Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mamuhay Ngayon Kasuwato ng Layunin ng Diyos

Mamuhay Ngayon Kasuwato ng Layunin ng Diyos

Mamuhay Ngayon Kasuwato ng Layunin ng Diyos

“Namatay [si Kristo] para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili.”​—2 CORINTO 5:15.

1. Ikuwento ang naranasan ng isang misyonero sa kaniyang atas.

“ANG sasakyan namin ang kauna-unahang pribadong sasakyan na nakapasok sa liblib na nayong iyon sa Aprika pagkatapos ng gera sibil,” ang naalaala ng misyonerong si Aaron. * “Naputol ang komunikasyon namin sa maliit na kongregasyon doon, at kailangan naming asikasuhin ang pangangailangan ng mga kapatid. Bukod sa pagkain, damit, at literatura sa Bibliya, nagdala kami ng kopya ng video na Jehovah’s Witnesses​—The Organization Behind the Name. * Napakaraming interesadong tao ang nagdagsaan para panoorin ito sa kanilang ‘sinehan’​—isang malaking kubo na may video player at TV sa loob—​kaya dalawang ulit naming ipinalabas ito. Marami ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya pagkatapos itong mapanood. Talaga namang sulit ang lahat ng pagsisikap namin.”

2. (a) Bakit ipinasiya ng mga Kristiyano na gamitin ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin ngayon?

2 Bakit tinanggap ni Aaron at ng kaniyang mga kasamahan ang mahirap na atas na iyon? Dahil inialay nila ang kanilang buhay sa Diyos at nais nilang gamitin ito kasuwato ng kaniyang layunin bilang pasasalamat sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Gaya nila, ipinasiya ng lahat ng nakaalay na Kristiyano na “huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili” kundi gawin ang kanilang buong makakaya “alang-alang sa mabuting balita.” (2 Corinto 5:15; 1 Corinto 9:23) Alam nilang kapag nagwakas ang sistemang ito ng mga bagay, ang lahat ng pera at katanyagan sa sanlibutan ay mawawalan ng saysay. Kaya gusto nilang gamitin ang kanilang buhay at lakas kasuwato ng layunin ng Diyos. (Eclesiastes 12:1) Paano rin natin ito magagawa? Paano tayo magkakaroon ng lakas at tibay ng loob upang magawa ito? At anu-anong larangan ng paglilingkod ang maaari nating pasukin?

Progresibo at Praktikal na mga Hakbang na Magagawa Natin

3. Anu-anong mahahalagang hakbang ang nasasangkot sa paggawa ng kalooban ng Diyos?

3 Nais ng tunay na mga Kristiyano na gawin ang kalooban ng Diyos habang nabubuhay sila. Kadalasan nang nagsisimula ito sa pamamagitan ng mahahalagang hakbang gaya ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya, pagpapatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pakikibahagi sa pangangaral, at pagpapabautismo. Habang sumusulong tayo, isinasaisip natin ang mga salita ni apostol Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” (1 Timoteo 4:15) Sinisikap nating sumulong hindi para itaas ang ating sarili kundi upang ipakitang determinado tayong gawin ang kalooban ng Diyos nang walang pag-iimbot. Sa paggawa nito, hinahayaan nating ang Diyos ang pumatnubay sa lahat ng ating pasiya sa buhay, at di-hamak na mas kaya niyang gawin ito kaysa sa atin.​—Awit 32:8.

4. Paano natin madaraig ang ating mga pangamba?

4 Gayunman, kapag nag-aatubili tayo o masyadong iniisip ang ating sarili, maaaring makahadlang ito sa ating pagsulong sa paglilingkod sa Diyos. (Eclesiastes 11:4) Kaya para talagang masiyahan tayo sa paglilingkod sa Diyos at sa iba, baka kailangan muna nating daigin ang ating mga pangamba. Halimbawa, pinag-iisipan ni Erik kung maglilingkod ba siya sa isang kongregasyon na banyaga ang wika. Pero nag-aalala siya: ‘Mahihiyang kaya ako doon? Makakasundo ko kaya ang mga kapatid? Makakasundo kaya nila ako?’ Sinabi pa niya: “Nang dakong huli, natanto ko na mas dapat ko palang isipin ang mga kapatid sa halip na ang aking sarili. Sinabi ko sa sarili ko na hindi na ako mag-aalala at iisipin ko na lamang kung paano ako makatutulong sa iba. Idinalangin ko ito at itinuloy ko ang aking plano.” Nang makalipat na sa bagong kongregasyon si Erik, sinabi niya: “Masayang-masaya ako ngayon sa paglilingkod doon.” (Roma 4:20) Talaga ngang makadarama tayo ng kasiyahan at pagkakontento hangga’t naglilingkod tayo sa Diyos at sa iba nang walang pag-iimbot!

