Ang Unang Bibliya sa Wikang Portuges—Isang Kuwento ng Pagtitiyaga
Ang Unang Bibliya sa Wikang Portuges—Isang Kuwento ng Pagtitiyaga
“KAPAG may tiyaga, may nilaga.” Ang kasabihang ito ay mababasa sa pahinang pampamagat ng isang pamplet tungkol sa relihiyon na isinulat ni João Ferreira de Almeida noong ika-17 siglo. Angkop na angkop ang kasabihang ito sa isang taong nagtalaga ng kaniyang buhay sa pagsasalin at paglalathala ng Bibliya sa wikang Portuges.
Si Almeida ay isinilang noong 1628 sa Torre de Tavares, isang nayon sa hilagang Portugal. Palibhasa’y naulila agad, ang tiyuhin niyang monghe ang nagpalaki sa kaniya sa Lisbon na kabisera ng Portugal. Ayon sa sabi-sabi, bilang paghahanda sa pagiging pari, kumuha muna si Almeida ng mataas na edukasyon na nakatulong upang malinang niya ang kaniyang pambihirang talino sa mga wika sa murang edad.
Pero malamang na hindi nagamit ni Almeida ang mga kakayahang ito sa pagsasalin ng Bibliya kung namalagi siya sa Portugal. Bagaman laganap na sa hilaga at gitnang Europa ang Bibliya sa katutubong mga wika dahil sa Repormasyon, mahigpit pa ring hawak ng Inkisisyong Katoliko ang Portugal. Ang sinumang mahuling may Bibliya sa katutubong wika ay agad na inihaharap sa hukuman ng Inkisisyon. *
Sa kagustuhang makatakas sa mapaniil na kalagayang ito, lumipat si Almeida sa Netherlands noong tin-edyer siya. Di-nagtagal, noong 14 anyos pa lamang siya, naglakbay siya patungong Asia, na dumaan sa Batavia (ngayo’y Jakarta), Indonesia, na sentro noon ng pamamahala ng Dutch East India Company sa Timog-Silangang Asia.
Tin-edyer na Tagapagsalin
Sa huling bahagi ng kaniyang paglalakbay patungong Asia, isang malaking pagbabago ang nangyari sa buhay ni Almeida. Habang naglalayag sa pagitan ng Batavia 1 Corinto 14:9.
at Malacca (ngayo’y Melaka), sa kanlurang Malaysia, may nakita siyang isang pamplet ng Protestante sa wikang Kastila na pinamagatang Diferencias de la Cristiandad (Ang Kalituhan sa Sangkakristiyanuhan). Bukod sa pagbatikos sa maling mga doktrina ng relihiyon, mababasa rin sa pamplet ang isang pangungusap na nakatawag sa pansin ng kabataang si Almeida: “Ang paggamit sa simbahan ng isang wikang di-nauunawaan, kahit para sa kaluwalhatian ng Diyos, ay walang kabuluhan sa mga tagapakinig kung hindi ito naiintindihan.”—Naging maliwanag ang lahat kay Almeida: Upang maibunyag ang pagkakamali ng relihiyon, dapat na maunawaan ng lahat ang Bibliya. Pagdating sa Malacca, nagpakumberte siya sa Dutch Reformed Church at agad na isinalin sa Portuges ang ilang bahagi ng Ebanghelyo mula sa wikang Kastila, at ipinamahagi “sa mga taimtim na nagnanais makaalam ng katotohanan.” *
Pagkalipas ng dalawang taon, handa na si Almeida sa mas malaking trabaho—ang pagsasalin ng kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa Latin na Vulgate. Natapos niya ito sa loob lamang nang wala pang isang taon, isang kamangha-manghang tagumpay para sa isang 16 na taóng gulang! Lakas-loob niyang ipinadala ang kopya ng kaniyang salin sa Olandes na gobernador-heneral sa Batavia para mailathala ito. Malamang na ipinadala naman ng Reformed Church sa Batavia ang kaniyang manuskrito sa Amsterdam, pero ang may-edad nang ministro na pinagkatiwalaan nito ay namatay, at nawala ang ginawa ni Almeida.
