Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jonatan—“Siya ay Gumawang Kasama ng Diyos”

Jonatan—“Siya ay Gumawang Kasama ng Diyos”

Jonatan​—“Siya ay Gumawang Kasama ng Diyos”

PINUNTAHAN ng anak ng unang hari ng Israel ang isang takas na nagtatago. “Huwag kang matakot,” ang sabi niya sa takas, “sapagkat hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama, at ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo.”​—1 Samuel 23:17.

Ang dumalaw ay si Jonatan; ang takas ay si David. Kung hindi namatay si Jonatan di-nagtagal pagkatapos nito, malamang na siya ang naging kanang-kamay ni David.

Pambihira ang pakikipagkaibigan ni Jonatan kay David at kahanga-hanga rin si Jonatan. Ganiyan din ang iniisip ng kaniyang mga kapanahon, yamang sinabi nila tungkol sa kaniya: “Siya ay gumawang kasama ng Diyos.” (1 Samuel 14:45) Bakit nila sinabi ito? Anu-ano ba ang mga katangian ni Jonatan? At ano ang matututuhan mo sa kaniyang talambuhay?

“Nasa Kagipitan” ang mga Israelita

Nang banggitin ng Bibliya ang tungkol kay Jonatan, “nasa kagipitan” ang mga Israelita. Dinambong ng mga Filisteo ang kanilang lupain at pinigilan silang ipagtanggol ang kanilang sarili.​—1 Samuel 13:5, 6, 17-19.

Subalit sinabi ni Jehova na hindi niya pababayaan ang kaniyang bayan, at nagtitiwala rito si Jonatan. Ganito ang sinabi ng Diyos hinggil sa kaniyang ama na si Saul: “Ililigtas niya ang aking bayan mula sa kamay ng mga Filisteo.” Nanalig si Jonatan sa mga pananalitang ito. Napangunahan na niya ang 1,000 Israelitang walang gaanong armas at natalo nila ang mga Filisteo. Ngayo’y gusto na niyang lubusang sugpuin ang mga Filisteo.​—1 Samuel 9:16; 12:22; 13:2, 3, 22.

Isang Matapang na Paglusob

Planong lusubin ni Jonatan ang isang himpilan ng mga Filisteo malapit sa banging tawiran ng Micmash. (1 Samuel 13:23) Para marating ito, kailangan niyang akyatin ito sa pamamagitan ng kaniyang “mga kamay at [ng] kaniyang mga paa.” Hindi ito nakapigil sa kaniya sa paglusob. Ipinasiya ni Jonatan na salakayin ang himpilan nang silang dalawa lamang ng kaniyang tagapagdala ng baluti at sinabi rito: “Marahil ay kikilos si Jehova para sa atin, sapagkat walang balakid para kay Jehova upang magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”​—1 Samuel 14:6, 13.

Ang dalawang Israelita ay humiling ng palatandaan kay Jehova. Magpapakita sila sa mga lalaki sa himpilan. Kung sasabihin ng mga Filisteo: “Tumigil kayo hanggang sa makipag-ugnayan kami sa inyo!” hindi na itutuloy ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti ang kanilang paglusob. Pero kung sasabihin ng mga kalaban: “Sumampa kayo laban sa amin!” nangangahulugan ito na ibibigay ni Jehova kay Jonatan at sa kaniyang tagapagdala ng baluti ang tagumpay. Kapag natiyak ni Jonatan na tutulungan siya ng Diyos, lulusubin niya ang himpilan.​—1 Samuel 14:8-10.

Paano mananalo ang dalawang lalaking ito laban sa mga sundalo ng isang himpilan? Buweno, hindi ba’t tinulungan ni Jehova si Hukom Ehud nang pangunahan niya ang Israel laban sa Moab? Hindi ba’t tinulungan ng Diyos si Samgar, anupat pinatay niya ang 600 Filisteo sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka? At hindi ba’t binigyan ni Jehova si Samson ng kapangyarihan nang ilang beses niyang labanang mag-isa ang mga Filisteo? Nagtiwala si Jonatan na tutulungan din siya ng Diyos.​—Hukom 3:12-31; 15:6-8, 15; 16:29, 30.

Nang makita ang dalawang Israelita, sumigaw ang mga Filisteo: “Umahon kayo sa amin, at may isang bagay kaming ipaaalam sa inyo!” Umahon nga si Jonatan at ang kaniyang tagapagdala ng baluti. May-katapangan nilang nilusob at pinatay ang mga 20 kalabang sundalo, anupat nagkagulo ang himpilan. Marahil, inakala ng mga Filisteo na maraming kasunod na mandirigmang Israelita sina Jonatan. Pagkatapos nito, “nagkaroon ng panginginig . . . sa lahat ng mga tao sa himpilan,” ang sabi ng ulat, “at ang lupa ay nagsimulang mayanig, at ito ay naging panginginig mula sa Diyos.” Dahil sa pinasapit ng Diyos na lindol, nataranta ang mga Filisteo, kaya “ang tabak ng bawat isa ay naging laban sa kaniyang kapuwa.” Nang makita ito ng mga sundalo ng Israel, lumakas ang kanilang loob. Sumama sa kanila ang mga Israelitang nagtatago at mga dating kumampi sa mga Filisteo, at “pinagbabagsak nila ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Aijalon.”​—1 Samuel 14:11-23, 31.

