Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niyang magiging “maingat” ang kaniyang tapat na alipin?

Nagbangon si Jesus ng tanong: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon?” (Mateo 24:45) Ang “alipin” na naglalaan ng espirituwal na “pagkain” ay ang kongregasyon ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Bakit sila tinawag ni Jesus na maingat? *

Higit nating mauunawaan mula sa mismong turo ni Jesus kung ano ang ibig niyang sabihin sa salitang “maingat.” Halimbawa, nang banggitin niya ang “tapat at maingat na alipin,” may sinabi si Jesus na isang talinghaga tungkol sa sampung dalaga na naghihintay sa pagdating ng kasintahang lalaki. Ang mga dalaga ay nagpapaalaala sa atin tungkol sa mga pinahirang Kristiyano bago ang 1914 na buong-pananabik na naghihintay sa pagdating ng dakilang Kasintahang Lalaki, si Jesu-Kristo. Sa sampung dalaga, lima ang naubusan ng langis nang dumating ang kasintahang lalaki kung kaya hindi sila nakadalo sa piging ng kasalan. Naging maingat naman ang natirang lima. Nagdala sila ng sapat na langis upang patuloy nilang mailawan ang pagdating ng kasintahang lalaki at sila’y pinapasok sa piging.​—Mateo 25:10-12.

Nang maghari si Jesus noong 1914, marami sa mga pinahirang Kristiyano ang nag-akalang makakasama na agad sila ni Jesus sa langit. Pero marami pa silang dapat gawin sa lupa, at hindi nakapaghanda ang ilan sa kanila. Gaya ng di-maingat na mga dalaga, hindi nila patiunang pinalakas ang kanilang sarili sa espirituwal, kaya hindi sila nakahandang magpatuloy sa pagdadala ng liwanag. Pero ang karamihan ay naging maingat​—taglay ang karunungan at talas ng isip—​at naging malakas sa espirituwal. Nang malaman nilang marami pa silang gagawin, masaya silang naghanda upang gampanan iyon. Kaya naman napatunayang sila nga ang “tapat at maingat na alipin.”

Tingnan din natin ang paggamit ni Jesus sa salitang “maingat” sa Mateo 7:24. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” Matatag ang pinagtayuan ng maingat na lalaki, bilang paghahanda sa posibleng pagbagyo. Sa kabaligtaran, ang mangmang na lalaki ay nagtayo sa buhanginan kung kaya nawasak ang kaniyang bahay. Samakatuwid, ang maingat na tagasunod ni Jesus ay yaong may kakayahang makini-kinita ang masasamang ibubunga ng pagsunod sa karunungan ng tao. Dahil sa kaniyang kaunawaan at mahusay na pagpapasiya, matatag niyang isinasalig ang kaniyang pananampalataya, gawa, at turo sa mga itinuro ni Jesus. Ganito rin ang ginagawa ng “tapat at maingat na alipin.”

Pansinin din kung paano ginamit ang salita na isinaling “maingat” sa maraming bersiyon ng Hebreong Kasulatan. Halimbawa, ipinamahala ni Paraon kay Jose ang suplay ng pagkain ng Ehipto. Bahagi ito ng kaayusan ni Jehova para mabigyan ng pagkain ang kaniyang bayan. Bakit si Jose ang pinili? Sinabi ni Paraon sa kaniya: “Walang sinuman ang maingat at marunong na gaya mo.” (Genesis 41:33-39; 45:5) Gayundin, sinasabi sa Bibliya na naging maingat si Abigail. Binigyan niya ng pagkain ang pinahiran ni Jehova na si David at ang mga tauhan nito. (1 Samuel 25:3, 11, 18) Sina Jose at Abigail ay masasabing maingat dahil naunawaan nila ang kalooban ng Diyos at ginamit nila ang talas ng kanilang isip at husay sa pagpapasiya.

Kaya nang ilarawan ni Jesus ang tapat na alipin bilang maingat, ipinahiwatig niyang ang mga kumakatawan sa aliping iyan ay magpapakita ng kaunawaan, talas ng isip, at husay sa pagpapasiya dahil isinasalig nila ang kanilang pananampalataya, gawa, at turo sa katotohanan ng Salita ng Diyos.

[Talababa]

^ par. 3 Ang “maingat” ay salin mula sa salitang Griego na phroʹni·mos. Ayon sa akda ni M. R. Vincent na Word Studies in the New Testament, ang salitang ito ay kadalasan nang tumutukoy sa praktikal na karunungan at mahusay na pagpapasiya.