Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tapat na Saksi sa Kalangitan”

“Tapat na Saksi sa Kalangitan”

“Tapat na Saksi sa Kalangitan”

NOON pa ma’y pinupuri na ng mga makata at mga manunulat ng awitin ang buwan dahil sa angking kagandahan nito. Halimbawa, sa isang awit na kinasihan ng Diyos, may binabanggit na isang babae na “magandang gaya ng kabilugan ng buwan.” (Awit ni Solomon 6:10) At sa isang magandang awit, tinukoy ng isang salmista ang buwan bilang “tapat na saksi sa kalangitan.” (Awit 89:37) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito tungkol sa buwan?

Laging naiikot ng buwan ang lupa sa loob ng 27.3 araw. Kaya ang pagiging tapat ng buwan ay maaaring tumukoy sa pagiging maaasahan nito. Gayunman, maaaring may mas malalim pang kahulugan ang sinabi ng salmista. Tinawag niya ang buwan na isang “tapat na saksi” sa isang makahulang awit tungkol sa Kaharian na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin nila.​—Mateo 6:9, 10.

Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, nakipagtipan ang Diyos na Jehova kay Haring David ng sinaunang Israel ukol sa isang Kaharian. (2 Samuel 7:12-16) Layunin ng tipang ito na maglaan ng legal na saligan para kay Jesu-Kristo, bilang tagapagmana ni David, upang magmay-ari sa trono magpakailanman. (Isaias 9:7; Lucas 1:32, 33) Hinggil sa trono ng “binhi” ni David, umawit ang salmista: “Gaya ng buwan ay matibay na matatatag iyon hanggang sa panahong walang takda, at bilang tapat na saksi sa kalangitan.”​—Awit 89:36, 37.

Ang ‘tanglaw na nagpupuno sa gabi’​—ang buwan—​ay angkop na paalaala sa pagiging permanente ng pamamahala ni Kristo. (Genesis 1:16) Ganito ang sinasabi ng Daniel 7:14 hinggil sa kaniyang Kaharian: “Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” Ang buwan ay isang saksi na nagpapaalaala sa atin sa Kahariang iyan at sa mga pagpapalang idudulot nito sa sangkatauhan.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

Buwan: NASA photo