Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglilingkod kay Jehova—Walang Katumbas na Karangalan at Pribilehiyo

Paglilingkod kay Jehova—Walang Katumbas na Karangalan at Pribilehiyo

Paglilingkod kay Jehova​—Walang Katumbas na Karangalan at Pribilehiyo

Ayon sa salaysay ni Zerah Stigers

Ang aking asawa, na kapareha ko sa buong-panahong ministeryo, ay namatay noong 1938. Kasama kong naulila ang aming dalawang anak na lalaki​—sanggol pa noon ang bunso at sampung taon naman ang panganay. Bagaman gustung-gusto kong bumalik sa buong-panahong ministeryo, paano ko iyon magagawa? Hayaan mong ikuwento ko muna sa iyo ang buhay ko noon bago ko ipaliwanag kung paano.

IPINANGANAK ako noong Hulyo 27, 1907, sa Alabama, E.U.A. Pagkatapos, lumipat sa Georgia ang aming pamilya​—ang aking mga magulang, ako, at ang tatlo ko pang nakababatang mga kapatid. Di-nagtagal, lumipat na naman kami, una sa Tennessee at pagkatapos ay malapit sa Tampa, Florida. Samantalang naroroon, noong 1916, napanood ko ang “Photo-Drama of Creation,” isang palabas na nilapatan ng tunog. Nagsisimula pa lamang noon ang industriya ng pelikula, at gustung-gusto ng lahat ang “Photo-Drama”!

Masugid na mga mambabasa ng Ang Bantayan at ng iba pang mga publikasyon ng Bibliya ang aking mga magulang. Bagaman nasisiyahang magbasa si Itay ng mga literatura, hindi siya aktibong nakikisama noon sa mga Estudyante ng Bibliya, ang dating tawag sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, isinasama kami ni Inay sa mga pulong. Sa katunayan, kalilipat pa lamang namin noon sa Niles, Michigan, regular na kaming bumibiyahe nang mahigit 16 na kilometro sakay ng tren papuntang South Bend, Indiana, para dumalo sa mga pulong.

Nang maglaon, nag-alay ako kay Jehova at nagpabautismo noong Hulyo 22, 1924. Di-nagtagal, isinaayos ni Inay ang kaniyang mga gawain para maging colporteur, ang tawag noon sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang mainam na halimbawa at ng iba pang mga colporteur, naikintal sa akin ang pagnanais na pasukin ang gawaing iyon.

Nakahanap ng Kapareha

Noong 1925, dumalo ako sa isang malaking kombensiyon sa Indianapolis, Indiana, at nakilala ko si James Stigers na taga-Chicago. Agad kong napansin na isang masigasig na lingkod ni Jehova si James. Mga 160 kilometro ang layo ng tinitirhan ko mula sa Chicago, kaya madalang kaming magkita. Iisa pa lamang ang kongregasyon noon sa malaking lunsod na iyon, at idinaraos ang mga pulong sa isang inuupahang silid na nasa ikalawang palapag. Madalas akong sulatan ni James para patibayin sa espirituwal. Nagpakasal kami noong Disyembre 1926, at mga isang taon lamang ay isinilang ko ang aming panganay na si Eddie.

Di-nagtagal, nagpayunir kami ni James. Naglingkod kami sa walong estado​—Michigan, Louisiana, Mississippi, South Dakota, Iowa, Nebraska, California, at Illinois—​at ito ang pinakamaliligayang taon ng aming buhay. Subalit nagwakas ito nang magkasakit si James.

Dahil sa pagkakasakit ni James, nagipit kami sa pera kaya kinailangan naming bumalik sa Chicago noong 1936 at nakipisan sa aking biyenang babae, na isa ring Saksi. Nang lumubha ang kalagayan ni James, namasukan ako sa isang kapitirya habang nagdadalang-tao sa ikalawa naming anak, at sumusuweldo ako nang $1 bawat araw. Tinitiyak ng mahal kong biyenan na sagana kami sa pagkain, at hindi siya nagpabayad ni isang kusing. Napakabait niyang biyenan.

Halos dalawang taóng nagkasakit si James ng ensepalitis, o pamamaga ng utak. At noong Hulyo 1938, namatay siya. Noong may sakit siya, hindi niya kayang magmaneho o makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay, pero sinasamantala niya ang lahat ng pagkakataon para makapagpatotoo sa iba. Upang makatulong sa gastusin ng aming pamilya, huminto ako sa buong-panahong ministeryo. Nagkaroon ako ng iba’t ibang trabaho pero lahat ay sa maiikling panahon lamang.

