Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ka Magkakaroon ng Tunay na Espirituwalidad?

Paano Ka Magkakaroon ng Tunay na Espirituwalidad?

Paano Ka Magkakaroon ng Tunay na Espirituwalidad?

“ANG pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 8:6) Sa mga salitang iyan, idiniin ng apostol na ang pagiging espirituwal na tao ay hindi lamang nakadepende sa personal na pagpapasiya o kagustuhan. Ang totoo, nangangahulugan ito ng buhay at kamatayan. Pero paano magkakaroon ng “buhay at kapayapaan” ang isang taong espirituwal? Ayon sa Bibliya, ang gayong tao ay may kapayapaan ngayon​—sa kaniyang sarili at sa kaniyang kaugnayan sa Diyos—​at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan sa hinaharap. (Roma 6:23; Filipos 4:7) Hindi nakapagtatakang sabihin ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan”!​—Mateo 5:3.

Ang pagbabasa mo ng magasing ito ay patunay na interesado ka sa espirituwalidad​—at tama ang ginagawa mo. Gayunman, magkakaiba ang pananaw sa paksang ito, kaya baka itanong mo: ‘Ano ang tunay na espirituwalidad? At paano magkakaroon nito ang isang tao?’

“Ang Pag-iisip ni Kristo”

Bukod sa kahalagahan at kapakinabangan ng pagiging palaisip sa espirituwal, marami pang binabanggit si apostol Pablo hinggil sa tunay na espirituwalidad. Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Kristiyano sa sinaunang lunsod ng Corinto ang pagkakaiba ng taong pisikal, na ang sinusunod ay pagnanasa ng laman, at ng taong espirituwal, na ang pinahahalagahan ay espirituwal na mga bagay. Sumulat si Pablo: “Ang isang taong pisikal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya.” Sa kabilang dako, ipinaliwanag ni Pablo na ang taong espirituwal ay nagtataglay ng “pag-iisip ni Kristo.”​—1 Corinto 2:14-16.

Ang pagtataglay ng “pag-iisip ni Kristo” ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” (Roma 15:5; Filipos 2:5) Sa ibang salita, ang pag-iisip ng taong espirituwal ay gaya ng pag-iisip ni Jesus at sumusunod siya sa Kaniyang yapak. (1 Pedro 2:21; 4:1) Miyentras natutularan ng isa ang pag-iisip ni Kristo, lalong titibay ang kaniyang espirituwalidad at mas malaki ang pagkakataon niyang magkaroon ng “buhay at kapayapaan.”​—Roma 13:14.

Kung Paano Malalaman “ang Pag-iisip ni Kristo”

Para taglayin ng isa ang pag-iisip ni Kristo, kailangan muna niyang malaman ang pag-iisip na iyon. Kaya ang unang hakbang upang magkaroon ng espirituwalidad ay alamin kung paano mag-isip si Jesus. Subalit paano mo malalaman ang takbo ng isip ng isa na nabuhay 2,000 taon na ang nakalilipas? Buweno, paano mo ba nakilala ang bantog na mga tao sa kasaysayan ng inyong bansa? Malamang na sa pamamagitan ng pagbabasa tungkol sa kanila. Sa gayunding paraan, para malaman ang pag-iisip ni Kristo, mahalagang basahin ang nasusulat na kasaysayan ni Jesus.​—Juan 17:3.

May apat na malinaw at detalyadong ulat ng kasaysayan tungkol sa buhay ni Jesus​—ang mga Ebanghelyo na isinulat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Kung babasahin mong mabuti ang mga ulat na ito, malalaman mo ang paraan ng pag-iisip ni Jesus, ang niloloob niya, at ang kaniyang mga motibo. Kapag binulay-bulay mo ang mga nababasa mo tungkol kay Jesus, mabubuo sa iyong isip kung ano ang pagkatao niya. Kahit na sa tingin mo ay tagasunod ka na ni Kristo, makatutulong pa rin sa iyo ang pagbabasa at pagbubulay-bulay tungkol dito upang “patuloy [kang] lumago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”​—2 Pedro 3:18.

Habang isinasaisip iyan, suriin natin ang ilang talata ng mga Ebanghelyo para makita kung paano naging taong espirituwal si Jesus. Pagkatapos ay pag-isipan kung paano mo matutularan ang parisang iniwan niya.​—Juan 13:15.