Nang hilingan siyang gumawa ng isang kopya ng kaniyang salin para sa kongregasyon ng Reformed Church sa Ceylon (ngayo’y Sri Lanka) noong 1651, natuklasan ni Almeida na nawala ang orihinal na kopya nito sa artsibo ng simbahan. Palibhasa’y hindi pa rin nasiraan ng loob, sa paanuman ay nakakita siya ng isang kopya—marahil ang mga unang ginawa niya—at nang sumunod na taon, natapos niya ang isang rebisadong bersiyon ng Ebanghelyo at ang aklat ng Mga Gawa. Ang mga namamahala sa Reformed Church sa Batavia ay nagbigay sa kaniya ng gantimpalang 30 guilder. Ito ay “napakaliit na halaga para sa napakalaking trabaho,” ang isinulat ng isa sa mga kasamahan ni Almeida.
Bagaman hindi siya kinilala, nagpatuloy pa rin si Almeida, at nagpadala ng isang rebisyon ng kaniyang kumpletong Bagong Tipan noong 1654. Ibinangong muli ang tungkol sa paglilimbag nito, pero walang ginawang tiyak na hakbang maliban lamang sa paghahanda ng ilang sulat-kamay na kopya para gamitin ng ilang simbahan.
Hinatulan ng Inkisisyon
Nang sumunod na dekada, naging abala si Almeida sa pagpapastor at pagmimisyonero bilang miyembro ng Reformed Church. Inordenahan siya noong 1656 at naglingkod muna sa Ceylon, kung saan muntik na siyang matapakan ng elepante, at pagkaraan ay sa India, bilang isa sa unang mga misyonerong Protestante na pumunta sa bansang iyon.
Si Almeida ay nakumberte sa Protestante at naglingkod sa ibang bansa. Kaya naman marami sa mga pinuntahan niyang pamayanang nagsasalita ng Portuges ang nag-akalang isa siyang apostata at traidor. Ang tuwiran niyang pagbatikos sa katiwalian at imoralidad ng klero at ang paglalantad ng maling doktrina ng simbahan ay naging dahilan din upang madalas niyang makabangga ang mga misyonerong Katoliko. Ang alitang ito ay umabot sa kasukdulan noong 1661 nang ibaba ng hukuman ng Inkisisyon sa Goa, India ang hatol na
kamatayan kay Almeida dahil sa erehiya. Palibhasa’y wala siya roon, sinunog na lamang ang kaniyang larawan. Nabahala marahil sa pagiging palaban ni Almeida, agad siyang pinabalik ng Olandes na gobernador-heneral sa Batavia.Si Almeida ay isang masigasig na misyonero, pero hindi kailanman nabura sa kaniyang isip ang pangangailangan para sa isang Bibliyang Portuges. Sa katunayan, ang mga resulta ng kawalang-alam sa Bibliya—na kitang-kita kapuwa sa klero at sa karaniwang mga tao—ay lalo lamang nagpatibay sa kaniyang pasiya. Sa paunang-salita sa isang pamplet tungkol sa relihiyon na may petsang 1668, sinabi ni Almeida sa kaniyang mga mambabasa: “Umaasa ako . . . na di-magtatagal, mapagkakalooban ko na kayo ng kumpletong Bibliya sa sarili ninyong wika, ang pinakadakilang regalo at pinakamahalagang kayamanan na matatanggap ninyo.”
Nakalaban ni Almeida ang mga Tagapagrebisa
Noong 1676, iniharap ni Almeida ang isang salin ng kaniyang Bagong Tipan sa mga namamahala ng Reformed Church sa Batavia para rebisahin. Sa simula pa lamang, hindi na maganda ang samahan ng tagapagsalin at ng mga tagapagrebisa. Ipinaliwanag ng biyograpo na si J. L. Swellengrebel na maaaring nahirapang unawain ng mga nagsasalita-ng-Olandes na mga kasamahan ni Almeida ang ilang bahagyang pagkakaiba sa kahulugan at istilo ng kaniyang salin. Nagkaroon din ng kontrobersiya sa pagpili ng mga salita. Dapat bang gamitin sa Bibliya ang karaniwang mga salitang Portuges o ang malalalim na salitang hindi naman mauunawaan ng marami? Nang dakong huli, palagi nang pinagmumulan ng alitan ang labis na pagnanais ni Almeida na matapos ang trabahong ito.
