Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Solusyon sa Pagtatangi ng Lahi?

Ano ang Solusyon sa Pagtatangi ng Lahi?

Ano ang Solusyon sa Pagtatangi ng Lahi?

SA Espanya, pinatigil ng reperi ang isang larong soccer. Bakit? Sapagkat ayaw na sanang maglaro ng isang manlalarong taga-Cameroon dahil napakaraming manonood ang nang-iinsulto sa kaniya. Sa Russia naman, naging pangkaraniwan na lamang ang mararahas na pagsalakay sa mga Aprikano, Asiano, at mga taga-Latin Amerika; noong 2004, ang bilang ng mga insidente ng pananakit sa ibang lahi sa lugar na iyon ay tumaas nang 55 porsiyento anupat umabot ito sa 394 na insidente noong 2005. Sa Britanya, sangkatlo ng mga Asiano at itim na tumugon sa isang surbey ang nagsabi na nawalan sila ng trabaho dahil sa diskriminasyon. Ipinakikita ng mga halimbawang ito ang nagiging kalakaran sa buong daigdig.

Iba-iba ang antas ng pagtatangi ng lahi​—mula sa pang-iinsulto o pagsasabi ng masasakit na salita hanggang sa paggawa ng batas na mag-uutos na lipulin ang isang lahi. * Ano ba ang pinakaugat nito? Paano natin ito maiiwasan? Makatuwiran bang umasa na balang-araw, ang lahat ng pamilya ng sangkatauhan ay sama-samang mamumuhay nang mapayapa? Nagbibigay ang Bibliya ng kapansin-pansing paliwanag sa mga bagay na ito.

Pang-aapi at Pagkapoot

“Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 8:21) Kaya ang ilan ay natutuwa kapag inaapi nila ang iba. Sinasabi pa ng Bibliya: “Narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan.”​—Eclesiastes 4:1.

Ipinakikita rin ng Bibliya na matagal nang umiiral ang pagkapoot sa ibang lahi. Halimbawa, mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, inanyayahan ng isang Ehipsiyong Paraon ang Hebreong si Jacob at ang malaking pamilya nito na manirahan sa Ehipto. Pero nang maglaon, may ibang Paraon naman na natakot sa malaking grupong ito ng mga dayuhan. Dahil dito, sinabi ng ulat: “Sinabi niya sa kaniyang bayan: ‘Narito! Ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit na marami at mas malakas kaysa sa atin. Halikayo! Makitungo tayo sa kanila nang may katusuhan, dahil baka dumami sila.’ . . . Kaya nagtalaga sila sa kanila ng mga pinuno sa puwersahang pagtatrabaho sa layuning siilin sila sa pagdadala nila ng pasanin.” (Exodo 1:9-11) Inutusan pa nga ng mga Ehipsiyo na patayin ang lahat ng bagong-silang na mga sanggol na lalaking inapo ni Jacob.​—Exodo 1:15, 16.

Ano ang Pinakaugat Nito?

Halos walang naitulong ang mga relihiyon sa daigdig para mahadlangan ang pagtatangi ng lahi. Bagaman totoong nagpapakabayani ang ilan para sa kanilang pakikipaglaban sa pang-aapi, napakadalas na sa pangkalahatan ay kumakampi ang relihiyon sa mga mang-aapi. Ganiyan ang nangyari sa Estados Unidos, kung saan sinupil ang mga itim sa pamamagitan ng batas at pagbitay nang walang paglilitis at ng pagbabawal sa pag-aasawa ng magkaibang lahi hanggang noong 1967. Totoo rin ito sa Timog Aprika nang pagbukud-bukurin ng pamahalaan ang mga lahi at ipagtanggol ng isang minorya ang kanilang mga prominenteng posisyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas kasali na ang pagbabawal sa pag-aasawa ng magkaibang lahi. Sa dalawang kasong ito, ang ilan sa mga nagtataguyod ng pagtatangi ng lahi ay mga taong napakarelihiyoso.

Subalit isinisiwalat ng Bibliya ang isa pang mas malalim na dahilan ng pagtatangi ng lahi. Ipinaliliwanag nito kung bakit inaapi ng ilang lahi ang ibang lahi. Sinasabi nito: “Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:8, 20) Binabanggit ng mga pananalitang iyan ang pinakaugat ng pagtatangi ng lahi. Ginagawa ito ng mga tao​—relihiyoso man sila o hindi—​dahil hindi nila nakikilala o iniibig ang Diyos.

