Kung Paano Lilinangin sa Puso ng Inyong Anak ang Pag-ibig sa Diyos
Kung Paano Lilinangin sa Puso ng Inyong Anak ang Pag-ibig sa Diyos
SA NGAYON, talagang hamon para sa isang tao na maglinang ng malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova. (Awit 16:8) Gaya ng inihula sa Bibliya, nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Karamihan sa mga tao ay “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Oo, ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay talagang bihira sa daigdig na ito.
Hindi natin dapat asahan na basta na lamang malilinang ng ating mga anak ang pag-ibig sa Diyos na Jehova. Kailangan natin silang tulungan upang magawa nila ito. Paano?
Masinsinang Pag-uusap
Malilinang natin sa puso ng ating mga anak ang pag-ibig sa Diyos kung ang ating sariling puso ay puno ng pag-ibig sa kaniya. (Lucas 6:40) Tinukoy ito ng Bibliya nang sabihin nito: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak.”—Deuteronomio 6:4-7.
Paano natin lilinangin sa puso ng ating anak ang pag-ibig sa Diyos? Una, dapat nating alamin kung ano ang nasa puso ng ating anak. Ikalawa, dapat din nating sabihin kung ano ang nilalaman ng ating puso.
Habang patungo sa Emaus kasama ng dalawa niyang alagad, hinimok muna sila ni Jesu-Kristo na sabihin ang kanilang mga inaasam at pinangangambahan. Matapos na mapakinggan sila, saka lamang itinuwid ni Jesus ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa Kasulatan. Nang maglaon ay nasabi nila: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin?” Iyon ay isang halimbawa ng masinsinang pag-uusap. (Lucas 24:15-32) Paano natin malalaman ang nadarama ng ating anak?
Kamakailan, ang ilang magulang na may mga anak na malalaki na at mabuting mga halimbawa sa kongregasyon ay tinanong may kinalaman sa masinsinang pakikipag-usap sa kanilang mga anak. Halimbawa, si Glen na taga-Mexico ay may apat na malalaki nang anak. * Ganito ang sinabi niya: “Kailangang magsikap ang mga magulang para maging palagay ang loob ng mga anak sa pakikipag-usap sa kanila. Isinaisantabi naming mag-asawa ang di-gaanong mahahalagang bagay upang makagugol kami ng higit na panahon para sa aming mga anak. Noong tin-edyer pa sila, inaabot kami ng hatinggabi kung minsan sa pag-uusap ng kahit anong gusto nilang pag-usapan namin. Gayundin naman habang kumakain kami, nalalaman namin ang kanilang mga maling iniisip at ikinikilos sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang pag-uusap, at may-kabaitan naming itinutuwid ang mga ito, na madalas nang hindi nila namamalayan.”
Kasangkot din sa masinsinang pag-uusap ang pagpapahayag ng kung ano ang nasa ating puso. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, . . . sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Ganito ang sinabi ni Toshiki, na ang tatlong anak ay buong-panahong mga ministro sa Hapon: “Madalas kong sabihin sa kanila noon kung bakit ako nananampalataya kay Jehova—kung bakit buong-puso akong naniniwala sa kaniyang pag-iral at kung paanong nakumbinsi ako ng karanasan ko sa buhay na totoo ang sinasabi ng Bibliya at na ito ang pinakamagaling na patnubay sa buhay.” Ganito ang sinabi ni Cindy na taga-Mexico: “Palaging nananalangin ang aking asawa kasama ang mga bata. Kapag naririnig nila ang kaniyang taos-pusong mga panalangin, nadarama nila na talagang totoo si Jehova.”
Ang Nagagawa ng Ating Halimbawa
Ang ating paraan ng pamumuhay ay mas malakas mangusap kaysa sa ating mga salita, dahil ipinakikita nito sa ating mga anak kung gaano kalaki ang pag-ibig natin sa Diyos. Dahil nakita ng mga tao ang pagkamasunurin ni Jesu-Kristo kay Jehova, nabatid nila ang laki ng kaniyang pag-ibig sa Juan 14:31.
Diyos. “Upang malaman ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama,” ang sabi ni Jesus, “kung ano ang utos na ibinigay sa akin ng Ama, gayon ang aking ginagawa.”—Si Gareth, isa sa mga Saksi ni Jehova sa Wales, ay nagsabi: “Dapat makita ng aming mga anak na mahal namin si Jehova at na sinisikap naming gawin ang ayon sa gusto niya. Halimbawa, nakikita ng mga anak ko na bilang pagsunod sa sinasabi sa atin ng Diyos, inaamin ko ang aking mga pagkakamali. Ngayon ay sinisikap din itong gawin ng aking mga anak.”
Ganito ang sinabi ng Australianong si Greg: “Nais naming makita ng aming mga anak na nakasentro ang aming buhay sa katotohanan. Kapag nagpapasiya kami tungkol sa trabaho at paglilibang, sinusuri muna namin kung makaaapekto ito sa aming Kristiyanong mga gawain. Nakagagalak makitang ganito rin ang ginagawa ng aming 19-anyos na anak na babae sa kaniyang paglilingkod bilang auxiliary pioneer.”
