Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Laging Isaisip ang Kahalagahan ng Komendasyon

Laging Isaisip ang Kahalagahan ng Komendasyon

Laging Isaisip ang Kahalagahan ng Komendasyon

NARINIG mo na bang nagrereklamo ang isang manggagawa dahil bihirang-bihira siyang bigyan ng komendasyon ng kaniyang amo? Baka ganiyan din ang iyong karanasan? O kung isa kang kabataan, ganiyan din ba ang reklamo mo tungkol sa iyong mga magulang o mga guro?

Maaaring totoo naman ang mga reklamong ito. Subalit ayon sa isang mananaliksik na Aleman, ang mga manggagawa ay nagrereklamo hindi dahil sa wala silang natatanggap na komendasyon kundi dahil hindi nagpapakita sa kanila ng personal na interes ang kanilang amo. Anuman ang dahilan, maliwanag na may kulang. Upang magkaroon ng kasiya-siyang ugnayan, parehong napakahalaga ng komendasyon at ng personal na interes.

Totoo rin ito pagdating sa pagsamba. Dapat makita sa kongregasyong Kristiyano na ang mga miyembro nito ay nagbibigay ng komendasyon, nagmamahalan, at nagpapakita ng personal na interes sa isa’t isa. Naaabot at napananatili nila ang ganitong magandang pagsasamahan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin ng Bibliya. Gayunman, kahit maibigin na ang kongregasyon, puwede pa rin itong mapasulong. Habang isinasaisip natin ito, isaalang-alang natin ang tatlong maiinam na halimbawa sa pagbibigay ng komendasyon: ang lingkod ng Diyos na si Elihu na nabuhay bago ang panahong Kristiyano, si apostol Pablo, at si Jesu-Kristo mismo.

Mabait at Magalang na Payo

Malaki ang naitulong ni Elihu, malamang na isang malayong kamag-anak ni Abraham, para maging timbang ang pananaw ni Job sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Mabait at magalang si Elihu. Matiyaga niyang hinintay na siya naman ang magsalita. Di-tulad ng di-umano’y mga kaibigan ni Job na wala nang ginawa kundi maghanap ng maipipintas, si Elihu ay hindi lamang nagpayo, kundi nagbigay rin ng komendasyon kay Job dahil sa matuwid na pamumuhay nito. Ginawa niya ito nang may pagkamagiliw at personal na interes bilang kaibigan, anupat tinawag niya si Job sa pangalan nito, di-tulad ng iba. Mabait niyang hiniling: “O Job, pakisuyong dinggin mo ang aking mga salita, at sa lahat ng aking pananalita ay makinig ka.” Sa magalang na pagpapakita ng empatiya kay Job, sinabi ni Elihu: “Narito! Ako ay gaya mo rin sa tunay na Diyos; hinubog ako mula sa luwad, ako man.” Saka siya nagbigay ng komendasyon: “Kung may mga salitang sasabihin, sagutin mo ako; magsalita ka, sapagkat ako ay nalugod sa iyong katuwiran.”​—Job 33:1, 6, 32.

Ang mabait at magalang na pakikitungo sa iba ay, sa diwa, isang paraan ng pagbibigay ng komendasyon. Para bang sinasabi natin sa ating kausap, ‘Nararapat lang kitang bigyan ng atensiyon at igalang.’ Sa ganitong paraan ay naipakikita natin ang pagmamahal at personal na interes sa kaniya.

Ang pagiging magalang at mabait ay hindi lamang basta pormal na pagsunod sa mga tuntunin ng kagandahang-asal. Upang maabot ang puso ng iba, kailangang taimtim at mula sa puso ang ating paggalang at kabaitan. Dapat na maging kapahayagan ito ng tunay na interes at pag-ibig.

Maging Mataktika sa Pagbibigay ng Komendasyon

Ipinakita ni apostol Pablo kung gaano kahalaga ang pagiging mataktika sa pagbibigay ng komendasyon. Halimbawa, samantalang nangangaral sa Atenas sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, ipinagtanggol niya ang Kristiyanismo sa harap ng ilang pilosopong Griego. Pansinin kung paano niya mataktikang ginampanan ang mahirap na atas na ito. “May ilan kapuwa sa mga Epicureo at sa mga pilosopong Estoico na nakipag-usap sa kaniya nang may pakikipagtalo, at ang ilan ay nagsasabi: ‘Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?’ Ang iba naman: ‘Siya ay waring isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.’” (Gawa 17:18) Kahit na gayon ang mga komento nila, nanatiling kalmado si Pablo at sumagot siya: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay waring higit kayong matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba.” Sa halip na hatulan ang kanilang idolatriya, binigyan sila ni Pablo ng komendasyon sa pagiging deboto sa kanilang relihiyon.​—Gawa 17:22.