Iniligtas ng Bayan

Padalus-dalos na gumawa ng isang panata si Haring Saul na dapat sumpain ang sinumang sundalong kakain bago sila manalo sa digmaan. Sa di-malamang dahilan, walang kamalay-malay si Jonatan sa panatang ito. Kumain si Jonatan. Isinawsaw niya ang kaniyang tungkod sa isang bahay-pukyutan at kumain ng pulot. Tila nagbigay ito sa kaniya ng lakas para tapusin ang labanan.​—1 Samuel 14:24-27.

Nang malaman ni Saul na kumain si Jonatan, iniutos niyang patayin ito. Hindi natakot si Jonatan na mamatay. “Narito ako! Hayaan mo akong mamatay!” ang sabi niya. “Ngunit sinabi ng bayan kay Saul: ‘Dapat bang mamatay si Jonatan, na nagsagawa ng dakilang pagliligtas na ito sa Israel? Malayong mangyari! Buháy si Jehova, walang isa mang buhok ng kaniyang ulo ang mahuhulog sa lupa; sapagkat siya ay gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.’ Sa gayon ay tinubos ng bayan si Jonatan, at hindi siya namatay.”​—1 Samuel 14:38-45.

Ang isang lingkod ng Diyos sa ngayon ay hindi kailangang makipaglaban sa aktuwal na mga digmaan, pero baka may mga panahon sa iyong buhay na kailangan mo rin ng pananampalataya at lakas ng loob. Baka nahihirapan kang gawin kung ano ang tama dahil mali ang ginagawa ng lahat ng nakapaligid sa iyo. Subalit palalakasin ka ni Jehova at pagpapalain niya ang iyong hangaring itaguyod ang kaniyang matuwid na mga pamantayan. Baka kailangan mo ng lakas ng loob upang balikatin ang pribilehiyo ng paglilingkod sa loob ng organisasyon ni Jehova, gaya ng pagpapalawak sa iyong ministeryo, pagtanggap ng bagong mga atas, o paglipat sa lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Baka nag-aalinlangan ka kung talaga nga kayang kuwalipikado ka sa atas na ibinigay sa iyo. Pero makatitiyak ka na kapuri-puri ang ginagawa mo kung ginagamit mo ang iyong buhay sa paraang nais ni Jehova. Tandaan si Jonatan! “Siya ay gumawang kasama ng Diyos.”

Sina Jonatan at David

Mga 20 taon pagkatapos nito, ang hukbo ng Israel ay tinuya ng tagapagtanggol ng mga Filisteo na si Goliat, pero pinatay siya ni David. Bagaman malamang na 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David, nagkakatulad sila sa maraming bagay. * Ang lakas ng loob na ipinakita ni Jonatan sa Micmash ay makikita rin kay David. Higit sa lahat, pareho sila ni David na nananampalataya sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jehova, anupat lakas-loob na hinarap ni David si Goliat samantalang naduwag naman ang ibang mga Israelita. Kaya “ang mismong kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at inibig siya ni Jonatan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.”​—1 Samuel 17:1–18:4.

Bagaman itinuring ni Haring Saul si David bilang karibal dahil sa kahusayan nito sa pakikipagbaka, walang bahid ng inggit ang makikita kay Jonatan. Sila ni David ay naging matalik na magkaibigan, at malamang na sa kanilang masinsinang pag-uusap, nalaman ni Jonatan na pinahiran si David bilang susunod na hari ng Israel. Iginalang ni Jonatan ang desisyon ng Diyos.

Nang banggitin ni Haring Saul sa kaniyang anak at mga lingkod ang pinaplanong pagpatay kay David, binabalaan ni Jonatan si David. Kinumbinsi ni Jonatan si Saul na wala itong dapat ikatakot kay David. Sa katunayan, wala namang kasalanan si David sa hari! Hindi ba’t isinapanganib pa nga ni David ang kaniyang buhay sa pagharap niya kay Goliat? Huminahon si Saul nang magsumamo si Jonatan alang-alang sa kaniyang pinagmalupitang kaibigan. Subalit di-nagtagal, itinuloy ng hari ang kaniyang pakanang patayin si David at dahil dito, napilitan si David na tumakas.​—1 Samuel 19:1-18.