5. Bakit kailangan ang maingat na pagpaplano upang makapamuhay tayong kasuwato ng layunin ng Diyos? Ilarawan.

5 Kailangan din ang maingat na pagpaplano upang matagumpay tayong makapamuhay kasuwato ng layunin ng Diyos. May-katalinuhan nating iniiwasang magkapatung-patong ang ating utang upang hindi tayo maging alipin ng sistemang ito at malimitahan ang ating kalayaang maglingkod sa Diyos. Ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.” (Kawikaan 22:7) Magkakaroon tayo ng tamang pangmalas sa mga bagay-bagay kung magtitiwala tayo kay Jehova at kung uunahin natin ang paglilingkod sa kaniya. Halimbawa, sa lugar na tinitirhan ni Guoming, ng kaniyang ina, at dalawang kapatid na babae, napakamahal bumili o umupa ng bahay at mahirap makahanap ng permanenteng trabaho. Ngunit dahil sa pagtitipid at pagtutulungan sa gastusin, nakararaos sila kahit hindi lahat ay may trabaho. “Kung minsan, walang kita ang kahit sinuman sa amin,” ang sabi ni Guoming. “Pero patuloy kaming nakapagpapayunir at naaalagaan din naming mabuti ang aming ina. Nagpapasalamat kami dahil ayaw ni Inay na isakripisyo namin ang pagpapayunir at ang iba pang gawain sa kongregasyon para lamang mabigyan siya ng maginhawang buhay.”​—2 Corinto 12:14; Hebreo 13:5.

6. Anong halimbawa ang nagpapakitang maaari nating iayon ang ating buhay sa layunin ng Diyos?

6 Kung masyado kang abala sa sekular na mga gawain​—pinansiyal man o iba pang bagay—​baka kailangan mong gumawa ng malalaking pagbabago upang maging pangunahin sa iyong buhay ang layunin ng Diyos. Karaniwan na, hindi mo magagawa ang gayong mga pagbabago sa magdamag lamang, at kung magkamali ka man sa simula, hindi mo dapat isipin na bigo ka. Kuning halimbawa si Koichi, na nagumon sa paglilibang. Nag-aral siya ng Bibliya noong tin-edyer siya, pero sa loob ng maraming taon, inubos niya ang kaniyang panahon sa paglalaro ng mga video game. Isang araw, nasabi ni Koichi sa kaniyang sarili: ‘Ano ka ba? Mahigit 30 anyos ka na pero wala pa ring direksiyon ang buhay mo!’ Ipinagpatuloy ni Koichi ang pag-aaral ng Bibliya at tinanggap niya ang tulong ng kongregasyon. Bagaman medyo mabagal ang pagbabago niya, hindi siya sumuko. Dahil sa madalas na pananalangin at sa maibiging pag-alalay ng iba, nakalaya rin siya sa kaniyang kinahuhumalingan. (Lucas 11:9) Maligaya na ngayong naglilingkod si Koichi bilang ministeryal na lingkod.