Espirituwalidad at ang “mga Bunga ng Espiritu”

Sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na noong bautismuhan si Jesus, ibinuhos sa kaniya ang banal na espiritu ng Diyos at si Jesus ay “puspos ng banal na espiritu.” (Lucas 3:21, 22; 4:1) Kaya naman idiniin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na mahalagang magpaakay sa banal na espiritu, o “aktibong puwersa,” ng Diyos. (Genesis 1:2; Lucas 11:9-13) Bakit napakahalaga nito? Sapagkat kayang baguhin ng banal na espiritu ng Diyos ang pag-iisip ng isang tao upang maiayon ito sa pag-iisip ni Kristo. (Roma 12:1, 2) Tinutulungan ng banal na espiritu ang isang tao na malinang ang mga katangiang gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” Ang mga katangiang ito​—na tinatawag ng Bibliya na “mga bunga ng espiritu”—​ay tanda ng tunay na mga taong espirituwal. (Galacia 5:22, 23) Sa ibang salita, ang taong palaisip sa espirituwal ay isa na nagpapaakay sa espiritu ng Diyos.

Makikita kay Jesus ang mga bunga ng espiritu sa buong panahon ng kaniyang ministeryo. Ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, kabaitan, at kabutihan ay lalo nang makikita sa paraan ng pakikitungo niya sa mga taong itinuturing na may mababang katayuan sa lipunan. (Mateo 9:36) Kuning halimbawa ang pangyayaring inilarawan ni apostol Juan. Mababasa natin: “Habang dumaraan [si Jesus] ay nakita niya ang isang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito.” Napansin din ng mga alagad ni Jesus ang lalaking iyon, subalit para sa kanila, isa siyang makasalanan. “Sino ang nagkasala,” ang tanong nila, “ang taong ito o ang kaniyang mga magulang?” Ang lalaking ito ay nakikita rin ng kaniyang mga kapitbahay, pero isa lamang siyang pulubi sa paningin nila. “Ito ang lalaking dating umuupo at namamalimos, hindi ba?” ang sabi nila. Subalit para kay Jesus, ang bulag na iyon ay isang taong nangangailangan ng tulong. Kinausap niya ang bulag at pinagaling ito.​—Juan 9:1-8.

Ano ang matututuhan mo sa pangyayaring ito hinggil sa pag-iisip ni Kristo? Una, hindi binale-wala ni Jesus ang mga dukha kundi pinakitunguhan niya sila nang may magiliw na pagkamahabagin. Ikalawa, nagkusa siyang tulungan ang iba. Natutularan mo ba ang parisang ito na iniwan ni Jesus? Ang tingin mo ba sa mga tao ay gaya ng tingin ni Jesus sa kanila, anupat tinutulungan sila na bumuti ang kanilang buhay at magkaroon ng magandang kinabukasan? O baka mas maganda ang pakikitungo mo sa mga prominente kaysa sa ordinaryong mga tao? Kung ang pakikitungo mo sa mga tao ay gaya ng pakikitungo ni Jesus, talaga ngang tinutularan mo siya.​—Awit 72:12-14.

Espirituwalidad at Panalangin

Ipinakikita ng mga ulat ng Ebanghelyo na madalas manalangin sa Diyos si Jesus. (Marcos 1:35; Lucas 5:16; 22:41) Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, sadya siyang naglalaan ng panahon para manalangin. Sumulat ang alagad na si Mateo: “Nang mapayaon ang mga pulutong, umahon [si Jesus] sa bundok nang bukod upang manalangin.” (Mateo 14:23) Napalakas si Jesus ng gayong pribadong pakikipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama. (Mateo 26:36-44) Sa ngayon, ang mga taong palaisip sa espirituwal ay naglalaan din ng panahon upang makipag-usap sa Diyos, yamang alam nila na mapatitibay nito ang kanilang kaugnayan sa kanilang Maylalang at matutulungan sila nito na lalo pang matularan ang pag-iisip ni Kristo.

Madalas na maraming oras ang ginugugol ni Jesus sa pananalangin. (Juan 17:1-26) Halimbawa, bago siya pumili ng 12 lalaki para maging apostol, “umalis [si Jesus] patungo sa bundok upang manalangin, at nagpatuloy siya sa pananalangin sa Diyos nang buong gabi.” (Lucas 6:12) Bagaman hindi naman kailangang manalangin nang buong gabi, tinutularan ng mga taong palaisip sa espirituwal ang halimbawa ni Jesus. Bago gumawa ng mabibigat na pasiya, gumugugol din sila ng maraming panahon sa pananalangin sa Diyos at humihiling ng gabay ng banal na espiritu upang ang kanilang pasiya ay makapagpatibay ng kanilang espirituwalidad.