Kaalaman Tungkol sa Diyos—Ang Saligan ng Pagkakasundo ng mga Lahi

Paano napagkakasundo ng kaalaman at pag-ibig sa Diyos ang mga lahi? Anong kaalaman ang isinisiwalat ng Salita ng Diyos na pumipigil sa mga tao na saktan ang mga waring naiiba sa kanila? Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ang Ama ng lahat ng tao. Sinasabi nito: “Sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay.” (1 Corinto 8:6) Idinagdag pa nito: “Ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 17:26) Kaya sa diwa, magkakapatid ang lahat ng tao.

Maipagmamalaki ng lahat ng lahi na nagmula sa Diyos ang kanilang buhay, pero ikinalulungkot nilang lahat ang nangyari sa kanilang ninuno. Ganito ang sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan.” Kaya “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23; 5:12) Si Jehova ay isang Diyos na nasisiyahan sa pagkakasari-sari ng mga nilalang​—walang dalawang nilalang ang eksaktong magkatulad. Pero hindi niya binigyan ng dahilan para magmataas ang kahit na anong lahi. Ang laganap na pananaw na mas magaling ang lahi ng isa kaysa sa iba ay salungat sa mga katotohanang sinabi sa Kasulatan. Maliwanag na nagtataguyod ng pagkakasundo ng mga lahi ang kaalamang natatanggap natin mula sa Diyos.

Nagmamalasakit ang Diyos sa Lahat ng Bansa

Iniisip ng ilan kung nagtangi ba ng lahi ang Diyos nang paboran niya ang mga Israelita at turuan ang mga ito na manatiling hiwalay mula sa ibang mga bansa. (Exodo 34:12) Pinili noon ng Diyos ang bansang Israel bilang kaniyang pantanging pag-aari dahil sa namumukod-tanging pananampalataya ng ninuno ng Israel na si Abraham. Ang Diyos mismo ang namahala sa sinaunang Israel dahil siya ang pumili ng kanilang mga tagapamahala at naglaan ng kodigo ng batas. Noong panahong tanggapin ng Israel ang kaayusang ito, nakita ng ibang lahi ang pagkakaiba ng pamamahala ng Diyos at ng pamamahala ng tao. Itinuro rin ni Jehova sa Israel noon ang kahalagahan ng isang handog upang maisauli ang mabuting kaugnayan ng sangkatauhan sa Diyos. Kaya ang lahat ng bansa ay nakinabang sa pakikitungo ni Jehova sa Israel. Kasuwato ito ng sinabi niya kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.”​—Genesis 22:18.

Bukod diyan, ang mga Judio ay pinagkalooban ng sagradong kapahayagan ng Diyos at nagkapribilehiyong maging bansa kung saan isisilang ang Mesiyas. Pero ginawa rin ito sa kapakinabangan ng lahat ng bansa. Mababasa sa Hebreong Kasulatan na ibinigay sa mga Judio ang nakapagpapasiglang paglalarawan sa panahong tatanggap ang lahat ng lahi ng maraming pagpapala: “Maraming bansa ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan’ . . . Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma. At uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”​—Mikas 4:2-4.

Bagaman si Jesu-Kristo mismo ay nangaral sa mga Judio, sinabi rin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Walang bansang hindi makaririnig sa mabuting balitang ito. Kaya si Jehova ay nagbigay ng sakdal na halimbawa sa pantay-pantay na pakikitungo sa lahat ng lahi. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Isinisiwalat din ng mga batas na ibinigay ng Diyos sa sinaunang bansang Israel na nagmamalasakit siya sa lahat ng bansa. Pansinin kung paano hiniling ng Kautusan ang higit pa sa pagpaparaya sa mga di-Israelitang naninirahan sa lupain, nang sabihin nito: “Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto.” (Levitico 19:34) Marami sa mga batas ng Diyos ang nagtuturo sa mga Israelita na maging mabait sa mga dayuhan. Kaya nang makita ni Boaz, isang ninuno ni Jesus, ang isang nagdarahop na dayuhang babae na naghihimalay, kumilos siya kasuwato ng kaniyang natutuhan sa Diyos anupat tiniyak niyang mag-iiwan ng maraming butil ang kaniyang mga mang-aani upang maraming makuha ang babae.​—Ruth 2:1, 10, 16.

