“Huwag Gumanti Kaninuman ng Masama Para sa Masama”
“Huwag Gumanti Kaninuman ng Masama Para sa Masama”
“Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.”—ROMA 12:17.
1. Anong paggawi ang laganap sa ngayon?
KAPAG ang isang bata ay itinulak ng kaniyang kapatid, karaniwan nang itutulak din niya ito. Nakalulungkot, hindi lamang mga bata ang may ganitong pagnanais na makaganti. Ginagawa rin ito ng maraming adulto. Kapag naagrabyado sila, gusto nilang makaganti. Oo nga’t hindi literal na nanunulak ang karamihan sa mga adulto, pero marami ang gumaganti nang talikuran. Maaaring magkalat sila ng tsismis para siraan ang nagkasala o gumawa ng paraan upang hadlangan itong umasenso sa buhay. Alinman dito ang gawin, pareho lamang ang intensiyon—ang makaganti.
2. (a) Bakit pinaglalabanan ng mga tunay na Kristiyano ang pagnanais na gumanti? (b) Anong mga tanong at anong kabanata sa Bibliya ang tatalakayin natin?
2 Bagaman malalim nang nakaugat sa ating pagkatao ang paghihiganti, pinaglalabanan ito ng mga tunay na Kristiyano. Sa halip na maghiganti, sinisikap nilang sundin ang payo ni apostol Pablo: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” (Roma 12:17) Ano ang magpapakilos sa atin na mamuhay ayon sa mataas na pamantayang ito? Kanino lalo na hindi tayo dapat gumanti ng masama? Anu-anong pakinabang ang matatamo natin kung hindi tayo maghihiganti? Upang masagot ang mga tanong na ito, pag-aralan natin ang konteksto ng mga salita ni Pablo at tingnan natin kung paano ipinakikita ng Roma kabanata 12 na tama, maibigin, at kahinhinan ang hindi pagganti. Iisa-isahin natin ang tatlong bagay na ito.
“Dahil Dito ay Namamanhik Ako sa Inyo”
3, 4. (a) Sa pagsisimula ng Roma kabanata 12, ano ang tinalakay ni Pablo, at ano ang kahulugan ng kaniyang paggamit ng salitang “dahil dito”? (b) Ano ang dapat na maging tugon ng mga Kristiyano sa Roma sa habag ng Diyos?
3 Sa pagsisimula ng kabanata 12, tinalakay ni Pablo ang apat na magkakaugnay na paksang nakaiimpluwensiya sa buhay ng isang Kristiyano. Binanggit niya ang ating kaugnayan kay Jehova, sa ating mga kapananampalataya, sa mga di-sumasampalataya, at sa mga awtoridad ng pamahalaan. Ipinahihiwatig ni Pablo na may isang pangunahing dahilan kung bakit dapat paglabanan ang tendensiyang gumawa ng mali, pati na ang pagnanais na makaganti, nang sabihin niya: “Dahil dito ay namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng habag ng Diyos, mga kapatid.” (Roma 12:1) Pansinin ang salitang “dahil dito,” na nangangahulugang “alinsunod sa nabanggit.” Sa diwa, sinasabi ni Pablo, ‘Alinsunod sa naunang paliwanag ko sa inyo, namamanhik akong gawin ninyo sana ang sasabihin ko sa inyo ngayon.’ Ano ang ipinaliwanag ni Pablo sa mga Kristiyanong iyon sa Roma?
4 Sa unang 11 kabanata ng kaniyang liham, tinalakay ni Pablo ang napakagandang pribilehiyong bukás para sa mga Judio at mga Gentil na maging kasamang tagapamahala ni Kristo sa Kaharian ng Diyos, isang pag-asang para sana sa likas na Israel. (Roma 11:13-36) Naging posible lamang ang napakahalagang pribilehiyong iyan “sa pamamagitan ng habag ng Diyos.” Paano dapat tumugon ang mga Kristiyano sa dakila at di-sana nararapat na kabaitang ito ng Diyos? Dapat ay tanawin nila itong isang malaking utang na loob anupat napakikilos silang gawin ang sumunod na sinabi ni Pablo: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Pero paano aktuwal na maihaharap ng mga Kristiyanong iyon ang kanilang sarili na ‘isang hain’ sa Diyos?
5. (a) Paano maihaharap ng isang tao ang kaniyang sarili na ‘isang hain’ sa Diyos? (b) Anong simulain ang dapat makaimpluwensiya sa paggawi ng isang Kristiyano?
5 Patuloy na nagpaliwanag si Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Sa halip na hayaang ang espiritu ng sanlibutan ang humubog ng kanilang pag-iisip, kailangan nilang baguhin ito at itulad sa pag-iisip ni Kristo. (1 Corinto 2:16; Filipos 2:5) Ang simulaing ito ang dapat makaimpluwensiya sa paggawi ng lahat ng tunay na Kristiyano, pati na rin tayo sa ngayon.