Matutong Maging Timbang

7. Bakit kailangan tayong maging timbang sa pagtupad sa gawain ng Diyos?

7 Dapat na sikapin natin nang husto na mamuhay kasuwato ng layunin ng Diyos. Hindi tayo dapat mag-atubili o maging tamad sa paggawa nito. (Hebreo 6:11, 12) Pero hindi naman gusto ni Jehova na sairin natin ang ating lakas​—sa pisikal, mental, o emosyonal na paraan. Kung mapagpakumbaba nating kinikilala na hindi natin maisasakatuparan ang gawain ng Diyos sa sarili nating lakas, naluluwalhati natin siya at naipakikita rin nating timbang tayo. (1 Pedro 4:11) Nangangako si Jehova na bibigyan niya tayo ng kinakailangang lakas upang magawa natin ang kaniyang kalooban, pero hindi natin dapat sagarin ang ating sarili, anupat sinisikap na gawin ang mga bagay na hindi naman niya inaasahan sa atin. (2 Corinto 4:7) Upang patuloy tayong makapaglingkod sa Diyos nang hindi naman tayo nasasagad, dapat tayong maging timbang sa paggamit ng ating lakas.

8. Ano ang nangyari nang sikaping ibigay ng isang kabataang Kristiyano ang kaniyang buong makakaya sa sanlibutan at kay Jehova, at anong pagbabago ang ginawa niya?

8 Halimbawa, si Ji Hye na nakatira sa Silangang Asia ay dalawang taóng pumasok sa isang trabahong nakauubos ng panahon at lakas samantalang nagpapayunir. “Sinikap kong ibigay ang aking buong makakaya kay Jehova at sa sanlibutan,” ang sabi niya, “pero limang oras lamang ang tulog ko sa gabi. Nang dakong huli, pagód na ang isip ko kaya hindi na ako makapag-aral ng Bibliya, at hindi na ako masyadong masaya sa paglilingkod kay Jehova.” Upang mapaglingkuran si Jehova nang ‘buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas,’ humanap si Ji Hye ng mas simpleng trabaho. (Marcos 12:30) “Sa kabila ng panggigipit ng aking pamilya na kumayod ako nang husto para kumita nang malaki, sinikap kong unahin ang layunin ng Diyos,” ang sabi niya. “Sapat pa rin naman ang kinikita ko para makabili ng pangunahing mga pangangailangan, gaya ng presentableng damit. At masarap ang pakiramdam kapag kumpleto ang tulog mo! Nasisiyahan ako sa ministeryo, at mas matibay na ang aking kaugnayan kay Jehova ngayon. Hindi na kasi ako masyadong nahahantad sa mga pang-akit at panggambala ng sanlibutan.”​—Eclesiastes 4:6; Mateo 6:24, 28-30.

9. Paano maaaring makaapekto sa mga tao sa ating teritoryo ang mga pagsisikap natin?

9 Hindi lahat ay makapaglilingkod sa Diyos bilang buong-panahong ebanghelisador. Kung ikaw man ay may-edad na, may mahinang kalusugan, o iba pang mga limitasyon, tandaan na lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang iyong katapatan at ang anumang buong-kaluluwang paglilingkod na maibibigay mo. (Lucas 21:2, 3) Kaya hindi dapat maliitin ng sinuman sa atin ang epekto sa iba ng ating mga pagsisikap, kahit na limitado lamang ito. Halimbawa, ipagpalagay nating dumalaw tayo sa ilang bahay, pero tila walang sinumang interesado sa ating mensahe. Kahit na matagal na tayong nakaalis, maaaring mapag-usapan pa rin ng mga may-bahay ang pagdalaw natin, kahit walang isa man sa kanila ang nagpatulóy sa atin! Alam nating hindi lahat ay makikinig, pero may ilan din namang tutugon. (Mateo 13:19-23) Sa kalaunan ay maaaring tanggapin ng iba ang ating mensahe kapag nagbago ang mga kalagayan sa sanlibutan o ang kanilang situwasyon sa buhay. Makinig man o hindi ang mga tao, hangga’t ginagawa natin ang ating buong makakaya sa ministeryo, naisasakatuparan natin ang gawain ng Diyos. “Mga kamanggagawa [tayo] ng Diyos.”​—1 Corinto 3:9.