Nagturo si Jesus ng Kabaitan

Si Jesus ang higit na nakapagsiwalat ng kaalaman tungkol sa Diyos kaysa sa kaninupaman. Ipinakita niya sa kaniyang mga tagasunod kung paano magiging mabait sa mga taong naiiba ang lahi. Minsan ay kinausap niya ang isang Samaritana. Ang mga Samaritano ay hinahamak ng maraming Judio, kaya nagulat ang babae kay Jesus. Sa kanilang pag-uusap, may-kabaitang tinulungan ni Jesus ang babae na maunawaan kung paano ito magkakamit ng buhay na walang hanggan.​—Juan 4:7-14.

Itinuro rin sa atin ni Jesus kung paano pakikitunguhan ang ibang lahi nang ibigay niya ang ilustrasyon hinggil sa madamaying Samaritano. Nakita ng lalaking ito ang isang Judio na binugbog nang husto ng mga magnanakaw. Madali sanang ikatuwiran ng Samaritano: ‘Bakit ko tutulungan ang Judiong ito? Hinahamak ng mga Judio ang aming lahi.’ Pero ipinakita ni Jesus na ang Samaritano ay may naiibang pananaw sa mga di-kilala. Bagaman nilampasan ng ibang mga naglalakbay ang nasugatang lalaki, ang Samaritano ay “nahabag” at tinulungan niya ito. Tinapos ni Jesus ang talinghagang ito sa pagsasabing dapat ding gawin ito ng sinumang nagnanais na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.​—Lucas 10:30-37.

Itinuro ni apostol Pablo sa mga nagnanais palugdan ang Diyos na baguhin ang kanilang personalidad at tularan ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Sumulat si Pablo: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito, kung saan walang Griego ni Judio, pagtutuli ni di-pagtutuli, banyaga, Scita . . . Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:9-14.

Binabago ba ng Kaalaman Tungkol sa Diyos ang mga Tao?

Talaga bang binabago ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova ang paraan ng pakikitungo ng mga tao sa ibang mga lahi? Tingnan natin ang karanasan ng isang Asiano na nandayuhan sa Canada na nadismaya sa naranasan niyang diskriminasyon doon. May nakausap siyang mga Saksi ni Jehova, at pumayag siyang makipag-aral sa kanila ng Bibliya. Nang maglaon, sumulat siya sa kanila ng isang liham ng pagpapahalaga, na sinasabi: ‘Napakababait ninyo. Nang makita kong talagang naiiba kayo sa ibang mga puti, nagtaka ako kung bakit, hanggang sa mapag-isip-isip kong mga Saksi nga kayo ng Diyos. Malamang na may kinalaman dito ang Bibliya. Nakita ko sa inyong mga pulong na magkakaiba ang kulay ng balat ng mga naroroon, pero iisa ang kulay ng kanilang puso​—kulay-kristal—​dahil silang lahat ay magkakapatid. Alam ko na ngayon kung bakit gayon sila kabait. Dahil ito sa inyong Diyos.’

Inihula ng Salita ng Diyos na darating ang panahon na “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova.” (Isaias 11:9) Ngayon pa lamang, bilang katuparan ng hula ng Bibliya, nakikita na natin ang isang malaking pulutong na binubuo ng milyun-milyon “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” na nagkakaisa sa tunay na pagsamba. (Apocalipsis 7:9) Inaasam-asam nila ang panahon na ang poot ay mapapalitan ng pag-ibig sa isang pandaigdig na lipunan kung saan malapit nang matupad ang layunin ni Jehova na sinabi kay Abraham: “Pagpapalain ang lahat ng mga pamilya sa lupa.”​—Gawa 3:25.

[Talababa]

^ par. 3 Ang mga simulaing binanggit sa artikulong ito ay kumakapit hindi lamang sa pagtatangi ng lahi kundi gayundin sa diskriminasyon dahil sa nasyonalidad, relihiyon, wika, at kultura.

[Larawan sa pahina 4, 5]

Itinuro ng Kautusan ng Diyos sa mga Israelita na ibigin ang mga naninirahang dayuhan

[Larawan sa pahina 5]

Ano ang matututuhan natin sa talinghaga ng madamaying Samaritano?

[Mga larawan sa pahina 6]

Hindi binigyan ng Diyos ng dahilan para magmataas ang kahit na anong lahi