6. Batay sa pangangatuwiran ni Pablo sa Roma 12:1, 2, ano ang nagpapakilos sa atin na hindi maghiganti?
6 Paano makatutulong sa atin ang pangangatuwiran ni Pablo sa Roma 12:1, 2? Gaya ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyanong iyon sa Roma, tinatanaw nating isang malaking utang na loob sa Diyos ang habag na ipinakita at patuloy niyang ipinakikita sa atin sa iba’t ibang paraan sa araw-araw. Dahil dito, isang pusong lipos ng pasasalamat ang nagpapakilos sa atin na maglingkod sa Diyos na ginagamit ang ating buong lakas, tinatangkilik, at kakayahan. Ang taimtim na pagnanais ding iyan ang nagpapakilos sa atin na gawin ang ating buong makakaya na mag-isip, di-gaya ng sanlibutan, kundi gaya ni Kristo. At ang pagtataglay ng kaisipan ni Kristo ay may epekto sa ating pakikitungo sa iba—kapuwa sa mga kapananampalataya at mga di-sumasampalataya. (Galacia 5:25) Halimbawa: Kung ang pag-iisip natin ay gaya ng kay Kristo, napakikilos tayo na paglabanan ang pagnanais na maghiganti.—1 Pedro 2:21-23.
“Ang Inyong Pag-ibig ay Huwag Magkaroon ng Pagpapaimbabaw”
7. Anong uri ng pag-ibig ang tinalakay sa Roma kabanata 12?
7 Ayaw nating gumanti ng masama para sa masama hindi lamang dahil sa ito ang tamang landasin kundi ito rin ang maibiging landasin. Pansinin kung paano sumunod na tinalakay ni apostol Pablo ang motibo ng pag-ibig. Sa aklat ng Roma, maraming ulit na ginamit ni Pablo ang salitang “pag-ibig” (a·gaʹpe sa Griego) kapag tinutukoy niya ang pag-ibig ng Diyos at ni Kristo. (Roma 5:5, 8; 8:35, 39) Pero sa kabanata 12, ginamit ni Pablo ang a·gaʹpe sa ibang paraan—sa pagtukoy niya sa pag-ibig na ipinakikita sa kapuwa tao. Matapos banggitin na ang espirituwal na kaloob ay nagkakaiba-iba at nakikita sa ilang mananampalataya, binanggit ni Pablo ang isang katangiang dapat linangin ng lahat ng Kristiyano. Sinabi niya: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw.” (Roma 12:4-9) Ang pagpapakita ng pag-ibig sa iba ay isang pangunahing pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (Marcos 12:28-31) Pinapayuhan tayo ni Pablo na tiyaking taimtim ang pag-ibig na ipinakikita natin bilang mga Kristiyano.
8. Paano natin maipakikita ang pag-ibig na walang pagpapaimbabaw?
8 Bukod diyan, binanggit din ni Pablo kung paano maipakikita ang pag-ibig na walang pagpapaimbabaw, Roma 12:9) Ang “kamuhian” at “kumapit” ay maririing salita. Ang “kamuhian” ay maaaring isaling “labis na kapootan.” Dapat nating kapootan hindi lamang ang mga ibubunga ng kasamaan kundi pati na rin ang kasamaan mismo. (Awit 97:10) Ang salitang “kumapit” ay isang salin ng pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “dumikit.” Ang isang Kristiyanong may taimtim na pag-ibig ay matibay na nakadikit, o nangungunyapit, sa kabutihan anupat nagiging bahagi na ito ng kaniyang pagkatao.
sa pagsasabi: “Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.” (9. Ano ang paulit-ulit na payo ni Pablo?
9 Paulit-ulit na binanggit ni Pablo ang isang partikular na kapahayagan ng pag-ibig. Sinabi niya: “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig; kayo ay maging mapagpala at huwag manumpa.” “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal.” “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:14, 17-19, 21) Napakalinaw ng mga salita ni Pablo kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga di-sumasampalataya, maging ang mga sumasalansang sa atin.
“Patuloy na Pagpalain Yaong mga Nang-uusig”
10. Sa anong paraan maaari nating pagpalain ang mga nang-uusig sa atin?
10 Paano natin isasagawa ang payo ni Pablo: “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig”? (Roma 12:14) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44; Lucas 6:27, 28) Kung gayon, ang isang paraan na maaari nating pagpalain ang mga mang-uusig ay ang ipanalangin sila, anupat hinihiling sa Diyos na kung inuusig nila tayo dahil sa kawalang-alam, sana’y idilat ni Jehova ang kanilang mga mata sa katotohanan. (2 Corinto 4:4) Totoo, parang kakatwa ngang hilingin sa Diyos na pagpalain ang isang mang-uusig. Pero habang itinutulad natin ang ating pag-iisip sa pag-iisip ni Kristo, nagagawa nating ibigin ang ating mga kaaway. (Lucas 23:34) Ano ang maaaring ibunga ng pagpapakita ng gayong pag-ibig?