Mapagkunwari ba si Pablo? Hindi. Alam niyang hindi siya inatasang humatol sa kaniyang mga tagapakinig; batid niyang dati rin siyang walang alam sa katotohanan. Ang atas niya ay upang ihayag ang mensahe ng Diyos, at hindi upang hatulan ang iba. Napatunayan niya mula sa kaniyang sariling karanasan ang napatutunayan din ng maraming Saksi ni Jehova sa ngayon: Ang ilang taimtim na tagapagtanggol ng huwad na relihiyon ay nagiging masugid na tagapagtanggol ng tunay na relihiyon.

Mabisa ang pamamaraan ni Pablo at maganda ang mga ibinunga nito. “Ang ilang mga tao ay nakisama sa kaniya at naging mga mananampalataya, na kabilang din dito si Dionisio, isang hukom ng hukuman ng Areopago, at ang isang babae na nagngangalang Damaris, at ang iba pa bukod sa kanila.” (Gawa 17:34) Napakahusay nga na binigyan ni Pablo ng komendasyon ang mga taga-Atenas sa kanilang taimtim na mga paniniwala​—bagaman huwad ang mga ito—​sa halip na hatulan sila dahil sa kawalan nila ng tumpak na kaalaman! Ang mga taong nailigaw ng maling impormasyon ay kadalasan nang may mabubuting puso.

Naging mataktika rin si Pablo nang ipatawag siya upang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa harap ni Herodes Agripa II. Balitang-balita na nakikipagrelasyon si Herodes sa kaniyang kapatid na si Bernice, isang bagay na maliwanag na hinahatulan ng Salita ng Diyos. Gayunman, hindi bumanggit si Pablo ng anumang paghatol. Sa halip, humanap siya ng makatuwirang saligan para bigyan ng komendasyon si Herodes. “May kinalaman sa lahat ng bagay na iniaakusa sa akin ng mga Judio, Haring Agripa, ibinibilang kong aking kaligayahan na gagawin ko sa harap mo ang aking pagtatanggol sa araw na ito, lalo na yamang ikaw ay dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio.”​—Gawa 26:1-3.

Isang katalinuhan nga na maging mataktika rin tayo kapag nakikitungo sa iba! Kung bibigyan natin ng komendasyon ang isang kapitbahay, kamag-aral, o katrabaho, magiging mapayapa ang ating ugnayan sa kanila at mapasisigla sila na gumawi nang mabuti. Kung aabutin natin ang puso ng taimtim na mga tao sa pamamagitan ng nararapat na komendasyon, maaari natin silang mapakilos na baguhin ang kanilang maling mga pangangatuwiran at paggawi, at iayon ito sa tumpak na kaalaman.

Ang Sakdal na Halimbawa ni Jesus sa Pagbibigay ng Komendasyon

Nagbigay ng komendasyon si Jesus. Halimbawa, matapos siyang buhaying muli at umakyat sa langit, si Jesus ay tinagubilinan ng Diyos na makipag-usap sa pitong kongregasyon sa Asia Minor sa pamamagitan ni apostol Juan. Binigyan niya ng komendasyon ang mga karapat-dapat. Sa mga kongregasyon sa Efeso, Pergamo, at Tiatira, ginamit niya ang mga pananalitang: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagbabata, at na hindi mo matiis ang masasamang tao”; “patuloy kang nanghahawakang mahigpit sa aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang iyong pananampalataya sa akin”; at “alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” Maging sa kongregasyon sa Sardis na nangangailangan ng matinding payo, binigyang-pansin ni Jesus ang mga indibiduwal na nararapat bigyan ng komendasyon, na sinasabi: “Gayunpaman, mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nagparungis ng kanilang mga panlabas na kasuutan, at lalakad silang kasama ko na nakaputi, sapagkat sila ay karapat-dapat.” (Apocalipsis 2:2, 13, 19; 3:4) Napakaganda ngang halimbawa ang ipinakita ni Jesus!

