Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsulat—Ang Kahalagahan Nito sa Sinaunang Israel

Pagsulat—Ang Kahalagahan Nito sa Sinaunang Israel

Pagsulat​—Ang Kahalagahan Nito sa Sinaunang Israel

NABASA mo na ba ang Iliad o ang Odyssey, mga patulang salaysay ng sinaunang Gresya? Sinasabing ito’y kinatha noong ikasiyam o ikawalong siglo B.C.E. Ano ang kaibahan ng mga akdang ito kung ihahambing sa Bibliya, na maraming siglo nang naisulat bago pa ang mga ito? Ganito ang sinabi ng tomong The Jewish Bible and the Christian Bible: “Ang Bibliya ay may di-kukulangin sa 429 na pagtukoy hinggil sa pagsulat at nasusulat na mga dokumento. Napakalaki ng kaibahan nito sa Iliad na minsan lamang tumukoy sa pagsulat at sa Odyssey na walang tinukoy kahit isa man lamang.”

Ipinaliliwanag ng The Oxford Encyclopedia of Archaeology in the Near East na “ang pagsulat ay lumilitaw na isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa sinaunang Israel.” Halimbawa, isinulat ang tipang Kautusan at nang maglaon ay regular na binasa sa harap ng mga lalaki, babae, at mga bata. Binasa rin ito at pinag-aralan nang magkakasama o nang sarilinan. Matapos isaalang-alang ang ilang katangian ng Kautusan, ganito ang sinabi ni Alan Millard, batikang lektyurer sa University of Liverpool: “Maliwanag na bahagi na ng buhay [ng mga Israelita] ang pagbasa at pagsulat anuman ang kalagayan nila sa lipunan.”​—Deuteronomio 31:9-13; Josue 1:8; Nehemias 8:13-15; Awit 1:2.

Ipinaliwanag ni apostol Pablo kung ano ang dapat maging saloobin ng mga Kristiyano sa banal na mga akda: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Regular mo bang binabasa ang Bibliya bilang pagpapahalaga rito?​—Roma 15:4.