni Jehova ay Buháy mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—I

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezekiel—I

ANG taon ay 613 B.C.E. Si propeta Jeremias ay nasa Juda at may-katapangan niyang ipinahahayag ang nalalapit na pagkawasak ng Jerusalem at pagkatiwangwang ng lupain ng Juda. Marami nang Judio ang nabihag ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Kabilang dito si Daniel at ang tatlong kasamahan niya, na nagsisilbi sa korte ng mga Caldeo. Karamihan sa mga tapong Judio ay nasa tabi ng ilog ng Kebar sa “lupain ng mga Caldeo.” (Ezekiel 1:1-3) Subalit nagsugo ng mensahero si Jehova sa mga bihag na iyon. Inatasan niya ang 30-taóng-gulang na propetang si Ezekiel.

Ang aklat ng Ezekiel ay natapos noong 591 B.C.E., at 22 taon ang saklaw nito. Napakaingat ni Ezekiel sa kaniyang pagsulat. Itinatala niya ang mga petsa ng kaniyang hula, anupat espesipiko niyang binabanggit maging ang araw at buwan pati na ang taon. Ang unang bahagi ng mensahe ni Ezekiel ay pangunahin nang nakatuon sa pagbagsak at pagkawasak ng Jerusalem. Ang ikalawang bahagi ay naglalaman ng mga hatol laban sa kalapít na mga bansa, at ang huling bahagi ay tungkol naman sa pagsasauli ng pagsamba kay Jehova. Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tampok na bahagi ng Ezekiel 1:1–24:27, na bumabanggit sa mga pangitain, hula, at pag-akto ng mga eksena hinggil sa mangyayari sa Jerusalem.

“GINAWA KITANG BANTAY”

(Ezekiel 1:1–19:14)

Pagkatapos bigyan ng nakasisindak na pangitain hinggil sa trono ni Jehova, tinanggap ni Ezekiel ang kaniyang atas. “Ginawa kitang bantay sa sambahayan ng Israel,” ang sabi sa kaniya ni Jehova, “at makaririnig ka ng pananalita mula sa aking bibig at magbababala ka sa kanila mula sa akin.” (Ezekiel 3:17) Upang ihula ang tungkol sa pagkubkob sa Jerusalem at sa magiging epekto nito, inutusan si Ezekiel na iakto ang dalawang eksena. Sa pagtukoy sa lupain ng Juda, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel: “Narito ako! Magpapasapit ako sa inyo ng isang tabak, at tiyak na wawasakin ko ang inyong matataas na dako.” (Ezekiel 6:3) Ganito naman ang sinabi niya sa naninirahan sa lupain: “Ang putong [ng kalamidad] ay darating sa iyo.”​—Ezekiel 7:7.

Noong 612 B.C.E., sa isang pangitain, nailipat si Ezekiel sa Jerusalem. Talaga ngang karima-rimarim ang nakikita niya sa loob ng templo ng Diyos! Kapag isinugo ni Jehova ang kaniyang mga puwersang pamuksa mula sa langit (kinakatawanan ng “anim na lalaki”) upang ipahayag ang kaniyang galit sa mga apostata, ang maliligtas lamang ay ang mga tumanggap ng ‘marka sa noo.’ (Ezekiel 9:2-6) Subalit bago nito, ang “mga baga ng apoy”​—nag-aalab na mensahe ng Diyos hinggil sa gagawin niyang pagpuksa—​ay dapat munang isaboy sa lunsod. (Ezekiel 10:2) Bagaman ‘pasasapitin ni Jehova sa ulo ng masasama ang kanilang sariling lakad,’ nangako siyang muling titipunin ang mga nangalat na Israelita.​—Ezekiel 11:17-21.

Ibinalik ng espiritu ng Diyos si Ezekiel sa Caldea. Inilarawan ng isang pag-akto ang pagtakas ni Haring Zedekias at ng bayan mula sa Jerusalem. Tinuligsa ang mga bulaang propeta at propetisa. Itinakwil ang mga mananamba sa idolo. Itinulad ang Juda sa isang di-namumungang punong ubas. Ipinakikita ng bugtong hinggil sa agila at punong ubas ang mapapait na epekto ng paghingi ng Jerusalem ng tulong sa Ehipto. Nagtapos ang bugtong sa pangakong ‘ililipat ni Jehova sa isang mataas na bundok ang isang murang sanga.’ (Ezekiel 17:22) Pero sa Juda, “walang setro para sa pamamahala.”​—Ezekiel 19:14.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:4-28—Ano ang inilalarawan ng makalangit na karo? Ang karo ay lumalarawan sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang. Ang kapangyarihan nito ay nagmumula sa banal na espiritu ni Jehova. Ang Sakay ng karo, na lumalarawan kay Jehova, ay napakaluwalhati. Ang kaniyang kahinahunan ay inilalarawan ng magandang bahaghari.

