Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagpapatibay ng Pananampalataya ang Edukasyon sa Bibliya

Nagpapatibay ng Pananampalataya ang Edukasyon sa Bibliya

Nagpapatibay ng Pananampalataya ang Edukasyon sa Bibliya

“ISANG napakalaking pribilehiyo na magamit ang nakalipas na limang buwan sa pagbibigay-pansin sa mga kaisipan ng ating Maylalang at matutong tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw niya!” ang sabi ng isang kinatawan ng ika-122 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa araw ng kanilang pagtatapos. Ang Marso 10, 2007 ay isang araw na hinding-hindi malilimutan ng 56 na estudyanteng maglilingkod bilang mga misyonero sa 26 na lupaing iniatas sa kanila.

Pagkatapos ng mainit na pagtanggap sa 6,205 naroroon, si Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagsabi: “Natitiyak namin na pagkatapos ng gradwasyong ito, mas mapapalapít kayo sa Diyos at mas titibay ang inyong pananampalataya.” Saka niya sunud-sunod na ipinakilala ang apat na tagapagsalita na magbibigay sa mga estudyante ng napapanahon at salig-Bibliyang pampatibay at payo upang tulungan silang maging matagumpay sa kanilang pagmimisyonero.

Pinasiglang Patibayin ang Pananampalataya ng Iba

Si Leon Weaver, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ay nagpahayag sa temang “Patuloy na Gawin Kung Ano ang Mainam.” Binanggit niya sa mga estudyante na sa katamtaman, bawat isa sa kanila ay gumugol na ng 13 taon sa buong-panahong paglilingkod, anupat itinataguyod ang edukasyon sa Bibliya na nagpapatibay ng pananampalataya. Sinabi niya: “Isa itong napakainam na gawain dahil nagliligtas ito ng buhay ng tao, at higit sa lahat, dinadakila nito ang ating makalangit na Ama, si Jehova.” Pagkatapos ay pinasigla ni Brother Weaver ang mga estudyante na patuloy na ‘maghasik may kinalaman sa espiritu’ at huwag ‘manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.’​—Galacia 6:8, 9.

Si David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagbigay naman ng praktikal na paalaala sa kaniyang temang “Gawin Agad ang Pinakamagaling.” Pinasigla ni Brother Splane ang mga bagong misyonero na sikaping magkaroon ng magandang pasimula sa kanilang teritoryo sa pamamagitan ng mga sumusunod: “Palaging maging positibo. Huwag magpadalus-dalos sa pagpapasiya. Maging palakaibigan. Huwag maging mapamintas. Maging mapagpakumbaba, at igalang ang mga kapatid na tagaroon.” Pagkatapos ay sinabi niyang pagdating nila sa teritoryo, gawin nila agad ang pinakamagaling, at pagpalain sana sila ni Jehova sa kanilang pagdadala sa mga tao ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.”​—Isaias 52:7.

“Isang Tiyak na Pamana” ang tema ng instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen. Ipinaalaala ni Brother Bowen sa mga estudyante na ang pagtatatag ng Paaralang Gilead noong Digmaang Pandaigdig II ay nakasalig sa lubusang pagtitiwala sa katuparan ng makahulang Salita ni Jehova. (Hebreo 11:1; Apocalipsis 17:8) Mula noon, ang Gilead ay patuloy na nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong mapatibay ang kanilang pananampalataya. Ang matibay na pananampalataya naman ang nagpapakilos sa mga nagsipagtapos para humayo at masigasig na magpahayag ng katotohanan.

Si Mark Noumair, isa ring instruktor sa Gilead, ay nagpahayag sa kapana-panabik na temang “May Naalaala Ako Nang Makita Ko Kayo.” Itinawag-pansin niya ang halimbawa ng propetang si Eliseo na nagpakita ng pananampalataya at lakas ng loob sa kaniyang atas. Batay sa 1 Hari 19:21, sinabi ni Brother Noumair: “Handa si Eliseo na gumawa ng pagbabago sa kaniyang buhay, isaisantabi ang kaniyang sariling kapakanan, at itaguyod ang layunin ni Jehova.” Pinuri niya ang mga nagsipagtapos sa pagpapakita ng gayunding saloobin at pinasigla silang ipagpatuloy ito pagdating nila sa kani-kanilang bagong teritoryo.

Malayang Nagsasalita Dahil sa Pananampalataya

Habang pinatitibay ng mga magiging misyonero ang kanilang pananampalataya sa panahon ng pag-aaral, sinamantala nila ang mga dulo ng sanlinggo upang mangaral ng mabuting balita sa iba. Nagbunga ito ng magagandang karanasan na ikinuwento at itinanghal sa isang bahagi ng programa na pinangasiwaan ni Wallace Liverance, isa pang instruktor sa Gilead. Tinukoy ng tema ng kaniyang pahayag na “Nananampalataya Tayo Kaya Tayo Nagsasalita” ang mga salita ni apostol Pablo sa 2 Corinto 4:13.

