Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isinulat sa Ating Ikatututo”

“Isinulat sa Ating Ikatututo”

“Isinulat sa Ating Ikatututo”

“ANG paggawa ng maraming aklat ay walang wakas.” (Eclesiastes 12:12) Totoo pa rin ang mga pananalitang ito sa kasalukuyan yamang santambak na babasahin ang makukuha sa ngayon. Kung gayon, paano makapagpapasiya ang isang mapamiling mambabasa kung alin ang nararapat niyang bigyan ng atensiyon?

Kapag pumipili ng isang aklat na babasahin, gusto ng maraming mambabasa na makakuha muna ng ilang impormasyon hinggil sa awtor. Maaaring maglagay ang mga tagapaglathala ng isang maigsing parapo hinggil sa sinilangan, edukasyon, at mga akda ng awtor. Noong nakalipas na mga siglo, mahalagang malaman kung sino ang manunulat dahil may mga babaing awtor na gumagamit ng mga pangalang panlalaki upang hindi isipin ng mga mambabasa na mababang klase ang aklat dahil lamang sa babae ang sumulat nito.

Nakalulungkot, gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ipinagwawalang-bahala ng ilan ang Hebreong Kasulatan sapagkat iniisip nilang ang Diyos na inilalarawan dito ay isang malupit na diyos na walang-awang lumilipol sa kaniyang mga kaaway. * Suriin natin ang sinasabi mismo ng Hebreong Kasulatan at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan hinggil sa Awtor ng Bibliya.

Hinggil sa Awtor

Ayon sa Hebreong Kasulatan, sinabi ng Diyos sa bansang Israel: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Makalipas ang mga 500 taon, ganito ang isinulat ng manunulat ng Bibliya na si Santiago hinggil sa Diyos: “Sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” (Santiago 1:17) Kung gayon, bakit kaya inaakala ng ilan na ang Diyos na binabanggit sa Hebreong Kasulatan ay iba sa Diyos ng Kristiyanong Griegong Kasulatan?

Kasi, ang iba’t ibang aspekto ng personalidad ng Diyos ay isinisiwalat sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Sa aklat lamang ng Genesis, sinasabing siya ay “nasaktan sa kaniyang puso,” ang “Maygawa ng langit at lupa,” at “Hukom ng buong lupa.” (Genesis 6:6; 14:22; 18:25) Sa iisang Diyos ba lamang tumutukoy ang mga paglalarawang ito? Oo.

Bilang paglalarawan: Ang isang hukom ay maaaring kilala ng kaniyang mga nilitis bilang isang mahigpit na tagapagpatupad ng batas. Sa kabilang panig, maaaring itinuturing siya ng kaniyang mga anak bilang isang maibigin at mapagbigay na ama. Para naman sa kaniyang mga kaibigan, isa siyang taong madaling lapitan at palabiro. Ang hukom, ama, at kaibigan ay iisang tao lamang. Lumilitaw ang kaniyang iba’t ibang personalidad depende sa situwasyon.

Sa katulad na paraan, inilalarawan ng Hebreong Kasulatan si Jehova bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” Pero natutuhan din natin na “sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Ang dalawang aspektong ito ng personalidad ng Diyos ay kasuwato ng kahulugan ng kaniyang pangalan. Ang “Jehova” ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging anuman na kailangan upang matupad ang kaniyang mga pangako. (Exodo 3:13-15) Pero siya pa rin ang Diyos na iyon. Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.”​—Marcos 12:29.

Napalitan Na ba ang Hebreong Kasulatan?

Karaniwan nang pinapalitan sa ngayon ang mga aklat-aralin kapag may bagong mga bagay na natuklasan ang mga mananaliksik o kapag nagbago na ang saloobin ng mga tao. Pinalitan na ba ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Hebreong Kasulatan sa gayong paraan? Hindi.