1:5-11—Sino ang apat na nilalang na buháy? Sa kaniyang ikalawang pangitain hinggil sa karo, tinukoy ni Ezekiel ang apat na nilalang na buháy bilang mga kerubin. (Ezekiel 10:1-11; 11:22) Sa Ezekiel 10:14, tinawag niya ang mukha ng toro bilang “mukha ng kerubin.” Angkop lamang ito dahil ang toro ay sagisag ng lakas at kapangyarihan, at ang mga kerubin ay makapangyarihang mga espiritung nilalang.

2:6—Bakit paulit-ulit na tinukoy si Ezekiel bilang “anak ng tao”? Ginamit ni Jehova kay Ezekiel ang katawagang ito upang ipaalaala sa propeta na siya ay tao lamang, sa gayon ay lalong idiniriin ang malaking kaibahan ng taong mensahero at ng Diyos na siyang Pinagmumulan ng mensahe. Ang titulong ito ay ikinapit din kay Jesu-Kristo mga 80 beses sa Ebanghelyo, na malinaw na nagpapakitang pumarito ang Anak ng Diyos bilang tao, hindi bilang espiritung nagkatawang-tao lamang.

2:9–3:3—Bakit naging matamis kay Ezekiel ang balumbon ng mga panambitan at pagdaing? Naging matamis kay Ezekiel ang balumbon dahil sa saloobin niya sa kaniyang atas. Pinahalagahan ni Ezekiel ang paglilingkod niya kay Jehova bilang propeta.

4:1-17—Iniakto ba talaga ni Ezekiel ang eksenang lumalarawan sa nalalapit na pagkubkob sa Jerusalem? Ang paghiling ni Ezekiel na palitan ang panggatong sa pagluluto at ang pagpayag ni Jehova sa kaniyang kahilingan ay nagpapahiwatig na talaga ngang iniakto ng propeta ang eksena. Ang paghiga sa kaliwang tagiliran ay tumutukoy sa 390 taon ng kamalian ng sampung-tribong kaharian​—mula noong 997 B.C.E. hanggang sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Ang paghiga naman sa kanang tagiliran ay tumutukoy sa 40 taon ng pagkakasala ng Juda, mula nang hirangin si Jeremias bilang propeta noong 647 B.C.E. hanggang 607 B.C.E. Sa loob ng 430 araw, kaunti lamang ang kinain at ininom ni Ezekiel, na tumutukoy sa hulang magkakaroon ng taggutom sa panahon ng pagkubkob sa Jerusalem.

5:1-3—Ano ang kahulugan ng pagkuha ni Ezekiel ng ilang buhok mula sa bahaging pangangalatin niya sa hangin at pagbalot ng mga ito sa kaniyang laylayan? Ipinakikita nito na may nalabing magbabalik sa Juda at muling magtataguyod ng tunay na pagsamba pagkatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang.​—Ezekiel 11:17-20.

17:1-24—Kanino lumalarawan ang dalawang malaking agila, paano pinutol ang mga murang supang ng isang puno ng sedro, at sino ang “isa na murà” na inilipat ni Jehova? Ang dalawang agila ay lumalarawan sa mga tagapamahala ng Babilonya at Ehipto. Ang unang agila ay nagpunta sa tuktok ng puno ng sedro, samakatuwid nga, sa tagapamahalang nagmula sa maharlikang linya ni David. Pinutol ng agilang ito ang tuktok ng mga murang supang sa pamamagitan ng pag-alis kay Haring Jehoiakin ng Juda at paglalagay kay Zedekias bilang kapalit. Sa kabila ng panunumpa ng katapatan sa Babilonya, humingi ng tulong si Zedekias sa ibang agila, ang tagapamahala ng Ehipto, pero hindi ito nagtagumpay. Siya ay gagawing bihag at mamamatay sa Babilonya. Pinutol din ni Jehova ang “isa na murà,” ang Mesiyanikong Hari. Ang Isang ito ay inilipat sa “isang mataas at matayog na bundok,” sa makalangit na Bundok Sion, kung saan siya ay magiging “isang maringal na sedro,” ang isa na pagmumulan ng tunay na mga pagpapala para sa lupa.​—Apocalipsis 14:1.