Napakabagal ng pag-usad ng trabaho, na posibleng dahil sa mga pagtatalo o kawalan ng interes ng mga tagapagrebisa. Pagkalipas ng apat na taon, pinagtatalunan pa rin ng mga tagapagrebisa ang unang mga kabanata ng Lucas. Dahil sa pagkainip, nagpadala si Almeida sa Netherlands ng kopya ng kaniyang manuskrito upang ilathala ito nang lingid sa kaalaman ng mga tagapagrebisa.
Sa kabila ng pagtatangka ng mga namamahala sa Reformed Church na hadlangan ang paglalathala, ang kaniyang Bagong Tipan ay nailimbag sa Amsterdam noong 1681, at nang sumunod na taon, nakarating ang unang mga kopya nito sa Batavia. Tiyak na nadismaya si Almeida nang matuklasan niyang may mga pagbabagong ginawa sa kaniyang salin ang mga tagapagrebisa sa Netherlands! Dahil hindi pamilyar sa wikang Portuges ang mga tagapagrebisa, napansin ni Almeida na nagpasok ang mga ito ng “hindi natural at nakalilitong mga salin na nagpalabo sa ibig sabihin ng Espiritu Santo.”
Hindi rin nasiyahan ang pamahalaang Olandes, kaya naman ipinasira nila ang buong edisyon. Magkagayunman, nakumbinsi ni Almeida ang mga awtoridad na magtira naman ng ilang kopya sa kondisyong manu-mano niyang itutuwid ang malalaking pagkakamali. Gagamitin ang mga kopyang ito hanggang sa matapos ang muling pagrerebisa.
Ang mga tagapagrebisa sa Batavia ay muling nagtipon upang ituloy ang kanilang ginagawa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at ihanda ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan habang isa-isa itong tinatapos ni Almeida. Sa pangambang baka mainip na naman si Almeida, nagpasiya ang mga namamahala sa Reformed Church na itago ang mga pirmadong pahina ng malinis na kopya sa taguan ng simbahan. Mangyari pa, tinutulan ni Almeida ang kanilang pasiya.
Sa panahong ito, nagkaroon na ng masamang epekto sa kaniya ang deka-dekadang pagpapagal at hirap ng buhay sa isang lugar na mainit ang klima. Noong 1689, dahil sa unti-unting paghina ng katawan, huminto na si Almeida sa mga gawain sa simbahan upang italaga na lamang ang kaniyang sarili sa pagsasalin ng Hebreong Kasulatan. Nakalulungkot, namatay siya noong 1691 habang isinasalin ang huling kabanata ng Ezekiel.
Ang ikalawang edisyon ng Bagong Tipan na natapos bago siya mamatay ay inilimbag noong 1693. Pero waring binago na naman ng mga walang-kakayahang tagapagrebisa ang kaniyang salin. Sa kaniyang aklat na A Biblia em Portugal (Ang Bibliya sa Portugal), sinabi ni G. L. Santos
Ferreira: “Ang mga tagapagrebisa . . . ay gumawa ng malalaking pagbabago sa napakagandang salin ni Almeida, anupat pinapangit at sinira ang kagandahan ng orihinal na bahaging nakalampas sa mga tagapagrebisa ng unang edisyon.”Natapos ang Bibliyang Portuges
Nang mamatay si Almeida, naglaho na rin ang sigla sa pagrerebisa at paglalathala ng Bibliyang Portuges sa Batavia. Ang Society for Promoting Christian Knowledge sa London ang tumustos sa paglalathala sa ikatlong edisyon ng Bagong Tipan ni Almeida noong 1711 sa kahilingan ng mga misyonerong Danes na naglilingkod sa Tranquebar, timugang India.
