Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Barzilai—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

Barzilai—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

Barzilai​—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

‘BAKIT pa ako magiging pasanin sa iyo?’ Ang 80-anyos na lalaking nagsabi nito kay Haring David ng Israel ay si Barzilai. Tiyak na dahil sa kaniyang kayamanan kaya siya tinawag ng Bibliya na “isang lubhang dakilang tao.” (2 Samuel 19:32, 35) Nanirahan si Barzilai sa lupain ng Gilead, isang bulubunduking rehiyon sa silangan ng Ilog Jordan.​—2 Samuel 17:27; 19:31.

Ano ba ang mga kalagayan nang sabihin ni Barzilai ang mga pananalitang ito kay David? At bakit ganoon ang sinabi ng may-edad nang lalaking ito?

Paghihimagsik Laban sa Hari

Nasa panganib ang buhay ni David. Inagaw ng anak niyang si Absalom ang trono matapos nitong ‘nakawin ang mga puso ng mga tao sa Israel.’ Tiyak na hindi patatawarin ni Absalom ang sinumang matapat sa kaniyang ama. Kaya umalis sa Jerusalem si David at ang kaniyang mga lingkod. (2 Samuel 15:6, 13, 14) Nang dumating si David sa Mahanaim na nasa silangan ng Jordan, tinulungan siya ni Barzilai.

Saganang inilaan ni Barzilai at ng dalawang pang lalaki, sina Sobi at Makir, ang materyal na mga pangangailangan ni David. Batid ng tatlong matapat na lalaking ito ang mahirap na kalagayan niya. Ganito ang sinabi nila tungkol kay David at sa kaniyang mga tauhan: “Ang bayan ay gutóm at pagód at uháw sa ilang.” Ginawa nina Barzilai, Sobi, at Makir ang buong makakaya nila upang masapatan ang mga pangangailangan ni David at ng kaniyang mga tauhan. Binigyan nila sila ng mga higaan, trigo, sebada, harina, binusang butil, habas, lentehas, pulot-pukyutan, mantikilya, mga tupa, at iba pang panustos.​—2 Samuel 17:27-29.

Delikadong tumulong kay David. Siguradong parurusahan ni Absalom ang sinumang susuporta sa tunay na hari. Kaya sa pagiging tapat kay David, ipinakita ni Barzilai ang kaniyang katapangan.

Nabaligtad ang Kalagayan

Di-nagtagal pagkaraan nito, nakasagupa ng rebeldeng puwersa ni Absalom ang mga tauhan ni David. Naganap ang labanan sa kagubatan ng Efraim, na malamang ay malapit sa Mahanaim. Natalo ang hukbo ni Absalom, “at ang patayan doon ay naging lansakan nang araw na iyon.” Bagaman sinikap tumakas ni Absalom, di-nagtagal ay napatay rin siya.​—2 Samuel 18:7-15.

Muli, wala nang iba pang hari sa Israel kundi si David. Kaya hindi na kailangang maging takas ng kaniyang mga tauhan. Bukod dito, dahil sa kanilang katapatan sa kaniya, pinasalamatan sila ni David at lumaki ang paggalang niya sa kanila.

Nang pabalik na si David sa Jerusalem, “si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim upang makayaon siya hanggang sa Jordan kasama ang hari upang ihatid ito sa Jordan.” Sa pagkakataong ito, inanyayahan ni David ang may-edad nang si Barzilai: “Tumawid kang kasama ko, at tiyak na paglalaanan kita ng pagkain sa piling ko sa Jerusalem.”​—2 Samuel 19:15, 31, 33.

Walang alinlangan na lubhang pinahalagahan ni David ang naitulong ni Barzilai. Hindi naman ibig sabihin nito na gusto lamang makaganti ng hari sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na mga bagay. Hindi kailangan ni Barzilai ang gayong tulong dahil mayaman siya. Maaaring ang nais sana ni David ay mapabilang ang may-edad nang lalaking ito sa maharlikang korte dahil sa kaniyang mahuhusay na katangian. Isang karangalan na magkaroon ng permanenteng posisyon doon at magbibigay ito ng pagkakataon kay Barzilai na maging tanyag at makinabang sa pagiging kaibigan ng hari.

