Maling Pasiya ng Isang Mayamang Tagapamahala
Maling Pasiya ng Isang Mayamang Tagapamahala
MATUWID, masunurin sa batas, at relihiyoso ang mayamang tagapamahala. Lumapit siya kay Jesus, lumuhod, at nagtanong: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
Bilang tugon, sinabi ni Jesus na para magkamit ng buhay, dapat sundin ng tagapamahala ang mga utos ng Diyos. Nang hilingin nito na maging mas espesipiko si Jesus, sinabi ni Jesus: “Huwag kang papaslang, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang magpapatotoo nang may kabulaanan, Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina, at, Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Ito ang mga pangunahing batas sa Kautusang ibinigay kay Moises. Pagkatapos ay sinabi ng lalaki: “Tinutupad ko ang lahat ng mga ito; ano pa ang kulang sa akin?”—Mateo 19:16-20.
“Nakadama [si Jesus] ng pag-ibig sa kaniya” at nagsabi: “Isang bagay ang nagkukulang sa iyo: Humayo ka, ipagbili mo ang anumang bagay na taglay mo at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.”—Marcos 10:17-21.
Napaharap ngayon ang tagapamahala sa isang mabigat na pagpapasiya. Ano ang gagawin niya? Handa kaya niyang isakripisyo ang kaniyang materyal na kayamanan at maging tagasunod ni Jesus, o manghahawakan siya sa kaniyang mga ari-arian? Itataguyod ba niya ang kayamanan sa lupa, o ang kayamanan sa langit? Tiyak na nahirapan siyang magpasiya. Maliwanag na interesado siya sa kaniyang kaugnayan sa Diyos, dahil sinusunod naman niya ang Kautusan at nagtanong siya kung ano pa ang magagawa niya para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang naging pasiya niya? Siya ay “umalis na napipighati, sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.”—Marcos 10:22.
Hindi matalino ang naging pasiya ng tagapamahala. Kung siya ay naging tapat na tagasunod ni Jesus, nakamit sana niya ang kaniyang hinahangad—buhay na walang hanggan. Hindi sinabi kung ano ang nangyari sa lalaking iyon. Pero alam natin na pagkalipas ng mga apat na
dekada, winasak ng mga sundalo ng Roma ang Jerusalem at ang kalakhang bahagi ng Judea. Maraming Judio ang namatay at nawalan ng kayamanan.Kabaligtaran naman ng tagapamahalang iyon si apostol Pedro at ang iba pang mga alagad. Matalino ang naging pasiya nila. ‘Iniwan nila ang lahat ng mga bagay’ at sumunod kay Jesus. Tunay ngang nakinabang sila sa pasiyang iyon! Sinabi sa kanila ni Jesus na mas maraming pagpapala ang tatanggapin nila kaysa sa kanilang isinakripisyo. Bukod diyan, magmamana sila ng buhay na walang hanggan. Hindi nila kailanman pagsisisihan ang kanilang naging pasiya.—Mateo 19:27-29.
Lahat tayo ay gumagawa ng mga pagpapasiya sa buhay—ang ilan ay maliliit, ang ilan naman ay malalaki. Ano kaya ang ipinayo ni Jesus hinggil sa gayong mga pagpapasiya? Tatanggapin mo kaya ang kaniyang payo? Sa paggawa nito, tatanggap ka ng maraming pagpapala. Talakayin natin ngayon kung paano tayo magiging tagasunod ni Jesus at kung paano tayo makikinabang sa paggawa nito.