Ipinanganak si Bobby noong Hulyo 30, 1938, walong araw lamang pagkamatay ng kaniyang ama. Hindi pumayag ang biyenan ko na sa ospital ng gobyerno lamang ako manganak. Kaya gumawa siya ng paraan para sa mas magandang ospital ako manganak at doktor niya mismo ang nag-asikaso sa akin. Bukod diyan, siya ang sumagot sa lahat ng bayarin. Laking pasasalamat ko sa pag-ibig Kristiyanong ipinakita niya sa amin.

Nakabalik sa Buong-Panahong Ministeryo

Bumukod kami sa aking biyenan nang mahigit 2 taon na si Bobby at 12 anyos naman si Eddie. Bagaman may mga pagbabago sa kalagayan ko, gustung-gusto ko pa ring maglingkod kay Jehova nang buong panahon. Noong 1940, sa isang kombensiyon sa Detroit, Michigan, may nakilala akong mag-asawang payunir na humimok sa akin na magpayunir sa South Carolina. Kaya bumili ako ng Pontiac na modelong 1935 sa halagang $150 at naghandang lumipat doon. Noong 1941, ang taon nang sumabak sa Digmaang Pandaigdig II ang Estados Unidos, nagbiyahe kaming mag-iina patimog, at muli akong pumasok sa buong-panahong ministeryo.

Pagdating namin sa South Carolina, pumunta muna kami sa Camden, sumunod sa Little River, at pagkatapos ay sa Conway. Doon ako nagkaroon ng maliit na treyler. Pumayag ang mabait na may-ari ng gasolinahan na iparada ko ang aming treyler malapit sa kaniyang istasyon. Pinahintulutan niya rin kaming makikonekta sa kanilang gas, makikabit sa kanilang kuryente, at makigamit pa nga ng palikuran ng istasyon. Noong Digmaang Pandaigdig II, inirarasyon ang gasolina, at hindi ako makakuha kahit kaunti. Kaya bumili ako ng segunda-manong bisikleta. Pagkatapos, noong 1943, nang parang imposible nang makapagpatuloy ako sa pagpapayunir dahil wala na kaming pera, inanyayahan akong maglingkod bilang special pioneer; sa gayon ay nakatulong sa aming mga gastusin ang buwanang reimbursement na natatanggap ko. Sa paglipas ng mga taon, talagang tinulungan ako ni Jehova!

Wala pang ibang Saksi noon sa Conway, at mahirap para sa aming mag-iina na maglingkod nang kami-kami lamang. Kaya sumulat ako at humiling ng isang kaparehang special pioneer, at noong 1944, binigyan ako ng napakahusay na kapareha​—si Edith Walker! Labing-anim na taon kaming naglingkod nang magkasama sa iba’t ibang atas. Pero nakalulungkot, kinailangan niyang bumalik sa Ohio dahil sa problema sa kalusugan.

Di-malilimutang mga Pagpapala

Sa maraming masasayang alaala ko nang mga taóng iyon, hinding-hindi ko malilimutan ang 13-anyos na si Albertha, na nakatira sa Conway at nag-aalaga sa kaniyang lola na lumpo pati na sa dalawa niyang nakababatang kapatid. Gustung-gusto niya ang katotohanan sa Bibliya na itinuturo ko sa kaniya at nais niya itong ibahagi sa iba. Pinahalagahan din niya ang pagpapayunir kaya nagpayunir siya nang makatapos siya ng haiskul noong 1950. Mahigit nang 57 taon ang nakalilipas, patuloy pa rin siya sa buong-panahong ministeryo!

Noong 1951, naatasan kami ni Edith na maglingkod pansamantala sa Rock Hill, South Carolina, kung saan iilan pa lamang ang mga Saksi. Pagkatapos, naglingkod kami sa Elberton, Georgia. Makalipas ang tatlong taon, bumalik kami sa South Carolina, kung saan nanatili ako mula 1954 hanggang 1962. Nakilala ko sa Walhalla ang may-edad nang si Ate Nettie. May diperensiya siya sa pandinig, at mag-isa lamang siyang nakatira sa kaniyang bahay sa may bukid. Para makapag-aral kami ng Bibliya, babasahin niya ang parapo sa publikasyon, ituturo ko ang tanong para sa parapong iyon na nasa ilalim ng pahina, at ituturo naman niya ang sagot sa parapo.

Kapag mayroon siyang hindi maunawaan, isusulat niya ang kaniyang tanong sa kapirasong papel, at isusulat ko naman doon ang sagot. Nang maglaon, lumago ang pagpapahalaga ni Ate Nettie sa katotohanan sa Bibliya at nagsimula siyang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon at makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Kaya niyang mangaral mag-isa pero hindi ako gaanong lumalayo sa kaniya. Kadalasang nasa kabilang kalye lamang ako para kung sakaling kailangan niya ng tulong, madali ko siyang maaalalayan.