Matapat na sinuportahan ni Jonatan si David. Nagkita ang magkaibigan upang pag-isipan kung ano ang dapat gawin. Palibhasa’y tapat sa kaniyang kaibigan subalit nagsisikap na maging tapat din sa kaniyang ama, sinabi ni Jonatan kay David: “Malayong mangyari! Hindi ka mamamatay.” Pero sinabi ni David kay Jonatan: “Isang hakbang na lamang ang namamagitan sa akin at sa kamatayan!”​—1 Samuel 20:1-3.

May naisip na plano sina Jonatan at David upang malaman ang intensiyon ni Saul. Kapag napansin ang pagkawala ni David sa hapag-kainan ng hari, sasabihin ni Jonatan sa kaniyang ama na hiniling ni David na pagpaumanhinan siya dahil makikibahagi siya sa isang pampamilyang hain. Kapag nagalit si Saul, palatandaan ito na gusto nitong patayin si David. Pinagpala ni Jonatan si David at ipinahiwatig na kinikilala niya ang paghahari ng kaniyang kaibigan sa hinaharap, na sinasabi: “Sumaiyo nawa si Jehova, kung paanong siya ay sumaaking ama.” Nanata ang dalawa na magiging tapat sila sa isa’t isa at pinagpasiyahan kung paano ipaaalam ni Jonatan kay David ang resulta ng kanilang plano.​—1 Samuel 20:5-24.

Nang makita ni Saul na wala si David, ipinaliwanag ni Jonatan na nakiusap si David sa kaniya: “Kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, pakisuyo, bayaan mo akong yumaon upang makita ko ang aking mga kapatid.” Hindi natatakot si Jonatan na amining sinusuportahan niya si David. Galit na galit ang hari! Ininsulto niya si Jonatan at pabulyaw na sinabing isang banta si David sa pagkahari ni Jonatan bilang kapalit niya. Inutusan ni Saul si Jonatan na dalhin sa harap niya si David para patayin ito. Sumagot si Jonatan: “Bakit siya papatayin? Ano ba ang nagawa niya?” Dahil sa bugso ng galit, hinagisan ni Saul ng sibat ang kaniyang anak. Hindi naman tinamaan si Jonatan pero lubhang nasaktan ang kaniyang damdamin may kinalaman kay David.​—1 Samuel 20:25-34.

Napakagandang halimbawa ng katapatan ang ipinakita ni Jonatan! Sa pananaw ng tao, wala siyang gaanong mapapakinabangan at malaki pa nga ang mawawala sa kaniya sa pakikipagkaibigan niya kay David. Pero itinalaga ni Jehova si David na kahalili ni Saul bilang hari, at ang layuning ito ng Diyos ay para sa kabutihan ni Jonatan at ng iba pa.

Madamdaming Paghihiwalay

Lihim na nakipagkita si Jonatan kay David para balitaan ito. Malinaw na hindi na muling makakatapak si David sa looban ni Saul. Umiyak at nagyakapan ang dalawang lalaki. Pagkatapos ay nagtago na si David.​—1 Samuel 20:35-42.

Minsan pa’y nakita ni Jonatan ang takas, noong nagtatago si David mula kay Saul sa “ilang ng Zip at Hores.” Doon ay pinatibay ni Jonatan si David sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Huwag kang matakot; sapagkat hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama, at ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo; at nalalaman din ni Saul na aking ama na gayon nga.” (1 Samuel 23:15-18) Di-nagtagal pagkatapos nito, namatay sina Jonatan at Saul sa pakikipagbaka sa mga Filisteo.​—1 Samuel 31:1-4.

Dapat bulay-bulayin ng lahat ng umiibig sa Diyos ang landasing pinili ni Jonatan. Nalilito ka ba kung kanino ka dapat maging tapat? Kung gayon, tandaan na hinimok ni Saul si Jonatan na isipin niya ang kaniyang kapakanan. Pero pinarangalan ni Jonatan si Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong pagpapasakop at paggalang sa kalooban ng Diyos. Nakigalak siya sa pinili ng Diyos na magiging susunod na hari ng Israel. Oo, sinuportahan ni Jonatan si David at naging tapat siya kay Jehova.

Kahanga-hanga ang mga katangian ni Jonatan. Tularan mo siya! Kung gagawin mo ito, masasabi ng mga tao sa iyo ang kagaya ng sinabi nila hinggil kay Jonatan: “Siya ay gumawang kasama ng Diyos.”​—1 Samuel 14:45.

[Talababa]

^ par. 18 Mga 20 taóng gulang si Jonatan nang una siyang banggitin bilang kumandante ng militar noong pasimula ng 40-taóng paghahari ni Saul. (Bilang 1:3; 1 Samuel 13:2) Kaya malamang na malapit nang mag-60 anyos si Jonatan nang mamatay siya noong mga 1078 B.C.E. Yamang 30 anyos noon si David, maliwanag na mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David.​—1 Samuel 31:2; 2 Samuel 5:4.

[Larawan sa pahina 19]

Hindi nainggit si Jonatan kay David