10. Ano ang maaaring gawin ng bawat miyembro ng kongregasyon?

10 Bukod diyan, lahat tayo ay makatutulong sa ating mga kapamilya at sa ating mga kapatid sa kongregasyon. (Galacia 6:10) Ang ating mabuting impluwensiya ay maaaring magkaroon ng malalim at namamalaging epekto sa iba. (Eclesiastes 11:1, 6) Kapag masikap na isinasabalikat ng mga elder at ministeryal na lingkod ang kanilang mga pananagutan, nakatutulong sila para maging malusog at matatag sa espirituwal ang mga kabilang sa kongregasyon, at susulong ang gawaing Kristiyano. Makatitiyak tayo na kung ‘marami tayong ginagawa sa gawain ng Panginoon,’ ang ating pagpapagal “ay hindi sa walang kabuluhan.”​—1 Corinto 15:58.

Gawing Tunguhin sa Buhay ang Pagtupad sa Layunin ng Diyos

11. Bukod sa paglilingkod sa sariling kongregasyon, ano pang mga pribilehiyo ang puwede nating abutin?

11 Bilang mga Kristiyano, nasisiyahan tayong mabuhay, at gusto nating luwalhatiin ang Diyos sa lahat ng ating ginagawa. (1 Corinto 10:31) Kapag matapat nating ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian at itinuturo sa iba na tuparin ang lahat ng bagay na iniutos ni Jesus, maraming kasiya-siyang larangan ng paglilingkod ang maaari nating pasukin. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Bukod sa paglilingkod sa sariling kongregasyon, may pagkakataon tayong maglingkod sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan para sa mga mangangaral, maging sa ibang teritoryo, wika, o bansa. Ang kuwalipikado at binatang mga elder at ministeryal na lingkod ay maaaring anyayahang mag-aral sa Ministerial Training School, at pagkatapos ay maglingkod sa mga kongregasyon na nangangailangan ng tulong ng may-gulang na mga Kristiyano, sa kanilang sariling bansa o sa ibayong-dagat. Ang mga mag-asawa namang nasa buong-panahong ministeryo ay maaaring maging kuwalipikado sa pagsasanay bilang misyonero sa Paaralang Gilead at maglingkod sa isang banyagang lupain. At patuloy ang pangangailangan para sa mga boluntaryo sa iba’t ibang gawain sa Bethel at sa pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga tanggapang pansangay.

12, 13. (a) Paano ka makapagpapasiya kung anong larangan ng paglilingkod ang pipiliin mo? (b) Ilarawan kung paanong ang karanasan sa isang atas ay mapakikinabangan sa iba pang atas.

12 Anong larangan ng paglilingkod ang pipiliin mo? Bilang nakaalay na lingkod ni Jehova, laging umasa sa tagubilin niya at ng kaniyang organisasyon. Tutulungan ka ng kaniyang “mabuting espiritu” na gumawa ng tamang desisyon. (Nehemias 9:20) Ang isang atas ay maaaring maging tuntungang-bato para sa iba pang atas, at ang iyong karanasan at natutuhang kasanayan sa isang atas ay maaaring magamit sa iba pang atas.

13 Halimbawa, regular na tumutulong sa mga proyekto sa pagtatayo ng Kingdom Hall ang mag-asawang Dennis at Jenny. Matapos salantain ng Bagyong Katrina ang gawing timog ng Estados Unidos, nagboluntaryo silang tumulong sa mga nangangailangan. Ganito ang sabi ni Dennis: “Tuwang-tuwa kami na nagamit namin ang mga kasanayang natutuhan namin sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall para tulungan ang aming mga kapatid. Talagang nakaaantig ang pasasalamat ng mga natulungan namin. Ang karamihan sa mga grupong tumutulong sa mga nasalanta ay hindi gaanong naging matagumpay sa pagtatayong muli ng nasirang mga bahay, samantalang ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagkumpuni na o muling nakapagtayo ng 5,300 bahay at ng maraming Kingdom Hall. Napansin ito ng mga tao at mas interesado na sila ngayon sa ating mensahe.”