Kung intensiyon ni Jesus na ipalit sa Hebreong Kasulatan ang ulat ng kaniyang ministeryo at ang mga isinulat ng kaniyang mga alagad, tiyak na sasabihin niya ito. Gayunman, hinggil kay Jesus bago siya umakyat sa langit, sinasabi ng ulat ni Lucas: “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta [sa Hebreong Kasulatan] ay binigyang-kahulugan niya [sa dalawa sa kaniyang mga alagad] ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Nang maglaon, nagpakita si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol at sa iba pa. Dagdag pa ng ulat: “Sinabi niya ngayon sa kanila: ‘Ito ang aking mga salita na sinalita ko sa inyo noong ako ay kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit tungkol sa akin.’” (Lucas 24:27, 44) Bakit pa gagamitin ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa katapusan ng kaniyang ministeryo sa lupa kung lipas na ang mga ito?

Matapos itatag ang kongregasyong Kristiyano, patuloy na ginamit ng mga tagasunod ni Jesus ang Hebreong Kasulatan upang itampok ang mga hulang hindi pa natutupad, mga simulain mula sa Kautusang Mosaiko na nagtuturo ng mahahalagang aral, at mga ulat hinggil sa mga sinaunang lingkod ng Diyos na may magagandang halimbawang nagpapasigla sa mga Kristiyano na manatiling tapat. (Gawa 2:16-21; 1 Corinto 9:9, 10; Hebreo 11:1–12:1) “Ang lahat ng Kasulatan,” ang sulat ni apostol Pablo, “ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” * (2 Timoteo 3:16) Bakit kapaki-pakinabang sa ngayon ang Hebreong Kasulatan?

Mga Payo Para sa Pang-araw-araw na Pamumuhay

Isaalang-alang ang problema sa ngayon hinggil sa pagtatangi ng lahi. Sa isang lunsod sa Silangang Europa, ganito ang sinabi ng 21-anyos na lalaking taga-Etiopia: “Kapag may pupuntahan kami, kailangan naming magsama-sama. Wala na sigurong mananakit sa amin kung sama-sama kami.” Sinabi pa niya: “Hindi na kami makalabas kapag pasado alas-seis na nang gabi, lalo na sa subwey. Kapag tinitingnan kami ng mga tao, wala silang ibang nakikita kundi ang kulay namin.” Makatutulong ba ang Hebreong Kasulatan para malutas ang mabigat na problemang ito?

Sinabihan ang sinaunang mga Israelita: “Kung ang isang naninirahang dayuhan ay manirahang kasama mo bilang dayuhan sa inyong lupain, huwag ninyo siyang pagmamalupitan. Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto.” (Levitico 19:33, 34) Oo, ang kautusang ito sa sinaunang Israel ay humihiling na igalang ang mga “naninirahang dayuhan,” at iningatan ito sa Hebreong Kasulatan. Tiyak na sasang-ayon ka na ang mga simulain sa likod ng kautusang iyon ay makalulutas sa kasalukuyang problema hinggil sa pagtatangi ng lahi.

Bagaman walang ibinibigay na detalyadong mga payo tungkol sa pananalapi, ang Hebreong Kasulatan ay mayroon namang praktikal na mga tagubilin hinggil sa matalinong paghawak ng pera. Halimbawa, mababasa natin sa Kawikaan 22:7: “Ang mangungutang ay alipin ng nagpapahiram.” (Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Maraming tagapayo hinggil sa pananalapi ang sumasang-ayon na ang di-matalinong pangungutang ay maaaring mauwi sa malalaking problema sa pananalapi.

Bukod diyan, ang paghahangad na yumaman anuman ang mangyari​—na karaniwang-karaniwan sa materyalistikong daigdig sa ngayon—​ay eksaktong inilarawan ng isa sa pinakamayayamang tao sa kasaysayan, si Haring Solomon. Sumulat siya: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 5:10) Isa ngang napakatalinong babala!

Pag-asa sa Hinaharap

Iisa lamang ang tema ng buong Bibliya: Gagamitin ng Diyos ang Kaharian sa pamamahala ni Jesu-Kristo upang ipagbangong-puri ang Kaniyang soberanya at pabanalin ang Kaniyang pangalan.​—Daniel 2:44; Apocalipsis 11:15.

