Mga Pagpapasiyang Makapagpapaligaya sa Iyo
Mga Pagpapasiyang Makapagpapaligaya sa Iyo
“SANA’Y iba na lang ang ginawa ko!” Ilang beses mo na bang nasabi iyan sa sarili mo? Nais nating lahat na gumawa ng mga pasiyang hindi natin pagsisisihan sa dakong huli, lalo na kapag ang mga pagpapasiyang iyon ay may epekto sa ating buhay. Pero paano tayo makagagawa ng mga pasiyang magdudulot ng kaligayahan?
Unang-una, kailangan natin ang mga pamantayang tunay na mapananaligan. Talaga bang may gayong mga pamantayan? Marami ang nagsasabi na walang gayong mga pamantayan. Ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, 75 porsiyento ng mga magtatapos sa kolehiyo ang naniniwala na wala talagang pamantayan ng tama at mali, at ang mga ideya hinggil sa mabuti at masama ay depende sa “indibiduwal at kultura.”
Talaga bang makatuwirang isipin na ang mga pamantayang moral ay nakadepende lamang sa kagustuhan ng indibiduwal o ng nakararami? Hindi, hindi gayon. Kung malaya ang mga tao na gawin ang anumang naisin nila, magbubunga ito ng kaguluhan. Sino ang magnanais na mabuhay sa isang lugar na walang mga batas, hukuman, at mga pulis? Bukod diyan, hindi palaging mapananaligan ang personal na pananaw ng isa. Baka ipasiya nating gawin ang isang bagay na sa akala natin ay tama, pero sa dakong huli ay mali pala. Sa katunayan, ipinakikita ng buong kasaysayan ng tao ang katotohanan ng simulaing ito sa Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kung gayon, saan tayo makakakuha ng patnubay kapag nagpapasiya hinggil sa mahahalagang bagay sa buhay?
Matalino ang tagapamahalang binanggit sa naunang artikulo dahil humingi siya ng payo kay Jesus. Gaya ng nalaman natin, nang sagutin ni Jesus ang tanong ng lalaki, binanggit niya ang Kautusan ng Diyos. Kinilala ni Jesus na ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng pinakamataas na uri Juan 7:16) Oo, ang Salita ng Diyos ay isang mapananaligang gabay na tutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya sa buhay. Isaalang-alang natin ang ilang simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos, na kapag ikinapit ay makapagpapaligaya sa atin.
ng kaalaman at karunungan, at alam Niya kung ano ang pinakamagaling para sa Kaniyang mga nilalang. Dahil dito, sinabi ni Jesus: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Ang Gintong Aral
Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, itinuro ni Jesus ang isang pangunahing simulain na makatutulong sa atin na gumawa ng matalinong mga pasiya hinggil sa ating kaugnayan sa iba. Sinabi niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang simulaing ito ng paggawi ay madalas na tawaging Gintong Aral.
Ang ilan ay gumawa ng negatibong bersiyon ng tuntuning ito: “Huwag ninyong gawin sa iba ang hindi ninyo nais na gawin sa inyo.” Upang makita ang pagkakaiba ng Gintong Aral at ng negatibong bersiyon nito, isaalang-alang ang talinghaga ni Jesus hinggil sa madamaying Samaritano. Binugbog ang isang Judio at iniwan siyang halos patay na sa daan. Isang saserdote at isang Levita ang nakakita sa kaniya pero nilampasan lamang nila siya. Dahil wala naman silang ginawa na nakaragdag sa paghihirap ng lalaki, masasabi natin na ikinapit nila ang negatibong bersiyon ng Gintong Aral. Sa kabaligtaran, isang dumaraang Samaritano ang huminto para tulungan ang lalaki. Binendahan niya ang mga sugat ng lalaki at dinala ito sa isang bahay-tuluyan. Ginawa niya sa lalaki ang nais niyang gawin sa kaniya. Ikinapit niya ang Gintong Aral—at tama ang ginawa niyang pasiya.—Lucas 10:30-37.