Nagpakita rin si Jesus ng kataimtiman sa pananalangin at dapat natin itong tularan. Pansinin ang ulat ni Lucas kung paano nanalangin si Jesus noong gabi bago siya mamatay. “Nang mapasamatinding paghihirap ay nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Dati nang marubdob manalangin si Jesus, pero sa pagkakataong ito na napapaharap siya sa pinakamatinding pagsubok sa kaniyang buhay dito sa lupa, nanalangin siya nang “lalong marubdob”​at sinagot ang kaniyang panalangin. (Hebreo 5:7) Tinutularan ng mga taong espirituwal ang halimbawa ni Jesus. Kapag napapaharap sila sa mga pagsubok na sadyang napakatindi, nananalangin sila sa Diyos nang “lalong marubdob” para humiling ng banal na espiritu, patnubay, at tulong.

Yamang alam ng mga alagad na madalas manalangin si Jesus, hindi nakapagtatakang nais nila siyang tularan. Kaya hiniling nila sa kaniya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Gayundin naman sa ngayon, ang mga taong nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay at gustong magpaakay sa banal na espiritu ng Diyos ay tumutulad sa halimbawa ni Jesus sa pananalangin sa Diyos. Ang tunay na espirituwalidad at panalangin ay hindi maaaring paghiwalayin.

Espirituwalidad at ang Pangangaral ng Mabuting Balita

Mababasa natin sa Ebanghelyo ni Marcos ang ulat hinggil sa pagpapagaling ni Jesus ng maraming may karamdaman, na umabot hanggang sa kalaliman ng gabi. At maaga kinaumagahan, nang nananalangin siyang mag-isa, dumating ang kaniyang mga apostol at sinabing hinahanap siya ng maraming tao na marahil ay gustong mapagaling sa kanilang mga sakit. Gayunman, sinabi ni Jesus sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang dako, sa kalapit na maliliit na bayan, upang makapangaral din ako roon.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus kung bakit: “Sa layuning ito ako lumabas.” (Marcos 1:32-38; Lucas 4:43) Bagaman mahalaga kay Jesus na pagalingin ang mga tao, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang pangunahing atas ni Jesus.​—Marcos 1:14, 15.

Sa ngayon, ang pangangaral pa rin tungkol sa Kaharian ng Diyos ang pagkakakilanlang tanda ng mga nagtataglay ng pag-iisip ni Kristo. Ganito ang utos ni Jesus sa lahat ng nagnanais na maging tagasunod niya: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Bukod diyan, inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Yamang ipinakikita ng Salita ng Diyos na naisasagawa ang gawaing pangangaral dahil sa kapangyarihan ng banal na espiritu, ang pagiging masigasig sa gawaing iyan ay tanda ng tunay na espirituwalidad.​—Gawa 1:8.

Kailangan ang nagkakaisang pagsisikap ng milyun-milyong tao upang maipangaral ang mensahe ng Kaharian sa buong daigdig. (Juan 17:20, 21) Ang mga nakikibahagi sa gawaing ito sa buong daigdig ay hindi lamang palaisip sa espirituwal kundi organisado rin naman. Alam mo ba kung sino ang sumusunod sa yapak ni Kristo at nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig?

Naabot Mo ba ang mga Kahilingan?

Siyempre may iba pang mga katangian ang isang tunay na taong espirituwal, pero naabot mo ba ang mga kahilingang natalakay na? Para malaman, tanungin ang sarili: ‘Regular ko bang binabasa ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at binubulay-bulay ang mga nababasa ko? Makikita ba sa akin ang mga bunga ng espiritu? Lagi ba akong nananalangin? Gusto ko bang makisama sa mga taong nagsasagawa ng pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos?’

Makatutulong sa iyo ang tapatang pagsusuri sa sarili para malaman kung gaano kalalim ang iyong espirituwalidad. Hinihimok ka namin na kumilos ngayon upang magkaroon ka ng “buhay at kapayapaan.”​—Roma 8:6; Mateo 7:13, 14; 2 Pedro 1:5-11.

[Kahon/​Mga larawan sa pahina 7]

TANDA NG ESPIRITUWALIDAD

◆ May pag-ibig sa Salita ng Diyos

◆ Naglilinang ng mga bunga ng espiritu

◆ Regular at taimtim na nananalangin sa Diyos

◆ Nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian

[Larawan sa pahina 5]

Tinutulungan ka ng Bibliya na malaman “ang pag-iisip ni Kristo”