Mga Aral Para sa Atin:

2:6-8; 3:8, 9, 18-21. Hindi tayo dapat matakot sa masasama ni mag-atubili man tayong ihayag ang mensahe ng Diyos, na naglalaman ng babala sa kanila. Kapag ang mga tao ay walang interes sa ating mensahe o sumasalansang sa atin, dapat tayong maging sintigas ng diamante. Pero dapat tayong maging maingat na hindi maging matigas ang ating loob, manhid, o malupit. Nahabag si Jesus sa mga taong pinangangaralan niya, at dapat din tayong pakilusin ng habag upang mangaral sa iba.​—Mateo 9:36.

3:15. Pagkatanggap ng kaniyang atas, nanirahan si Ezekiel sa Tel-abib, na ‘natigilan nang pitong araw’ anupat pinag-isipang mabuti ang mensaheng ipahahayag niya. Hindi ba’t dapat din tayong maglaan ng panahon sa masikap na pag-aaral at pagbubulay-bulay upang maunawaan ang malalalim na espirituwal na katotohanan?

4:1–5:4. Kailangan ni Ezekiel ng kapakumbabaan at lakas ng loob para maiakto ang dalawang makahulang eksena. Dapat din tayong magpakita ng kapakumbabaan at lakas ng loob sa pagtupad sa anumang atas na ibigay ng Diyos.

7:4, 9; 8:18; 9:5, 10. Hindi natin dapat kaawaan o kahabagan ang mga hinatulan ng Diyos.

7:19. Kapag inilapat na ni Jehova ang kaniyang hatol sa sistemang ito ng mga bagay, mawawalan na ng halaga ang pera.

8:5-18. Ang apostasya ay nakasisira sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos. “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinapahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa.” (Kawikaan 11:9) Isang katalinuhang iwasan kahit ang pag-iisip man lamang na pakinggan ang mga apostata.

9:3-6. Ang pagkakaroon ng marka​—ang patotoo na tayo’y nakaalay at bautisadong mga lingkod ng Diyos at na taglay natin ang Kristiyanong personalidad—​ay mahalaga para makaligtas sa “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Ang mga pinahirang Kristiyano, na inilalarawan ng lalaking may tintero ng kalihim, ang nangunguna sa gawaing pagmamarka, samakatuwid nga, ang gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng alagad. Kung nais nating mapanatili ang ating marka, dapat na masigasig tayo sa pagtulong sa kanila sa gawaing ito.

12:26-28. Maging sa mga nanlilibak sa kaniyang mensahe, ganito ang sinabi ni Ezekiel: “Hindi na ipagpapaliban pa ang alinman sa . . . mga salita [ni Jehova].” Dapat nating gawin ang ating buong makakaya upang matulungan ang iba na magtiwala kay Jehova bago niya wakasan ang sistemang ito ng mga bagay.

14:12-23. Pananagutan ng bawat isa sa atin ang mismong kaligtasan natin. Hindi natin ito maaaring iasa sa iba.​—Roma 14:12.

18:1-29. Tayo ang mananagot sa mga epekto ng ating paggawi.

“KAGIBAAN, KAGIBAAN, KAGIBAAN ANG GAGAWIN KO ROON”

(Ezekiel 20:1–24:27)

Sa ikapitong taon ng pagkatapon ng Israel noong 611 B.C.E., lumapit kay Ezekiel ang matatanda ng bayang ito “upang sumangguni kay Jehova.” Narinig nila ang mahabang kasaysayan ng paghihimagsik ng Israel at ang babalang ‘ilalabas ni Jehova ang kaniyang tabak’ laban sa kanila. (Ezekiel 20:1; 21:3) Sa pakikipag-usap sa pinuno ng Israel (si Zedekias), sinabi ni Jehova: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. Hindi na ito magiging gaya ng dati. Itaas mo ang mababa, at ibaba mo ang mataas. Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan [si Jesu-Kristo], at ibibigay ko iyon sa kaniya.”​—Ezekiel 21:26, 27.

