Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikita Ka ba ng Diyos?

Nakikita Ka ba ng Diyos?

Nakikita Ka ba ng Diyos?

NAKAKAKITA ba si Jehova, ang Dalubhasang Maylalang? Siyempre! Makatuwiran ang sinasabi ng Bibliya: “Ang Isa na nag-aanyo ng mata, hindi ba siya makakakita?” (Awit 94:9) Di-hamak na nakahihigit ang paningin ni Jehova kaysa sa paningin ng tao. Bukod sa nakikita niya ang ating panlabas na anyo, siya rin ay “tagasuri ng mga puso,” at kaya niyang ‘sukatin ang mga puso.’ (Kawikaan 17:3; 21:2) Oo, kaya niyang suriin ang ating iniisip, motibo, at masidhing pagnanasa.

Alam ni Jehova ang mga problema natin sa buhay, at dinirinig niya ang ating mga pagdaing. Sumulat ang salmista: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong. Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:15, 18) Nakakagaan nga ng loob na malamang nauunawaan ni Jehova ang ating kalagayan at pinakikinggan niya ang ating taos-pusong pagsusumamo!

Alam ng Diyos na Jehova maging ang mga bagay na ginagawa nang palihim. Oo, “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kaya mabuti man o masama ang ating ginagawa, nakikita itong lahat ng Diyos. (Kawikaan 15:3) Halimbawa, sinasabi sa Genesis 6:8, 9 na “si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova” at siya ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Oo, nalugod si Jehova kay Noe at pinagpala siya dahil naging masunurin siya at namuhay ayon sa matuwid na mga simulain ng Diyos. (Genesis 6:22) Sa kabaligtaran, ang mga tao noong panahon ni Noe ay mararahas at masasama. Hindi naging bulag ang Diyos sa kalagayan noon. “Nakita [niya] na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Nang maglaon, nilipol ni Jehova ang masasama ngunit iningatan niyang buhay si Noe at ang kaniyang pamilya.​—Genesis 6:5; 7:23.

Malulugod kaya si Jehova sa nakikita niya sa iyo? Oo, ang mga mata ni Jehova “ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Di-magtatagal at muli niyang aalisin sa lupa ang lahat ng masasama at ililigtas ang mga taong may maamong puso.​—Awit 37:10, 11.