Noong nasa Walhalla ako, bigla na lamang tumirik ang luma kong sasakyan. May nagbebenta ng sasakyan sa halagang $100, pero wala akong pera. Tinawagan ko ang isang negosyanteng Saksi, at pinahiram niya ako ng $100. Di-nagtagal pagkatapos nito, hindi ko inaasahang makatanggap ng liham mula sa kapatid kong babae na nagsasabing natuklasan nilang pagkamatay ni Itay, may naiwan pala siyang pera sa bangko. Pinag-usapan nila kung ano ang gagawin sa pera, at napagkasunduan nilang ipadala ito sa akin. Ang halaga​—$100!

Pagpapayunir Naming Mag-iina

Bata pa sina Eddie at Bobby, kasa-kasama ko na sila sa pangangaral sa bahay-bahay. Hindi pa problema noon ang droga, at hindi pa gaanong matindi ang impluwensiya ng imoralidad. Dahil pinasimple namin ang aming buhay at nagtuon kami ng pansin sa pangangaral, naiwasan ko ang karamihan sa pinoproblema ng mga magulang ngayon sa pagpapalaki sa kanilang mga anak na maging lingkod ni Jehova.

Nag-aral si Eddie sa Camden hanggang sa ikawalong grado, at pagkatapos ay gusto na niyang magpayunir kasama ko. Masaya kaming nagpayunir nang ilang taon. Pagkatapos, naging tunguhin niyang maglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, kung saan siya naglingkod mula 1947 hanggang 1957. Noong 1958, pinakasalan niya si Albertha, ang dati kong estudyante sa Bibliya, at magkasama silang nagpayunir. Laking tuwa namin nang maging magkakaklase kaming tatlo sa Pioneer Service School noong 2004!

Naaalaala ko noong maliit pa si Bobby, narinig ko siyang nananalangin kay Jehova na sana ay tulungan akong makakuha ng sapat na gasolina para magamit ko ang sasakyan papunta sa mga regular na inaaralan ko ng Bibliya. Noon pa man ay mahal na ni Bobby ang ministeryo, at ilang taon siyang nagpayunir. Nakalulungkot, dumanas din ng trahedya ang pamilya ni Bobby. Noong 1970, isang taon at sampung buwan pa lamang silang kasal ng kaniyang asawa nang mamatay ito sa panganganak pati na ang kambal sana nilang anak. Hindi kami naglalayo ng tirahan ni Bobby, at napakalapít naming mag-ina sa isa’t isa.

Payunir Pa Rin!

Noong 1962, inatasan akong maglingkod sa isang kongregasyon sa Lumberton, North Carolina, at narito pa rin ako makalipas ang 45 taon. Hanggang noong mga 84 anyos ako, nagagawa ko pang magmaneho. Pero ngayon, isang pamilyang Saksi na malapit sa bahay ko ang sumusundo sa akin papunta sa mga pulong ng kongregasyon at sa larangan.

May walker ako at silyang-de-gulong, pero hindi ko ginagamit ang mga iyon dahil kaya ko namang maglakad mag-isa. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa aking magandang kalusugan, pero medyo nanlalabo na nitong bandang huli ang mga mata ko. Hindi ako pumapalya sa mga pulong ng kongregasyon maliban na lamang kung grabe ang sakit ko, at naglilingkod pa rin ako bilang infirm regular pioneer.

Sa loob ng mahigit 70 taon ng masayang paglilingkod bilang payunir, talagang masasabi ko na tinulungan ako ni Jehova sa buong buhay ko. * Alam kong hindi naman ako napakatalino o napakaliksi, pero alam ni Jehova kung ano ang kaya ko at hindi ko kayang gawin. Laking pasasalamat ko na alam niyang nagsisikap ako at na ginagamit niya ako sa ministeryo.

Para sa akin, napakahalagang paglingkuran si Jehova sa abot ng ating makakaya dahil utang natin sa kaniya ang lahat ng bagay. Hangga’t kaya ko, wala na akong ibang pipiliing gawin kundi ang magpayunir. Napakagandang pribilehiyo nito! Dalangin ko na makapaglingkod ako kay Jehova magpakailanman.

[Talababa]

^ par. 30 Natapos ni Sister Stigers ang kaniyang makalupang landasin noong Abril 20, 2007, tatlong buwan na lamang bago siya mag-100 taóng gulang. Napatibay tayo ng kaniyang maraming taon ng tapat na paglilingkod at nagagalak tayo na natanggap na niya ang kaniyang gantimpala sa langit.

[Larawan sa pahina 13]

Ito ang sasakyan naming mag-asawa noong “colporteur” kami

[Larawan sa pahina 14]

Kasama ang aking mga anak noong 1941

[Larawan sa pahina 15]

Kasama sina Eddie at Bobby nitong kamakailan