Kasunod ng bahaging ito, kinapanayam nina Daniel Barnes at Charles Woody, parehong miyembro ng pamilyang Bethel, ang kasalukuyan at datihang mga misyonero. Itinampok nito ang pangangalaga at pagpapala ni Jehova sa mga tapat na naglilingkod sa kaniya. (Kawikaan 10:22; 1 Pedro 5:7) Isang misyonero ang nagkomento: “Talagang naranasan naming mag-asawa ang pangangalaga ni Jehova sa pamamagitan ng edukasyong tinanggap namin sa Gilead. Lubos nitong pinatibay ang aming pananampalataya. Mahalaga ang pananampalataya dahil lahat ng mga lingkod ng Diyos, pati na ang mga misyonero, ay daranas ng mga pagsubok, problema, at kabalisahan.”

Patuloy na Itaguyod ang Edukasyon sa Bibliya na Nagpapatibay ng Pananampalataya

Bilang angkop na pagtatapos sa programa ng gradwasyon, si Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagpahayag sa paksang “Patuloy na Patibayin ang Inyong mga Kapatid.” Ano ba ang layunin ng edukasyong tinanggap ng mga estudyante? “Layunin nito na turuan kayo kung paano ninyo gagamitin ang inyong dila sa pagpuri kay Jehova, sa pagtuturo ng katotohanan sa iba na nasa inyong bagong atas na teritoryo, at sa pagpapatibayan sa isa’t isa sa pananampalataya,” ang sabi ni Brother Herd. Pero pinaalalahanan niya ang mga estudyante na ang dila ay puwede ring pagmulan ng mga bagay na hindi nakapagpapatibay. (Kawikaan 18:21; Santiago 3:8-10) Pinasigla niya ang mga estudyante na tularan ang halimbawa ni Jesus sa paggamit ng kanilang dila. Minsan, matapos makinig kay Jesus, tumugon ang kaniyang mga alagad: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso . . . habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?” (Lucas 24:32) Sinabi ni Brother Herd: “Kung positibo ang inyong mga salita, maaabot nito ang puso ng mga kapatid sa inyong teritoryo.”

Sumunod, tinanggap ng mga nagsipagtapos ang kani-kanilang diploma. Pagkatapos ay binasa ang liham ng pasasalamat ng klase. Sinabi sa liham: “Nadarama namin ang malaking pananagutang gamitin ang aming natutuhan sa tapat na pagsasagawa ng aming atas bilang mga misyonero. Sa aming pagpunta sa malayong lupain, dalangin namin na magdulot sana ang aming pagsisikap ng isang malakas na sigaw ng papuri sa ating Dakilang Tagapagturo, ang Diyos na Jehova.” Humugong ang masigabong palakpakan. Oo, napatibay ng programa ng gradwasyon ang pananampalataya ng lahat ng naroroon.

[Blurb sa pahina 17]

“Kung positibo ang inyong mga salita, maaabot nito ang puso ng mga kapatid sa inyong teritoryo”

[Kahon sa pahina 15]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 9

Bilang ng mga bansang magiging atas: 26

Bilang ng mga estudyante: 56

Katamtamang edad: 33.4

Katamtamang taon sa katotohanan: 16.8

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13

[Larawan sa pahina 16]

Ang Ika-122 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Howitt, R.; Smith, P.; Martinez, A.; Pozzobon, S.; Kitamura, Y.; Laud, C. (2) Fiedler, I.; Beasley, K.; Matkovich, C.; Bell, D.; Lippincott, W. (3) Sites, W.; Andersen, A.; Toevs, L.; Fusano, G.; Rodríguez, C.; Yoo, J. (4) Sobomehin, M.; Thomas, L.; Gasson, S.; Dauba, V.; Bertaud, A.; Winn, C.; Dobrowolski, M. (5) Yoo, J.; Dauba, J.; Mixer, H.; Newton, M.; Rodríguez, F.; Mixer, N. (6) Laud, M.; Lippincott, K.; Martinez, R.; Haub, A.; Schamp, R.; Pozzobon, L.; Toevs, S. (7) Howitt, S.; Kitamura, U.; Newton, D.; Haub, J.; Sites, J.; Thomas, D. (8) Sobomehin, L.; Matkovich, J.; Fusano, B.; Winn, J.; Schamp, J.; Andersen, D.; Dobrowolski, J. (9) Fiedler, P.; Bell, E.; Beasley, B.; Smith, B.; Bertaud, P.; Gasson, M.