Mula sa Hebreong Kasulatan, nalalaman natin kung ano ang magiging buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na umaaliw sa atin at tumutulong upang mapalapít sa Pinagmumulan ng kaaliwang iyon, ang Diyos na Jehova. Halimbawa, inihula ni propeta Isaias na magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga hayop at ng mga tao: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila.” (Isaias 11:6-8) Isa ngang napakagandang pag-asa!

At kumusta naman ang mga biktima ng pagtatangi ng lahi, malulubhang sakit, o kahirapan dahil sa mga kalagayang hindi nila kayang kontrolin? Ganito ang sinasabi ng hula sa Hebreong Kasulatan hinggil kay Kristo Jesus: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” (Awit 72:12, 13) Praktikal ang mga pangakong ito sapagkat tinutulungan nito ang mga nananampalataya na harapin ang kinabukasan nang may pag-asa at pagtitiwala.​—Hebreo 11:6.

Hindi nga nakapagtatakang kasihan si apostol Pablo na isulat: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa”! (Roma 15:4) Oo, ang Hebreong Kasulatan ay mahalagang bahagi pa rin ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kapaki-pakinabang ang mga ito para sa atin ngayon. Sikapin mo sanang matuto pa nang higit hinggil sa itinuturo ng buong Bibliya at sa gayo’y mapalapit ka sa Awtor nito, ang Diyos na Jehova.​—Awit 119:111, 112.

[Mga talababa]

^ par. 4 Sa artikulong ito, Hebreong Kasulatan ang tawag namin sa Matandang Tipan. (Tingnan ang kahong “Matandang Tipan o Hebreong Kasulatan?” sa pahina 6.) Sa katulad na paraan, Kristiyanong Griegong Kasulatan ang karaniwang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa Bagong Tipan.

^ par. 13 Maraming simulain sa Hebreong Kasulatan na lubhang kapaki-pakinabang sa ngayon. Gayunman, dapat tandaan na ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises.

[Kahon sa pahina 6]

MATANDANG TIPAN O HEBREONG KASULATAN?

Ang pananalitang “matandang tipan” ay mababasa sa 2 Corinto 3:14 sa King James Version. Sa saling iyon, ang “tipan” ay galing sa salitang Griego na di·a·theʹke. Ano ang kahulugan ng pananalitang “matandang tipan” sa 2 Corinto 3:14?

Ganito ang sinabi ng leksikograpong si Edward Robinson: “Yamang ang sinaunang tipan ay nasa mga aklat Mosaiko, ang [di·a·theʹke] ay tumutukoy sa aklat ng tipan, mga akdang Mosaiko, samakatuwid nga, sa kautusan.” Sa 2 Corinto 3:14, ang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang Kautusang Mosaiko, na isang bahagi lamang ng Kasulatan bago ang panahong Kristiyano.

Kung gayon, ano ang mas angkop na tawag sa unang 39 na aklat ng Banal na Bibliya? Sa halip na ipahiwatig na ang bahaging ito ng Bibliya ay lipas na o matanda na, tinukoy ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga tagasunod ang mga aklat na ito bilang “Kasulatan” at “banal na Kasulatan.” (Mateo 21:42; Roma 1:2) Kaya kasuwato ng kinasihang mga pananalitang ito, ang Matandang Tipan ay tinatawag ng mga Saksi ni Jehova na Hebreong Kasulatan sapagkat ang bahaging iyon ng Bibliya ay orihinal na isinulat pangunahin na sa wikang Hebreo. Sa katulad na paraan, ang Bagong Tipan ay tinatawag nilang Griegong Kasulatan sapagkat Griego ang wikang ginamit ng mga lalaking kinasihan ng Diyos na sumulat sa bahaging iyon ng Bibliya.

[Mga larawan sa pahina 4]

Ang isang tao ay maaaring makilala bilang isang may-paninindigang hukom, maibiging ama, at isang kaibigan

[Larawan sa pahina 5]

Ginamit ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa buong panahon ng kaniyang ministeryo

[Mga larawan sa pahina 7]

Anu-anong simulain sa Bibliya ang makatutulong sa isang tao na gumawa ng tamang mga desisyon?