Maikakapit natin sa maraming paraan ang tuntuning ito ng paggawi at makapagdudulot ito ng kaligayahan. Ipagpalagay na nagkaroon ka ng bagong mga kapitbahay. Bakit hindi ka magkusang makipagkilala sa kanila? Baka matulungan mo sila na maging pamilyar sa lugar, sagutin ang kanilang mga tanong, at matugunan ang ilan sa kanilang pangangailangan. Kung magkukusa ka sa pagpapakita ng pagmamalasakit sa iyong kapuwa, tiyak na magiging mabuti ang iyong kaugnayan sa iyong bagong mga kapitbahay. Masisiyahan ka rin yamang alam mong ginawa mo ang nakalulugod sa Diyos. Hindi ba’t isang matalinong pasiya iyan?
Mga Pagpapasiyang Nakasalig sa Pag-ibig sa Iba
Bukod sa Gintong Aral, nagbigay si Jesus ng iba pang tuntunin na tutulong sa iyo na gumawa ng matalinong mga pasiya. Nang tanungin kung ano ang pinakadakilang utos sa Kautusang Mosaiko, sumagot si Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.”—Mateo 22:36-40.
Noong gabi bago siya namatay, nagbigay si Jesus sa kaniyang mga alagad ng “isang bagong utos,” na ibigin nila ang isa’t isa. (Juan 13:34) Bakit niya sinabing bago ang utos na iyon? Tutal, hindi ba’t ipinaliwanag na niya na ang pag-ibig sa kanilang kapuwa ay isa sa dalawang utos kung saan nakasalalay ang buong Kautusan? Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, iniutos sa mga Israelita: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Subalit ngayon, higit pa rito ang iniuutos ni Jesus na gawin ng kaniyang mga alagad. Nang mismong gabing iyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ibibigay na niya ang kaniyang buhay para sa kanila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13) Oo, bago ang utos na ito sa diwa na hinihiling nito na unahin ng isa ang kapakanan ng iba bago ang kaniyang kapakanan.
Maraming paraan upang maipakita natin ang di-makasariling pag-ibig, anupat iniisip hindi lamang ang ating kapakanan. Halimbawa, sabihin natin na nakatira ka sa isang apartment at nais mong makinig ng musika. Gusto mo itong
patugtugin nang malakas pero kapag ginawa mo ito, maiirita naman ang iyong kapitbahay. Handa mo bang hinaan ang iyong pagpapatugtog para hindi mabulabog ang iyong kapitbahay? Sa ibang salita, handa mo bang unahin ang kapakanan ng iyong kapitbahay sa halip na ang iyong kagustuhan?Isaalang-alang pa ang isang situwasyon. Noong taglamig at makapal ang niyebe sa Canada, isang may-edad nang lalaki ang dinalaw ng dalawang Saksi ni Jehova. Sa kanilang pag-uusap, nabanggit ng lalaki na dahil sa kaniyang sakit sa puso, hindi niya mahawi ang niyebe sa harapan ng kaniyang bahay. Pagkalipas ng mga isang oras, narinig niyang may mga nagpapala ng niyebe. Bumalik ang dalawang Saksi upang hawiin ang niyebe sa daanan at sa hagdan sa harap ng kaniyang pintuan. “Nakita ko ngayon ang tunay na pag-ibig Kristiyano,” ang isinulat niya sa isang liham sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Canada. “Malaki ang naitulong nito para mabago ang aking negatibong pananaw sa daigdig ngayon. Lalo nitong pinatibay ang aking malaking paggalang sa inyong pandaigdig na gawain.” Oo, ang pagpapasiya na tumulong sa iba, gaanuman ito kaliit, ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa kanila. Talaga ngang nakapagdudulot ng kaligayahan ang gayong pagpapasiya na magsakripisyo para sa iba!
Mga Pagpapasiyang Nakasalig sa Pag-ibig sa Diyos
Ang isa pang salik na dapat nating isaalang-alang kapag nagpapasiya ay yaong sinabi ni Jesus na pinakadakilang utos—ang ibigin ang Diyos. Sinabi ni Jesus ang utos na ito sa mga Judio, na bilang isang bansa ay nakaalay na kay Jehova. Gayunpaman, dapat pa ring ipasiya ng mga Israelita bilang indibiduwal kung paglilingkuran nila ang Diyos nang buong kaluluwa at iibigin siya nang buong puso.—Deuteronomio 30:15, 16.