Ipinasiya ng samahang ito na magtayo ng isang imprentahan sa Tranquebar. Pero habang naglalayag patungong India, ang barkong naglululan ng mga materyales sa pag-iimprenta at mga Bibliyang Portuges ay inagaw ng mga piratang Pranses at nang dakong huli ay inabandona sa daungan ng Rio de Janeiro, Brazil. Isinulat ni Santos Ferreira: “Sa di-maipaliwanag na dahilan, at sa pangyayaring maituturing ng marami na isang himala, ang mga kahong naglalaman ng mga materyales sa pag-iimprenta ay naroroon pa rin sa pinaglalagyan ng mga kargada at nagpatuloy sila sa paglalayag patungong Tranquebar sakay ng barko ring iyon.” Maingat na nirebisa at inilathala ng mga misyonerong Danes ang bersiyon ng natitirang mga aklat ng Bibliya na isinalin ni Almeida. Inilathala ang huling tomo ng Bibliyang Portuges noong 1751, halos 110 taon mula nang simulan ni Almeida ang kaniyang karera bilang tagapagsalin ng Bibliya.
Namamalaging Pamana
Noong tin-edyer pa siya, nakita na ni Almeida na kailangang magkaroon ng Bibliyang Portuges upang maunawaan ng karaniwang mga tao ang katotohanan sa kanilang sariling wika. Buong-buhay niyang pinagsikapang abutin ang pangarap na iyon, sa kabila ng pagsalansang ng Simbahang Katoliko, negatibong saloobin ng kaniyang mga kasamahan, waring walang-katapusang problema sa pagrerebisa, at panghihina ng kaniyang katawan. Ginantimpalaan naman ang kaniyang pagtitiyaga.
Marami sa mga pamayanang nagsasalita ng Portuges kung saan nangaral si Almeida ang unti-unting naglaho, pero hindi ang kaniyang Bibliya. Noong ika-19 na siglo, ang British and Foreign Bible Society at ang American Bible Society ay namahagi ng libu-libong kopya ng bersiyon ni Almeida sa Portugal at sa mga baybaying lunsod ng Brazil. Bilang resulta, ang mga Bibliyang nagmula sa kaniyang orihinal na salin ang pinakapopular at malawakang ipinamamahagi sa ngayon sa mga bansang Portuges ang wika.
Walang-alinlangang marami ang dapat tumanaw ng utang na loob sa mga naunang tagapagsalin ng Bibliya na gaya ni Almeida. Pero mas dapat nating pasalamatan si Jehova, ang nakikipagtalastasang Diyos, na “ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:3, 4) Oo, siya ang Isa na nag-ingat ng kaniyang Salita at naglaan nito sa atin upang makinabang tayo. Patuloy sana nating pahalagahan at masikap na pag-aralan ang ‘pinakamahalagang kayamanang’ ito mula sa ating makalangit na Ama.
[Mga talababa]
^ par. 4 Sa ikalawang kalahatian ng ika-16 na siglo, mahigpit na ipinagbawal ng Simbahang Katoliko ang paggamit ng mga Bibliya sa katutubong mga wika sa pamamagitan ng paglalabas ng Indise ng Bawal na mga Aklat. Ang utos na ito ayon sa The New Encyclopædia Britannica, “ay talagang nagpatigil sa higit pang pagsasalin ng mga Katoliko sa sumunod na 200 taon.”
^ par. 8 Ang mga lumang edisyon ng Bibliyang Almeida ay tumutukoy sa kaniya bilang Padre Almeida, na naging dahilan upang isipin ng iba na siya ay naging paring Katoliko. Pero nagkamali ang mga Olandes na editor ng Bibliya ni Almeida sa paggamit ng terminong ito, anupat inakalang tumutukoy ito sa isang pastor o ministrong Protestante.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
ANG PANGALAN NG DIYOS
Ang isang kapansin-pansing halimbawa ng katapatan ni Almeida bilang tagapagsalin ay ang paggamit niya sa pangalan ng Diyos nang isalin niya ang Hebreong Tetragrammaton.
[Credit Line]
Cortesia da Biblioteca da Igreja de Santa Catarina (Igreja dos Paulistas)
[Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KARAGATANG ATLANTIKO
PORTUGAL
Lisbon
Torre de Tavares
[Larawan sa pahina 18]
Ang Batavia noong ika-17 siglo
[Credit Line]
Mula sa Oud en Nieuw Oost-Indiën, Franciscus Valentijn, 1724
[Larawan sa pahina 18, 19]
Ang pahinang pampamagat ng unang Bagong Tipan sa wikang Portuges, inilathala noong 1681
[Credit Line]
Courtesy Biblioteca Nacional, Portugal