Pagiging Mahinhin at Makatotohanan

Bilang tugon sa paanyaya ni Haring David, sinabi ni Barzilai: “Gaya ba ng ano ang mga araw ng mga taon ng aking buhay, upang umahon akong kasama ng hari sa Jerusalem? Ako ay walumpung taóng gulang na ngayon. Makikilala ko pa ba ang mabuti at masama, o malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kinain ko at ang ininom ko, o maririnig ko pa ba ang tinig ng mga mang-aawit na lalaki at babae?” (2 Samuel 19:34, 35) Kaya magalang na tinanggihan ni Barzilai ang paanyaya at ang napakagandang pribilehiyo. Ngunit bakit?

Ang isang dahilan marahil sa pasiya ni Barzilai ay ang kaniyang katandaan at ang mga limitasyong kaakibat nito. Maaaring nararamdaman niya na hindi na magtatagal ang kaniyang buhay. (Awit 90:10) Ginawa na niya ang lahat upang suportahan si David, pero alam din niya na dahil sa kaniyang edad, may mga bagay na hindi na niya kayang gawin. Bagaman alam ni Barzilai na maaari siyang maging prominente dahil sa alok ni David, makatuwiran pa rin niyang isinaalang-alang ang kaniyang mga kakayahan. Di-tulad ng pangahas na si Absalom, nagpakita ng kahinhinan si Barzilai.​—Kawikaan 11:2.

Maaaring tinanggihan din ni Barzilai ang alok ni David dahil ayaw niyang makasagabal pa sa mga gawain ng haring hinirang ng Diyos. Nagtanong siya: “Bakit pa magiging pasanin sa panginoon kong hari ang iyong lingkod?” (2 Samuel 19:35) Bagaman sumusuporta pa rin siya kay David, malamang na naniniwala si Barzilai na mas mahusay na magagampanan ng isang nakababatang lalaki ang mga atas. Marahil tinutukoy ni Barzilai ang kaniyang anak na lalaki nang sabihin niya: “Narito ang iyong lingkod na si Kimham. Hayaan siyang tumawid na kasama ng panginoon kong hari; at gawin mo sa kaniya kung ano ang mabuti sa iyong paningin.” Sa halip na magdamdam, tinanggap ni David ang mungkahing ito. Sa katunayan, bago tumawid sa Jordan, ‘hinalikan ni David si Barzilai at pinagpala ito.’​—2 Samuel 19:37-39.

Kailangang Maging Makatuwiran

Ang ulat tungkol kay Barzilai ay nagdiriin na kailangan nating maging makatuwiran. Sa isang panig, hindi natin dapat tanggihan o iwasan ang isang pribilehiyo ng paglilingkod dahil ayaw natin ng pananagutan o iniisip nating hindi natin kayang gampanan ang isang responsibilidad. Kayang punan ng Diyos ang ating mga kakulangan kung aasa tayo sa kaniya para sa lakas at karunungan.​—Filipos 4:13; Santiago 4:17; 1 Pedro 4:11.

Sa kabilang panig, dapat nating tanggapin ang ating mga limitasyon. Halimbawa, marahil ay labis nang abala ang isang Kristiyano sa espirituwal na mga gawain. Napag-isip-isip niya na kung tatanggap pa siya ng karagdagang mga atas, baka mapabayaan na niya ang maka-Kasulatang mga pananagutan gaya ng paglalaan para sa kaniyang pamilya. Sa gayong kalagayan, hindi ba pagpapakita ng kahinhinan at pagiging makatuwiran sa kaniyang bahagi kung tatanggihan niya ang karagdagang mga atas sa kasalukuyan?​—Filipos 4:5; 1 Timoteo 5:8.

Naglalaan si Barzilai ng isang mainam na halimbawa, at dapat natin itong bulay-bulayin. Siya ay matapat, matapang, bukas-palad, at mahinhin. Higit sa lahat, determinado si Barzilai na unahin ang mga kapakanan ng Diyos sa halip na ang sa kaniya.​—Mateo 6:33.

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Malayo ang nilakbay ng 80-anyos na si Barzilai upang tulungan si David

GILEAD

Rogelim

Sucot

Mahanaim

Ilog Jordan

Gilgal

Jerico

Jerusalem

EFRAIM

[Larawan sa pahina 13]

Bakit tinanggihan ni Barzilai ang alok ni David?