Bilang pagtulad kay Jesus, huwag na huwag nating hahatulan ang isang buong grupo dahil lamang sa pagkakamali ng ilan, ni bibigyan ang iba ng kinakailangang payo nang hindi nagbibigay ng angkop na komendasyon. Gayunman, dapat nating tandaan na kung nagbibigay lamang tayo ng komendasyon kapag plano nating magpayo, maaaring mawalan ng saysay ang ating komendasyon. Hangga’t maaari, palaging magbigay ng komendasyon! Sa gayon, kapag kailangan naman tayong magbigay ng payo sa ibang pagkakataon, mas madali itong tanggapin.

Mga Elder na Nagbibigay ng Angkop na Komendasyon

Naaalaala pa ni Cornelia, isang babaing Kristiyano na naglilingkod ngayon sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Europa, na noong unang mga taon ng dekada ng 1970, kinumusta ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang kaniyang personal na pag-aaral at pagbabasa ng magasin. “Medyo napahiya ako,” ang sabi niya. Pero inamin niyang hindi niya nababasa ang lahat ng artikulo sa magasin. “Sa halip na punahin ako, binigyan niya ako ng komendasyon sa pagsisikap kong magbasa. Napatibay ako nang husto sa kaniyang komendasyon, kaya magmula noon, wala na akong pinalalampas na artikulo.”

Nagugunita pa ni Ray, na naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Europa, ang unang araw niya bilang payunir. Nang gabing dumating sa Kingdom Hall ang punong tagapangasiwa, isang lalaking may trabaho at may mga obligasyon sa pamilya at maraming responsibilidad sa kongregasyon, agad siyang lumapit kay Ray at nagtanong, “Kumusta ang unang araw mo sa pagpapayunir?” Ngayon, makalipas ang halos 60 taon, naaalaala pa rin ni Ray ang pagkamaalalahanin ng elder na iyon.

Gaya ng ipinakikita ng dalawang karanasang iyon, napakaganda ng ibinubunga ng taimtim at maibiging pagpapahalaga sa ginagawa ng iba​—hindi lamang basta pagsasabi ng wala sa loob na mga salita o pambobola. Sa kongregasyong Kristiyano, napakaraming dahilan para bigyan natin ng komendasyon ang ating mga kapananampalataya. Halimbawa, maaari natin silang bigyan ng komendasyon dahil sa pagnanais nilang maglingkod kay Jehova, sa mahuhusay nilang komento, sa pagsisikap nilang labanan ang kaba upang makapagpahayag o makibahagi sa mga pulong, sa sigasig nila sa pangangaral at pagtuturo, at sa pagsisikap nilang unahin ang gawaing pang-Kaharian at espirituwal na mga tunguhin. Kapag nagbibigay tayo ng komendasyon, sagana tayong gagantimpalaan. Nagpapaligaya ito sa atin at nagkakaroon tayo ng positibong saloobin.​—Gawa 20:35.

Makabubuti para sa mga elder na bigyan ng komendasyon ang mga kapatid sa kongregasyon dahil sa kanilang maiinam na gawa. At kapag kailangan nilang magpayo, ginagawa nila ito sa maibiging paraan. Sa kabilang dako, iniiwasan nilang maging perpeksiyonista anupat itinuturing na malubhang kahinaan ang anumang maliit na pagkukulang.

Tunay ngang magiging pampatibay-loob sa mga kapatid ang mga Kristiyanong elder na tumutulad sa halimbawa ng pagiging magalang at mabait ni Elihu, sa pagiging mataktika ni Pablo, at sa maibiging pagmamalasakit ni Jesus. Ang pagbibigay ng komendasyon ay magpapasigla sa iba na maging mas mabubuting Kristiyano at magbubunga ito ng masaya at nagkakaisang pagsasamahan. Tiyak na masayang-masaya si Jesus nang marinig niya ang komendasyon ng kaniyang Ama sa langit noong bautismuhan siya: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan”! (Marcos 1:11) Pasayahin din sana natin ang ating mga kapatid sa pamamagitan ng ating taimtim at makabuluhang komendasyon.

[Mga larawan sa pahina 15]

Maganda ang ibinunga kay Pablo ng pagiging mataktika, ganiyan din ang maidudulot nito sa atin

[Larawan sa pahina 16]

Napakaganda ng ibinubunga ng maibigin at taimtim na komendasyon