Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang inutusan ang mga Judio na walang isisilbing “anumang may lebadura” sa panahon ng Paskuwa, bakit gumamit si Jesus ng alak—isang produkto ng pagpapakasim—nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan?—Exodo 12:20; Lucas 22:7, 8, 14-20.
Ang Paskuwa, isang pagdiriwang na gumugunita sa Pag-alis ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto, ay pinasinayaan noong 1513 B.C.E. Kabilang sa mga tagubiling ibinigay ni Jehova hinggil sa pagdiriwang ng Paskuwa ang utos na ito: “Wala kayong kakaining anumang may lebadura. Sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng mga tinapay na walang pampaalsa.” (Exodo 12:11, 20) Ang pagbabawal na ito ng Diyos ay kapit lamang sa tinapay na kakainin tuwing Paskuwa. Walang binanggit na alak.
Ang pangunahing dahilan ng pagbabawal sa lebadura ay sapagkat madalian ang pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto. “Dinala ng bayan ang kanilang masang harina bago pa ito mapaasim, at ang kanilang mga masahan na nakabalot sa kanilang mga balabal na nakapasan sa kanilang balikat,” ang paliwanag ng Exodo 12:34. Ang hindi paggamit ng lebadura ay magpapaalaala sa mga susunod na salinlahing magdiriwang ng Paskuwa hinggil sa mahalagang pangyayaring ito.
Nang maglaon, madalas na itinuring ang lebadura bilang sagisag ng kasalanan o kasiraan. Halimbawa, sa pagtukoy sa isang taong imoral sa loob ng kongregasyong Kristiyano, tinanong ni apostol Pablo: “Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak?” Pagkatapos ay sinabi niya: “Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na. Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1 Corinto 5:6-8) Tanging ang tinapay na walang lebadura lamang ang maaaring gamitin bilang sagisag ng sakdal na katawan ni Jesus.—Hebreo 7:26.
Ang paggamit ng alak sa pagdiriwang ng Paskuwa ay idinagdag lamang ng mga Judio sa kalaunan. Malamang na idinagdag ito nang makabalik sila mula sa pagkatapon nila sa Babilonya. Wala namang sinasabi ang Bibliya na maling gamitin ang alak sa pagdiriwang, kung kaya’t ginamit ito ni Jesus sa hapunan ng Paskuwa. Siyempre pa, ang likas na pagkasim ng alak noong sinaunang panahon ay naiiba sa pagkasim ng tinapay. Sa masa ng tinapay, kailangan ng pampaalsa, o lebadura, para kumasim ito. Hindi na ito kailangan sa paggawa ng alak mula sa ubas. Ang mga ubas ay may likas na mga sangkap sa pagkasim. Tiyak na wala nang makukuhang purong katas ng ubas sa panahon ng Paskuwa sa tagsibol yamang kumasim na ito mula nang anihin ang mga ubas noong taglagas.
Kaya ang paggamit ni Jesus ng alak bilang emblema ng Memoryal ay hindi sumasalungat sa tagubilin sa pagdiriwang ng Paskuwa may kaugnayan sa paggamit ng lebadura. Anumang pulang alak na hindi hinaluan ng asukal, brandi, yerba, o espesya ay angkop na gamiting sagisag sa “mahalagang dugo” ni Kristo.—1 Pedro 1:19.