14. Ano ang maaari mong gawin kung gusto mong pumasok sa buong-panahong ministeryo?

14 Maaari mo bang gawing pangunahin sa iyong buhay ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong ministeryo? Kung oo, tiyak na marami kang matatanggap na pagpapala. Kung hindi ka makapagpayunir ngayon dahil sa iyong kalagayan, baka puwede kang gumawa ng pagbabago. Tularan si Nehemias na nanalangin hinggil sa kaniyang hangaring gawin ang isang mahalagang atas: “Ah, Jehova, pakisuyo, . . . maggawad ka ng tagumpay sa iyong lingkod.” (Nehemias 1:11) Saka samahan ng gawa ang iyong mga panalangin, anupat nagtitiwala sa “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Para pagpalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na makapaglingkod sa kaniya nang lubusan, kailangang ikaw muna ang kumilos. Kapag naipasiya mong pumasok sa buong-panahong ministeryo, panindigan ang iyong pasiya. Sa paglipas ng panahon, madaragdagan ang iyong karanasan at kagalakan.

Tunay na Makabuluhang Buhay

15. (a) Paano tayo makikinabang sa pakikipag-usap sa matatagal nang lingkod ng Diyos o sa pagbabasa ng kanilang talambuhay? (b) Bumanggit ng isang talambuhay na nakapagpatibay sa iyo.

15 Ano ang maaasahan mo kapag namuhay kang kasuwato ng layunin ng Diyos? Makipag-usap sa matatagal nang lingkod ni Jehova, lalo na sa mga nakagugol na ng maraming taon sa buong-panahong ministeryo. Talaga namang naging kasiya-siya at makabuluhan ang kanilang buhay! (Kawikaan 10:22) Maikukuwento nila sa iyo na hindi sila kailanman pinabayaan ni Jehova maging sa mahihirap na kalagayan at talagang pinaglaanan sila ng kanilang mga pangangailangan, at kung minsan ay higit pa. (Filipos 4:11-13) Mula 1955 hanggang 1961, naglathala ang The Watchtower ng seryeng “Pag-abot sa Aking Tunguhin sa Buhay” (“Pursuing My Purpose in Life”), na naglalaman ng mga talambuhay ng tapat na mga lingkod. Mula noon, napakaraming iba pang talambuhay ang nailathala. Makikita sa bawat talambuhay na ito ang kasigasigan at kagalakan na nagpapaalaala sa atin sa mga karanasang nakaulat sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa. Kapag nabasa mo ang nakaaantig na mga talambuhay na ito, masasabi mo, ‘Ito ang buhay na gusto ko!’

16. Bakit makabuluhan at maligaya ang buhay ng isang Kristiyano?

16 Ganito ang naalaala ni Aaron, na nabanggit sa pasimula: “Sa Aprika, marami akong nakilalang mga kabataan na kung saan-saan nakararating para maghanap ng layunin sa buhay. Hindi ito nasumpungan ng karamihan sa kanila. Pero heto kami, namumuhay kasuwato ng layunin ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian, kaya naman masaya at makabuluhan ang aming buhay. Naranasan namin mismo na may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

17. Bakit tayo dapat mamuhay ngayon kasuwato ng layunin ng Diyos?

17 Kumusta ka naman? Ano ang iyong tunguhin sa buhay? Kung wala kang malinaw na espirituwal na tunguhin, mauubos ang iyong panahon at lakas sa ibang mga bagay. Bakit mo sasayangin ang iyong mahalagang buhay sa mga bagay na iniaalok ng sistema ni Satanas na pawang ilusyon lamang? Sa nalalapit na “malaking kapighatian,” mawawalan ng kabuluhan ang materyal na mga kayaman at katayuan sa sanlibutan. Ang tanging mahalaga sa panahong iyon ay ang ating kaugnayan kay Jehova. Laking pasasalamat natin na pinaglingkuran natin ang Diyos at ang iba at lubusan tayong namuhay kasuwato ng layunin ng Diyos!​—Mateo 24:21; Apocalipsis 7:14, 15.

[Mga talababa]

^ par. 1 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 1 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Ano ang nadarama ni Jehova sa ating paglilingkod sa kaniya?

• Paano nakatutulong ang pagiging praktikal at timbang upang mapaglingkuran natin ang Diyos at ang iba?

• Anong pribilehiyo sa paglilingkod ang maaari nating abutin?

• Paano magiging tunay na makabuluhan ang ating buhay ngayon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 23]

Kailangan tayong maging timbang upang patuloy na makapaglingkod kay Jehova nang buong kaluluwa

[Mga larawan sa pahina 24]

Maraming paraan upang mapaglingkuran natin ang Diyos