11. (a) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Esteban? (b) Gaya ng nangyari kay Pablo, anong pagbabago ang posibleng maganap sa ilang mang-uusig?
11 Isa si Esteban sa nanalangin para sa mga nang-uusig sa kaniya, at hindi nawalan ng kabuluhan ang kaniyang panalangin. Hindi pa natatagalan pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., si Esteban ay inaresto ng mga sumasalansang sa kongregasyong Kristiyano, kinaladkad palabas ng Jerusalem, at pinagbabato. Bago mamatay, sumigaw siya: “Jehova, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito.” (Gawa 7:58–8:1) Ang isa sa mga lalaking ipinanalangin ni Esteban nang araw na iyon ay si Saul, na nakasaksi at sumang-ayon sa pagpatay kay Esteban. Nang maglaon, nagpakita kay Saul ang binuhay-muling si Jesus. Ang dating mang-uusig na iyon ay naging tagasunod ni Kristo at naging si apostol Pablo, ang sumulat ng liham para sa mga taga-Roma. (Gawa 26:12-18) Kaugnay ng panalangin ni Esteban, maliwanag na pinatawad ni Jehova si Pablo sa kaniyang kasalanan bilang mang-uusig. (1 Timoteo 1:12-16) Hindi nga kataka-takang payuhan ni Pablo ang mga Kristiyano: “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig”! Alam niya sa kaniyang sariling karanasan na posibleng maging mga lingkod ng Diyos ang ilang mang-uusig. Sa ating panahon, may mga mang-uusig ding nagiging mananampalataya dahil sa pagiging mapayapa ng mga lingkod ni Jehova.
“Makipagpayapaan Kayo sa Lahat ng Tao”
12. Paano naging magkaugnay ang mga payo sa Roma 12:9, 17?
12 Ang sumunod na payo ni Pablo kung paano dapat pakitunguhan ang mga mananampalataya at di-sumasampalataya ay: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” Ang pangungusap na iyan ay kaugnay ng sinabi niya kanina: “Kamuhian ninyo ang balakyot.” Kung sa bagay, paano masasabi ng isang tao na talagang kinamumuhian niya ang balakyot, o masama, kung gagawan niya ng masama ang iba bilang paghihiganti? Kabaligtaran ito ng pagkakaroon ng pag-ibig na ‘walang pagpapaimbabaw.’ Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao.” (Roma 12:9, 17) Paano natin maikakapit ang mga salitang ito?
13. Paano tayo gumagawi “sa paningin ng lahat ng tao”?
1 Corinto 4:9-13) Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagiging panoorin ng mga tao sa daigdig na ito. Kapag nakikita ng ibang mga tao ang ating maiinam na gawa kahit inaagrabyado tayo, baka sakaling makinig sila sa ating mensahe.—1 Pedro 2:12.
13 Sa kaniyang naunang liham sa mga taga-Corinto, isinulat ni Pablo ang tungkol sa pag-uusig na nararanasan noon ng mga apostol. Ang sabi niya: “Kami ay naging pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao. . . . Kapag nilalait, kami ay nagpapala; kapag pinag-uusig, kami ay nagtitiis; kapag sinisiraang-puri, kami ay namamanhik.” (14. Hanggang saan tayo dapat makipagpayapaan?
14 Kung gayon, hanggang saan natin dapat itaguyod ang kapayapaan? Hangga’t posible sa atin na gawin ito. Sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Ang pananalitang “kung posible” at “hangga’t nakasalalay sa inyo” ay nagpapahiwatig na maaaring hindi laging posibleng makipagpayapaan. Halimbawa, hindi natin lalabagin ang utos ng Diyos para lamang mapanatili ang pakikipagpayapaan sa tao. (Mateo 10:34-36; Hebreo 12:14) Pero gagawin pa rin natin ang lahat ng makakaya natin—nang hindi ikinokompromiso ang matuwid na mga simulain—para makipagpayapaan “sa lahat ng tao.”