Pagtulong sa Ating mga Anak na Makilala ang Diyos
Hindi tayo maaaring umibig o magtiwala sa isa na hindi natin kilala. Dahil nais ni apostol Pablo na lumago ang pag-ibig kay Jehova ng mga Kristiyano sa Filipos, sumulat siya: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.” (Filipos 1:9) Sinabi ni Falconerio, taga-Peru na nagpapalaki ng apat na anak: “Ang regular na pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya na kasama nila ay nagpapatibay ng kanilang pananampalataya. Lumalamig ang pag-ibig nila sa Diyos kapag nakakalimutan ko itong gawin.” Ganito naman ang sinabi ni Gary na taga-Australia: “Madalas kong ipinakikita sa aking mga anak ang katibayan na natutupad ang mga hula ng Bibliya. Binabanggit ko rin ang kapakinabangan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Mahalaga ang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya para mapatibay ang kanilang pananampalataya.”
Bagaman dapat na maging seryoso kapag nag-aaral ng Bibliya kasama ang ating mga anak, dapat na palagay rin ang kanilang loob upang ito ay maging kasiya-siya. Ito ang pinakamabisang paraan para maikintal ang kaalaman sa puso nila. (Santiago 3:18) “Sa panahon ng aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, sinisikap namin na huwag kagalitan ang aming mga anak, kahit na medyo malilikot sila,” ang sabi ni Shawn at Pauline na taga-Britanya na may apat na anak. “Iniiba-iba namin ang paraan ng pag-aaral. Kung minsan, sila ang pinapipili namin ng paksang pag-aaralan. Ginagamit namin ang mga video ng organisasyon ni Jehova. Paminsan-minsan, inuulit namin ang isang seksiyon ng video o pansamantalang inihihinto ito upang pag-usapan.” Gayundin, isang ina sa Britanya na nagngangalang Kim ang nagsabi: “Naghahanda akong mabuti para sa pampamilyang pag-aaral nang sa gayo’y makapagbigay ako ng mga tanong na pag-iisipan ng aking mga anak. Masaya kami sa aming pag-aaral. Madalas kaming magtawanan.”
Pagpili ng mga Kasama
Higit na malilinang ang pag-ibig ng ating mga anak kay Jehova at ang pagpapahalaga nila sa tunay na pagsamba kung nakakasama nila ang mga taong umiibig sa Diyos. Kailangan ang pagsisikap para magkaroon ang ating mga anak ng maiinam na kasama na maaari nilang makausap at makalaro. Pero sulit naman ito! Bukod diyan, makikinabang din ang ating mga anak kung makikilala nila ang mga Saksi ni Jehova na ginawang karera sa kanilang buhay ang buong-panahong ministeryo. Marami ang pumili sa karerang ito dahil sa pakikisama sa masisigasig na lingkod ng Diyos. Ganito ang sinabi ng isang sister na naging misyonera: “Madalas na anyayahan noon ng aking mga magulang ang mga payunir para kumain. Kitang-kita ko na napakasaya nila sa kanilang paglilingkod kung kaya’t ninais ko na paglingkuran ang Diyos sa gayunding paraan.”
Siyempre pa, malakas ang impluwensiya ng masasamang kasama sa ating mga anak. Kaya dahil sa mga panganib ng masasamang pakikipagsamahan, masusubok ang ating kakayahan bilang mga magulang. (1 Corinto 15:33) Kailangan ng kasanayan sa pagtuturo sa ating mga anak kung paano nila maiiwasang makasama sa kanilang paglilibang ang mga hindi umiibig at kumikilala kay Jehova. (Kawikaan 13:20) Ganito ang sinabi ni Shawn na nabanggit kanina: “Tinuruan namin ang aming mga anak na maging palakaibigan sa kanilang mga kaklase, pero hanggang doon na lang iyon sa paaralan. Naunawaan ng aming mga anak kung bakit hindi sila dapat sumali sa mga ekstrakurikular na gawain o mga palaro sa paaralan.”
Kahalagahan ng Pagsasanay
Kapag sinasanay natin ang ating mga anak na ipaliwanag ang kanilang paniniwala sa iba, tinutulungan natin silang makita na kasiya-siyang ipahayag ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Sinabi ni Mark, taga-Estados Unidos: “Gusto naming maramdaman ng mga anak namin na maaari silang masiyahan sa pagbabahagi sa iba ng kanilang paniniwala anumang oras, hindi lamang sa pormal na pangmadlang ministeryo. Kaya kapag namamasyal kami sa parke, sa tabing-dagat, o sa gubat, nagdadala kami ng Bibliya at mga literaturang salig sa Bibliya, para makipag-usap sa mga tao roon tungkol sa aming paniniwala. Talagang nasisiyahan ang mga bata sa aming pagpapatotoo sa gayong paraan. Sumasali sila sa pag-uusap at sinasabi ang kanilang paniniwala.”
Maraming tao ang natulungan ng may-edad nang si apostol Juan sa paglilinang ng kanilang pag-ibig sa Diyos. Sinabi niya: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking [espirituwal na] mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Kung lilinangin natin sa puso ng ating mga anak ang pag-ibig sa Diyos, tiyak na mararanasan din natin ang gayong kagalakan.
[Talababa]
^ par. 8 Binago ang ilang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 9]
Kailangan ng pagsisikap para masinsinan nating makausap ang ating mga anak tungkol sa pagsamba sa Diyos
[Larawan sa pahina 10]
Sanayin ang inyong mga anak na ipahayag ang kanilang pag-ibig sa Diyos
[Credit Line]
Courtesy of Green Chimneys Farm