Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dinaig ng Pananampalataya ng Isang Ina ang Trahedya

Dinaig ng Pananampalataya ng Isang Ina ang Trahedya

Dinaig ng Pananampalataya ng Isang Ina ang Trahedya

“Kung binabasa ninyo ang sulat na ito, ibig sabihin ay hindi naging matagumpay ang operasyon at hindi na ninyo ako kapiling.”

ITO ang mga salita sa simula ng liham ni Carmen, isang Kristiyanong ina, sa kaniyang tatlong anak na babae, edad 25, 19, at 16. Hindi nga naging matagumpay ang operasyon, at nakalulungkot, namatay si Carmen.

Napakasakit iwan ang tatlong anak sa gayong nakapanlulumong kalagayan. Pero dahil sa matibay na pananampalataya ng inang ito kay Jehova at sa Kaniyang mga pangako, nadaig niya ang trahedyang ito at nagkaroon siya ng kapayapaan ng kalooban na kitang-kita sa kaniyang madamdaming liham. Pansinin ang sinabi niya sa kaniyang mga anak.

“Una sa lahat, gusto kong sabihin sa inyo na mahal na mahal ko kayo. . . . Wala na akong mahihiling pa sapagkat napakabait ninyong mga anak, at ipinagmamalaki ko kayo.

“Gusto ko sanang makatawid nang buháy sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos kasama ninyo . . . , pero yamang hindi na ito mangyayari, hiniling ko sa kaniya na tulungan kayong manatiling tapat. Marami na tayong pinagdaanang mga pagsubok, at hindi tayo kailanman pinabayaan ni Jehova. . . . Kaya lagi kayong magtiwala sa patnubay na inilalaan niya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, at patuloy ninyong suportahan ang kongregasyon at ang mga elder. Palagi kayong mangaral hangga’t kaya ninyo, at ibigin ninyo ang lahat ng kapatid.

“Pansamantala lamang tayong magkakahiwalay. . . . Patawarin sana ninyo ako sa lahat ng nagawa kong pagkakamali at sa lahat ng pagkakataong hindi ko kayo naintindihan o hindi ko nasabi kung gaano ko kayo kamahal. . . . Alam kong bawat isa sa inyo ay may kani-kaniyang pangangailangan. Mas alam ni Jehova ang mga iyon kaysa sa inyo, at ilalaan niya ang lahat ng pangangailangan ninyo at gagantimpalaan niya kayo sa lahat ng inyong pagbabata.

“Huwag na huwag ninyong kaliligtaan ang inyong tunguhin​—ang buhay sa bagong sanlibutan—​at patuloy ninyong pagsikapang abutin ito. Pagpalain at patibayin nawa kayo ni Jehova upang maging tapat kayo hanggang sa wakas. . . . Huwag kayong malungkot, mga anak ko. Mahal ko kayo!”

Puwede tayong makaranas ng trahedya anumang oras. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat,” ang isinulat ng sinaunang hari na si Solomon. (Eclesiastes 9:11) Ngunit ang mga taong may matibay na pananampalataya sa Diyos ay makaaasa tulad ni apostol Pablo, na nagsabi: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay . . . kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”​—Roma 8:38, 39; Hebreo 6:10.