“Huwag Ipaghiganti ang Inyong Sarili”
15. Bakit hindi tayo dapat maghiganti ayon sa Roma 12:19?
15 Nagbigay si Pablo ng isa pang matibay na dahilan kung bakit hindi tayo dapat maghiganti; ito ay kahinhinan o pagkilala ng ating limitasyon. Sinabi niya: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:19) Ang isang Kristiyanong nagtatangkang maghiganti ay pangahas. Sa diwa ay kinukuha niya ang papel ng Diyos. (Mateo 7:1) Bukod diyan, kapag inilalagay niya sa kaniyang kamay ang batas, ipinakikita niyang hindi siya nananalig sa sinabi ni Jehova: “Ako ang gaganti.” Sa kabaligtaran, nagtitiwala naman ang mga tunay na Kristiyano na ‘bibigyan ni Jehova ng katarungan ang kaniyang mga pinili.’ (Lucas 18:7, 8; 2 Tesalonica 1:6-8) Buong-kahinhinan nilang ipinauubaya sa Diyos ang paghihiganti.—Jeremias 30:23, 24; Roma 1:18.
16, 17. (a) Ano ang ibig sabihin ng ‘pagbubunton ng maaapoy na baga’ sa ulo ng isa? (b) May alam ka bang karanasan na napalambot ng kabaitan ang puso ng isang di-sumasampalataya? Kung oo, magbigay ng halimbawa.
16 Maaaring tumigas ang kalooban ng isang kaaway kung paghihigantihan siya, ngunit baka naman lumambot ang kaniyang puso kung pagpapakitaan siya ng kabaitan. Bakit? Pansinin ang mga salita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. Sinabi niya: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom; sapagkat sa paggawa nito ay magbubunton ka ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo.” (Roma 12:20; Kawikaan 25:21, 22) Ano ang ibig sabihin nito?
17 Ang ‘pagbubunton ng maaapoy na baga sa kaniyang ulo’ ay makasagisag na pananalitang nagmula sa pagtunaw ng bakal noong panahon ng Bibliya. Ang batong mineral na pinagkukunan ng bakal ay inilalagay sa hurno, at nilalagyan ito ng mga uling hindi lamang sa ilalim kundi pati sa ibabaw. Ang maapoy na bagang nakabunton sa ibabaw ay nagpapatindi ng init upang matunaw at humiwalay ang bakal mula sa bato. Sa katulad na paraan, kapag ginawan natin ng mabuti ang isang salansang, baka “matunaw” natin ang kaniyang matigas na kalooban at mapalitaw ang kaniyang magagandang katangian. (2 Hari 6:14-23) Sa katunayan, maraming miyembro ng kongregasyong Kristiyano ang unang naakit sa tunay na pagsamba dahil sa kabaitang ipinakita sa kanila ng mga lingkod ni Jehova.
Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Maghiganti
18. Bakit tama, maibigin, at isang kahinhinan ang hindi paghihiganti?
18 Sa maikling pagtalakay na ito sa Roma kabanata 12, nakita natin ang ilang mahahalagang dahilan kung bakit hindi tayo dapat “gumanti kaninuman ng masama para sa masama.” Una, ang hindi pagganti ang tamang landasin na dapat sundin. Dahil sa habag ng Diyos na ipinakita sa atin, angkop at makatuwiran lamang na ialay natin ang ating sarili kay Jehova at sundin nang maluwag sa kalooban ang kaniyang mga utos—pati na ang utos na ibigin ang ating mga kaaway. Ikalawa, ang hindi pagganti ng masama para sa masama ang maibiging landasin na dapat sundin. Kung kalilimutan natin ang paghihiganti at itataguyod ang kapayapaan, matutulungan nating maging mananamba ni Jehova kahit ang ilang malulupit na salansang. Ikatlo, ang hindi pagganti ng masama para sa masama ay kahinhinan o pagkilala sa ating limitasyon. Magiging pangahas tayo kung ipaghihiganti natin ang ating sarili, sapagkat sinabi ni Jehova: “Akin ang paghihiganti.” Nagbabala rin ang Salita ng Diyos: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kasiraang-puri; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Isang katalinuhan at kahinhinan kung ipauubaya natin sa Diyos ang paghihiganti.
19. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
19 Binuod ni Pablo ang kaniyang pagtalakay sa kung paano natin dapat pakitunguhan ang iba. Pinayuhan niya ang mga Kristiyano: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Anong masasamang puwersa ang napapaharap sa atin sa ngayon? Paano natin ito madaraig? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Anong payo ang paulit-ulit na mababasa sa Roma kabanata 12?
• Ano ang magpapakilos sa atin na hindi maghiganti?
• Anu-anong pakinabang ang matatamo natin at ng iba kung hindi tayo ‘gaganti ng masama para sa masama’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 22]
Binabanggit ng Roma kabanata 12 ang kaugnayan ng isang Kristiyano
• kay Jehova
• sa mga kapananampalataya
• sa mga di-sumasampalataya
[Larawan sa pahina 23]
Ang liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay nagbibigay ng praktikal na payo sa mga Kristiyano
[Larawan sa pahina 25]
Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng alagad na si Esteban?