Sa katulad na paraan, makikita sa iyong mga pagpapasiya kung ano ang nadarama mo sa Diyos. Halimbawa, habang sumisidhi ang iyong pagpapahalaga sa pagiging praktikal ng Bibliya, mapapaharap ka rin sa isang pagpapasiya. Handa ka bang mag-aral ng Bibliya sa sistematikong paraan, na ang tunguhin ay maging tagasunod ni Jesus? Tiyak na magiging maligaya ka kung gagawin mo ito dahil sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
Hindi natin alam kung pinagsisihan ng tagapamahala ang kaniyang desisyon. Gayunman, alam natin kung ano ang nadama ni apostol Pedro pagkatapos niyang maging tagasunod ni Jesu-Kristo sa loob ng maraming taon. Noong mga 64 C.E., nang malapit na siyang mamatay, pinasigla ni Pedro ang kaniyang mga kapananampalataya: ‘Gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan kayo ng Diyos na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’ (2 Pedro 1:14; 3:14) Maliwanag na hindi pinagsisihan ni Pedro ang kaniyang naging pasiya mga 30 taon na ang nakalipas noon, at pinasigla niya ang iba na manindigan sa pasiyang ginawa nila.
Ang pagsunod sa payo ni Pedro ay nangangahulugan ng pagtanggap sa pananagutan na maging isa sa mga alagad ni Jesus at sundin ang mga utos ng Diyos. (Lucas 9:23; 1 Juan 5:3) Waring mahirap ito, pero tinitiyak sa atin ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Pansinin ang karanasan ni Arthur. Noong siya’y sampung taóng gulang pa lamang, nag-aral na siyang tumugtog ng biyolin, na nangangarap maging propesyonal na manunugtog. Sa edad na 14, tumutugtog na siya ng biyolin sa mga konsyerto. Pero hindi pa rin siya maligaya. Maraming tanong ang kaniyang ama hinggil sa kahulugan ng buhay at nag-aanyaya ito ng mga guro ng relihiyon sa kanilang tahanan; pero hindi ito nasisiyahan sa kanilang mga sagot. Bilang pamilya, pinag-uusapan nila kung talaga nga bang umiiral ang Diyos at kung bakit niya pinahihintulutan ang kasamaan. Minsan, nakausap ng ama ni Arthur ang mga Saksi ni Jehova. Naantig ang ama ni Arthur sa kanilang pag-uusap, at dahil dito, nag-aral ng Bibliya ang buong pamilya.
Nang maglaon, naunawaan ni Arthur mula sa Kasulatan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa at kung ano talaga ang layunin ng buhay. Si Arthur at ang tatlo niyang kapamilya ay gumawa ng pasiya na hindi nila pinagsisihan. Inialay nila ang kanilang buhay kay Jehova. Ganito ang sinabi ni Arthur: “Tuwang-tuwa ako na pinagkalooban ako ni Jehova ng kaalaman sa katotohanan at iniligtas niya ako mula sa pakikipagkompetensiyang karaniwan sa propesyonal na mga manunugtog. Gagawin ng mga tao ang lahat para lang magtagumpay.”
Nasisiyahan pa rin si Arthur na tumugtog ng biyolin para sa kaniyang mga kaibigan, pero hindi na rito nakasentro ang kaniyang buhay. Sa halip, ang kaniyang buhay ay nakasentro sa paglilingkod sa Diyos. Naglilingkod siya ngayon sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Kaya sa halip na tularan ang tagapamahala, tularan si Arthur at ang milyun-milyong iba pa. Gumawa ng pagpapasiyang talagang makapagpaligaya sa iyo—ang pagtanggap sa paanyaya ni Jesus na maging kaniyang tagasunod.
[Larawan sa pahina 6]
Ang iyong pagpapasiya ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa buhay ng iba
[Larawan sa pahina 7]
Mag-aaral ka ba ng Bibliya para maging tagasunod ni Jesus?