Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mali ba ang ginawang pagpapanggap ni Jacob na siya si Esau, gaya ng nakaulat sa Genesis 27:18, 19?

Marahil ay pamilyar ka sa ulat na ito. Nang matanda na si Isaac, inutusan niya si Esau na mangaso ng karne ng usa, na sinasabi: “Pakainin mo ako, upang pagpalain ka ng aking kaluluwa bago ako mamatay.” Narinig ni Rebeka ang sinabi ng kaniyang asawa kaya naghanda siya ng masarap na pagkain at inutusan si Jacob: ‘Dalhin mo iyon [ang pagkain] sa iyong ama at kakainin niya iyon, upang pagpalain ka niya bago siya mamatay.’ Pagkatapos, suot ang damit ni Esau at nakabalot ang kamay at leeg ng balat ng batang kambing, pumunta si Jacob sa kaniyang ama dala ang masarap na pagkain. Nang tanungin siya ni Isaac ng “Sino ka, anak ko?” sumagot si Jacob: “Ako ay si Esau na iyong panganay.” Naniwala si Isaac at ipinagkaloob sa kaniya ang pagpapala.​—Genesis 27:1-29.

Hindi sinasabi sa Bibliya ang lahat ng detalye kung bakit gayon ang ginawa nina Rebeka at Jacob, pero ipinahihiwatig nito na naging mabilis ang pangyayari. Pansinin natin na hindi hinatulan ni sinang-ayunan ng Salita ng Diyos ang ginawa ni Rebeka at Jacob, kaya ang ulat na ito ay hindi naglalaan ng parisan para sa pagsisinungaling at panlilinlang. Pero nagbigay ng impormasyon ang Bibliya tungkol sa situwasyon.

Una, nililiwanag ng ulat na si Jacob ay may karapatang tumanggap ng pagpapala mula sa kaniyang ama; si Esau ay wala. Bago nito, legal na binili ni Jacob ang pagkapanganay mula sa kaniyang kakambal na walang pagpapahalaga rito, na ipinagbili ito kapalit ng pagkain dahil nagugutom siya. “Hinamak ni Esau ang pagkapanganay.” (Genesis 25:29-34) Kaya nang lumapit si Jacob sa kaniyang ama, humihiling siya ng isang pagpapala na talagang nararapat lamang sa kaniya.

Ikalawa, nang matanto ni Isaac na naibigay niya kay Jacob ang pagpapala, hindi na niya ito binawi. Marahil ay naalaala niya ang sinabi ni Jehova kay Rebeka bago isilang ang kambal: “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Genesis 25:23) Kapansin-pansin din na noong paalis na si Jacob papuntang Haran, dinagdagan pa ni Isaac ang pagpapalang ibinigay niya noong una.​—Genesis 28:1-4.

Panghuli, dapat tandaan na alam ni Jehova at interesado siya sa lahat ng nangyayari. Ang pagpapalang ibinigay ni Isaac ay may kaugnayan sa pangako ng Diyos kay Abraham. (Genesis 12:2, 3) Kung hindi gusto ng Diyos na mapunta kay Jacob ang pagpapala, namagitan sana siya. Sa halip, tiniyak ni Jehova kay Jacob: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili.”​—Genesis 28:10-15.