Pinaratangang nagkasala ang Jerusalem. Ibinunyag ang kasalanan ni Ohola (Israel) at ni Oholiba (Juda). Ibinigay na si Ohola “sa kamay niyaong mga maalab na umiibig sa kaniya, sa kamay ng mga anak na lalaki ng Asirya.” (Ezekiel 23:9) Nalalapit na ang pagkatiwangwang ni Oholiba. Noong 609 B.C.E., nagsimula ang 18-buwang pagkubkob sa Jerusalem. Kapag bumagsak na sa wakas ang lunsod, labis na matitigilan ang mga Judio, anupat hindi na nila magagawang mamighati. Hindi sasabihin ni Ezekiel ang mensahe ng Diyos sa mga tapon hanggang sa marinig niya ang ulat ng pagkawasak ng lunsod mula sa “takas.”​—Ezekiel 24:26, 27.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

21:3—Ano ang “tabak” na ilalabas ni Jehova mula sa kaluban nito? Ang “tabak” na ginamit ni Jehova upang ilapat ang kaniyang hatol sa Jerusalem at Juda ay napatunayang ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor at ang hukbo nito. Maaaring kasama rin dito ang makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos na binubuo ng makapangyarihang mga espiritung nilalang.

24:6-14—Ano ang inilalarawan ng kalawang sa palayok, o kaldero? Ang kinubkob na Jerusalem ay itinulad sa isang palayok, o kaldero, na maluwang ang bibig. Ang kalawang nito ay kumakatawan sa mababang moralidad ng lunsod​—ang karumihan, mahalay na paggawi, at pagbububo ng dugo ng mga taong naninirahan dito. Napakatindi ng karumihan nito anupat kahit iwanang nakasalang ang kaldero sa baga hanggang sa uminit ito nang husto, hindi pa rin maaalis ang kalawang.

Mga Aral Para sa Atin:

20:1, 49. Ang tugon ng matatandang lalaki ng Israel ay nagpapakitang nagdududa sila sa sinabi ni Ezekiel. Huwag na huwag sana tayong mag-aalinlangan sa mga babala ng Diyos.

21:18-22. Bagaman gumamit si Nabucodonosor ng panghuhula, si Jehova ang tumiyak na sasalakayin ng paganong tagapamahalang ito ang Jerusalem. Ipinakikita nito na hindi kayang pigilan maging ng mga demonyo ang mga pamuksang gagamitin ni Jehova upang matupad ang kaniyang layunin.

22:6-16. Kinapopootan ni Jehova ang paninirang-puri, mahalay na paggawi, pag-abuso sa kapangyarihan, at pagtanggap ng suhol. Dapat tayong maging matatag sa ating determinasyong umiwas sa gayong mga kasalanan.

23:5-49. Ang pakikipag-alyansa ng Israel at ng Juda sa ibang bansa ay humantong sa pagtataguyod nila ng huwad na pagsamba ng kanilang mga kaalyado. Dapat tayong mag-ingat laban sa pakikipagkaibigan sa sanlibutan na maaaring sumira sa ating pananampalataya.—Santiago 4:4.

Isang Mensaheng Buháy at May Lakas

Napakaganda ngang mga aral ang matututuhan natin sa unang 24 na kabanata ng aklat ng Bibliya na Ezekiel! Ipinakikita ng mga simulaing binabanggit doon kung anong paggawi ang hindi sinasang-ayunan ng Diyos, kung paano natin makakamit ang kaniyang awa, at kung bakit dapat nating babalaan ang masasama. Malinaw na ipinakikita ng hula hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem na si Jehova ay isang Diyos na ‘nagsasabi sa kaniyang bayan ng mga bagong bagay bago magsimulang lumitaw ang mga iyon.’​—Isaias 42:9.

Ang mga hulang gaya ng nakaulat sa Ezekiel 17:22-24 at 21:26, 27 ay tumutukoy sa pagtatatag ng Mesiyanikong Kaharian sa langit. Napakalapit nang tuparin ng pamamahalang ito ang kalooban ng Diyos sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Kung matibay ang ating pananampalataya at buo ang ating pananalig, makaaasa tayo sa mga pagpapala ng Kaharian. Oo, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”​—Hebreo 4:12.

[Larawan sa pahina 12]

Ano ang inilalarawan ng makalangit na karo?

[Larawan sa pahina 14]

Ang pagiging masigasig sa gawaing pangangaral ay tutulong sa atin na mapanatili ang ating “marka”